Hakbang 100

pag-aaral

     

1 Hari 4:20-34

20 Ang Juda at ang Israel ay marami, na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat sa karamihan, na nagkakainan, at nagiinuman, at nagkakatuwa.

21 At si Salomon ay nagpupuno sa lahat ng kaharian na mula sa Ilog hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at hanggang sa hangganan ng Egipto: sila'y nagsipagdala ng mga kaloob, at nagsipaglingkod kay Salomon lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.

22 At ang pagkain ni Salomon sa isang araw ay tatlong pung takal ng mainam na harina, at anim na pung takal na harina,

23 Sangpung matabang baka, at dalawang pung baka na mula sa pastulan, at isang daang tupa, bukod pa ang mga usang lalake at babae, at mga usang masungay, at mga pinatabang hayop na may pakpak.

24 Sapagka't sakop niya ang buong lupain ng dakong ito ng Ilog, mula sa Tiphsa hanggang sa Gaza, sa lahat ng mga hari sa dakong ito ng Ilog: at siya'y may kapayapaan sa lahat ng mga dako sa palibot niya.

25 At ang Juda at ang Israel ay nagsitahang tiwasay, na bawa't tao'y sa ilalim ng kaniyang puno ng ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, sa lahat ng kaarawan ni Salomon.

26 At mayroon si Salomong apat na pung libong kabayo sa kaniyang mga silungan para sa kaniyang mga karo, at labing dalawang libong mangangabayo.

27 At ipinag-imbak ng mga katiwalang yaon ng pagkain ang haring Salomon, at ang lahat na naparoon sa dulang ng haring Salomon, bawa't isa'y sa kaniyang buwan: walang nagkulang na anoman.

28 Sebada naman at dayami sa mga kabayo, at sa mga matuling kabayo ay nagsipagdala sila sa dakong kinaroroonan ng mga pinuno, bawa't isa'y ayon sa kaniyang katungkulan.

29 At binigyan ng Dios si Salomon ng karunungan, at di kawasang katalinuhan at kaluwagan ng puso, gaya ng buhanging nasa tabi ng dagat.

30 At ang karunungan ni Salomon ay mahigit kay sa karunungan ng lahat na anak ng silanganan, at kay sa buong karunungan ng Egipto.

31 Sapagka't lalong pantas kay sa lahat ng mga tao; kay sa kay Ethan na Ezrahita, at kay Eman, at kay Calchol, at kay Darda, na mga anak ni Mahol: at ang kaniyang kabantugan ay lumipana sa lahat ng mga bansa sa palibot.

32 At siya'y nagsalita ng tatlong libong kawikaan; at ang kaniyang mga awit ay isang libo at lima.

33 At siya'y nagsalita ng tungkol sa mga punong kahoy, mula sa sedro na nasa Libano hanggang sa isopo na sumisibol sa pader: siya'y nagsalita rin ng tungkol sa mga hayop, at sa mga ibon, at sa nagsisiusad at sa mga isda.

34 At naparoon ang mga taong mula sa lahat na bayan, upang marinig ang karunungan ni Salomon na mula sa lahat na hari sa lupa, na nakabalita ng kaniyang karunungan.

1 Hari 5

1 At si Hiram na hari sa Tiro ay nagsugo ng kaniyang mga lingkod kay Salomon; dahil sa kaniyang nabalitaan na siya'y kanilang pinahiran ng langis na maging hari na kahalili ng kaniyang ama, sapagka't si Hiram ay naging laging maibigin kay David.

2 At si Salomon ay nagsugo kay Hiram, na kaniyang sinasabi,

3 Talastas mo na kung paanong si David na aking ama ay hindi nakapagtayo ng bahay sa pangalan ng Panginoon niyang Dios dahil sa mga pagdidigmaan sa palibot niya sa bawa't dako, hanggang sa inilagay sila ng Panginoon sa ilalim ng mga talampakan ng kaniyang mga paa.

