Isinyathelo 103

Funda

     

1 Hari 11:26-43

26 At si Jeroboam na anak ni Nabat, na Ephrateo sa Sereda, na lingkod ni Salomon, na ang pangalan ng ina ay Serva, na baong babae, ay nagtaas din ng kaniyang kamay laban sa hari.

27 At ito ang kadahilanan ng kaniyang pagtataas ng kaniyang kamay laban sa hari: itinayo ni Salomon ang Millo at hinusay ang sira ng bayan ni David na kaniyang ama.

28 At ang lalaking si Jeroboam ay makapangyarihang lalake na matapang: at nakita ni Salomon ang binata na masipag, at kaniyang ipinagkatiwala sa kaniya ang lahat na gawain ng sangbahayan ni Jose.

29 At nangyari, nang panahong yaon, nang si Jeroboam ay lumabas sa Jerusalem, na nasalubong siya sa daan ng propeta Ahias na Silonita; si Ahias nga ay may suot na bagong kasuutan; at silang dalawa ay nag-iisa sa parang.

30 At tinangnan ni Ahias ang bagong kasuutan na nakasuot sa kaniya, at hinapak ng labing dalawang putol.

31 At kaniyang sinabi kay Jeroboam, Kunin mo sa iyo ang sangpung putol: sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, aking aagawin ang kaharian sa kamay ni Salomon, at ibibigay ko ang sangpung lipi sa iyo:

32 (Nguni't mapapasa kaniya ang isang lipi dahil sa aking lingkod na si David, at dahil sa Jerusalem, na bayan na aking pinili sa lahat ng mga lipi ng Israel:)

33 Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at sinamba si Astaroth na diosa ng mga Sidonio, si Chemos na dios ng Moab, at si Milcom na dios ng mga anak ni Ammon; at sila'y hindi nagsilakad sa aking mga daan upang gawin ang matuwid sa aking paningin, at upang ingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan, na gaya ng ginawa ni David na kaniyang ama.

34 Gayon ma'y hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kaniyang kamay: kundi aking gagawin siyang prinsipe sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay, dahil kay David na aking lingkod na aking pinili, sapagka't kaniyang iningatan ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan:

35 Kundi aking kukunin ang kaharian sa kamay ng kaniyang anak, at ibibigay ko sa iyo, sa makatuwid baga'y ang sangpung lipi.

36 At sa kaniyang anak, ay ibibigay ko ang isang lipi upang si David na aking lingkod ay magkaroon ng ilawan magpakailan man sa harap ko sa Jerusalem, na bayang aking pinili upang ilagay ang aking pangalan doon.

37 At kukunin kita, at ikaw ay maghahari ayon sa buong ninanasa ng iyong kaluluwa, at magiging hari ka sa Israel.

38 At mangyayari, kung iyong didinggin ang lahat na aking iniuutos sa iyo, at lalakad sa aking mga daan, at gagawin ang matuwid sa aking paningin, upang tuparin ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod; na ako'y sasa iyo, at ipagtatayo kita ng isang tiwasay na sangbahayan, gaya ng aking itinayo kay David, at ibibigay ko sa iyo ang Israel.

39 At dahil dito'y aking pipighatiin ang binhi ni David, nguni't hindi magpakailan man.

40 Pinagsikapan nga ni Salomon na patayin si Jeroboam: nguni't si Jeroboam ay tumindig, at tumakas na napasa Egipto, kay Sisac, na hari sa Egipto, at dumoon sa Egipto hanggang sa pagkamatay ni Salomon.

41 Ang iba nga sa mga gawa ni Salomon, at ang lahat na kaniyang ginawa, at ang kaniyang karunungan, hindi ba nasusulat sa aklat ng mga gawa ni Salomon?

