Paso 19: Step 19

Estudio

     

Exodo 5:10-23

10 At ang mga tagapagpaatag sa bayan, ay nagsilabas, at kanilang sinalita sa bayan, na sinasabi, Ganito ang sabi ni Faraon, Hindi ko kayo bibigyan ng dayami.

11 Yumaon kayo ng inyong sarili, kumuha kayo ng dayami kung saan kayo makakakuha: sapagka't walang babawasin kaunti man sa inyong gawain.

12 Kaya't ang bayan ay nangalat sa buong lupain ng Egipto, na humahanap ng pinagputulan ng trigo na panghalili sa dayami.

13 At hinihigpitan sila ng mga tagapagpaatag, na sinasabi, Tapusin ninyo ang inyong mga gawa, ang inyong gawain sa araw-araw, na gaya nang mayroong kayong dayami.

14 At ang mga pinuno sa mga anak ni Israel na ipinaglalagay sa kanila ng mga tagapagpaatag ni Faraon, ay nangapalo, at sa kanila'y sinabi, Bakit hindi ninyo tinapos ang inyong gawain kahapon at ngayon, sa paggawa ng laryo, na gaya ng dati?

15 Nang magkagayo'y ang mga pinuno sa mga anak ni Israel ay naparoon at dumaing kay Faraon, na nagsasabi, Bakit mo ginaganyan ang iyong mga alipin?

16 Walang anomang dayami, na ibinibigay sa iyong mga alipin, at kanilang sinasabi sa amin, Gumawa kayo ng laryo: at, narito, ang iyong mga alipin ay nangapapalo; nguni't ang sala'y nasa iyong sariling bayan.

17 Datapuwa't kaniyang sinabi, Kayo'y mga pagayongayon, kayo'y mga pagayongayon: kaya't inyong sinasabi, Bayaan mo kaming yumaon at maghain sa Panginoon.

18 Kayo nga'y yumaon ngayon at gumawa; sapagka't walang anomang dayaming ibibigay sa inyo, at gayon ma'y inyong ibibigay ang bilang ng mga laryo.

19 At nakita ng mga pinuno ng mga anak ni Israel, na sila'y nasa masamang kalagayan, nang sabihin, Walang mababawas na anoman sa inyong mga laryo sa inyong gawain sa araw-araw.

20 At kanilang nasalubong si Moises at si Aaron na nagsitayo sa daan, pagkapanggaling kay Faraon:

21 At sinabi nila sa kanila, Kayo nawa'y tunghan ng Panginoon, at hatulan; sapagka't ang aming katayuan ay ginawa mong nakamumuhi sa mga mata ni Faraon, at sa mga mata ng kaniyang mga lingkod, na naglagay ng tabak sa kanilang kamay upang kami ay patayin.

22 At si Moises ay bumalik sa Panginoon, at nagsabi, Panginoon, bakit mo ginawan ng kasamaan ang bayang ito? bakit mo sinugo ako?

23 Sapagka't mula nang ako'y pumaroon kay Faraon na magsalita sa iyong pangalan, ay kaniyang ginawan ng kasamaan ang bayang ito: at ni hindi mo man iniligtas ang iyong bayan.

Exodo 6

1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ngayo'y iyong makikita kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagka't sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay payayaunin niya sila, at sa pamamagitan ng isang malakas na kamay ay palalayasin niya sila sa kaniyang lupain.

2 At ang Dios ay nagsalita kay Moises, at nagsabi sa kaniya, Ako'y si Jehova.

3 At ako'y napakita kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob na Dios na Makapangyarihan sa lahat; nguni't sa pamamagitan ng aking pangalang Jehova, noon ay hindi ako napakilala sa kanila.

4 At akin ding pinapagtibay ang aking tipan sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain ng kanilang pakikipamayan, na kanilang pinakipamayanan.

5 At bukod dito'y aking narinig ang hibik ng mga anak ni Israel na mga binibinbin ng mga Egipcio sa pagkaalipin; at aking naalaala ang aking tipan.

