Krok 9: Faraon

Studie

     

Genesis 41

1 At nangyari, sa katapusan ng dalawang taong ganap, na si Faraon ay nanaginip: at, narito, na siya'y nakatayo sa tabi ng ilog.

2 At, narito may nagsiahon sa ilog na pitong bakang magagandang anyo at matatabang laman; at nanginain sa talahiban.

3 At, narito, na ibang pitong baka, na nagsiahon sa ilog na nasa likuran nila, mga pangit na anyo, at payat; at nagsihinto roon sa tabi ng mga unang baka, sa tabi ng ilog.

4 At ang pitong bakang magagandang anyo at matataba, ay nilamon ng mga bakang pangit ang anyo at payat. Sa gayo'y nagising si Faraon.

5 At siya'y natulog at nanaginip na bilang ikalawa; at, narito may sumupling na pitong uhay na mabibintog at mabubuti, na may isa lamang tangkay.

6 At, narito, may pitong uhay na payat at tinutuyo ng hanging silanganan, na nagsitubong kasunod ng mga yaon.

7 At nilamon ng mga uhay na payat ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. At nagising si Faraon, at, narito, isang panaginip.

8 At nangyari, sa kinaumagahan, na ang kaniyang diwa ay nagulumihanan at siya'y nagsugo at kaniyang ipinatawag ang lahat ng mago sa Egipto, at ang lahat ng pantas doon: at isinaysay ni Faraon sa kanila ang kaniyang panaginip: datapuwa't walang makapagpaliwanag kay Faraon.

9 Nang magkagayo'y nagsalita ang puno ng mga katiwala kay Faraon, na sinasabi, Naaalaala ko sa araw na ito ang aking mga sala:

10 Nguni't si Faraon laban sa kaniyang mga alila, at ibinilanggo ako sa bahay ng kapitan ng bantay, ako at ang puno ng mga magtitinapay.

11 At nanaginip kami ng panaginip sa isang gabi, ako at siya: kami ay kapuwa nanaginip ayon sa kapaliwanagan ng panaginip ng isa't isa sa amin.

12 At nandoong kasama namin ang isang binata, isang Hebreo, na alipin ng kapitan ng bantay; at siya naming pinagsaysayan, at kaniyang ipinaliwanag sa amin ang aming panaginip; ipinaliwanag niya ayon sa panaginip ng bawat isa sa amin.

13 At nangyari, na kung paano ang kaniyang pagkapaliwanag sa amin, ay nagkagayon; ako'y pinabalik sa aking katungkulan, at ipinabitin ang isa.

14 Nang magkagayo'y nagsugo si Faraon at ipinatawag si Jose, at siya'y inilabas na madalian sa bilangguan: siya'y nagahit at nagbihis ng suot, at naparoon kay Faraon.

15 At sinabi ni Faraon kay Jose, Ako'y nanaginip ng isang panaginip, at walang makapagpaliwanag: at nabalitaan kita, na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipaliwanag mo.

16 At sumagot si Jose kay Faraon, na sinasabi, Wala sa akin; Dios ang magbibigay ng sagot sa kapayapaan kay Faraon.

17 At sinalita ni Faraon kay Jose, Sa aking panaginip ay narito, nakatayo ako sa tabi ng ilog:

18 At, narito, may nagsiahon sa ilog na pitong bakang matatabang laman at magagandang anyo, at nanginain sa talahiban:

19 At, narito, may ibang pitong baka na nagsiahon sa likuran nila, mga payat, at napakapangit ang anyo, at payat na kailan ma'y hindi ako nakakita sa buong lupain ng Egipto ng ibang kawangis ng mga yaon sa kapangitan.

20 At kinain ng mga bakang payat at pangit, ang pitong nauunang bakang matataba:

21 At nang kanilang makain, ay hindi man lamang maalaman na sila'y kanilang nakain; kundi ang kanilang anyo ay pangit ding gaya ng una. Sa gayo'y nagising ako.

22 At nakakita ako sa aking panaginip, at, narito, pitong uhay ay tumataas sa isang tangkay, mapipintog at mabubuti.

23 At, narito, may pitong uhay na lanta, mga pipi at tinutuyo ng hanging silanganan na nagsitaas na kasunod ng mga yaon:

24 At nilamon ng mga uhay na lanta ang pitong uhay na mabubuti: at aking isinaysay sa mga mago: datapuwa't walang makapagpahayag niyaon sa akin.

25 At sinabi ni Jose kay Faraon, Ang panaginip ni Faraon ay iisa; ang gagawin ng Dios ay ipinahayag kay Faraon:

26 Ang pitong bakang mabubuti ay pitong taon; at ang pitong uhay na mabubuti ay pitong taon; ang panaginip ay iisa.

27 At ang pitong bakang payat at mga pangit, na nagsiahong kasunod ng mga yaon ay pitong taon, at gayon din ang pitong uhay na tuyo, na pinapaspas ng hanging silanganan; kapuwa magiging pitong taong kagutom.

