चरण 241

पढाई करना

     

Jeremias 31:21-40

21 Maglagay ka ng mga patotoo, gumawa ka ng mga haliging tanda: ilagak mo ang iyong puso sa dakong lansangan, sa daan na iyong pinaroonan: ikaw ay magbalik uli, Oh dalaga ng Israel, ikaw ay bumalik uli rito sa mga bayang ito.

22 Hanggang kailan magpaparoo't parito ka, Oh ikaw na tumatalikod na anak na babae? sapagka't ang Panginoon ay lumikha ng bagong bagay sa lupa, Ang babae ay siyang mananaig sa lalake.

23 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Kanilang gagamitin uli ang pananalitang ito sa lupain ng Juda at sa mga bayan niyaon, pagka aking dadalhin uli mula sa kanilang pagkabihag: Pagpalain ka ng Panginoon. Oh tahanan ng kaganapan, Oh bundok ng kabanalan.

24 At ang Juda at ang lahat na bayan niya ay tatahan doon na magkakasama; ang mga mangbubukid at ang mga lumilibot na may mga kawan.

25 Sapagka't aking bibigyang kasiyahan ang pagod na tao, at lahat na mapanglaw na tao ay aking pinasasaya.

26 Dito'y nagising ako, at ako'y lumingap; at ang aking pagkakatulog ay masarap.

27 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking hahasikan ang sangbahayan ni Israel at ang sangbahayan ni Juda ng binhi ng tao at ng binhi ng hayop.

28 At mangyayari, na kung paanong binantayan ko sila upang alisin, at upang ibuwal, at upang madaig at upang ipahamak, at upang pagdalamhatiin, gayon babantayan ko sila upang itayo at upang itatag sabi ng Panginoon.

29 Sa mga araw na yaon ay hindi na sila mangagsasabi. Ang mga magulang ay nagsikain ng mga maasim na ubas, at ang mga ngipin ng mga bata ay nagsisipangilo.

30 Nguni't bawa't isa ay mamamatay ng dahil sa kaniyang sariling kasamaan: lahat na nagsisikain ng mga maasim na ubas ay magsisipangilo ang mga ngipin.

31 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y makikipagtipan ng panibago sa sangbahayan ni Israel, at sa sangbahayan ni Juda:

32 Hindi ayon sa tipan na ipinakipagtipan ko sa kanilang mga magulang sa araw na aking kinuha sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Egipto; na ang aking tipan ay kanilang sinira, bagaman ako'y asawa nila, sabi ng Panginoon.

33 Kundi ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa sangbahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso; at ako'y magiging kanilang Dios, at sila'y magiging aking bayan;

34 At hindi na magtuturo bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at bawa't tao sa kaniyang kapatid, na magsasabi, Iyong kilalanin ang Panginoon; sapagka't makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliitliitan sa kanila hanggang sa kadakidakilaan sa kanila, sabi ng Panginoon: sapagka't aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin.

35 Ganito ang sabi ng Panginoon, na nagbibigay ng araw na sumisikat na pinakaliwanag sa araw, at ng mga ayos ng buwan at ng mga bituin na pinakaliwanag sa gabi, na nagpapakilos sa dagat, na humugong ang mga alon niyaon; ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan:

36 Kung ang mga ayos na ito ay humiwalay sa harap ko, sabi ng Panginoon, ang binhi nga ng Israel ay maglilikat sa pagkabansa sa harap ko magpakailan man.

37 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung ang langit sa itaas ay masusukat, at ang mga patibayan ng lupa ay masisiyasat sa ilalim, akin ngang ihahagis ang buong lahi ng Israel dahil sa lahat nilang nagawa, sabi ng Panginoon.

38 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang bayan ay matatayo sa Panginoon mula sa moog ni Hananeel hanggang sa pintuang-bayan sa sulok.