4 Nguni't ngayo'y binigyan ako ng Panginoon kong Dios ng katiwasayan sa bawa't dako; wala kahit kaaway, o masamang pangyayari man.

5 At, narito, ako'y tumalagang ipagtayo ng bahay ang pangalan ng Panginoon kong Dios, gaya ng sinalita ng Panginoon kay David na aking ama, na nagsasabi, Ang iyong anak na aking iuupo sa iyong luklukan na kahalili mo, siya ang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.

6 Ngayon nga'y ipagutos mo na iputol nila ako ng mga puno ng sedro sa Libano; at ang aking mga bataan ay makakasama ng iyong mga bataan: at aking bibigyan ka ng kaupahan sa iyong mga bataan ayon sa lahat na iyong sasabihin: sapagka't iyong talastas na wala sinoman sa amin na makapagdadaras ng mga kahoy ng gaya ng mga Sidonio.

7 At nangyari nang mabalitaan ni Hiram ang mga salita ni Salomon, na siya'y nagalak na mainam, at nagsabi, Purihin ang Panginoon sa araw na ito, na nagbigay kay David ng isang pantas na anak, sa malaking bayang ito.

8 At si Hiram ay nagsugo kay Salomon, na nagsasabi, Aking narinig ang pasugo na iyong ipinasugo sa akin: aking gagawin ang iyong buong nasa tungkol sa kahoy na sedro, at tungkol sa kahoy na abeto.

9 Ang aking mga bataan ay magsisipagbaba mula sa Libano hanggang sa dagat: at aking gagawing mga balsa upang dumaan sa dagat hanggang sa dakong iyong pagtuturuan sa akin, at aking ipakakalag doon, at iyong tatanggapin: at iyong tutuparin ang aking nasa, sa pagbibigay ng pagkain sa aking sangbahayan.

10 Sa gayo'y binigyan ni Hiram si Salomon ng kahoy na sedro, at kahoy na abeto ayon sa kaniyang buong nasa.

11 At binigyan ni Salomon si Hiram ng dalawang pung libong takal na trigo na pinaka pagkain ng kaniyang sangbahayan, at dalawang pung takal na taganas na langis; ganito binigyan ni Salomon si Hiram sa taon-taon.

12 At binigyan ng Panginoon si Salomon ng karunungan, gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya; at may kapayapaan si Hiram at si Salomon; at silang dalawa'y gumawa ng kasunduan.

13 At ang haring Salomon ay humingi ng mga mang-aatag sa buong Israel; at ang mga mang-aatag ay tatlong pung libong lalake.

14 At kaniyang sinusugo sila sa Libano na sangpu-sangpung libo bawa't buwan na halinhinan: isang buwan ay nasa Libano, at dalawang buwan ay sa bahay: at si Adoniram ay tagapamahala sa mga mang-aatag.

15 At si Salomon ay may pitong pung libong nagsisipagdala ng mga pasan at walong pung libong mangdadaras sa bundukin:

16 Bukod pa ang mga kapatas ni Salomon na nasa gawain, na tatlong libo at tatlong daan, na nagpupuno sa mga taong nagsisigawa ng gawain.

17 At ang hari ay nagutos, at nagsitibag sila ng malalaking bato, ng mga mahahalagang bato, upang ilagay ang tatagang-baon ng bahay na gumagamit ng mga batong tabas.

18 At tinabas ng mga tagapagtayo ni Salomon, at ng mga tagapagtayo ni Hiram at ng mga Gebalita, at inihanda ang mga kahoy, at ang mga bato upang itayo ang bahay.

1 Hari 6

1 At nangyari nang ikaapat na raan at walong pung taon pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay nangakalabas sa lupain ng Egipto, nang ikaapat na taon ng paghahari ni Salomon sa Israel, nang buwan ng Ziph, na ikalawang buwan, na kaniyang pinasimulang itinayo ang bahay ng Panginoon.