28 Iyan ang bagay na sinalita ko kay Faraon: ang gagawin ng Dios, ipinaalam kay Faraon.

29 Narito, dumarating ang pitong taong may malaking kasaganaan sa buong lupain ng Egipto;

30 At may dadating, pagkatapos ng mga iyan, na pitong taong kagutom; at malilimutan iyang buong kasaganaan sa lupain ng Egipto; at pupuksain ng kagutom ang lupain;

31 At ang kasaganaan ay hindi malalaman sa lupain, dahil sa kagutom na sumusunod; sapagka't magiging napakahigpit.

32 At kaya't pinagibayo ang panaginip kay Faraon na makalawa, ay sapagka't bagay na itinatag ng Dios, at papangyayarihing madali ng Dios.

33 Ngayon nga'y humanap si Faraon ng isang taong matalino at pantas, at ilagay sa lupain ng Egipto.

34 Gawing ganito ni Faraon, at maglagay ng mga tagapamahala sa lupain, na paglimahing bahagi ang lupain ng Egipto sa loob ng pitong taon ng kasaganaan.

35 At kanilang tipunin ang lahat ng pagkain nitong mabubuting taon na dumarating, at magkamalig ng trigo sa kapangyarihan ng kamay ni Faraon, na pinakapagkain sa mga bayan at ingatan.

36 At ang pagkain ay kamaligin na itaan sa lupain sa pitong taong kagutom na mangyayari sa lupain ng Egipto; upang huwag mapuksa ang lupain sa kagutom.

37 At ang bagay ay minabuti ng mga mata ni Faraon, at ng mga mata ng kaniyang mga lingkod.

38 At sinabi ni Faraon sa kaniyang mga lingkod, Makakasumpong kaya tayo ng isang gaya nito, na taong kinakasihan ng espiritu ng Dios?

39 At sinabi ni Faraon kay Jose, Yamang ipinabatid sa iyo ng Dios: ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo:

40 Ikaw ay magpupuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay pamamahalaan mo ang aking buong bayan: sa luklukang hari lamang magiging mataas ako sa iyo.

41 At sinabi ni Faraon kay Jose, Tingnan mo, ikaw ay inilagay ko sa buong lupain ng Egipto.

42 At inalis ni Faraon sa kamay niya ang kaniyang tandang singsing at inilagay sa kamay ni Jose, at siya'y sinuutan ng magandang lino at nilagyan siya ng isang kuwintas na ginto sa palibot ng kaniyang leeg;

43 At siya'y pinasakay niya sa ikalawang karro na tinatangkilik ni Faraon at isinisigaw sa unahan niya. Lumuhod kayo: at inihalal siya na puno sa buong lupain ng Egipto.

44 At sinabi ni Faraon kay Jose, Ako'y si Faraon, at kung wala ka ay hindi magtataas ang sinomang tao ng kaniyang kamay o ng kaniyang paa sa buong lupain ng Egipto.

45 At pinanganlan ni Faraon si Jose na Zaphnath-paanea, at ibinigay na asawa sa kaniya si Asenath, na anak ni Potiphera, na saserdote sa On. At lumabas si Jose, sa lupain ng Egipto.

46 At si Jose ay may tatlong pung taon nang tumayo sa harap ni Faraon na hari sa Egipto. At si Jose ay umalis sa harap ni Faraon, at nilibot ang buong lupain ng Egipto.

47 At sa pitong taong sagana ay nagdulot ang lupa ng sagana.

48 At tinipon ni Jose ang lahat na pagkain sa pitong taon na tinamo sa lupain ng Egipto: at inimbak ang nangasabing pagkain sa mga bayan; na ang pagkain sa bukid na nasa palibot ng bawa't bayan ay inimbak sa bawa't kinauukulan ding bayan.

49 At si Jose ay nagkamalig ng trigo na parang buhangin sa dagat, na napakarami hanggang sa hindi nabilang; sapagka't walang bilang.

50 At bago dumating ang taong kagutom ay ipinanganak kay Jose ang dalawang lalake, na ipinanganak sa kaniya ni Asenath na anak ni Potiphera, na saserdote sa On.

51 At tinawag ni Jose ang pangalan ng panganay na Manases, sapagka't aniya'y, Ipinalimot ng Dios sa akin ang lahat ng aking kapagalan at ang buong bahay ng aking ama.

52 At ang ipinangalan sa ikalawa ay Ephraim: Sapagka't ako'y pinalago ng Dios sa lupain ng aking kadalamhatian.

53 At ang pitong taon ng kasaganaan na nagkaroon sa lupain ng Egipto ay natapos.

54 At ang pitong taon ng kagutom ay nagpasimulang dumating, ayon sa sinabi ni Jose: at nagkagutom sa lahat ng lupain; datapuwa't sa buong lupain ng Egipto ay may tinapay.

