Passo 74

Studio

     

Mga Hukom 3

1 Ito nga ang mga bansang iniwan ng Panginoon, upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, sa makatuwid baga'y sa mga hindi nakaalam ng mga pagbabaka sa Canaan;

2 Nang maalaman man lamang yaon ng mga sali't saling lahi ng mga anak ni Israel, upang turuan sila ng pakikibaka, yaon man lamang nang una'y hindi nakaalam:

3 Ang nangabanggit ay ang limang pangulo ng mga Filisteo at ang lahat ng mga Cananeo, at ang mga Sidonio, at ang mga Heveo, na tumatahan sa bundok ng Libano, mula sa bundok ng Baal-hermon hanggang sa pasukan ng Hamath.

4 At sila nga upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, na maalaman kung kanilang didinggin ang mga utos ng Panginoon, na kaniyang iniutos sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ni Moises.

5 At ang mga anak ni Israel ay tumahan sa gitna ng mga Cananeo, ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo, at ng Jebuseo:

6 At kinuha nila ang kanilang mga anak na babae upang maging mga asawa nila, at ibinigay ang kanilang sariling mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalake, at naglingkod sa kanilang mga dios.

7 At ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at nilimot ang Panginoon nilang Dios, at naglingkod sa mga Baal at sa mga Aseroth.

8 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at kaniyang ipinagbili sila sa kamay ni Chusan-risathaim, na hari sa Mesopotamia: at ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Chusan-risathaim na walong taon.

9 At nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel ay nagbangon ang Panginoon ng isang tagapagligtas sa mga anak ni Israel, na siyang nagligtas sa kanila, sa makatuwid baga'y si Othoniel na anak ni Cenaz, na kapatid na bata ni Caleb.

10 At ang Espiritu ng Panginoon ay sumakaniya, at siya'y naghukom sa Israel; at siya'y lumabas na nakibaka, at ibinigay ng Panginoon si Chusan-risathaim na hari sa Mesopotamia sa kaniyang kamay: at ang kaniyang kamay ay nanaig laban kay Chusan-risathaim.

11 At nagpahinga ang lupain na apat na pung taon. At si Othoniel na anak ni Cenaz ay namatay.

12 At ginawang muli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon: at pinatibay ng Panginoon si Eglon na hari sa Moab laban sa Israel, sapagka't kanilang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.

13 At kaniyang tinipon ang mga anak ni Ammon at ni Amalec; at siya'y yumaon at sinaktan niya ang Israel, at kanilang inari ang bayan ng mga puno ng palma.

14 At ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Eglon na labing walong taon.

15 Nguni't nang dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, ibinangon sa kanila ng Panginoon ang isang tagapagligtas, si Aod na anak ni Gera, ang Benjamita, na isang lalaking kaliwete. At ang mga anak ni Israel, ay nagpadala ng isang kaloob sa pamamagitan niya kay Eglon na hari sa Moab.

16 At si Aod ay gumawa ng isang tabak na may dalawang talim, na may isang siko ang haba; at kaniyang ibinigkis sa loob ng kaniyang suot, sa kaniyang dakong kanang hita.

17 At kaniyang inihandog ang kaloob kay Eglon na hari sa Moab: at si Eglon ay lalaking napakataba.

18 At nang siya'y matapos makapaghandog ng kaloob, ay pinapagpaalam niya ang mga tao na nagdala ng kaloob.

19 Nguni't siya nga ay bumalik mula sa tibagan ng bato na nasa piling ng Gilgal, at nagsabi, Ako'y may isang pasugong lihim sa iyo, Oh hari. At kaniyang sinabi, Tumahimik ka. At yaong lahat na nakatayo sa siping niya, ay umalis sa harap niya.

20 At si Aod ay naparoon sa kaniya; at siya'y nakaupong magisa sa kaniyang kabahayan na pangtaginit. At sinabi ni Aod, Ako'y may dalang pasugo sa iyo na mula sa Dios. At siya'y tumindig sa kaniyang upuan.

21 At inilabas ni Aod ang kaniyang kaliwang kamay, at binunot ang tabak mula sa kaniyang kanang hita, at isinaksak sa kaniyang tiyan:

22 At pati ng puluhan ay sumuot na kasunod ng talim; at natikom ang taba sa tabak, sapagka't hindi niya binunot ang tabak sa kaniyang tiyan; at lumabas sa likod.

23 Nang magkagayo'y lumabas si Aod sa pintuan, at sinarhan niya siya sa mga pintuan ng kabahayan, at pinagtatrangkahan.

24 Nang makalabas nga siya ay dumating ang kaniyang mga alila; at kanilang nakita, at, narito, ang mga pintuan ng kabahayan ay nakakandaduhan; at kanilang sinabi, Walang pagsalang kaniyang tinatakpan ang kaniyang mga paa sa kaniyang silid na pangtaginit.