2 At ang bahay na itinayo ng haring Salomon ukol sa Panginoon, ang haba niyao'y anim na pung siko, at ang luwang ay dalawang pung siko, at ang taas ay tatlong pung siko.

3 At ang portiko sa harap ng templo ng bahay, may dalawang pung siko ang haba, ayon sa luwang ng bahay; at sangpung siko ang luwang niyaon sa harap ng bahay.

4 At iginawa ang bahay ng mga dungawan na may silahia.

5 At sa karatig ng pader ng bahay ay naglagay siya ng mga grado sa palibot, sa siping ng mga pader ng bahay sa palibot ng templo at gayon din sa sanggunian: at siya'y gumawa ng mga silid sa tagiliran sa palibot:

6 Ang kababababaan ay may limang siko ang luwang, at ang pangalawang grado ay may anim na siko ang luwang, at ang ikatlo ay may pitong siko ang luwang: sapagka't siya'y gumawa ng mga tungtungan sa labas ng bahay sa palibot, upang ang mga sikang ay huwag kumapit sa mga pader ng bahay.

7 At ang bahay, nang ginagawa, ay ginawa na mga bato na inihanda sa tibagan ng bato: at wala kahit pamukpok o palakol man, o anomang kasangkapang bakal na narinig sa bahay, samantalang itinatayo.

8 Ang pintuan sa mga kababababaang silid sa tagiliran ay nasa dakong kanan ng bahay: at sa pamamagitan ng isang hagdanang sinuso ay nakapapanhik sa pangalawang grado, at mula sa pangalawang grado ay sa ikatlo.

9 Gayon itinayo niya ang bahay, at tinapos at binubungan ang bahay ng mga sikang at mga tabla ng sedro.

10 At kaniyang ginawa ang mga grado na karatig ng buong bahay, na bawa't isa'y limang siko ang taas: at kumakapit sa bahay sa pamamagitan ng kahoy na sedro.

11 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Salomon, na sinasabi,

12 Tungkol sa bahay na ito na iyong itinatayo, kung ikaw ay lalakad sa aking mga palatuntunan, at gagawin ang aking mga kahatulan, at iingatan ang lahat ng aking mga utos upang lakaran; ay akin ngang pagtitibayin ang aking salita sa iyo, na aking sinalita kay David na iyong ama.

13 At ako'y tatahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.

14 Gayon itinayo ni Salomon ang bahay, at tinapos.

15 At kaniyang ginawa ang mga panig sa loob ng bahay na kahoy na sedro; mula sa lapag ng bahay hanggang sa mga panig ng kisame, na kaniyang binalot ng kahoy sa loob; at kaniyang tinakpan ang lapag ng bahay ng tabla na abeto.

16 At siya'y gumawa ng isang silid na dalawang pung siko sa pinakaloob ng bahay, ng tabla na sedro mula sa lapag hanggang sa mga panig sa itaas: na kaniyang ginawa sa loob na ukol sa sanggunian, sa makatuwid baga'y ukol sa kabanalbanalang dako.

17 At ang bahay, sa makatuwid baga'y ang templo sa harap ng sanggunian ay apat na pung siko ang haba.

18 At may mga sedro sa loob ng bahay na inukitan ng kulukuti at mga bukang bulaklak: lahat ay sedro; walang batong makikita.

19 At siya'y naghanda ng isang sanggunian sa gitna ng pinakaloob ng bahay, upang ilagay roon ang kaban ng tipan ng Panginoon.

20 At ang loob ng sanggunian ay may dalawang pung siko ang haba, at dalawang pung siko ang luwang, at dalawang pung siko ang taas: at binalot niya ng taganas na ginto: at binalot niya ng sedro ang dambana.

21 Sa gayo'y binalot ni Salomon ang loob ng bahay ng taganas na ginto: at kaniyang kinanaan ng mga tanikalang ginto ang harapan ng sanggunian; at binalot ng ginto.