55 At nang ang buong lupain ng Egipto ay magutom, ay dumaing ng tinapay ang bayan kay Faraon: at sinabi ni Faraon sa lahat ng mga Egipcio, Pumaroon kayo kay Jose; ang kaniyang sabihin sa inyo ay inyong gawin.

56 At ang kagutom ay nasa ibabaw ng buong lupa: at binuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at nagbili sa mga Egipcio; at lumala ang kagutom sa lupain ng Egipto.

57 At lahat ng mga taga ibang lupain ay nagsiparoon kay Jose upang magsibili ng trigo; sapagka't lumala ang kagutom sa buong lupa.

Genesis 42

1 Nabalitaan nga ni Jacob na may trigo sa Egipto, at sinabi ni Jacob sa kaniyang mga anak, Bakit kayo nangagtitinginan?

2 At kaniyang sinabi, Narito, aking narinig na may trigo sa Egipto: bumaba kayo roon, at bumili kayo roon ng sa ganang atin, upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay.

3 At ang sangpung kapatid ni Jose ay bumaba, na bumili ng trigo sa Egipto.

4 Datapuwa't si Benjamin na kapatid ni Jose, ay hindi sinugo ni Jacob na kasama ng kaniyang mga kapatid; sapagka't aniya'y, Baka sakaling may mangyari sa kaniyang anomang kapahamakan.

5 At ang mga anak ni Israel ay nagsiparoong bumili, na kasalamuha ng nagsisiparoon: sapagka't nagkakagutom sa lupain ng Canaan.

6 At si Jose ang tagapamahala sa lupain; siya ang nagbibili ng trigo sa lahat ng mga tao sa lupain: at nagsidating ang mga kapatid ni Jose at nangagpatirapa sa kaniya, na ang kanilang mga mukha ay pasubasob.

7 At nakita ni Jose ang kaniyang mga kapatid, at kaniyang nangakilala, datapuwa't siya'y nagkunwaring iba sa kanila, at sila'y kinausap niya ng magilas; at sinabi sa kanila, Saan kayo nagsipanggaling? At sinabi nila, Sa lupain ng Canaan, upang bumili ng pagkain.

8 At nakilala ni Jose ang kaniyang mga kapatid, datapuwa't hindi nila siya nakilala.

9 At naalaala ni Jose ang mga panaginip na kaniyang napanaginip, tungkol sa kanila, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y mga tiktik; upang tingnan ninyo ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito.

10 At kanilang sinabi sa kaniya, Hindi panginoon ko, kundi ang iyong mga lingkod ay nagsiparito upang bumili ng pagkain.

11 Kaming lahat ay anak ng isa lamang lalake; kami ay mga taong tapat, ang iyong mga lingkod ay hindi mga tiktik.

12 At kaniyang sinabi sa kanila, Hindi, kungdi upang tingnan ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito.

13 At kanilang sinabi, Kaming iyong mga lingkod ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng isa lamang lalake sa lupain ng Canaan; at, narito, ang bunso ay nasa aming ama ngayon, at ang isa'y wala na.

14 At sinabi sa kanila ni Jose, Iyan ang sinasalita ko sa inyo, na aking sinasabi, Kayo'y mga tiktik;

15 Dito ko kayo susubukin: alangalang sa buhay ni Faraon ay hindi kayo aalis dito, malibang pumarito ang inyong kapatid na bunso.

16 Suguin ninyo ang isa sa inyo, na dalhin dito ang inyong kapatid, at kayo'y mangabibilanggo; upang masubok ang inyong mga salita, kung may katotohanan sa inyo: o kung hindi alangalang sa buhay ni Faraon, ay tunay na mga tiktik kayo.

17 At kaniyang inilagay silang lahat na magkakasama sa bilangguan na tatlong araw.

18 At sinabi ni Jose sa kanila sa ikatlong araw, Gawin ninyo ito at mangabuhay kayo; sapagka't natatakot ako sa Dios:

19 Kung kayo'y mga taong tapat, ay matira ang isa sa inyong magkakapatid na bilanggo sa bahay na pinagbilangguan sa inyo; datapuwa't kayo'y yumaon, magdala kayo ng trigo dahil sa kagutom sa inyong mga bahay:

20 At dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid na bunso; sa ganito'y matototohanan ang inyong mga salita, at hindi kayo mangamamatay. At kanilang ginawang gayon.

21 At sila'y nagsabisabihan, Katotohanang tayo'y salarin tungkol sa ating kapatid, sapagka't nakita natin ang kahapisan ng kaniyang kaluluwa, nang namamanhik sa atin, at hindi natin siya dininig; kaya't dumarating sa atin ang kahapisang ito.