25 At sila'y nangaghintay hanggang sa sila'y nangapahiya; at, narito, hindi niya binuksan ang mga pintuan ng kabahayan: kaya't sila'y kumuha ng susi, at binuksan; at, narito, ang kanilang panginoon, ay nakabulagtang patay sa lupa.

26 At tumakas si Aod samantalang sila'y nangaghihintay, at siya'y dumaan sa dako roon ng tibagan ng bato at tumakas hanggang sa Seirath.

27 At nangyari, pagdating niya, ay kaniyang hinipan ang pakakak sa lupaing maburol ng Ephraim, at ang mga anak ni Israel ay nagsilusong na kasama niya mula sa lupaing maburol, at siya'y sa unahan nila.

28 At kaniyang sinabi sa kanila, Sumunod kayo sa akin; sapagka't ibinigay ng Panginoon ang inyong mga kaaway na mga Moabita sa inyong kamay. At sila'y nagsilusong na kasunod niya, at sinakop ang mga tawiran sa Jordan laban sa mga Moabita, at hindi nila pinayagang tumawid doon ang sinomang tao.

29 At sila'y sumakit sa Moab nang panahong yaon ng may sangpung libong lalake, bawa't lalaking may loob, at bawa't lalaking may tapang; at doo'y walang nakatakas na lalake.

30 Gayon napasuko ang Moab nang araw na yaon, sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ng Israel: at ang lupa'y nagpahingang walong pung taon.

31 At pagkatapos niya'y si Samgar, na anak ni Anat, ay siyang nanakit sa mga Filisteo, ng anim na raang lalake, sa pamamagitan ng panundot sa baka: at kaniya ring iniligtas ang Israel.

Mga Hukom 4

1 At ginawa uli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, nang mamatay si Aod.

2 At ipinagbili sila ng Panginoon sa kamay ni Jabin na hari sa Canaan, na naghahari sa Asor; na ang puno sa hukbong yaon ay si Sisara, na siyang tumatahan sa Haroseth ng mga bansa.

3 At dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon: sapagka't siya'y may siyam na raan na karong bakal; at dalawang pung taong pinighati niyang mainam ang mga anak ni Israel.

4 Si Debora nga, na propetisa, asawa ni Lapidoth, ay naghukom sa Israel nang panahong yaon.

5 At siya'y tumahan sa ilalim ng puno ng palma ni Debora, sa pagitan ng Rama at Beth-el, sa lupaing maburol ng Ephraim; at sinampa siya ng mga anak ni Israel upang pahatol.

6 At kaniyang ipinatawag si Barac, na anak ni Abinoam mula sa Cedes-nephtali, at sinabi sa kaniya, Hindi ba ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagutos na sinasabi, Yumaon ka, at pumaroon ka sa bundok ng Tabor, at magsama ka ng sangpung libong lalake sa mga anak ni Nephtali at sa mga anak ni Zabulon?

7 At aking isusulong sa iyo sa ilog Cison, si Sisara, na puno sa hukbo ni Jabin, pati ng kaniyang mga karo at ng kaniyang karamihan; at aking ibibigay siya sa iyong kamay.

8 At sinabi ni Barac sa kaniya, Kung ikaw ay sasama sa akin ay paroroon nga ako: nguni't kung hindi ka sasama sa akin, ay hindi ako paroroon.

9 At kaniyang sinabi, Walang pagsalang sasama ako sa iyo: gayon ma'y ang lakad na iyong ipagpapatuloy ay hindi magiging sa iyong kapurihan; sapagka't ipagbibili ng Panginoon si Sisara sa kamay ng isang babae. At si Debora ay tumindig at sumama kay Barac sa Cedes.

10 At tinawag ni Barac ang Zabulon at ang Nephtali na magkasama sa Cedes; at doo'y umahon ang sangpung libong lalake na kasunod niya: at si Debora ay umahong kasama niya.

11 Si Heber nga na Cineo ay humiwalay sa mga Cineo, sa makatuwid baga'y sa mga anak ni Hobab, na biyanan ni Moises, at itinayo ang kaniyang tolda hanggang sa encina sa Zaananim, na nasa siping ng Cedes.

12 At kanilang isinaysay kay Sisara na si Barac na anak ni Abinoam ay umahon sa bundok ng Tabor.

13 At pinapagpisang magkakasama ni Sisara ang lahat niyang mga karo, na siyam na raang karong bakal, at ang buong bayan na kasama niya, mula sa Haroseth ng mga bansa hanggang sa ilog Cison.

14 At sinabi ni Debora kay Barac, Tumindig ka; sapagka't ito ang araw na ibinigay ng Panginoon si Sisara sa iyong kamay: hindi ba lumabas ang Panginoon sa harap mo? Sa gayo'y lumusong si Barac mula sa bundok ng Tabor, at sangpung libong lalake ang kasunod niya.

