Étape 365

Étudier

     

Pahayag 14:9-20

9 At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay,

10 Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya'y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero:

11 At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan.

12 Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at ng pananampalataya kay Jesus.

13 At narinig ko ang isang tinig na mula sa langit na nagsasabi, Isulat mo, Mapapalad ang mga patay na nangamamatay sa Panginoon mula ngayon: oo, sinasabi ng Espiritu, upang sila'y mangagpahinga sa kanilang mga gawa; sapagka't ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.

14 At nakita ko, at narito, ang isang alapaap na maputi; at nakita ko na nakaupo sa alapaap ang isang katulad ng isang anak ng tao, na sa kaniyang ulo'y may isang putong na ginto, at sa kaniyang kamay ay may isang panggapas na matalas.

15 At lumabas ang ibang anghel sa templo, na sumisigaw ng malakas na tinig doon sa nakaupo sa alapaap, Ihulog mo ang iyong panggapas, at gumapas ka; sapagka't dumating ang oras ng paggapas, sapagka't ang aanihin sa lupa ay hinog na.

16 At inihagis ng nakaupo sa alapaap ang kaniyang panggapas sa lupa; at ang lupa ay nagapasan.

17 At lumabas ang ibang anghel sa templong nasa langit, na may panggapas din namang matalas.

18 At ang ibang anghel ay lumabas sa dambana, na siyang may kapangyarihan sa apoy, at tinawagan ng malakas na tinig yaong may panggapas na matalas, na sinasabi, Ihulog mo ang iyong panggapas na matalas, at putihin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa; sapagka't ang kaniyang mga ubas ay mga hinog na.

19 At inihagis ng anghel ang kaniyang panggapas sa lupa, at pinuti ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa pisaan ng ubas, sa malaking pisaan ng kagalitan ng Dios.

20 At nayurakan ang pisaan ng ubas sa labas ng bayan, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umapaw hanggang sa mga preno ng mga kabayo, sa lawak na isang libo at anim na raang estadio.

Pahayag 15

1 At nakita ko ang ibang tanda sa langit, dakila at kagilagilalas. Pitong anghel na may pitong salot, na siyang mga panghuli, sapagka't sa mga yao'y magaganap ang kagalitan ng Dios.

2 At nakita ko ang gaya ng isang dagat na bubog na may halong apoy, at yaong nangagtagumpay sa hayop, at sa kaniyang larawan, at sa bilang ng kaniyang pangalan, ay nangakatayo sa tabi ng dagat na bubog, na may mga alpa ng Dios.

3 At inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Dios, at ang awit ng Cordero, na sinasabi, Mga dakila at kagilagilalas ang iyong mga gawa, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat; matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa.

4 Sinong hindi matatakot, Oh Panginoon, at luluwalhatiin ang iyong pangalan? sapagka't ikaw lamang ang banal; sapagka't ang lahat ng mga bansa ay darating at magsisisamba sa harapan mo; sapagka't ang iyong mga matuwid na gawa ay nangahayag.

5 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at ang santuario ng tabernakulo ng patotoo sa langit ay nabuksan.

6 At sa santuario ay nagsilabas ang pitong anghel na may pitong salot, na nararamtan ng mahalagang bato, tunay at makintab, at nangabibigkisan ng gintong pamigkis ang kanilang mga dibdib.

7 At isa sa apat na nilalang na buhay ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong mangkok na ginto na puno ng kagalitan ng Dios, na siyang nabubuhay magpakailan kailan man.

8 At napuno ng usok ang santuario mula sa kaluwalhatian ng Dios, at sa kaniyang kapangyarihan; at sinoman ay hindi nakapasok sa santuario, hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.

Pahayag 16

1 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa santuario, na nagsasabi sa pitong anghel, Humayo kayo, at ibuhos ninyo ang pitong mangkok ng kagalitan ng Dios sa lupa.

2 At humayo ang una, at ibinuhos ang kaniyang mangkok sa lupa; at naging sugat na masama at mabigat sa mga taong may tanda ng hayop na yaon, at nangagsisamba sa kaniyang larawan.

3 At ibinuhos ng ikalawa ang kaniyang mangkok sa dagat; at naging dugo na gaya ng isang patay; at bawa't kaluluwang may buhay, sa makatuwid ay ang nangasa dagat ay nangamatay.