22 At si Ruben ay sumagot sa kanila, na nagsasabi, Di ba nagsalita ako sa inyo, na aking sinasabi, Huwag kayong magkasala laban sa bata; at ayaw kayong makinig? kaya naman, narito, ang kaniyang dugo ay nagsasakdal.

23 At hindi nila nalalaman na sila'y pinakikinggan ni Jose; sapagka't may tagapagpaliwanag sa kanila.

24 At siya'y humiwalay sa kanila, at umiyak; at siya'y bumalik sa kanila, at sila'y kinausap at kinuha sa kanila si Simeon, at siya'y tinalian sa harap ng kanilang mga mata.

25 Nang magkagayo'y ipinagutos ni Jose na punuin ang kanilang mga bayong ng trigo, at ibalik ang salapi ng bawa't isa sa kanikaniyang bayong, at sila'y bigyan ng mababaon sa daan: at ginawa sa kanilang gayon.

26 At kanilang pinasanan ng trigo ang kanilang mga asno, at sila'y yumaon mula roon.

27 At pagbubukas ng isa ng kaniyang bayong upang bigyan ng pagkain ang kaniyang asno sa tuluyan, ay nakita niya ang kaniyang salapi; at, narito, nasa labi ng kaniyang bayong.

28 At sinabi niya sa kaniyang mga kapatid, Ang salapi ko ay nasauli; at, narito, nasa aking bayong: at kumutob ang kanilang puso; at nangagtinginan na nanganginginig, na nagsasabihan, Ano itong ginawa ng Dios sa atin?

29 At sila'y dumating kay Jacob na kanilang ama sa lupain ng Canaan, at isinaysay nila sa kaniya ang lahat na nangyari sa kanila; na sinasabi:

30 Ang lalaking panginoon sa lupaing yaon ay kinausap kami na magilas, at inari kaming mga tiktik sa lupain.

31 At aming sinabi sa kaniya, Kami ay mga taong tapat; hindi kami mga tiktik:

32 Kami ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng aming ama; ang isa'y wala na, at ang bunso ay nasa aming ama ngayon sa lupain ng Canaan.

33 At sinabi sa amin ng lalaking yaon, ng panginoon sa lupain, Dito ko makikilala na kayo'y mga taong tapat: magiwan kayo sa akin ng isa sa inyong magkakapatid, at magsipagdala kayo ng trigo dahil sa kagutom sa inyong mga bahay, at kayo'y yumaon.

34 At dalhin ninyo rito sa akin ang inyong kapatid na bunso: kung gayo'y makikilala ko, na kayo'y hindi mga tiktik, kundi kayo'y mga taong tapat: sa ganito'y isasauli ko sa inyo ang inyong kapatid at kayo'y mangangalakal sa lupain.

35 At nangyari na pagaalis ng laman ng kanilang mga bayong, na, narito, sa bayong ng bawa't isa ay nakalagay ang balot ng kanikaniyang salapi: at nang makita nila at ng kanilang ama ang kanilang mga balot ng salapi, ay nangatakot.

36 At sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, Inalis na ninyo sa akin ang aking mga anak: si Jose ay wala, at si Simeon ay wala, at aalisin pa ninyo si Benjamin: lahat ng bagay na ito ay laban sa akin.

37 At nagsalita, si Ruben sa kaniyang ama, na sinasabi, Ipapatay mo ang aking dalawang anak kung siya'y hindi ko dalhin sa iyo; ibigay mo sa aking kamay, at siya'y aking ibabalik sa iyo.

38 At kaniyang sinabi, Hindi yayaon ang aking anak na kasama ninyo; sapagka't ang kaniyang kapatid ay patay na, at siya lamang ang natitira; kung mangyari sa kaniya ang anomang kapahamakan sa daan na inyong paroroonan, ay pabababain nga ninyo ang aking mga uban sa Sheol na may kapanglawan.

Genesis 43

1 At ang kagutom ay mahigpit sa lupain.

2 At nangyari, nang makain na nila ang trigong kanilang dinala mula sa Egipto, na sinabi sa kanila ng kanilang ama, Kayo'y pumaroong muli, ibili ninyo tayo ng kaunting pagkain.

3 At si Juda ay nagsalita sa kaniya, na sinasabi, Ipinahayag sa aming mahigpit ng lalaking yaon, na sinasabi, Hindi ninyo makikita ang aking mukha, maliban na ipagsama ninyo ang inyong kapatid.

4 Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid, ay bababa kami, at ibibili ka namin ng pagkain.

5 Datapuwa't kung hindi mo paparoroonin ay hindi kami bababa: sapagka't sinabi sa amin ng lalaking yaon, Hindi ninyo makikita ang aking mukha, malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.