39 At ang panukat na pisi ay magpapatuloy na matuwid sa burol ng Gareb, at pipihit hanggang sa Goa.

40 At ang buong libis ng mga katawang patay, at ng mga abo, at ang lahat na parang hanggang sa batis ng Cedron, hanggang sa sulok ng pintuang-bayan ng kabayo sa dakong silanganan, magiging banal sa Panginoon; hindi mabubunot o mahahagis ang sinoman magpakailan pa man.

Jeremias 32

1 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon nang ikasangpung taon ni Sedechias na hari sa Juda na siyang ikalabing walong taon ni Nabucodonosor.

2 Nang panahon ngang yao'y ang hukbo ng hari sa Babilonia ay kumubkob sa Jerusalem, at si Jeremias na propeta ay nakulong sa looban ng bantayan, na nasa bahay ng hari sa Juda.

3 Sapagka't kinulong siya ni Sedechias na hari sa Juda, na sinasabi, Bakit ka nanghuhula, at nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ibibigay ko ang bayang ito sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang sasakupin:

4 At si Sedechias na hari sa Juda ay hindi makatatanan sa kamay ng mga Caldeo, kundi tunay na mabibigay sa kamay ng hari sa Babilonia, at makikipagusap sa kaniya ng bibig, at ang kaniyang mga mata ay titingin sa kaniyang mga mata;

5 At kaniyang dadalhin si Sedechias sa Babilonia, at siya'y doroon hanggang sa dalawin ko siya, sabi ng Panginoon: bagaman kayo'y magsilaban sa mga Caldeo, hindi kayo magsisiginhawa?

6 At sinabi ni Jeremias, Ang salita ng Panginoon, ay dumating sa akin, na nagsasabi:

7 Narito, si Hanamel na anak ni Sallum na iyong amain ay paroroon sa iyo, na magsasabi, Bilhin mo ang parang ko na nasa Anathoth: sapagka't ang matuwid ng pagtubos ay ukol sa iyo upang bilhin.

8 Sa gayo'y si Hanamel na anak ng aking amain ay naparoon sa akin sa looban ng bantayan ayon sa salita ng Panginoon, at sinabi sa akin, Bilhin mo ang aking parang, isinasamo ko sa iyo, na nasa Anathoth, na nasa lupain ng Benjamin; sapagka't ang matuwid ng pagmamana ay ukol sa iyo, at ang pagtubos ay ukol sa iyo; bilhin mo para sa iyong sarili. Nang magkagayo'y nakilala ko na ito'y salita ng Panginoon.

9 At binili ko ang parang na nasa Anathoth kay Hanamel na anak ng aking amain, at tinimbang ko sa kaniya ang salapi, na labing pitong siklong pilak.

10 At ako'y naglagda ng pangalan sa katibayan, at aking tinatakan, at tumawag ako ng mga saksi, at tinimbang ko sa kaniya ang salapi sa timbangan.

11 Sa gayo'y kinuha ko ang katibayan ng pagkabili, ang natatatakan, yaong ayon sa kautusan at kaugalian, at ang bukas:

12 At ibinigay ko ang katibayan ng pagkabili kay Baruch na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, sa harapan ni Hanamel na anak ng aking amain, at sa harap ng mga saksi na naglagda ng pangalan sa katibayan ng pagkabili, sa harap ng lahat na Judio na nakaupo sa looban ng bantayan.

13 At ibinilin ko kay Baruch sa harap nila, na aking sinasabi,

14 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Iyong kunin ang mga katibayang ito, ang katibayang ito ng pagkabili, ang natatatakan, at gayon din itong katibayang bukas, at iyong isilid sa sisidlang lupa; upang tumagal ng maraming araw.

15 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Mga bahay, at mga parang, at mga ubasan ay mangabibili pa uli sa lupaing ito.

16 Pagkatapos nga na aking maibigay ang katibayan ng pagkabili kay Baruch na anak ni Nerias, dumalangin ako sa Panginoon, na aking sinabi,

17 Ah Panginoong Dios! narito, iyong ginawa ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong malaking kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong unat na kamay; walang bagay na totoong napakahirap sa iyo:

18 Na ikaw ay nagpapakita ng kagandahang-loob sa mga libolibo, at iyong ginaganti ang kasamaan ng mga magulang sa sinapupunan ng kanilang mga anak pagkamatay nila; ang dakila, na makapangyarihang Dios, ang Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan.

