Paso 186

Estudio

     

Mga Awit 98:4-9

4 Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, buong lupa. Mangagpasimula at magsiawit dahil sa kagalakan, oo, magsiawit kayo ng mga pagpuri.

5 Magsiawit kayo sa Panginoon ng mga pagpuri ng alpa; ng alpa at ng tinig na tugma.

6 Ng mga pakakak at tunog ng corneta magkaingay kayo na may kagalakan sa harap ng Hari, ng Panginoon.

7 Humugong ang dagat at ang buong naroon; ang sanglibutan at ang nagsisitahan doon;

8 Ipakpak ng mga baha ang kanilang mga kamay; magawitan ang mga burol dahil sa kagalakan;

9 Sa harap ng Panginoon, sapagka't siya'y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng karapatan ang mga bayan.

Mga Awit 99

1 Ang Panginoon ay naghahari: manginig ang mga bayan. Siya'y nauupo sa mga querubin; makilos ang lupa.

2 Ang Panginoon ay dakila sa Sion; at siya'y mataas na higit sa lahat ng mga bayan.

3 Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan: siya'y banal.

4 Ang lakas naman ng hari ay umiibig ng kahatulan; ikaw ay nagtatatag ng karampatan, ikaw ay nagsasagawa ng kahatulan at katuwiran sa Jacob.

5 Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios, at magsisamba kayo sa harap ng kaniyang tungtungan; siya'y banal.

6 Si Moises at si Aaron sa gitna ng kaniyang mga saserdote, at si Samuel sa kanila na nagsisitawag sa kaniyang pangalan; sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at siya'y sumasagot sa kanila.

7 Siya'y nagsasalita sa kanila sa haliging ulap: kanilang iniingatan ang kaniyang mga patotoo, at ang palatuntunan na ibinigay niya sa kanila.

8 Sumagot ka sa kanila, Oh Panginoon naming Dios; ikaw ay Dios na nagpatawad sa kanila, bagaman nanghiganti ka sa kanilang mga gawa.

9 Ibunyi ninyo ang Panginoon nating Dios, at magsisamba kayo sa kaniyang banal na bundok; sapagka't ang Panginoon nating Dios ay banal.

Mga Awit 100

1 Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, kayong lahat na lupain.

2 Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon; magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.

3 Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya: tayo'y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.

4 Magsipasok kayo sa kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat, at sa kaniyang looban na may pagpupuri: mangagpasalamat kayo sa kaniya, at purihin ninyo ang kaniyang pangalan.

5 Sapagka't ang Panginoon ay mabuti; ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man; at ang kaniyang pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi.

Mga Awit 101

1 Aking aawitin ang kagandahang-loob at kahatulan: sa iyo, Oh Panginoon, aawit ako ng mga pagpupuri.

2 Ako'y magpapakapantas sa sakdal na lakad: Oh kailan ka pasasa akin? Ako'y lalakad sa loob ng aking bahay na may sakdal na puso.

3 Hindi ako maglalagay ng hamak na bagay sa harap ng aking mga mata: aking ipinagtanim ang gawa nilang lisya: hindi kakapit sa akin.

4 Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin: hindi ako makakaalam ng masamang bagay.

5 Ang sumisirang puri na lihim sa kaniyang kapuwa ay aking ibubuwal: siya na may mapagmataas na tingin at may palalong puso ay hindi ko titiisin.

6 Ang mga mata ko'y itititig ko sa mga tapat sa lupain, upang sila'y makatahan na kasama ko: siya na lumalakad sa sakdal na daan, siya'y mangangasiwa sa akin.

7 Siyang gumagawa ng karayaan ay hindi tatahan sa loob ng aking bahay: siyang nagsasalita ng kabulaanan ay hindi matatatag sa harap ng aking mga mata.

8 Tuwing umaga ay aking lilipulin ang lahat na masama sa lupain; upang ihiwalay ang lahat na manggagawa ng kasamaan sa bayan ng Panginoon.

Mga Awit 102:1-7

1 Dinggin mo ang dalangin ko, Oh Panginoon, at dumating nawa ang daing ko sa iyo.

2 Huwag mong ikubli ang mukha mo sa akin sa kaarawan ng aking kahirapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin; sa araw na ako'y tumawag, ay sagutin mo akong madali.

3 Sapagka't ang mga kaarawan ko'y nangapapawi na parang usok, at ang mga buto ko'y nangasusunog na parang panggatong.

4 Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo; sapagka't nalimutan kong kanin ang aking tinapay.

5 Dahil sa tinig ng aking daing ang mga buto ko'y nagsisidikit sa aking laman.

6 Ako'y parang pelikano sa ilang; ako'y naging parang kuwago sa kaparangan.

7 Ako'y umaabang, at ako'y naging parang maya na nagiisa sa bubungan.