6 At sinabi ni Israel, Bakit ninyo ako ginawan ng masama, na inyong sinabi sa lalake na mayroon pa kayong ibang kapatid?

7 At kanilang sinabi, Tinanong kami ng buong siyasat, tungkol sa amin, at tungkol sa aming kamaganakan, na sinasabi, Buhay pa ba ang inyong ama? May iba pa ba kayong kapatid? At isinaysay namin sa kaniya ayon sa mga salitang ito: saan namin malalaman, kaniyang sasabihin, Ibababa ninyo rito ang inyong kapatid?

8 At sinabi ni Juda kay Israel na kaniyang ama. Pasamahin mo sa akin ang bata at kami ay magsisitindig at magsisiyaon; upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay, kami, at ikaw, at gayon din ang aming mga bata.

9 Ako ang mananagot sa kaniya; sa aking kamay hahanapin mo siya; kung hindi ko ibalik sa iyo, at ilagay sa harap mo, ay pasanin ko ang sala magpakailan pa man:

10 Sapagka't kung hindi tayo nagluwat, ay nakapagbalik na kaming makalawa.

11 At sinabi sa kanila ng kanilang amang si Israel, Kung gayon, ngayo'y gawin ninyo ito: magdala kayo sa inyong bayong ng mga piling bunga ng lupain, at dalhan ninyo ang lalaking yaon ng kaloob, ng kaunting balsamo at kaunting pulot, pabango, at mirra, mga pile at almendras.

12 At magdala kayo ng ibayong halaga ng salapi sa inyong kamay; at ang salaping nabalik sa labi ng inyong mga bayong ay dalhin ninyong muli sa inyong kamay; marahil ay kalituhan:

13 Dalhin din ninyo ang inyong kapatid, at magtindig kayo at pumaroon kayong muli sa lalaking yaon.

14 At pagkalooban nawa kayo ng Dios na Makapangyarihan sa lahat ng kaawaan sa harap ng lalaking yaon, upang isauli sa inyo ang inyong isang kapatid at si Benjamin. At kung mawalan ako ng mga anak, ay mawalan ako.

15 At dinala ng mga lalake ang kaloob na yaon, at ibayong halaga ng salapi ang dinala sa kanilang kamay, at si Benjamin; at nagsipagtindig, at nagsibaba sa Egipto, at nagsiharap kay Jose.

16 At nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, ay sinabi niya sa katiwala ng kaniyang bahay: Dalhin mo ang mga lalaking iyan sa bahay, at magpatay ka ng mga hayop, at ihanda mo; sapagka't ang mga lalaking iyan ay magsisipananghaling kasalo ko.

17 At ginawa ng lalake ang ayon sa iniutos sa kaniya ni Jose; at dinala ng katiwala ang mga lalaking yaon sa bahay ni Jose.

18 At ang mga lalake ay nangatakot, sapagka't sila'y dinala sa bahay ni Jose; kanilang sinabi: Dahil sa salaping isinauli sa ating mga bayong ng una, ay dinala tayo rito; upang hanapan tayo ng dahilan, at tayo'y ibagsak niya, at tayo'y ariin niyang mga alipin, at pati ng atin mga asno.

19 At sila'y nagsilapit sa katiwala ng bahay ni Jose, at kinausap nila sa pintuan ng bahay.

20 At sinabi nila, Oh panginoon ko, tunay na kami ay bumaba ng una na bumili ng pagkain:

21 At nangyari, nang dumating kami sa tuluyan, na binuksan namin ang aming mga bayong, at, narito, ang salapi ng bawa't isa sa amin ay nasa labi ng kanikaniyang bayong, ang salapi namin sa tunay na timbang: at aming muling dinala sa aming kamay.

22 At nagdala kami ng ibang salapi sa aming kamay upang ibili ng pagkain; hindi namin nalalaman kung sino ang naglagay ng aming salapi sa aming mga bayong.

23 At kaniyang sinabi, Mapayapa kayo; huwag kayong matakot, ang Dios ninyo at ang Dios ng inyong ama ang nagbigay sa inyo ng kayamanang natatago sa inyong mga bayong: tinanggap ko ang inyong salapi. At inilabas si Simeon sa kanila.

24 At dinala ng katiwala ang mga lalake sa bahay ni Jose, at sila'y binigyan ng tubig, at nangaghugas ng kanilang mga paa; at binigyan ng pagkain ang kanilang mga asno.

25 At kanilang inihanda ang kaloob sa pagdating ni Jose sa tanghali; sapagka't kanilang narinig na doon sila magsisikain ng tinapay.

26 At nang dumating si Jose sa bahay, ay dinala nila sa kaniya sa loob ng bahay, ang kaloob na nasa kanilang kamay, at sila'y nagpatirapa sa harap niya.