19 Dakila sa payo at makapangyarihan sa gawa; na ang mga mata ay dilat sa lahat ng mga lakad ng mga anak ng tao, upang bigyan ang bawa't isa ng ayon sa kaniyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kaniyang mga gawa,

20 Na naglagay ng mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Egipto, hanggang sa araw na ito, sa Israel at gayon din sa gitna ng ibang mga tao; at magtaglay ka ng pangalan, gaya sa araw na ito;

21 At iyong inilabas ang iyong bayang Israel sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, at ng malakas na kamay, at ng unat na kamay, at ng malaking kakilabutan,

22 At ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na iyong isinumpa sa kanilang mga magulang na ibibigay sa kanila, lupain na binubukalan ng gatas at pulot,

23 At sila'y pumasok, at kanilang inari; nguni't hindi dininig ang itong tinig, o lumakad man sa iyong kautusan; sila'y hindi nagsigawa ng anoman sa lahat na iyong iniutos sa kanila na gawin: kaya't iyong pinapangyari ang buong kasamaang ito sa kanila.

24 Narito, ang mga bunton, nagsisidating sa bayan upang sakupin; at ang bayan ay nabigay sa kamay ng mga taga Caldea na nagsisilaban doon, dahil sa tabak, at sa kagutom, at sa salot: at kung ano ang iyong sinalita ay nangyayari; at, narito, iyong nakikita.

25 At iyong sinabi sa akin, Oh Panginoong Dios, iyong bilhin ng salapi ang parang, at ikaw ay tumawag ng mga saksi; yamang ang bayan ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.

26 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na nagsasabi,

27 Narito, ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat na tao; may anomang bagay baga na totoong mahirap sa akin?

28 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibibigay ang bayang ito sa kamay ng mga Caldeo, at sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at kaniyang sasakupin,

29 At ang mga Caldeo, na nagsisilaban sa bayang ito, magsisiparito at susulsulan ang bayang ito, at susunugin, sangpu ng mga bahay na ang mga bubungan ay kanilang pinaghandugan ng kamangyan kay Baal, at pinagbuhusan ng mga inuming handog sa mga ibang dios, upang mungkahiin ako sa galit.

30 Sapagka't ang ginawa lamang ng mga anak ni Israel, at ng mga anak ni Juda ay ang masama sa aking paningin mula sa kanilang kabataan, sapagka't minungkahi lamang ako ng mga anak ni Israel sa galit ng gawa ng kanilang mga kamay, sabi ng Panginoon.

31 Sapagka't ang bayang ito ay naging kamungkahian sa aking galit at sa aking pagaalab ng loob mula sa araw na kanilang itinayo hanggang sa araw na ito; upang aking mailayo sa aking mukha.

32 Dahil sa lahat ng kasamaan ng mga anak ni Israel at ng mga anak ni Juda, na kanilang ginawa upang mungkahiin ako sa galit, sila, ng kanilang mga hari, ng kanilang mga prinsipe, ng kanilang mga saserdote, at ng kanilang mga propeta, at ng mga tao ng Juda, at ng mga nananahan sa Jerusalem.

33 At kanilang tinalikdan ako, at hindi ako hinarap: bagaman aking tinuruan sila, na bumabangon ako ng maaga at tinuturuan ko sila, gayon ma'y hindi sila nangakinig na magsitanggap ng turo.

34 Kundi kanilang inilagay ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinawag sa aking pangalan, upang lapastanganin.

35 At kanilang itinayo ang mga mataas na dako ni Baal, na nasa libis ng anak ni Hinnom, upang paraanin sa apoy ang kanilang mga anak na lalake at babae kay Moloch; na hindi ko iniutos sa kanila o nasok man sa aking pagiisip, na kanilang gawin ang kasuklamsuklam na ito; na pinapagkasala ang Juda.