15 At nilansag ng Panginoon si Sisara, at lahat ng mga karo niya, at ang buong hukbo niya, ng talim ng tabak sa harap ni Barac; at lumunsad si Sisara sa kaniyang karo, at tumakas na tumakbo.

16 Nguni't hinabol ni Barac ang mga karo, at ang hukbo, hanggang sa Haroseth ng mga bansa: at ang buong hukbo ni Sisara ay nahulog sa talim ng tabak; walang lalaking nalabi.

17 Gayon ma'y tumakas si Sisara na tumakbo sa tolda ni Jael na asawa ni Heber na Cineo; sapagka't may kapayapaan si Jabin na hari sa Asor at ang sangbahayan ni Heber na Cineo.

18 At sinalubong ni Jael si Sisara, at sinabi sa kaniya, Lumiko ka, panginoon ko, lumiko ka rito sa akin: huwag kang matakot. At siya'y lumiko sa kaniya sa loob ng tolda, at siya'y tinalukbungan niya ng isang banig.

19 At sinabi niya sa kaniya, Isinasamo ko sa iyo na bigyan mo ako ng kaunting tubig na mainom; sapagka't ako'y nauuhaw. At binuksan niya ang isang balat na sisidlan ng gatas, at pinainom niya siya, at tinakpan siya.

20 At sinabi ni Sisara sa kaniya, Tumayo ka sa pintuan ng tolda, at mangyayari, na pagka ang sinoman ay darating at magtatanong sa iyo, at magsasabi, May tao ba riyan? na iyong sasabihin, Wala.

21 Nang magkagayo'y kumuha si Jael na asawa ni Heber ng isang tulos ng tolda, at kumuha ng isang pamukpok sa kaniyang kamay at naparoong dahandahan sa kaniya, at itinusok ang tulos sa kaniyang pilipisan, at pinalagpasan siya hanggang sa lupa; sapagka't siya'y nakatulog ng mahimbing; sa gayo'y nanglupaypay siya at namatay.

22 At, narito, sa paraang hinahabol ni Barac si Sisara, ay lumabas si Jael na sinalubong siya, at sinabi sa kaniya: Parito ka, at ituturo ko sa iyo ang lalake na iyong hinahanap. At siya'y naparoon sa kaniya, at, narito, si Sisara ay nakabulagtang patay, at ang tulos ay nasa kaniyang ulo.

23 Gayon pinasuko ng Dios nang araw na yaon si Jabin na hari sa Canaan sa harap ng mga anak ni Israel.

24 At nanaig ang kamay ng mga anak ni Israel ng higit at higit laban kay Jabin na hari sa Canaan, hanggang sa naigiba nila si Jabin na hari sa Canaan.

Mga Hukom 5

1 Nang magkagayo'y umawit si Debora at si Barac na anak ni Abinoam nang araw na yaon, na sinasabi,

2 Sapagka't namatnubay ang mga tagapatnubay sa Israel, Sapagka't ang bayan ay humandog na kusa, Purihin ninyo ang Panginoon.

3 Dinggin ninyo, Oh ninyong mga hari; pakinggan ninyo, Oh ninyong mga prinsipe; Ako, ako'y aawit sa Panginoon, Ako'y aawit ng pagpupuri sa Panginoon, na Dios ng Israel.

4 Panginoon, nang ikaw ay lumabas sa Seir, Nang ikaw ay yumaon mula sa bukid ng Edom, Ang lupa'y nayanig, ang langit naman ay pumatak, Oo, ang mga alapaap ay nagpatak ng tubig.

5 Ang mga bundok ay humuho sa harap ng Panginoon, Pati yaong Sinai, sa harap ng Panginoon, ng Dios ng Israel.

6 Sa mga kaarawan ni Samgar na anak ni Anat, Sa mga kaarawan ni Jael, ang mga paglalakbay ay naglikat, At ang mga manglalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas.

7 Ang mga pinuno ay naglikat sa Israel, sila'y naglikat, Hanggang sa akong si Debora, ay bumangon, Na ako'y bumangon na isang ina sa Israel.

8 Sila'y nagsipili ng mga bagong dios; Nang magkagayo'y nagkaroon ng digma sa mga pintuang-bayan: May nakita kayang kalasag o sibat sa apat na pung libo sa Israel?

9 Ang aking puso ay nasa mga gobernador sa Israel, Na nagsihandog na kusa sa bayan; Purihin ninyo ang Panginoon!

10 Saysayin ninyo, ninyong mga nakasakay sa mapuputing asno, Ninyong nangakaupo sa maiinam na latag, At ninyong nangagsisilakad sa daan.