27 At sila'y kaniyang tinanong tungkol sa kanilang kalagayan, at sinabi, Wala bang sakit ang inyong ama, ang matanda na inyong sinalita? buhay pa ba?

28 At kanilang sinabi, Walang sakit ang iyong lingkod na aming ama, buhay pa. At sila'y nagsiyukod at nagsigalang.

29 At itiningin niya ang kaniyang mga mata, at nakita si Benjamin na kapatid niya, na anak ng kaniyang ina, at sinabi, Ito ba ang inyong kapatid na bunso, na inyong sinalita sa akin? At kaniyang sinabi, Pagpalain ka nawa ng Dios, anak ko.

30 At nagmadali si Jose; sapagka't nagniningas ang kaniyang loob dahil sa kaniyang kapatid: at humanap ng dakong maiiyakan; at pumasok sa kaniyang silid, at umiyak doon.

31 At siya'y naghilamos at lumabas; at nagpigil ng loob, at nagsabi, Maghain kayo ng tinapay.

32 At kanilang hinainan siyang bukod, at silang bukod, at ang mga Egipcio na kumakaing kasama niya ay bukod: sapagka't ang mga taga Egipcio ay hindi makakaing kasalo ng mga Hebreo; sapagka't kasuklamsuklam ito sa mga Egipcio.

33 At sila'y nagsiupo sa harap niya, ang panganay ayon sa kaniyang pagkapanganay, at ang bunso ayon sa kaniyang pagkabunso: at ang mga lalake ay nangamamangha na nagtitinginan.

34 At sila'y idinampot ni Jose sa harap niya ng mga ulam: datapuwa't ang ulam ni Benjamin ay humihigit kay sa mga bahagi ng alin man sa kanila ng makalima. At nangaginuman at nangakipagkatuwa sa kaniya.

Genesis 44

1 At kaniyang iniutos sa katiwala ng kaniyang bahay, na sinasabi, Punuin mo ng mga pagkain ang mga bayong ng mga lalaking ito, kung gaano ang kanilang madadala: at ilagay mo ang salapi ng bawa't isa sa labi ng kanikaniyang bayong.

2 At ilagay mo ang aking saro, ang sarong pilak, sa labi ng bayong ng bunso, at ang salapi ng kaniyang trigo. At ginawa niya ang ayon sa salita na sinalita ni Jose.

3 At pagliliwanag ng kinaumagahan, ay pinapagpaalam ang mga lalake, sila at ang kanilang mga asno.

4 Nang sila'y mangakalabas na sa bayan, at hindi pa sila nalalayo, ay sinabi ni Jose sa katiwala ng kaniyang bahay, Bumangon ka habulin mo ang mga lalake; at pagka sila'y iyong inabutan, ay sabihin mo sa kanila, Bakit iginanti ninyo ay kasamaan sa kabutihan?

5 Hindi ba ang sarong ito ang iniinuman ng aking panginoon, at tunay na kaniyang ipinanghuhula? Kayo'y gumawa ng masama sa paggawa ng ganiyan.

6 At kaniyang inabutan sila, at kaniyang sinalita sa kanila ang mga ito.

7 At kanilang sinabi sa kaniya, Bakit sinalita ng aking panginoon ang mga salitang ito? Huwag itulot ng Dios na gumawa ang iyong mga lingkod ng ganiyang bagay.

8 Narito, ang salapi na aming nasumpungan sa labi ng aming mga bayong ay aming isinauli sa iyo mula sa lupain ng Canaan: paano ngang kami ay magnanakaw sa bahay ng iyong panginoon ng pilak o ginto?

9 Yaong kasumpungan sa iyong mga lingkod, ay mamatay, at pati kami ay magiging alipin ng aming panginoon.

10 At kaniyang sinabi, Mangyari nga ang ayon sa inyong mga salita; yaong kasumpungan ay magiging aking alipin; at kayo'y mawawalan ng sala.

11 Nang magkagayo'y nagmadali sila, at ibinaba ng bawa't isa ang kaniyang bayong sa lupa, at binuksan ng bawa't isa ang kaniyang bayong.

12 At kaniyang sinaliksik, na pinasimulan sa panganay at niwakasan sa bunso; at nasumpungan ang saro sa bayong ni Benjamin.

13 Nang magkagayo'y kanilang hinapak ang kanilang mga suot, at pinasanan ng bawa't isa ang kaniyang asno, at nagsibalik sa bayan.

14 At si Juda at ang kaniyang mga kapatid ay dumating sa bahay ni Jose at siya'y nandoon pa, at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa harap niya.

15 At sinabi sa kanila ni Jose, Anong gawa itong inyong ginawa? Hindi ba ninyo nalalaman na ang isang tao na gaya ko ay tunay na makahuhula?