36 At ngayon ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, tungkol sa bayang ito, na inyong sinasabi, Nabigay sa kamay ng hari sa Babilonia sa pamamagitan ng tabak, at ng kagutom, at ng salot:

37 Narito, aking pipisanin sila mula sa lahat ng lupain, na aking pinagtabuyan sa kanila sa aking galit, at sa aking kapusukan at sa malaking poot, at dadalhin ko sila uli sa dakong ito, at akin silang patatahaning tiwasay.

38 At sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Dios:

39 At bibigyan ko sila ng isang puso at ng isang daan, upang sila'y matakot sa akin magpakailan man; sa ikabubuti nila, at ng kanilang mga anak pagkamatay nila:

40 At ako'y makikipagtipan ng walang hanggan sa kanila, na hindi ako hihiwalay sa kanila, upang gawan ko sila ng mabuti: at sisidlan ko sa puso ng takot sa akin, upang huwag silang magsihiwalay sa akin.

41 Oo, ako'y magagalak sa kanila upang gawan ko sila ng mabuti, at aking tunay na itatatag sila sa lupaing ito ng aking buong puso at ng aking buong kaluluwa.

42 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Kung paanong aking dinala ang lahat na malaking kasamaang ito sa bayang ito, gayon dadalhin ko sa kanila ang lahat na mabuti na aking ipinangako sa kanila.

43 At mga parang ay mabibili sa lupaing ito, na iyong sinasabi, Sira, na walang tao o hayop man; nabigay sa kamay ng mga Caldeo.

44 Bibilhin nga ng mga tao ng salapi ang mga parang at mangaglalagda ng pangalan sa mga katibayan, at mga tatatakan, at magsisitawag ng mga saksi, sa lupain ng Benjamin, at sa mga dako na palibot ng Jerusalem, at sa mga bayan ng Juda, at sa mga bayan ng lupaing maburol, at sa mga bayan ng mababang lupain, at sa mga bayan ng Timugan: sapagka't aking ibabalik sila mula sa kanilang pagkabihag, sabi ng Panginoon.

Jeremias 33

1 Bukod dito'y dumating na ikalawa ang salita ng Panginoon kay Jeremias, samantalang nakukulong pa siya sa looban ng bantayan, na nagsasabi,

2 Ganito ang sabi ng Panginoon na gumagawa niyaon, ng Panginoon na umaanyo niyaon upang itatag; Panginoon ay siyang kaniyang pangalan:

3 Tumawag ka sa akin, at ako'y sasagot sa iyo, at ako'y magpapakita sa iyo ng mga dakilang bagay, at mahihirap na hindi mo nangalalaman.

4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, tungkol sa mga bahay ng bayang ito, at tungkol sa mga bahay ng mga hari sa Juda na nangabagsak upang gawing sanggalangan laban sa mga bunton at laban sa tabak;

5 Sila'y nagsisidating upang magsilaban sa mga Caldeo, nguni't upang sila'y mangapuno ng mga bangkay ng mga tao, na aking pinatay sa aking galit at sa aking kapusukan, at dahil sa lahat ng kasamaang yaon ay ikinubli ko ang aking mukha sa bayang ito:

6 Narito, ako'y magdadala ng kagalingan at kagamutan, aking gagamutin sila; at ako'y maghahayag sa kanila ng di kawasang kapayapaan at katotohanan.

7 At aking pababalikin ang nangabihag sa Juda, at ang nangabihag sa Israel, at aking itatayo sila na gaya nang una.

8 At aking lilinisin sila sa lahat nilang kasamaan, na kanilang pinagkasalahan laban sa akin; at aking ipatatawad ang lahat nilang kasamaan na kanilang ipinagkasala laban sa akin, at kanilang ikinasalangsang laban sa akin.