42 At ang panahon na ipinaghari ni Salomon sa Jerusalem sa buong Israel ay apat na pung taon.

43 At natulog si Salomon na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa bayan ni David na kaniyang ama: at si Roboam, na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya,

1 Hari 12

1 At si Roboam ay naparoon sa Sichem: sapagka't ang buong Israel ay naparoon sa Sichem upang gawin siyang hari.

2 At nangyari, nang mabalitaan ni Jeroboam na anak ni Nabat (sapagka't siya'y nasa Egipto pa, na doon siya'y tumakas mula sa harapan ng haring Salomon, at tumahan sa Egipto,

3 At sila'y nagsugo at ipinatawag nila siya,) si Jeroboam nga at ang buong kapisanan ng Israel ay nagsiparoon, at nagsipagsalita kay Roboam, na sinasabi,

4 Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin: ngayon nga'y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang atang na iniatang niya sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.

5 At sinabi niya sa kanila, Kayo'y magsiyaon pang tatlong araw, saka magsibalik kayo sa akin. At ang bayan ay yumaon.

6 At ang haring Roboam ay kumuhang payo sa mga matanda na nagsitayo sa harap ni Salomon na kaniyang ama samantalang nabubuhay pa, na sinasabi, Anong payo ang ibinibigay ninyo sa akin, upang magbalik ng sagot sa bayang ito?

7 At nagsipagsalita sa kaniya, na nagsipagsabi, Kung ikaw ay magiging lingkod sa bayang ito sa araw na ito, at maglilingkod sa kanila, at sasagot sa kanila, at magsasalita ng mabuting mga salita sa kanila, ay iyo ngang magiging lingkod sila magpakailan man.

8 Nguni't tinalikdan niya ang payo ng mga matanda na kanilang ibinigay sa kaniya, at kumuhang payo sa mga binata na nagsilaking kasabay niya, na nagsitayo sa harap niya.

9 At sinabi niya sa kanila, Anong payo ang ibinibigay ninyo, upang maibalik nating sagot sa bayang ito, na nagsalita sa akin, na nagsasabi, Pagaanin mo ang atang na iniatang ng iyong ama sa amin?

10 At ang mga binata na nagsilaking kasabay niya ay nagsipagsalita sa kaniya, na nagsisipagsabi, Ganito ang iyong sasabihin sa bayang ito na nagsalita sa iyo, na nagsasabi, Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin, nguni't pagaanin mo sa amin; ganito ang iyong sasalitain sa kanila, Ang aking kalingkingan ay makapal kay sa mga balakang ng aking ama.

11 At yaman ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na atang, ay aking dadagdagan pa ang atang sa inyo: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit; nguni't parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.

12 Sa gayo'y naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Roboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, na sinasabi, Magsibalik kayo sa akin sa ikatlong araw.

13 At ang hari ay sumagot sa bayan na may katigasan, at tinalikdan ang payo na ibinigay sa kaniya ng mga matanda;

14 At nagsalita sa kanila ayon sa payo ng mga binata, na nagsasabi, Pinabigat ng aking ama ang atang sa inyo, nguni't dadagdagan ko pa ang atang sa inyo: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit, nguni't parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.

15 Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan; sapagka't bagay na buhat sa Panginoon upang kaniyang itatag ang kaniyang salita, na sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng kamay ni Ahias na Silonita kay Jeroboam na anak ni Nabat.

16 At nang makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, ay sumagot ang bayan sa hari, na nagsasabi, Anong bahagi mayroon kami kay David? at wala man kaming mana sa anak ni Isai: sa iyong mga tolda, Oh Israel: ngayon ikaw ang bahala ng iyong sariling sangbahayan, David. Sa gayo'y yumaon ang Israel sa kanikaniyang tolda.

17 Nguni't tungkol sa mga anak ni Israel na nagsitahan sa mga bayan ng Juda, ay pinagharian sila ni Roboam.

18 Nang magkagayo'y sinugo ng haring Roboam si Adoram na nasa pagpapaatag; at binato ng buong Israel siya ng mga bato, na anopa't siya'y namatay. At nagmadali ang haring Roboam na sumakay sa kaniyang karo, upang tumakas sa Jerusalem.