16 At sinabi ni Juda: Anong aming sasabihin sa aming panginoon? anong aming sasalitain? o paanong kami ay magpapatotoo? Inilitaw ng Dios ang kasamaan ng iyong mga lingkod: narito, kami ay alipin ng aming panginoon, kami sampu niyaong kinasumpungan ng saro.

17 At kaniyang sinabi, Huwag nawang itulot ng Dios na ako'y gumawa ng ganiyan; ang taong kinasumpungan ng saro, ay siyang magiging aking alipin; datapuwa't tungkol sa inyo ay pumaroon kayong payapa sa inyong ama.

18 Nang magkagayo'y lumapit si Juda sa kaniya, at nagsabi, Oh panginoon ko, ipinamamanhik ko sa iyo na papagsalitain ang iyong lingkod, ng isang salita sa mga pakinig ng aking panginoon, at huwag nawang magalab ang iyong loob laban sa iyong lingkod; sapagka't ikaw ay parang si Faraon.

19 Tinanong ng aking panginoon ang kaniyang mga lingkod, na sinasabi; Kayo ba'y mayroong ama o kapatid?

20 At aming sinabi sa aking panginoon, Kami ay may ama, isang matanda, at isang anak sa kaniyang katandaan, isang munting bata at ang kaniyang kapatid ay namatay, at siya lamang ang naiwan ng kaniyang ina, at minamahal siya ng kaniyang ama.

21 At sinabi mo sa iyong mga lingkod, Dalhin ninyo rito sa akin, upang mamasdan ko siya ng aking mga mata.

22 At aming sinabi sa aking panginoon, Hindi maiiwan ng bata ang kaniyang ama: sapagka't kung iiwan niya ang kaniyang ama, ay mamamatay ang ama niya.

23 At iyong sinabi sa iyong mga lingkod, Hindi na ninyo makikita ang aking mukha, malibang inyong ipagsamang bumaba ang inyong kapatid na bunso.

24 At nangyari nang panhikin namin ang inyong lingkod na aking ama, ay aming isinaysay sa kaniya ang mga salita ng aking panginoon.

25 At sinabi ng aming ama, Pumaroon kayo uli, ibili ninyo tayo ng kaunting pagkain.

26 At aming sinabi, Hindi kami makabababa: kung ang aming bunsong kapatid ay kasama namin ay bababa nga kami: sapagka't hindi namin makikita ang mukha ng lalaking yaon, malibang ang aming bunsong kapatid ay kasama namin.

27 At sinabi ng iyong lingkod na aming ama sa amin, Inyong talastas na ang aking asawa ay nagkaanak sa akin ng dalawang lalake:

28 At ang isa'y umalis sa akin, at aking sinabi, Tunay na siya'y nalapa; at hindi ko siya nakita mula noon.

29 At kung inyong kunin pa ang isang ito sa akin, at may mangyaring sakuna sa kaniya, ay inyong ibababa ang aking uban sa Sheol na may kapanglawan.

30 Ngayon nga'y kung ako'y dumating sa iyong lingkod na aking ama, at ang bata ay hindi namin kasama; sapagka't ang kaniyang buhay ay natatali sa buhay ng batang iyan;

31 Ay mangyayari nga na pagka kaniyang nakitang ang bata ay di namin kasama, na mamamatay siya: at ibababa sa Sheol na may kapanglawan ng iyong mga lingkod ang mga uban ng iyong lingkod na aming ama.

32 Sapagka't ang iyong lingkod ang siyang nanagot sa bata sa aking ama, na nagsasabi: Kung hindi ko siya dalhin sa iyo, ay papasanin ko nga ang kasalanan sa aking ama magpakailan man.

33 Ngayon nga, ay ipahintulot mo na ang iyong lingkod, aking isinasamo sa iyo, ay maiwan na kahalili ng bata na pinakaalipin ng aking panginoon; at iyong ipahintulot na ang bata ay umahong kasama ng kaniyang mga kapatid.

34 Sapagka't paanong paroroon ako sa aking ama, at ang bata'y di ko kasama? Baka aking makita pa ang sakunang sasapit sa aking ama.

Genesis 45

1 Nang magkagayon ay hindi nakapagpigil si Jose sa harap nilang lahat na nakatayo sa siping niya; at sumigaw, Paalisin ninyo ang lahat ng tao sa aking harap. At walang taong tumayo na kasama niya samantalang si Jose ay napakikilala sa kaniyang mga kapatid.

2 At siya'y umiyak ng malakas: at narinig ng mga Egipcio, at narinig ng sangbahayan ni Faraon.

3 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, Ako'y si Jose; buhay pa ba ang aking ama? At ang kaniyang mga kapatid ay hindi mangakasagot sa kaniya: sapagka't sila'y nagugulumihanan sa kaniyang harap.

4 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, Lumapit kayo sa akin, isinasamo ko sa inyo. At sila'y lumapit. At kaniyang sinabi: Ako'y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Egipto.