22 At binalot ng ginto ang buong bahay, hanggang sa ang bahay ay nayari: gayon din ang buong dambana na nauukol sa sanggunian ay kaniyang binalot ng ginto.

23 At sa sanggunian ay gumawa siya ng dalawang querubin na kahoy na olibo, na bawa't isa'y may sangpung siko ang taas.

24 At limang siko ang isang pakpak ng querubin, at limang siko ang kabilang pakpak ng querubin: mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sangpung siko.

25 At ang isang querubin ay sangpung siko: ang dalawang querubin ay may isang sukat at isang anyo.

26 Ang taas ng isang querubin ay may sangpung siko, at gayon din ang isang querubin.

27 At kaniyang inilagay ang mga querubin sa pinakaloob ng bahay: at ang mga pakpak ng mga querubin ay nangakabuka na anopa't ang pakpak ng isa ay dumadaiti sa isang panig, at ang pakpak ng ikalawang querubin ay dumadaiti sa kabilang panig; at ang kanilang mga kabilang pakpak ay nagkakadaiti sa gitna ng bahay.

28 At kaniyang binalot ng ginto ang mga querubin.

29 At kaniyang inukitan ang lahat na panig ng bahay sa palibot ng mga ukit na larawan ng mga querubin, at ng mga puno ng palma, at ng mga bukang bulaklak, sa loob at sa labas.

30 At ang lapag ng bahay ay binalot niya ng ginto, sa loob at sa labas.

31 At sa pasukan ng sanggunian, siya'y gumawa ng mga pintuan na kahoy na olibo: ang itaas ng pintuan at ang mga haligi niyaon ay ikalimang bahagi ng panig ang laki.

32 Sa gayo'y gumawa siya ng dalawang pinto na kahoy na olibo; at kaniyang inukitan ng mga ukit na mga querubin, at mga puno ng palma, at mga bukang bulaklak, at binalot niya ng ginto; at kaniyang ikinalat ang ginto sa mga querubin, at sa mga puno ng palma,

33 Sa gayo'y gumawa naman siya sa pasukan ng templo ng mga haligi ng pintuan na kahoy na olibo, sa ikaapat na bahagi ng panig;

34 At dalawang pinto na kahoy na abeto; ang dalawang pohas ng isang pinto ay naititiklop, at ang dalawang pohas ng kabilang pinto ay naititiklop.

35 At kaniyang pinagukitan ng mga querubin, at mga puno ng palma, at mga bukang bulaklak; at binalot niya ng ginto na kapit sa mga ukit na gawa.

36 At kaniyang ginawa ang loob na looban, na tatlong hanay na batong tabas, at isang hanay na sikang na kahoy na sedro.

37 Nang ikaapat na taon, sa buwan ng Ziph, inilagay ang mga tatagang-baon ng bahay ng Panginoon.

38 At nang ikalabing isang taon, sa buwan ng Bul, na siyang ikawalong buwan ay nayari ang bahay sa lahat ng bahagi niyaon, at ayon sa buong anyo niyaon. Na anopa't pitong taong ginawa.

1 Hari 7:1-39

1 At itinayo ni Salomon ang kaniyang sariling bahay na labing tatlong taon, at kaniyang nayari ang kaniyang buong bahay.

2 Sapagka't kaniyang itinayo ang bahay na kahoy sa gubat ng Libano; ang haba'y isang daang siko, at ang luwang ay limang pung siko, at ang taas ay tatlong pung siko, sa apat na hanay na haliging sedro na may sikang na sedro sa ibabaw ng mga haligi.

3 At binubungan ng sedro sa ibabaw ng apat na pu't limang sikang, na nasa ibabaw ng mga haligi; labing lima sa isang hanay.

