1
Ang hula na nakita ni Habacuc na propeta.
2
Oh Panginoon, hanggang kailan dadaing ako, at hindi mo didinggin? Ako'y dadaing sa iyo dahil sa pangdadahas, at hindi ka magliligtas.
3
Bakit pinagpapakitaan mo ako ng kasamaan, at iyong pinamamasdan ang kasamaan? sapagka't ang kasiraan at pangdadahas ay nasa harap ko; at may pakikipagalit, at pagtatalong bumabangon.
4
Kaya't ang kautusan ay natitigil, at ang katarungan ay hindi lumalabas kailan man; sapagka't kinukulong ng masama ang matuwid; kaya't ang kahatulan ay lumalabas na liko.
5
Mangagmasid kayo sa gitna ng mga bansa, at tumingin kayo at mamangha kayo ng kagilagilalas; sapagka't ako'y gumagawa ng isang gawain sa inyong mga kaarawan na hindi ninyo paniniwalaan bagaman saysayin sa inyo.
6
Sapagka't narito, aking itinitindig ang mga Caldeo, yaong makapangingilabot at marahas na bansa, na lumalakad sa kaluwangan ng lupa, upang magari ng mga tahanang dako na hindi kanila.
7
Sila'y kakilakilabot at nangakatatakot; ang kanilang kahatulan at ang kanilang karangalan ay mula sa kanilang sarili.
8
Ang kanilang mga kabayo naman ay matutulin kay sa mga leopardo, at mababangis kay sa lobo sa gabi; at ang kanilang mga mangangabayo ay nagtutumulin na may kapalaluan: oo, ang kanilang mga mangangabayo ay nanganggagaling sa malayo; sila'y nagsisilipad na parang aguila na nagmamadali upang manakmal.
9
Sila'y nagsisiparitong lahat sa pangdadahas; ang kanilang mga mukha ay nangakatitig sa silanganan; at sila'y nangagpipisan ng mga bihag na parang buhangin.
10
Oo, siya'y nanunuya sa mga hari, at ang mga prinsipe ay katuyaan sa kaniya; kaniyang kinukutya ang bawa't katibayan; sapagka't nagbubunton siya ng alabok, at sinasakop.
11
Kung magkagayo'y lalampas siya na parang hangin, at magdaraan, at magiging salarin, sa makatuwid baga'y siya na ang kapangyarihan ay ang kaniyang dios.
12
Di baga ikaw ay mula sa walang hanggan, Oh Panginoon kong Dios, aking Banal? kami ay hindi mangamamatay. Oh Panginoon, iyong itinakda siya ukol sa kahatulan; at ikaw, Oh Malaking Bato, ay iyong itinatag siya na pinakasaway.
13
Ikaw na may mga matang malinis kay sa tumingin ng kasuwailan, at hindi ka makatitingin sa kasamaan, bakit mo minamasdan ang nagsisigawa ng paglililo, at tumatahimik ka pagka sinasakmal ng masama ang tao na lalong matuwid kay sa kaniya;
14
At kaniyang ginagawa ang mga tao na parang mga isda sa dagat, parang nagsisigapang na walang nagpupuno sa kanila?
15
Kaniyang binubuhat ng bingwit silang lahat, kaniyang hinuhuli sila sa kaniyang dala, at kaniyang pinipisan sila sa kaniyang lambat: kaya't siya'y nagagalak at siya'y masaya.
16
Kaya't siya'y naghahain sa kaniyang lambat, at nagsusunog ng kamangyan sa kaniyang lambat; sapagka't sa pamamagitan ng mga yao'y ang kaniyang bahagi ay mataba, at ang kaniyang pagkain ay sagana.
17
Mawawalan nga baga ng laman ang kaniyang lambat, at hindi mahahabag na pumatay na palagi sa mga bansa.