11 Malayo sa ingay ng mga manghuhutok, sa mga dakong igiban ng tubig, Doon sila magpapanibagong magsanay sa mga matuwid na gawa ng Panginoon, Ng mga matuwid na gawa ng kaniyang pagpupuno sa Israel. Bumaba nga ang bayan ng Panginoon sa mga pintuang-bayan.

12 Gumising ka, gumising ka, Debora; gumising ka, gumising ka, bumigkas ka ng awit: Bumangon ka, Barac, at ihatid mo ang iyong mga bihag, ikaw na anak ni Abinoam.

13 Nagsibaba nga ang nalabi sa mga mahal, at ang bayan; Ang Panginoon ay bumaba dahil sa akin laban sa mga makapangyarihan.

14 Sa Ephraim nangagmula silang nasa Amalec ang ugat; Sa likuran mo, ay ang Benjamin, na kasama ng iyong mga bayan; Sa Machir nangagmula ang mga gobernador, At sa Zabulon yaong nangaghahawak ng tungkod ng pagpupuno.

15 At ang mga prinsipe sa Issachar ay kasama ni Debora; Na kung paano si Issachar ay gayon si Barac, Sa libis nagsisubasob sa kaniyang paanan. Sa tabi ng mga agusan ng tubig ng Ruben ay nagkaroon ng mga dakilang pasiya ng puso.

16 Bakit ka nakaupo sa gitna ng mga kulungan ng tupa, Upang makinig ba ng mga tawag sa mga kawan? Sa agusan ng tubig ng Ruben Nagkaroon ng mga dakilang pasiya ng puso.

17 Ang Galaad ay tumahan sa dako roon ng Jordan: At ang Dan, bakit siya'y natira sa mga sasakyan sa tubig? Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat, At nanahan sa kaniyang mga daong.

18 Ang Zabulon ay isang bayan na isinapanganib ang kanilang buhay sa ikamamatay, At ang Nephtali, ay sa matataas na dako ng bukiran.

19 Ang mga hari ay nagsiparito at nagsilaban; Nang magkagayo'y nagsilaban ang mga hari ng Canaan, Sa Taanach na nasa tabi ng tubig sa Megiddo: Sila'y hindi nagdala ng mga pakinabang na salapi.

20 Ang mga bituin ay nakipaglaban mula sa langit, Sa kanilang paglakad sila'y nakipaglaban kay Sisara.

21 Tinangay sila ng ilog Cison, Ng matandang ilog na yaon, ng ilog Cison. Oh kaluluwa ko, lumakad kang may lakas.

22 Nang magkagayo'y nagsiyabag ang mga kuko ng mga kabayo, Dahil sa mga pagdamba, sa pagdamba ng kanilang mga malakas.

23 Sumpain ninyo si Meroz, sabi ng anghel ng Panginoon, Sumpain ninyo ng kapaitpaitan ang mga tagaroon sa kaniya; Sapagka't sila'y hindi naparoon na tumulong sa Panginoon, Na tumulong sa Panginoon, laban sa mga makapangyarihan.

24 Pagpalain sa lahat ng babae si Jael, Ang asawa ni Heber na Cineo, Pagpalain siya sa lahat ng babae sa tolda.

25 Siya'y humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas; Kaniyang binigyan siya ng mantekilya sa pinggang mahal.

26 Kaniyang hinawakan ng kaniyang kamay ang tulos, At ng kaniyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa; At sa pamamagitan ng pamukpok ay kaniyang sinaktan si Sisara, pinalagpasan niya sa kaniyang ulo, Oo, kaniyang tinarakan at pinalagpasan ang kaniyang pilipisan.

27 Sa kaniyang paanan ay nasubasob, siya'y nabuwal, siya'y nalugmok: Sa kaniyang paanan siya'y nasubasob, siya'y nabuwal. Kung saan siya sumubasob, doon siya nalugmok na patay.

28 Sa dungawan ay sumungaw, at sumigaw; Ang ina ni Sisara ay humiyaw mula sa mga silahia: Bakit kaya ang kaniyang karo ay nagluluwat ng pagdating? Bakit kaya bumabagal ang mga gulong ng kaniyang mga karo?

29 Ang kaniyang mga pantas na babae ay sumagot sa kaniya, Oo, siya'y nagbalik ng sagot sa kaniyang sarili,

30 Hindi ba sila nakasumpong, hindi ba nila binahagi ang samsam? Isang dalaga, dalawang dalaga sa bawa't lalake; Kay Sisara ay samsam na damit na may sarisaring kulay, Samsam na sarisaring kulay ang pagkaburda, Na sarisaring kulay, na burda sa dalawang tagiliran, Na suot sa leeg ng mga bihag?

31 Gayon malipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Oh Panginoon: Nguni't yaong mga umiibig sa kaniya ay maging parang araw pagka lumalabas sa kaniyang kalakasan. At ang lupain ay nagpahinga na apat na pung taon.