6 Kaya't sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ako'y si Jehova at aking ilalabas kayo sa ilalim ng mga atang sa mga Egipcio, at aking hahanguin kayo sa pagkaalipin sa kanila, at aking tutubusin kayo na may unat na kamay at may mga dakilang kahatulan:

7 At kayo'y aking aariin na pinakabayan ko at ako'y magiging sa inyo'y Dios, at inyong makikilala na ako'y si Jehova ninyong Dios, na naglalabas sa inyo sa ilalim ng mga atang sa mga Egipcio.

8 At aking dadalhin kayo sa lupain, na siyang pinagtaasan ko ng aking kamay na aking ibibigay kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob; at aking ibibigay sa inyo na pinakamana: ako'y si Jehova.

9 At sinalitang gayon ni Moises sa mga anak ni Israel; datapuwa't hindi sila nakinig kay Moises, dahil sa yamot, at dahil sa mabagsik na pagkaalipin.

10 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

11 Pumasok ka, salitain mo kay Faraon na hari sa Egipto, na kaniyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel.

12 At si Moises ay nagsalita sa harap ng Panginoon, na sinasabi, Narito ang mga anak ni Israel ay hindi nakinig sa akin; paano ngang si Faraon ay makikinig sa akin, na ako'y may mga labing di tuli?

13 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron, at pinagbilinan sila hinggil sa mga anak ni Israel, at kay Faraon, na hari sa Egipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto.

14 Ito ang mga pangulo sa mga angkan ng kanilang mga magulang; ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel; si Hanoch, at si Phallu, at si Hezron, at si Carmi: ito ang mga angkan ni Ruben.

15 At ang mga anak ni Simeon; si Jemuel, at si Jamin, at si Ohad, at si Jachin, at si Zoar, at si Saul na anak sa isang babaing taga Canaan: ito ang mga angkan ni Simeon.

16 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Levi ayon sa kanilang lahi; si Gerson, at si Coath, at si Merari; at ang mga naging taon ng buhay ni Levi ay isang daan at tatlong pu't pitong taon.

17 Ang mga anak ni Gerson; si Libni at si Shimi, ayon sa kanikanilang angkan.

18 At ang mga anak ni Coath; si Amram, at si Izhar, at si Hebron, at si Uzziel; at ang mga naging taon ng buhay ni Coath ay isang daan at tatlong pu't tatlong taon.

19 At ang mga anak ni Merari; si Mahali at si Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa kanilang lahi.

20 At nagasawa si Amram kay Jochebed na kapatid na babae ng kaniyang ama, at ipinanganak nito sa kaniya si Aaron at si Moises: at ang mga naging taon ng buhay ni Amram ay isang daan at tatlong pu't pitong taon.

21 At ang mga anak ni Izhar; si Cora, at si Nepheg, at si Zithri.

22 At ang mga anak ni Uzziel; si Misael, at si Elzaphan, at si Zithri.

23 At nagasawa si Aaron kay Elisabeth, na anak ni Aminadab, na kapatid ni Naason; at ipinanganak nito sa kaniya si Nadab at si Abiu, si Eleazar at si Ithamar.

24 At ang mga anak ni Cora; si Assir, at si Elcana, at si Abiasaph; ito ang mga angkan ng mga Corita.

25 At si Eleazar na anak ni Aaron, ay nagasawa sa isa sa mga anak ni Phutiel; at ipinanganak niya si Phinees. Ito ang mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita ayon sa kanilang mga angkan.

26 Ito'y yaong si Aaron at si Moises, na siyang pinagsabihan ng Panginoon. Ilabas ninyo ang mga anak ni Israel sa lupaing Egipto ayon sa kanilang mga hukbo.

27 Ito ang mga nagsalita kay Faraon na hari sa Egipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa Egipto: ang mga ito'y si Moises at si Aaron.

28 At nangyari ng araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa lupain ng Egipto,

29 Na sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, Ako nga ang Panginoon; salitain mo kay Faraon na hari sa Egipto, ang lahat ng aking sinasalita sa iyo.