4 At ibinuhos ng ikatlo ang kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at nangaging dugo.

5 At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi, Matuwid ka, na ngayon at nang nakaraan, Oh Banal, sapagka't humatol ka na gayon;

6 Sapagka't ibinuhos nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at pinainom mo sila ng dugo; ito'y karapatdapat sa kanila.

7 At narinig ko ang dambana na nagsasabi, Oo, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, tunay at matuwid ang iyong mga hatol.

8 At ibinuhos ng ikaapat ang kaniyang mangkok sa araw; at ibinigay nito sa kaniya ng masunog ng apoy ang mga tao.

9 At nangasunog ang mga tao sa matinding init: at sila'y namusong sa pangalan ng Dios na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nangagsisi upang siya'y luwalhatiin.

10 At ibinuhos ng ikalima ang kaniyang mangkok sa luklukan ng hayop na yaon; at nagdilim ang kaniyang kaharian; at nginatngat nila ang kanilang mga dila dahil sa hirap,

11 At sila'y namusong sa Dios ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nangagsisi sa kanilang mga gawa.

12 At ibinuhos ng ikaanim ang kaniyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates; at natuyo ang tubig nito, upang mahanda ang dadaanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw.

13 At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon, at sa bibig ng hayop, at sa bibig ng bulaang propeta, ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka:

14 Sapagka't sila'y mga espiritu ng mga demonio, na nagsisigawa ng mga tanda; na pinaparoonan nila ang mga hari sa buong sanglibutan, upang tipunin sa pagbabaka sa dakilang araw ng Dios, na Makapangyarihan sa lahat.

15 (Narito, ako'y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya'y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan.)

16 At tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.

17 At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa hangin; at lumabas sa santuario ang isang malakas na tinig, mula sa luklukan na nagsasabi, Nagawa na:

18 At nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog; at nagkaroon ng malakas na lindol, na di nangyari kailan man mula nang magkatao sa lupa, isang lindol na lubhang malakas, lubhang kakilakilabot.

19 At ang dakilang bayan ay nabahagi sa tatlo, at ang mga bayan ng mga bansa ay nangaguho: at ang dakilang Babilonia ay napagalaala sa paningin ng Dios, upang siya'y bigyan ng inuman ng alak ng kabagsikan ng kaniyang kagalitan.

20 At tumakas ang bawa't pulo, at ang mga bundok ay hindi nangasumpungan.

21 At malaking granizo na kasinglaki ng talento ay lumagpak sa mga tao buhat sa langit, at namusong ang mga tao sa Dios dahil sa salot na granizo; sapagka't ang salot na ito ay lubhang malaki.

Pahayag 17

1 At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Pumarito ka, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa bantog na patutot na nakaupo sa maraming tubig;

2 Na siyang pinakiapiran ng mga hari sa lupa, at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.

3 At ako'y kaniyang dinalang nasa Espiritu sa isang ilang: at nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang hayop na pula, na puno ng mga pangalang pamumusong, na may pitong ulo at sangpung sungay.

4 At nararamtan ang babae ng kulay-ube at ng pula, at nahihiyasan ng ginto at ng mga mahalagang bato at mga perlas, na sa kaniyang kamay ay may isang sarong ginto na puno ng mga kasuklamsuklam, at ng mga bagay na marurumi ng kaniyang pakikiapid,

5 At sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, HIWAGA, DAKILANG BABILONIA, INA NG MGA PATUTOT AT NG MGA KASUKLAMSUKLAM SA LUPA.

6 At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir ni Jesus. At nang aking makita siya ay nanggilalas ako ng malaking panggigilalas.

7 At sinabi sa akin ng anghel, Bakit ka nanggilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng hayop na sinasakyan niya, na may pitong ulo at sangpung sungay.

8 At ang hayop na nakita mo ay naging siya, at wala na; at malapit ng umahon sa kalaliman, at patungo sa kapahamakan. At silang mga nananahan sa lupa ay manggigilalas na ang kanilang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula nang itatag ang sanglibutan, pagkakita nila sa hayop, kung paano naging siya at wala na, at darating.

9 Narito ang pagiisip na may karunungan. Ang pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae:

10 At sila'y pitong hari; ang lima ay nanga buwal, ang isa'y narito, ang isa ay hindi pa dumarating; at pagdating niya ay dapat magtagal na sangdaling panahon.