19 Gayon nanghimagsik ang Israel laban sa sangbahayan ni David, hanggang sa araw na ito.

20 At nangyari, nang mabalitaan ng buong Israel na si Jeroboam ay bumalik, na sila'y nagsugo at ipinatawag siya sa kapisanan, at ginawa siyang hari sa buong Israel: walang sumunod sa sangbahayan ni David, kundi ang lipi ni Juda lamang.

21 At nang dumating si Roboam sa Jerusalem, kaniyang pinisan ang buong sangbahayan ng Juda, at ang lipi ni Benjamin, na isang daan at walong pung libo na piling lalake, na mga mangdidigma, upang magsilaban sa sangbahayan ng Israel, upang ibalik ang kaharian kay Roboam na anak ni Salomon.

22 Nguni't ang salita ng Dios ay dumating kay Semeias na lalake ng Dios, na nagsasabi,

23 Salitain mo kay Roboam na anak ni Salomon, na hari sa Juda, at sa buong sangbahayan ng Juda, at ng Benjamin, at sa nalabi sa bayan, na sabihin,

24 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y huwag magsisiahon o magsisilaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel: bumalik ang bawa't isa sa kaniyang bahay; sapagka't ang bagay na ito ay mula sa akin. Sa gayo'y kanilang dininig ang salita ng Panginoon, at sila'y nagsibalik at nagsiyaon, ayon sa salita ng Panginoon.

25 Nang magkagayo'y itinayo ni Jeroboam ang Sichem sa lupaing maburol ng Ephraim, at tumahan doon; at siya'y umalis mula roon, at itinayo ang Penuel.

26 At sinabi ni Jeroboam sa kaniyang sarili, Ngayo'y mababalik ang kaharian sa sangbahayan ni David:

27 Kung ang bayang ito ay umahon upang maghandog ng mga hain sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, ang puso nga ng bayang ito'y mababalik sa kanilang panginoon, sa makatuwid baga'y kay Roboam na hari sa Juda; at ako'y papatayin nila, at mababalik kay Roboam na hari sa Juda.

28 Kaya't ang hari ay kumuhang payo, at gumawa ng dalawang guyang ginto; at sinabi niya sa kanila, Mahirap sa inyo na magsiahon sa Jerusalem; tingnan mo ang iyong mga dios, Oh Israel, na iniahon ka mula sa lupain ng Egipto.

29 At inilagay niya ang isa sa Bethel, at ang isa'y inilagay sa Dan.

30 At ang bagay na ito ay naging kasalanan: sapagka't ang bayan ay umahon upang sumamba sa harap ng isa, hanggang sa Dan.

31 At siya'y gumawa ng mga bahay sa mga mataas na dako, at naghalal ng mga saserdote sa buong bayan, na hindi sa mga anak ni Levi.

32 At si Jeroboam ay nagpadaos ng isang kapistahan nang ikawalong buwan, sa ikalabing limang araw ng buwan, gaya ng kapistahan sa Juda, at siya'y sumampa sa dambana; gayon ang ginawa niya sa Beth-el, na kaniyang hinahainan ang mga guya na kaniyang ginawa: at kaniyang inilagay sa Beth-el ang mga saserdote sa mataas na dako, na kaniyang mga inihalal.

33 At siya'y sumampa sa dambana na kaniyang ginawa sa Beth-el nang ikalabing limang araw ng ikawalong buwan, sa makatuwid baga'y sa buwan na kaniyang inakala sa kaniyang puso: at kaniyang ipinadaos ang isang kapistahan sa mga anak ni Israel, at sumampa sa dambana upang magsunog ng kamangyan.

1 Hari 13

1 At, narito, dumating ang isang lalake ng Dios na mula sa Juda ayon sa salita ng Panginoon sa Beth-el: at si Jeroboam ay nakatayo sa siping ng dambana upang magsunog ng kamangyan.