5 At ngayo'y huwag kayong magdalamhati, o magalit man sa inyong sarili na inyo akong ipinagbili rito: sapagka't sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang magadya ng buhay.

6 Sapagka't may dalawang taon nang ang kagutom ay nasa lupain; at may limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid, o pagaani man.

7 At sinugo ako ng Dios sa unahan ninyo upang papanatilihin kayong pinakalahi sa lupa, at upang iligtas kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang pagliligtas.

8 Hindi nga kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Dios: at kaniya akong ginawang ama kay Faraon, at panginoon sa buo niyang bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Egipto.

9 Magmadali kayo, at pumaroon kayo sa aking ama, at sabihin ninyo sa kaniya: Ganito ang sabi ng iyong anak na si Jose: Ginawa akong panginoon ng Dios sa buong Egipto: pumarito ka sa akin, huwag kang magluwat.

10 At ikaw ay tatahan sa lupain ng Gosen, at malalapit ka sa akin, ikaw at ang iyong mga anak, at ang mga anak ng iyong mga anak, at ang iyong mga kawan, at ang iyong mga bakahan, at ang iyong buong tinatangkilik.

11 At doo'y kakandilihin kita; sapagka't may limang taong kagutom pa; baka ikaw ay madukha, ikaw at ang iyong sangbahayan, at ang lahat ng iyo.

12 At, narito, nakikita ng inyong mga mata at ng mga mata ng aking kapatid na si Benjamin, na ang aking bibig ang nagsasalita sa inyo.

13 At inyong sasaysayin sa aking ama ang aking buong kaluwalhatian sa Egipto, at ang inyong buong nakita; at kayo'y magmamadali at inyong ibababa rito ang aking ama.

14 At siya'y humilig sa leeg ng kaniyang kapatid na si Benjamin, at umiyak; at si Benjamin ay umiyak sa ibabaw ng kaniyang leeg.

15 At kaniyang hinagkan ang lahat niyang kapatid, at umiyak sa kanila: at pagkatapos ay nakipagsalitaan sa kaniya ang kaniyang mga kapatid.

16 At ang kabantugang yaon ay naibalita sa sangbahayan ni Faraon, na sinasabi, Nagsidating ang mga kapatid ni Jose: at ikinalugod ni Faraon, at ng kaniyang mga lingkod.

17 At sinabi ni Faraon kay Jose, Sabihin mo sa iyong mga kapatid, Ito'y gawin ninyo: pasanan ninyo ang inyong mga hayop, at kayo'y yumaon, umuwi sa lupain ng Canaan;

18 At dalhin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sangbahayan, at pumarito kayo sa akin: at aking ibibigay sa inyo ang pinakamabuti sa lupain ng Egipto, at kakanin ninyo ang katabaan ng lupain.

19 Ngayo'y inuutusan ka, ito'y gawin ninyo; kumuha kayo ng mga kariton sa lupain ng Egipto para sa inyong mga bata, at sa inyong mga asawa, at dalhin ninyo rito ang inyong ama, at kayo'y pumarito.

20 Huwag din ninyong lingapin ang inyong pag-aari; dahil sa ang buti ng buong lupain ng Egipto ay inyo.

21 At ginawang gayon ng mga anak ni Israel: at binigyan sila ni Jose ng mga kariton, ayon sa utos ni Faraon, at sila'y binigyan ng mababaon sa daan.

22 Sa kanilang lahat ay nagbigay siya ng mga pangpalit na bihisan; nguni't kay Benjamin ay nagbigay siya ng tatlong daang putol na pilak, at limang pangpalit na bihisan.

23 At sa kaniyang ama ay nagpadala siya ng ganitong paraan; sangpung asnong may pasang mabuting mga bagay sa Egipto, at sangpung asna na may pasang trigo at tinapay at pagkain ng kaniyang ama sa daan.

24 Sa ganito ay kaniyang pinapagpaalam ang kaniyang mga kapatid, at sila'y yumaon: at kaniyang sinabi sa kanila, Huwag kayong magkaaalit sa daan.

25 At sila'y sumumpa mula sa Egipto, at naparoon sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama.

26 At kanilang isinaysay sa kaniya, na sinasabi, Si Jose ay buhay pa, at siya'y puno sa buong lupain ng Egipto. At ang kaniyang puso ay nanglupaypay, sapagka't di niya pinaniwalaan sila.

27 At kanilang isinaysay sa kaniya ang lahat ng salita ni Jose, na kaniyang sinabi sa kanila: nang kaniyang makita ang mga karitong ipinadala ni Jose upang dalhin sa kaniya, ay nagsauli ang diwa ni Jacob na kanilang ama.

28 At sinabi ni Israel, Siya na; si Jose na aking anak ay buhay pa: ako'y paroroon at titingnan ko siya, bago ako mamatay.