11 At ang hayop na naging siya, at wala na, ay siya ring ikawalo at siya'y sa pito at siya'y patungo sa kapahamakan.

12 At ang sangpung sungay na iyong nakita ay sangpung hari, na hindi pa nagsisitanggap ng kaharian; datapuwa't magsisitanggap sila ng kapamahalaang paghahari na isang oras na kasama ng hayop.

13 Ang mga ito ay may isang kaisipan, at ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa hayop.

14 Makikipagbaka ang mga ito laban sa Cordero, at sila'y dadaigin ng Cordero, sapagka't siya'y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga Hari; at ng mga kasama niya, na mga tinawag at mga pili at mga tapat ay nananaig din.

15 At sinabi niya sa akin, Ang tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng patutot, ay mga bayan, at mga karamihan, at mga bansa, at mga wika.

16 At ang sangpung sungay na iyong nakita, at ang hayop, ay siyang nangapopoot sa patutot, at siya'y pababayaan at huhubaran, at kakanin ang kaniyang laman, at siya'y lubos na susupukin ng apoy.

17 Sapagka't inilagay ng Dios sa kanilang mga puso na gawin ang kaniyang kaisipan, at mangagkaisa ng kaisipan, at ibigay ang kanilang kaharian sa hayop, hanggang sa maganap ang mga salita ng Dios.

18 At ang babae na iyong nakita ay ang dakilang bayan, na naghahari sa mga hari sa lupa.

Pahayag 18

1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang ibang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapamahalaan; at ang lupa ay naliwanagan ng kaniyang kaluwalhatian.

2 At siya'y sumigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, at naging tahanan ng mga demonio, at kulungan ng bawa't espiritung karumaldumal, at kulungan ng bawa't karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon.

3 Sapagka't dahil sa alak ng galit ng kaniyang pakikiapid ay nangaguho ang lahat ng mga bansa; at ang mga hari sa lupa ay nangakiapid sa kaniya, at ang mga mangangalakal sa lupa ay nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang kalayawan.

4 At narinig ko ang ibang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot:

5 Sapagka't ang kaniyang mga kasalanan ay umabot hanggang sa langit at naalaala ng Dios ang kaniyang mga katampalasanan.

6 Ibigay din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo, at ibayuhin ninyo ng ibayo sa kaniyang mga gawa: sa sarong kaniyang pinaghaluan ay ipaghalo ninyo siya ng ibayo.

7 Kung gaano ang pagkakapagmapuri, at pagkapamuhay na malayaw, ay gayon din naman ang ibigay ninyo sa kaniyang pahirap at pagluluksa: sapagka't sinasabi niya sa kaniyang puso, Ako'y nakaupong reina, at hindi ako bao, at hindi ko makikita kailan man ang pagluluksa.

8 Kaya't darating sa isang araw ang mga salot sa kaniya, kamatayan at pagluluksa, at gutom; at siya'y lubos na susunugin sa apoy; sapagka't malakas ang Panginoong Dios na humatol sa kaniya.

9 At ang mga hari sa lupa, na nangakiapid at nangabuhay na malayaw na kasama niya, ay mangagsisiiyak at mangagsisitaghoy tungkol sa kaniya, pagkakita nila ng usok ng kaniyang pagkasunog,

10 At nangakatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kaniya, na nangagsasabi, Sa aba, sa aba ng dakilang bayang Babilonia, ng bayang matibay! sapagka't sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo.

11 At ang mga mangangalakal sa lupa ay mangagsisiiyak at mangagluluksa tungkol sa kaniya, sapagka't wala nang bibili pa ng kaniyang kalakal;

12 Ng kalakal na ginto at pilak, at mahalagang bato, at mga perlas, at mainam na lino, at kayong kulay ube, at sutla, at kayong pula; at sarisaring mababangong kahoy, at bawa't kasangkapang garing, at bawa't kasangkapang mahalagang kahoy, at tanso, at bakal, at marmol;

13 At kanela, at especias, at incienso, at ungguento, at kamangyan, at alak, at langis, at mainam na harina, at trigo, at mga baka, at mga tupa; at kalakal na mga kabayo at mga karo, at mga alipin; at mga kaluluwa ng mga tao.

14 At ang mga bungang pinipita mo ay nangapalayo sa iyo, at lahat ng mga bagay na maiinam at mariringal ay nangalipol sa iyo, at hindi na mangasusumpungan pa.