2 At siya'y sumigaw laban sa dambana ayon sa salita ng Panginoon, at nagsabi, Oh dambana, dambana, ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, isang bata'y ipanganganak sa sangbahayan ni David na ang pangalan ay Josias: at sa iyo'y ihahain ang mga saserdote ng mga mataas na dako na nagsisipagsunog ng kamangyan sa iyo, at mga buto ng mga tao ang kanilang susunugin sa iyo.

3 At siya'y nagbigay ng tanda nang araw ding yaon, na nagsasabi, Ito ang tanda na sinalita ng Panginoon: Narito, ang dambana ay mababaak, at ang mga abo na nasa ibabaw ay mabubuhos.

4 At nangyari, nang marinig ng hari ang sabi ng lalake ng Dios, na kaniyang isinigaw laban sa dambana sa Beth-el, na iniunat ni Jeroboam ang kaniyang kamay mula sa dambana, na sinasabi, Hulihin siya. At ang kaniyang kamay na kaniyang iniunat laban sa kaniya ay natuyo, na anopa't hindi niya napanauli sa dati.

5 Ang dambana naman ay nabaak, at ang mga abo ay nabuhos mula sa dambana, ayon sa tanda na ibinigay ng lalake ng Dios ayon sa salita ng Panginoon.

6 At ang hari ay sumagot, at nagsabi sa lalake ng Dios, Isamo mo ngayon ang biyaya ng Panginoon mong Dios, at idalangin mo ako, upang ang aking kamay ay gumaling. At idinalangin ng lalake ng Dios sa Panginoon, at ang kamay ng hari ay gumaling uli, at naging gaya ng dati.

7 At sinabi ng hari sa lalake ng Dios, Umuwi kang kasama ko, at kumain ka, at bibigyan kita ng kagantihan.

8 At sinabi ng lalake ng Dios sa hari, Kung ang ibibigay mo sa akin ay kalahati ng iyong bahay ay hindi ako yayaong kasama mo, o kakain man ako ng tinapay o iinom man ako ng tubig sa dakong ito:

9 Sapagka't gayon ibinilin sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na sinasabi, Huwag kang kakain ng tinapay, o iinom man ng tubig, ni babalik man sa daan na iyong pinanggalingan.

10 Sa gayo'y yumaon siya sa ibang daan, at hindi na bumalik sa daan na kaniyang pinanggalingan sa Beth-el.

11 Tumatahan nga ang isang matandang propeta sa Beth-el; at isa sa kaniyang mga anak ay naparoon, at isinaysay sa kaniya ang lahat ng mga gawa na ginawa ng lalake ng Dios sa araw na yaon sa Beth-el: ang mga salita na kaniyang sinalita sa hari, ay siya ring isinaysay nila sa kanilang ama.

12 At sinabi ng kanilang ama sa kanila, Saan siya napatungo? At itinuro sa kaniya ng kaniyang mga anak ang daang pinatunguhan ng lalake ng Dios na nanggaling sa Juda.

13 At sinabi niya sa kaniyang mga anak, Siyahan ninyo sa akin ang asno. Sa gayo'y kanilang siniyahan ang asno sa kaniya: at kaniyang sinakyan.

14 At kaniyang sinundan ang lalake ng Dios, at nasumpungan niyang nakaupo sa ilalim ng isang puno ng encina: at sinabi niya sa kaniya, Ikaw ba ang lalake ng Dios na nanggaling sa Juda? At sinabi niya, Ako nga.

15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniya, Umuwi kang kasama ko, at kumain ng tinapay.

16 At sinabi niya, Hindi ako makababalik na kasama mo, o makapapasok na kasama mo: ni makakakain man ng tinapay o makaiinom man ng tubig na kasalo mo sa dakong ito:

17 Sapagka't isinaysay sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon. Huwag kang kakain ng tinapay o iinom man ng tubig doon, o babalik man na yumaon sa daan na iyong pinanggalingan.