9 At ang bayang ito ay magiging pinakapangalan ng kagalakan sa akin, pinaka kapurihan at pinaka kaluwalhatian, sa harap ng lahat na bansa sa lupa na makakarinig ng lahat na mabuti na gagawin ko sa kanila, at mangatatakot at magsisipanginig dahil sa lahat na buti at dahil sa lahat na kapayapaan na aking pinagsikapan sa kaniya.

10 Ganito ang sabi ng Panginoon, Maririnig pa uli sa dakong ito, na inyong sinasabi, Sira, na walang tao at walang hayop, sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, na sira, na walang tao at walang mananahan, at walang hayop.

11 Ang tinig ng kagalakan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalake at ang tinig ng kasintahang babae, ang tinig nilang nangagsasabi, Kayo'y mangagpasalamat sa Panginoon ng mga hukbo, sapagka't ang Panginoon ay mabuti, sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan pa man; at ng nangagdadala ng hain ng pagpapasalamat sa bahay ng Panginoon. Sapagka't aking ibabalik ang nangabihag sa lupain gaya ng una, sabi ng Panginoon.

12 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Magkakaroon pa uli sa dakong ito, na sira, na walang tao at walang hayop, at sa lahat ng bayan nito, ng tahanan ng mga pastor na nagpapahiga ng kanilang kawan.

13 Sa mga bayan ng maburol na lupain, sa mga bayan ng mababang lupain, at sa mga bayan ng Timugan, at sa lupain ng Benjamin, at sa mga dako na palibot ng Jerusalem, at sa mga bayan ng Juda, magdaraan uli ang mga kawan sa mga kamay ng bibilang sa kanila, sabi ng Panginoon.

14 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking isasagawa ang mabuting salita na aking sinalita tungkol sa sangbahayan ni Israel, at tungkol sa sangbahayan ni Juda.

15 Sa mga araw na yaon, at sa panahong yaon, aking pasusuplingin kay David ang isang Sanga ng katuwiran; at siya'y magsasagawa ng kahatulan at katuwiran sa lupain.

16 Sa mga araw na yaon ay maliligtas ang Juda, at ang Jerusalem ay tatahang tiwasay; at ito ang pangalan na itatawag sa kaniya: Ang Panginoon ay ating katuwiran.

17 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Si David ay hindi kukulangin kailan man ng lalake na mauupo sa luklukan ng bahay ng Israel;

18 Ni hindi kukulangin ang mga saserdote na mga Levita ng lalake sa harap ko na maghahandog ng mga handog na susunugin, at upang magsunog ng mga alay, at upang maghaing palagi.

19 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na nagsasabi,

20 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung inyong masisira ang aking tipan sa araw, at ang aking tipan sa gabi, na anopa't hindi magkakaroon ng araw at ng gabi sa kanilang kapanahunan;

21 Ang akin ngang tipan ay masisira kay David na aking lingkod, na siya'y hindi magkakaroon ng anak upang maghari sa kaniyang luklukan; at sa mga Levita na mga saserdote na aking mga tagapangasiwa.

22 Kung paanong ang lahat na natatanaw sa langit ay hindi mabibilang, o matatakal man ang buhangin sa dagat; gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod, at ang mga Levita na nagsisipangasiwa sa akin.

23 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na nagsasabi,

24 Hindi mo baga napupuna ang sinasalita ng bayang ito, na nagsasabi, Ang dalawang angkan na pinili ng Panginoon, ay kaniyang mga itinakuwil? ganito nila hinahamak ang aking bayan, upang huwag ng maging bansa sa harap nila.

25 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung ang aking tipan sa araw at sa gabi ay hindi manayo, kung hindi ko itinatag ang mga ayos ng langit at ng lupa;

26 Akin ngang itatakuwil din ang binhi ni Jacob, at ni David na aking lingkod, na anopa't hindi ako kukuha ng kanilang binhi na maging mga puno sa binhi ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob: sapagka't aking ibabalik sila na mula sa kanilang pagkabihag, at maaawa ako sa kanila.