15 Ang mga mangangalakal ng mga bagay na ito, na nangagsiyaman dahil sa kaniya, ay mangagsisitayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kaniya, na nagsisiiyak at nagsisipagluksa;

16 Na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, niyaong dakilang bayan, siya na nararamtan ng mahalagang lino at ng kayong kulay ube, at pula, at napapalamutihan ng ginto at ng mahalagang bato at ng perlas!

17 Sapagka't sa loob ng isang oras ay nalipol ang gayong malaking kayamanan. At bawa't pinunong daong, at bawa't naglalayag saan mang dako, at ang mga mangdaragat, at lahat ng nagsisipaghanap-buhay sa dagat, ay nangakatayo sa malayo,

18 At nangagsisisigaw pagkakita sa usok ng kaniyang pagkasunog, na nangagsasabi, Anong bayan ang katulad ng dakilang bayan?

19 At sila'y nangagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo, at nagsisigawan, na nagiiyakan at nagtataghuyan, na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, ang dakilang bayan, na siyang iniyaman ng lahat na may mga daong sa dagat dahil sa kaniyang mga kayamanan! sapagka't sa loob ng isang oras ay nalipol.

20 Magalak ka tungkol sa kaniya, Oh langit, at kayong mga banal, at kayong mga apostol, at kayong mga propeta; sapagka't inihatol ng Dios ang inyong hatol sa kaniya.

21 At dinampot ng isang anghel na malakas ang isang bato, na gaya ng isang malaking gilingang bato, at inihagis sa dagat, na sinasabi, Gayon sa isang kakilakilabot na pagkahulog, igigiba ang Babilonia, ang dakilang bayan, at hindi na masusumpungan pa.

22 At ang tinig ng mga manunugtog ng alpa, at ng mga musiko at ng mga manunugtog ng plauta, at ng mga manunugtog ng pakakak ay hindi na maririnig pa sa iyo; at wala nang manggagawa ng anomang gawa ay masusumpungan pa sa iyo; at ang ugong ng gilingan ay hindi na maririnig pa sa iyo;

23 At ang ilaw ng ilawan ay hindi na liliwanag pa sa iyo, at ang tinig ng kasintahang lalake at ng kasintahang babae ay hindi na maririnig pa sa iyo; sapagka't ang mga mangangalakal mo ay naging mga pangulo sa lupa; sapagka't dinaya ng iyong panggagaway ang lahat ng mga bansa.

24 At nasumpungan sa kaniya ang dugo ng mga propeta, at ng mga banal, at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.

Pahayag 19

1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malaking tinig ng isang makapal na karamihan sa langit, na nagsasabi, Aleluya; Kaligtasan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan, ay nauukol sa ating Dios:

2 Sapagka't tunay at matuwid ang kaniyang mga paghatol; sapagka't hinatulan niya ang bantog na patutot, na siyang nagpasama sa lupa ng kaniyang pakikiapid, at iginanti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin sa pamamagitan ng kaniyang kamay.

3 At sila'y muling nangagsabi, Aleluya. At ang usok niya ay napaiilanglang magpakailan kailan man.

4 At nangagpatirapa ang dalawangpu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buhay, at nangagsisamba sa Dios na nakaupo sa luklukan, na nangagsasabi, Siya nawa; Aleluya.

5 At lumabas ang isang tinig sa luklukan, na nagsasabi, Purihin ninyo ang ating Dios, ninyong lahat na mga lingkod niya, ninyong lahat na mga natatakot sa kaniya, maliliit at malalaki.

6 At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang makapal na karamihan, at gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malalakas na kulog na nagsasabi, Aleluya: sapagka't naghahari ang Panginoong ating Dios na Makapangyarihan sa lahat.

7 Tayo'y mangagalak at tayo'y mangagsayang mainam, at siya'y ating luwalhatiin; sapagka't dumating ang pagkakasal ng Cordero, at ang kaniyang asawa ay nahahanda na.

8 At sa kaniya'y ipinagkaloob na damtan ang kaniyang sarili ng mahalagang lino, makintab at tunay; sapagka't ang mahalagang lino ay siyang mga matuwid na gawa ng mga banal.

9 At sinasabi niya sa akin, Isulat mo, Mapapalad ang mga inanyayahan sa paghapon sa kasalan ng Cordero. At sinasabi niya sa akin, Ang mga ito'y siyang tunay na mga salita ng Dios.