18 At sinabi niya sa kaniya, Ako man ay propeta na gaya mo; at isang anghel ay nagsalita sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na nagsasabi, Ibalik mo siya na kasama mo sa iyong bahay, upang siya'y makakain ng tinapay at makainom ng tubig. Nguni't siya'y nagbulaan sa kaniya.

19 Sa gayo'y bumalik na kasama niya, at kumain ng tinapay sa kaniyang bahay at uminom ng tubig.

20 At nangyari, samantalang sila'y nauupo sa dulang, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta na nagpabalik sa kaniya:

21 At siya'y sumigaw sa lalake ng Dios na nanggaling sa Juda, na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa paraang ikaw ay naging manunuway sa bibig ng Panginoon, at hindi mo iningatan ang utos na iniutos ng Panginoon sa iyo,

22 Kundi ikaw ay bumalik at kumain ng tinapay, at uminom ng tubig sa dakong kaniyang pinagsabihan sa iyo: Huwag kang kumain ng tinapay, at huwag kang uminom ng tubig; ang iyong bangkay ay hindi darating sa libingan ng iyong mga magulang.

23 At nangyari, pagkatapos na makakain ng tinapay, at pagkatapos na makainom, na siniyahan niya ang asno para sa kaniya, sa makatuwid baga'y, para sa propeta na kaniyang pinabalik.

24 At nang siya'y makayaon, isang leon ay nasalubong niya sa daan, at pinatay siya: at ang kaniyang bangkay ay napahagis sa daan, at ang asno ay nakatayo sa siping; ang leon naman ay nakatayo sa siping ng bangkay.

25 At, narito, may mga taong nagsipagdaan, at nakita ang bangkay na nakahagis sa daan, at ang leon ay nakatayo sa siping ng bangkay: at sila'y yumaon at isinaysay nila sa bayan na kinatatahanan ng matandang propeta.

26 At nang marinig ng propeta na nagpabalik sa kaniya sa daan, sinabi niya: Lalake nga ng Dios, na naging masuwayin sa bibig ng Panginoon, kaya't ibinigay siya ng Panginoon sa leon, na lumapa sa kaniya at pumatay sa kaniya ayon sa salita ng Panginoon, na sinalita sa kaniya.

27 At sinalita niya sa kaniyang mga anak na sinasabi, Siyahan ninyo sa akin ang asno. At kanilang siniyahan.

28 At siya'y yumaon, at nasumpungan ang kaniyang bangkay na nakahagis sa daan, at ang leon at ang asno ay nakatayo sa siping ng bangkay: hindi nilamon ng leon ang bangkay, o nilapa man ang asno.

29 At kinuha ng propeta ang bangkay ng lalake ng Dios, at ipinatong sa asno, at ibinalik: at naparoon sa bayan ng matandang propeta, upang tumangis, at ilibing siya.

30 At inilagay niya ang kaniyang bangkay sa kaniyang sariling libingan; at kanilang tinangisan siya, na sinasabi, Ay kapatid ko!

31 At nangyari, pagkatapos na kaniyang mailibing, na siya'y nagsalita sa kaniyang mga anak, na sinasabi, Pagka ako'y namatay, ilibing nga ninyo ako sa libingan na pinaglibingan sa lalake ng Dios: ilagay ninyo ang aking mga buto sa siping ng kaniyang mga buto.

32 Sapagka't ang sabi na kaniyang isinigaw sa pamamagitan ng salita ng Panginoon laban sa dambana sa Beth-el, at laban sa lahat ng mga bahay sa mga mataas na dako na nangasa mga bayan ng Samaria, ay walang pagsalang mangyayari.

33 Pagkatapos ng bagay na ito, si Jeroboam ay hindi tumalikod sa kaniyang masamang lakad, kundi gumawa uli mula sa buong bayan ng mga saserdote sa mga mataas na dako: sinomang may ibig, kaniyang itinatalaga upang magkaroon ng mga saserdote sa mga mataas na dako.

34 At ang bagay na ito ay naging kasalanan sa sangbahayan ni Jeroboam, kaya't inihiwalay at nilipol sa ibabaw ng lupa.