30 At sinabi ni Moises sa harap ng Panginoon, Narito ako'y may mga labing di tuli, at paanong si Faraon ay makikinig sa akin?

Exodo 7

1 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Tingnan mo, ginawa kitang dios kay Faraon: at si Aaron na iyong kapatid ay magiging iyong propeta.

2 Iyong sasalitaing lahat ang aking iniuutos sa iyo: at sasalitain kay Faraon ni Aaron na iyong kapatid upang kaniyang pahintulutan ang mga anak ni Israel ay lumabas sa kaniyang lupain.

3 At aking papagmamatigasin ang puso ni Faraon, at aking pararamihin ang aking mga tanda at ang aking mga kababalaghan sa lupain ng Egipto.

4 Nguni't si Faraon ay hindi makikinig sa inyo, at aking ipapatong sa Egipto ang aking kamay at ilalabas ko ang aking mga hukbo, ang aking bayan, na mga anak ni Israel, sa lupaing Egipto sa pamamagitan ng mga dakilang kahatulan.

5 At malalaman ng mga taga Egipto na ako ang Panginoon, pagka iniunat ko sa Egipto ang aking kamay, at pagka inilabas ko ang mga anak ni Israel sa gitna nila.

6 At ginawang gayon ni Moises at ni Aaron: kung paanong iniutos ng Panginoon sa kanila, ay gayon ginawa nila.

7 At si Moises ay may walong pung taon gulang, at si Aaron ay may walong pu't tatlong taong gulang nang sila'y magsalita kay Faraon.

8 At nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

9 Pagsasalita ni Faraon sa inyo, na sasabihin, Magpakita kayo ng isang kababalaghan sa ganang inyo; ay iyo ngang sasabihin kay Aaron: Kunin mo ang iyong tungkod, at ihagis mo sa harap ni Faraon, na magiging isang ahas.

10 At si Moises at si Aaron ay naparoon kay Faraon, at kanilang ginawang gayon gaya ng iniutos ng Panginoon, at inihagis ni Aaron ang kaniyang tungkod sa harap ni Faraon at sa harap ng kaniyang mga lingkod at naging ahas.

11 Nang magkagayo'y tinawag naman ni Faraon ang mga marunong at ang mga manghuhula, at sila naman na mga mahiko sa Egipto, ay gumawa sa gayon ding paraan ng kanilang mga pag-enkanto.

12 Sapagka't inihagis ng bawa't isa ang kanikaniyang tungkod, at nangaging ahas: nguni't nilamon ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila.

13 At ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.

14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang puso ni Farao'y nagmatigas, ayaw niyang paalisin ang bayan.

15 Pumaroon ka kay Faraon kinaumagahan; narito, siya'y pasasa tubig; at ikaw ay tatayo sa tabi ng ilog upang matagpuan mo siya; at ang tungkod na naging ahas ay iyong tatangnan sa iyong kamay.

16 At iyong sasabihin sa kaniya, Sinugo ako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng mga Hebreo, na sinasabi, Pahintulutan mong ang aking bayan ay yumaon, upang sila'y makapaglingkod sa akin sa ilang at, narito, hanggang ngayo'y hindi mo dininig.

17 Ganito ang sabi ng Panginoon, Dito mo makikilala, na ako ang Panginoon: narito, aking papaluin ng tungkod, na nasa aking kamay, ang tubig, na nasa ilog at magiging dugo.

18 At ang mga isda, na nasa ilog ay mamamatay, at ang ilog ay babaho; at ang mga Egipcio ay masusuklam na uminom ng tubig sa ilog.

19 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron, Kunin mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa tubig sa Egipto, sa kanilang mga ilog, sa kanilang mga bangbang, at sa kanilang mga lawa at sa lahat nilang tipunan ng tubig, upang mga maging dugo; at magkakadugo sa buong lupain ng Egipto, maging sa mga sisidlang kahoy at maging sa mga sisidlang bato.