10 At ako'y nagpatirapa sa kaniyang paanan upang siya'y aking sambahin. At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus: sumamba ka sa Dios: sapagka't ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula.

11 At nakita kong bukas ang langit; at narito, ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay dito ay tinatawag na Tapat at Totoo; at sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagbaka.

12 At ang kaniyang mga mata ay ningas ng apoy, at sa kaniyang ulo ay maraming diadema; at siya'y may isang pangalang nakasulat, na sinoman ay di nakaaalam kundi siya rin.

13 At siya'y nararamtan ng damit na winisikan ng dugo: at ang kaniyang pangalan ay tinatawag na Ang Verbo ng Dios.

14 At ang mga hukbong nasa langit ay sumusunod sa kaniya na mga nakasakay sa mga kabayong puti, at nangararamtan ng mahalagang linong maputi at dalisay.

15 At sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y sugatan niya ang mga bansa: at kaniyang paghaharian ng tungkod na bakal: at niyuyurakan niya ang pisaan ng ubas ng kabangisan ng kagalitan ng Dios na Makapangyarihan sa lahat.

16 At siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa kaniyang damit at sa kaniyang hita, HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA PANGINOON.

17 At nakita kong nakatayo ang isang anghel sa araw; na siya'y sumisigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid, Halikayo at mangagkatipon sa dakilang hapunan ng Dios;

18 Upang kayo'y makakain ng laman ng mga hari, at ng laman ng mga pangulong kapitan, at ng laman ng mga taong makapangyarihan, at ng laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay dito, at ng laman ng lahat ng mga taong laya at mga alipin man, at maliliit at malalaki.

19 At nakita ko ang hayop, at ang mga hari sa lupa, at ang kanilang mga hukbo, na nangagkakatipon upang makipagbaka laban doon sa nakasakay sa kabayo, at laban sa kaniyang hukbo.

20 At sinunggaban ang hayop, at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa harapan nito, na siyang ipinangdaya sa mga nagsitanggap ng tanda ng hayop at sa mga sumamba sa larawan nito: ang dalawang ito ay inihagis na buhay sa dagatdagatang apoy na nagliliyab sa asupre:

21 At ang mga iba ay pinatay sa tabak na lumalabas sa bibig niyaong nakasakay sa kabayo, at ang lahat ng mga ibon ay nangabusog ng mga laman nila.

Pahayag 20

1 At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay.

2 At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong taon,

3 At siya'y ibinulid sa kalaliman at sinarhan, at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang huwag ng magdaya sa mga bansa, hanggang sa maganap ang isang libong taon: pagkatapos nito ay kailangang siya'y pawalang kaunting panahon.

4 At nakakita ako ng mga luklukan, at may mga nagsisiluklok sa mga ito, sila'y pinagkalooban ng paghatol: at nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo ni Jesus, at dahil sa salita ng Dios, at ang mga hindi sumamba sa hayop, o sa kaniyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay; at sila'y nangabuhay, at nagsipagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.

5 Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli.

6 Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.

7 At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan,

8 At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.

9 At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok.

10 At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.

11 At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila.

12 At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.

13 At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa.

14 At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.

15 At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.

Pahayag 21

1 At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka't ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na.

2 At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa.

3 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila:

4 At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.

5 At yaong nakaluklok sa luklukan ay nagsabi, Narito, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay. At sinabi niya, Isulat mo: sapagka't ang mga salitang ito ay tapat at tunay.

6 At sinabi niya sa akin, Nagawa na. Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinuming walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay.

7 Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako'y magiging Dios niya, at siya'y magiging anak ko.

8 Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.

9 At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, na mga puno ng pitong huling salot; at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing kasintahan, ang asawa ng Cordero.

10 At dinala niya akong nasa Espiritu sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita sa akin ang bayang banal na Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios,

11 Na may kaluwalhatian ng Dios: ang kaniyang ilaw ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gaya ng salamin:

12 Na may isang malaki at mataas na kuta; na may labingdalawang pintuan, at sa mga pintuan ay labingdalawang anghel; at may mga pangalang nakasulat sa mga yaon, na siyang sa labingdalawang angkan ng mga anak ng Israel:

13 Sa silanganan ay may tatlong pintuan; at sa hilagaan ay may tatlong pintuan; at sa timugan ay may tatlong pintuan; at sa kalunuran ay may tatlong pintuan.

