1
Nang ikapitong buwan nang ikadalawang pu't isang araw ng buwan, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Hagai na propeta, na nagsasabi,
2
Salitain mo ngayon kay Zorobabel na anak ni Sealtiel, na gobernador sa Juda, at kay Josue na anak ni Josadac, na pangulong saserdote, at sa nalabi sa bayan, na sabihin mo,
3
Sino ang nananatili sa inyo na nakakita sa bahay na ito sa kaniyang dating kaluwalhatian? at paanong nakikita ninyo ngayon? hindi baga sa inyong mga mata ay parang wala?
4
Gayon ma'y magpakalakas ka ngayon, Oh Zorobabel, sabi ng Panginoon; at magpakalakas ka, Oh Josue, na anak ni Josadac, na pangulong saserdote; at mangagpakalakas kayo, kayong buong bayan sa lupain, sabi ng Panginoon, at kayo'y magsigawa: sapagka't ako'y sumasa inyo sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
5
Ayon sa salita na aking itinipan sa inyo nang kayo'y magsilabas sa Egipto, at ang aking Espiritu ay nanahan sa inyo: huwag kayong mangatakot.
6
Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Minsan na lamang, sangdaling panahon, at aking uugain ang langit, at ang lupa, at ang dagat, at ang tuyong lupa;
7
At aking uugain ang lahat na bansa; at darating ang mga bagay na nais ng lahat na bansa; at aking pupunuin ang bahay na ito ng kaluwalhatian, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
8
Ang pilak ay akin, at ang ginto ay akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9
Ang huling kaluwalhatian ng bahay na ito ay magiging lalong dakila kay sa dati, sabi ng Panginoon ng mga hukbo; at sa dakong ito ay magbibigay ako ng kapayapaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
10
Nang ikadalawang pu't apat nang ikasiyam na buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Hagai na propeta, na nagsasabi,
11
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Mangagtanong kayo ngayon sa mga saserdote ng tungkol sa kautusan, na mangagsabi,
12
Kung ang isang tao ay may dala sa kaniyang kandungan na banal na karne, at magsagi ng kaniyang laylayan ang tinapay, o ulam, o alak, o langis, o anomang pagkain, magiging banal pa baga? At ang mga saserdote ay nagsisagot, at nangagsabi, Hindi.
13
Nang magkagayo'y sinabi ni Hagai, Kung ang sinomang marumi dahil sa bangkay ay masagi ang anoman sa mga ito, magiging marumi baga? At ang mga saserdote ay nagsisagot at nangagsabi, Magiging marumi.
14
Nang magkagayo'y sumagot si Hagai, at nagsabi, Gayon nga ang bayang ito, at gayon ang bansang ito sa harap ko, sabi ng Panginoon; at gayon ang bawa't gawa ng kanilang mga kamay; at ang kanilang inihahandog doon ay marumi.
15
At ngayo'y isinasamo ko sa inyo, na inyong gunitain mula sa araw na ito at sa nakaraan, bago ang bato ay mapatong sa kapuwa bato sa templo ng Panginoon.
16
Nang buong panahong yaon, pagka ang isa ay lumalapit sa isang bunton ng dalawang pung takal, may sangpu lamang; pagka ang isa ay lumalapit sa pigaan ng alak upang kumuha ng limang pung sisidlan, may dalawang pu lamang.
17
Sinalot ko kayo ng pagkalanta at ng amag at ng granizo sa lahat ng gawa ng inyong mga kamay; gayon ma'y hindi kayo nanumbalik sa akin, sabi ng Panginoon.
18
Isinasamo ko nga sa inyo, na kayo'y magdilidili mula sa araw na ito at sa nakaraan, mula nang ikadalawang pu't apat na araw ng ikasiyam na buwan, mula nang araw na ang tatagang-baon ng templo ng Panginoon ay ilagay, gunitain ninyo.
19
May binhi pa baga sa kamalig? oo, ang puno ng ubas, at ang puno ng igos, at ang granada, at ang puno ng olibo ay hindi nagbunga; mula sa araw na ito ay pagpapalain ko kayo.
20
At ang salita ng Panginoon ay dumating na ikalawa kay Hagai nang ikadalawang pu't apat na araw ng buwan, na nagsasabi,
21
Salitain mo kay Zorobabel na gobernador sa Juda, na iyong sabihin, Aking uugain ang langit at ang lupa;
22
At aking guguluhin ang luklukan ng mga kaharian, at aking gigibain ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa; at aking guguluhin ang mga karo, at yaong nagsisisakay sa mga yaon; at ang mga kabayo at ang mga sakay ng mga yaon ay mangahuhulog, ang bawa't isa'y sa pamamagitan ng tabak ng kaniyang kapatid.
23
Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kita'y kukunin, Oh Zorobabel, na aking lingkod, na anak ni Sealtiel, sabi ng Panginoon, at gagawin kitang pinaka panatak; sapagka't pinili kita, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.