20 At ginawang gayon ni Moises at ni Aaron, gaya ng iniutos ng Panginoon; at kaniyang itinaas ang tungkod, at pinalo ang tubig, na nasa ilog, sa paningin ni Faraon, at sa paningin ng kaniyang mga lingkod; at ang lahat ng tubig, na nasa ilog ay naging dugo.

21 At ang isda, na nasa tubig ay namatay; at ang ilog ay bumaho at ang mga Egipcio ay hindi makainom ng tubig sa ilog; at nagkadugo sa buong lupain ng Egipto.

22 At ang mga mahiko sa Egipto ay gumawa ng gayon din, sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto; at ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.

23 At si Faraon ay pumihit at umuwi sa kaniyang bahay, na hindi man lamang nabagbag ang kaniyang puso.

24 At lahat ng mga Egipcio ay humukay sa palibot ng ilog, upang makasumpong ng tubig na mainom; sapagka't sila'y hindi makainom ng tubig sa ilog.

25 At naganap ang pitong araw, pagkatapos na masalot ng Panginoon ang ilog.

Exodo 8:1-15

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, Pasukin mo si Faraon at sabihin mo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Tulutan mong yumaon ang aking bayan, upang ako'y mapaglingkuran nila.

2 At kung ayaw mo silang payaunin, ay narito, aking sasalutin ng mga palaka ang inyong buong lupain:

3 At ang ilog ay mapupuno ng mga palaka, na magsisiahon at magsisipasok sa iyong bahay, at sa iyong tulugan, at sa iyong higaan, at sa bahay ng iyong mga lingkod, at sa iyong bayan, at sa iyong mga hurno, at sa iyong mga masa ng tinapay.

4 At kapuwa aakyatin ng mga palaka ikaw at ang iyong bayan, at lahat ng iyong mga lingkod.

5 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sabihin mo kay Aaron, Iunat mo ang iyong kamay pati ng iyong tungkod sa mga ilog, sa mga bangbang, at sa mga lawa, at magpaahon ka ng mga palaka sa lupain ng Egipto.

6 At iniunat ni Aaron ang kaniyang kamay sa tubig sa Egipto; at ang mga palaka ay nagsiahon, at tinakpan ang lupain ng Egipto.

7 At ang mga mahiko ay gumawa ng gayon din sa pamamagitan ng kanilang mga enkanto, at nagpaahon ng mga palaka sa lupain ng Egipto.

8 Nang magkagayo'y tinawag ni Faraon si Moises at si Aaron, at sinabi, Manalangin kayo sa Panginoon, na alisin ang mga palaka sa akin, at sa aking bayan; at aking tutulutang yumaon, ang bayan upang sila'y makapaghain sa Panginoon.

9 At sinabi ni Moises kay Faraon, Magkaroon ka ng kaluwalhatiang ito sa akin: anong oras isasamo kita, at ang iyong mga lingkod, at ang iyong bayan, upang ang mga palaka ay malipol sa iyo at sa iyong mga bahay, at mangatira na lamang sa ilog?

10 At kaniyang sinabi, Sa kinabukasan. At sinabi ni Moises, Mangyayari ayon sa iyong salita: upang iyong maalaman na walang gaya ng Panginoon naming Dios.

11 At ang mga palaka ay magsisialis sa iyo, at sa iyong bahay, at sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan; mangatitira na lamang sa ilog.

12 At si Moises at si Aaron ay umalis sa harap ni Faraon: at si Moises ay dumaing sa Panginoon tungkol sa mga palaka na kaniyang dinala kay Faraon.

13 At ginawa ng Panginoon ayon sa salita ni Moises, at ang mga palaka ay namatay sa mga bahay, sa mga looban at sa mga parang.

14 At kanilang pinagpisan sa buntonbunton: at ang lupa ay bumaho.

15 Nguni't nang makita ni Faraon na may pahinga ay pinapagmatigas ang kaniyang puso, at hindi niya dininig sila; gaya ng sinalita ng Panginoon.