14 At ang kuta ng bayan ay may labingdalawang pinagsasaligan, at sa mga ito'y ang labingdalawang pangalan ng labingdalawang apostol ng Cordero.

15 At ang nakikipagusap sa akin ay may panukat na tambong ginto upang sukatin ang bayan, at ang mga pintuan nito, at ang kuta nito.

16 At ang pagkatayo ng bayan ay parisukat, at ang kaniyang haba ay gaya ng kaniyang luwang: at sinukat niya ng tambo ang bayan, ay labingdalawang libong estadio: ang haba at ang luwang at ang taas nito ay magkakasukat.

17 At sinukat niya ang kuta nito, ay isang daan at apat na pu't apat na siko, ayon sa sukat ng tao, sa makatuwid baga'y ng isang anghel.

18 At ang malaking bahagi ng kuta niya ay jaspe: at ang bayan ay dalisay na ginto, na katulad ng malinis na bubog.

19 Ang mga pinagsasaligan ng kuta ng bayan ay may pamuting sarisaring mahahalagang bato. Ang unang pinagsasaligan ay jaspe; ang ikalawa ay zafiro; ang ikatlo ay calcedonia; ang ikaapat ay esmeralda;

20 Ang ikalima ay sardonica; ang ikaanim ay sardio; ang ikapito ay crisolito; ang ikawalo ay berilo; ang ikasiyam ay topacio; ang ikasangpu ay crisopasio; ang ikalabingisa ay jacinto; ang ikalabingdalawa ay amatista.

21 At ang labingdalawang pintuan ay labingdalawang perlas; at bawa't pinto ay isang perlas; at ang lansangan ng bayan ay dalisay na ginto, na gaya ng nanganganinag na bubog.

22 At hindi ako nakakita ng templo doon: sapagka't ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat, at ang Cordero ay siyang templo doon.

23 At ang bayan ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang lumiwanag sa kaniya: sapagka't nililiwanagan ng kaluwalhatian ng Dios, at ang ilaw doon ay ang Cordero.

24 At ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito: at ang mga hari sa lupa ay mangagdadala ng kanilang karangalan sa loob niyaon.

25 At ang mga pintuan niyaon ay hindi ilalapat kailan man sa araw (sapagka't hindi magkakaroon doon ng gabi):

26 At dadalhin nila sa loob niyaon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa:

27 At hindi papasok doon sa anomang paraan ang anomang bagay na karumaldumal, o siyang gumagawa ng kasuklamsuklam at ng kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng Cordero.

Pahayag 22

1 At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Cordero,

2 Sa gitna ng lansangang yaon. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labingdalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawa't buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa mga bansa.

3 At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin;

4 At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo.

5 At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka't liliwanagan sila ng Panginoong Dios: at sila'y maghahari magpakailan kailan man.

6 At sinabi niya sa akin, Ang mga salitang ito'y tapat at tunay, at ang Panginoon, ang Dios ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari madali.

7 At narito, ako'y madaling pumaparito. Mapalad ang tumutupad ng mga salita ng hula ng aklat na ito.

8 At akong si Juan, ako ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, ay nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.

9 At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito: sumamba ka sa Dios.

10 At sinasabi niya sa akin, Huwag mong tatakan ang mga salita ng hula ng aklat na ito; sapagka't malapit na ang panahon.

11 Ang liko, ay magpakaliko pa: at ang marumi, ay magpakarumi pa: at ang matuwid, ay magpakatuwid pa: at ang banal, ay magpakabanal pa.

12 Narito, ako'y madaling pumaparito; at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa't isa ayon sa kaniyang gawa.

13 Ako ang Alpha at ang Omega, at ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.

14 Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan.

15 Nangasa labas ang mga aso, at ang mga manggagaway, at ang mga mapakiapid, at ang mga mamamatay-tao, at ang mga mapagsamba sa diosdiosan, at ang bawa't nagiibig at gumagawa ng kasinungalingan.

16 Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesia. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.

17 At ang Espiritu at ang kasintahang babae ay nagsasabi, Halika. At ang nakikinig ay magsabi, Halika. At ang nauuhaw, ay pumarito: ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.

18 Aking sinasaksihan sa bawa't taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito:

19 At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Dios ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito.

20 Ang sumasaksi sa mga bagay na ito ay nagsasabi, Oo: ako'y madaling pumaparito. Siya nawa: pumarito ka Panginoong Jesus.

21 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal nawa. Siya nawa.