4 At may mga dungawan sa tatlong grado, at ang liwanag ng mga yaon ay nangagkakatapatan, sa tatlong grado.

5 At ang lahat na pintuan at mga haligi ay pawang parisukat ang anyo: at ang mga liwanag ay nangagkakatapatan, sa tatlong grado.

6 At siya'y gumawa ng portiko na may mga haligi: ang haba niyao'y limang pung siko, at ang luwang niyao'y tatlong pung siko, at may isang portiko na nasa harap ng mga yaon; at mga haligi at sikang ang nangasa harap ng mga yaon.

7 At kaniyang ginawa ang portiko ng luklukan na kaniyang paghuhukuman, sa makatuwid baga'y ang portiko ng hukuman: at nababalot ng sedro sa lapag at lapag.

8 At ang kaniyang bahay na tahanan, ibang looban sa loob ng portiko ay sa gayon ding gawa. Kaniyang iginawa rin naman ng bahay ang anak na babae ni Faraon (na naging asawa ni Salomon) na hawig portikong ito.

9 Ang lahat na ito'y mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga batong tabas, ayon sa sukat, na nilagari ng mga lagari, sa labas at sa loob, mula sa mga tatagang-baon hanggang sa kataastaasan, at gayon sa labas hanggang sa malaking looban.

10 At ang tatagang-baon ay mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga malaking bato, mga batong may sangpung siko, at mga batong may walong siko.

11 At sa ibabaw ay may mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga batong tabas, ayon sa sukat, at kahoy na sedro.

12 At ang malaking looban sa palibot ay may tatlong hanay ng batong tabas, at isang hanay na sikang na sedro; gaya ng pinakaloob na looban ng bahay ng Panginoon, at ng portiko ng bahay.

13 At nagsugo ang haring Salomon, at ipinasundo si Hiram sa Tiro.

14 Siya'y anak ng isang babaing bao sa lipi ni Nephtali, at ang kaniyang ama ay lalaking taga Tiro, na manggagawa sa tanso; at siya'y puspos ng karunungan, at katalinuhan, at kabihasahan, upang gumawa ng lahat na gawain sa tanso. At siya'y naparoon sa haring Salomon, at ginawa ang lahat niyang gawain.

15 Sapagka't kaniyang tinabas ang dalawang haligi na tanso, na may labing walong siko ang taas ng bawa't isa: at isang panukat na pisi na may labing dalawang siko ay maipalilibid sa bilog ng alinman sa bawa't isa.

16 At siya'y gumawa ng dalawang kapitel na binubong tanso, upang ilagay sa mga dulo ng mga haligi: ang taas ng isang kapitel ay limang siko at ang taas ng kabilang kapitel ay limang siko.

17 May mga yaring nilambat, at mga tirintas na yaring tinanikala, na ukol sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; pito sa isang kapitel, at pito sa kabilang kapitel.

18 Gayon ginawa niya ang mga haligi: at mayroong dalawang hanay sa palibot ng isang yaring lambat, upang takpan ang mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at gayon ang ginawa niya sa kabilang kapitel.

19 At ang mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi sa portiko ay mga yaring lila, na apat na siko.

20 At may mga kapitel naman sa dulo ng dalawang haligi, na malapit sa pinakatiyan na nasa siping ng yaring lambat: at ang mga granada ay dalawang daan, na nahahanay sa palibot sa ikalawang kapitel.

21 At kaniyang itinayo ang mga haligi sa portiko ng templo: at kaniyang itinayo ang kanang haligi, at pinanganlang Jachin: at kaniyang itinayo ang kaliwang haligi, at pinanganlang Boaz.

22 At sa dulo ng mga haligi ay may yaring lila: sa gayo'y ang gawain sa mga haligi ay nayari.

23 At kaniyang ginawa ang binubong dagatdagatan na may sangpung siko mula sa labi't labi, na lubos na mabilog, at ang taas ay limang siko: at isang panukat na pisi na may tatlong pung siko ang maipalilibid sa palibot.

24 At sa ilalim ng labi sa paligid ay may mga kulukuti sa palibot, na sangpu sa bawa't siko, na nakalibid sa dagatdagatan sa palibot: ang mga kulukuti ay dalawang hanay, na binubo ng bubuin ang binubong dagatdagatan.

25 Nakapatong ang dagatdagatan sa labing dalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa dakong hilagaan, ang tatlo'y nakaharap sa dakong kalunuran, ang tatlo'y nakaharap sa dakong timugan, at ang tatlo'y nakaharap sa dakong silanganan; at ang dagatdagatan ay napapatong sa mga yaon, at ang lahat na puwitan ng mga yaon ay nasa loob.

26 At ang kapal ng dagatdagatan ay isang dangkal; at ang labi niyaon ay yaring gaya ng labi ng isang tasa, gaya ng bulaklak na lila: naglalaman ng dalawang libong bath.

27 At siya'y gumawa ng sangpung patungang tanso: apat na siko ang haba ng bawa't isa at apat na siko ang luwang, at tatlong siko ang taas.

28 At ang pagkayari ng mga patungan ay ganitong paraan: may mga gilid na takip sa pagitan ng mga sugpong:

29 At sa mga gilid na takip na nasa pagitan ng mga sugpong ay may mga leon, mga baka, at mga querubin; at sa itaas ng mga sugpong ay may tungtungan sa ibabaw; at sa ibaba ng mga leon, at mga baka, ay may mga tirintas na nangagbitin.

30 At bawa't patungan ay may apat na gulong na tanso, at mga ejeng tanso: at ang apat na paa niyao'y may mga lapatan: sa ilalim ng hugasan ay may mga lapatan na binubo, na may mga tirintas sa siping ng bawa't isa.

31 At ang bunganga niyaong nasa loob ng kapitel, at ang taas ay may isang siko: at ang bunganga niyao'y mabilog ayon sa pagkayari ng tungtungan, na may isang siko't kalahati: at sa bunganga naman niyao'y may mga ukit, at ang mga gilid ng mga yaon ay parisukat, hindi mabilog.

32 At ang apat na gulong ay nasa ibaba ng mga gilid; at ang mga eje ng mga gulong ay nasa patungan: at ang taas ng bawa't gulong ay isang siko at kalahati.

33 At ang pagkagawa ng mga gulong ay gaya ng pagkagawa ng mga gulong ng karo: ang mga eje ng mga yaon, at ang mga Ilanta ng mga yaon, at ang mga rayos ng mga yaon at ang mga boha niyaon ay pawang binubo.

34 At may apat na lapatan sa apat na panulok ng bawa't patungan: ang mga lapatan ay kaputol ng patungan.

35 At sa ibabaw ng patungan ay may isang nakababakod na mabilog na may kalahating siko ang taas: at sa ibabaw ng patunga'y nandoon ang mga panghawak, at ang mga gilid ay kaputol niyaon.

36 At sa mga lamina ng mga panghawak niyaon at sa mga gilid niyaon, ay kaniyang inukitan ng mga querubin, mga leon, at mga puno ng palma ayon sa pagitan ng bawa't isa, na may mga tirintas sa palibot.

37 Ayon sa paraang ito ay kaniyang ginawa ang sangpung patungan: lahat ng yaon ay iisa ang pagkabubo, iisa ang sukat, at iisa ang anyo.

38 At siya'y gumawa ng sangpung hugasang tanso: isang hugasan ay naglalaman ng apat na pung bath: at bawa't hugasan ay may apat na siko: at sa bawa't isa sa sangpung patungan ay isang hugasan.

39 At kaniyang inilagay ang mga patungan, lima sa kanang tagiliran ng bahay, at lima sa kaliwang tagiliran ng bahay: at kaniyang inilagay ang dagatdagatan sa tagilirang kanan ng bahay sa dakong silanganan, na dakong timugan.