단계 153

공부

     

Job 39:13-30

13 Ang pakpak ng avestruz ay nagagalak; nguni't may kagandahang loob ba ang kanilang mga pakpak at mga balahibo?

14 Sapagka't nagiiwan ng kaniyang mga itlog sa lupa, at pinaiinit ang mga yaon sa alabok,

15 At kinalilimutang mangapipisa ng paa, o mangayuyurakan ng mabangis na hayop.

16 Siya'y nagmamatigas laban sa kaniyang mga sisiw na tila hindi kaniya: bagaman ang kaniyang gawa ay mawalang kabuluhan, hindi niya ikinatatakot;

17 Sapagka't binawian siya ng Dios ng karunungan, ni hindi siya binahaginan ng unawa.

18 Anomang panahon na siya'y napaiitaas, hinahamak niya ang kabayo at ang sakay nito.

19 Nagbigay ka ba sa kabayo ng kalakasan? Binihisan mo ba ang kaniyang leeg ng buhok na gumagalaw?

20 Pinalulukso mo ba siya na parang balang? Ang kaluwalhatian ng kaniyang bahin ay kakilakilabot.

21 Siya'y kumukutkot sa libis, at nagagalak sa kaniyang kalakasan, siya'y sumasagupa sa mga taong may sandata.

22 Tinutuya niya ang takot at hindi nanglulupaypay: ni hindi tinatalikuran ang tabak.

23 Ang suksukan ng pana ay tumutunog laban sa kaniya, ang makintab na sibat at ang kalasag.

24 Kaniyang sinasakmal ang lupa na may kabangisan at poot; ni hindi siya naniniwala na yao'y tunog ng pakakak.

25 Kaniyang sinasabi sa tuwing tutunog ang mga pakakak: Aha! At kaniyang naaamoy ang pagbabaka sa malayo, ang sigaw ng mga kapitan at ang hiyaw.

26 Lumilipad ba ang uwak sa pamamagitan ng inyong karunungan, at iniuunat ba ang kaniyang mga pakpak sa dakong timugan?

27 Napaiilanglang ba ang agila sa iyong utos, at gumagawa ba ng kaniyang pugad sa itaas?

28 Sila'y nananahan sa malaking bato, at doon tumitira, sa taluktok ng burol at sa katibayan,

29 Mula roo'y tumitingin siya ng madadagit; ang kaniyang mga mata ay tumatanaw sa malayo.

30 Ang mga anak naman niya ay nagsisihitit ng dugo: at kung saan naroon ang pinatay ay naroon siya.

Job 40

1 Bukod dito'y sumagot ang Panginoon kay Job, at nagsabi,

2 Magmamatapang ba siya na makipagtalo sa Makapangyarihan sa lahat? Siyang nakikipagkatuwiranan sa Dios, ay sagutin niya ito.

3 Nang magkagayo'y sumagot si Job sa Panginoon, at nagsabi,

4 Narito, ako'y walang kabuluhan; anong isasagot ko sa iyo? Aking inilalagay ang aking kamay sa aking bibig,

5 Minsan ay nagsalita ako, at hindi ako sasagot: Oo, makalawa, nguni't hindi ako magpapatuloy.

6 Nang magkagayo'y sumagot ang Panginoon kay Job mula sa ipoipo, at nagsabi,

7 Magbigkis ka ng iyong mga balakang ngayon na parang lalake: ako'y magtatanong sa iyo at magpahayag ka sa akin.

8 Iyo bang wawaling kabuluhan ang aking kahatulan? Iyo bang hahatulan ako, upang ikaw ay ariing ganap?

9 O mayroon ka bang kamay na parang Dios? At makakukulog ka ba ng tinig na gaya niya?

10 Magpakagayak ka ngayon ng karilagan at karapatan; at magbihis ka ng karangalan at kalakhan.

11 Ibugso mo ang mga alab ng iyong galit: at tunghan mo ang bawa't palalo, at abain mo siya.

12 Masdan mo ang bawa't palalo, at papangumbabain mo siya; at iyong tungtungan ang masama sa kaniyang tayuan.

13 Ikubli mo sila sa alabok na magkakasama; talian mo ang kanilang mukha sa lihim na dako.

14 Kung magkagayo'y ipahayag naman kita; na maililigtas ka ng iyong kanan.

15 Narito ngayon, ang hayop na behemot na aking ginawang kasama mo: siya'y kumakain ng damo na gaya ng baka.

16 Narito, ngayon, ang kaniyang lakas ay nasa kaniyang mga balakang, at ang kaniyang kalakasan ay nasa kalamnan ng kaniyang tiyan.

17 Kaniyang iginagalaw ang kaniyang buntot na parang isang cedro: ang mga litid ng kaniyang mga hita ay nangagkakasabiran.

18 Ang kaniyang mga buto ay parang mga tubong tanso; ang kaniyang mga paa ay parang mga halang na bakal.

19 Siya ang pinakapangulo sa mga daan ng Dios: ang lumalang sa kaniya, ang makapaglalapit lamang ng tabak sa kaniya.

20 Tunay na ang mga bundok ay naglalabas sa kaniya ng pagkain; na pinaglalaruan ng lahat ng mga hayop sa parang.

21 Siya'y humihiga sa ilalim ng punong loto, sa puwang ng mga tambo, at mga lumbak.

22 Nilililiman siya ng mga puno ng loto ng kanilang lilim; nililigid sa palibot ng mga sauce sa batis.

23 Narito, kung bumubugso ang isang ilog hindi nanginginig: siya'y tiwasay bagaman umapaw ang Jordan hanggang sa kaniyang bunganga.

24 May kukuha ba sa kaniya pag siya'y natatanod, o may tutuhog ba ng kaniyang ilong sa pamamagitan ng isang silo.

Job 41

1 Mahuhuli mo ba ang buwaya ng isang bingwit? O mailalabas mo ba ang kaniyang dila ng isang panali?

2 Makapaglalagay ka ba ng tali sa kaniyang ilong? O makabubutas sa kaniyang panga ng isang taga ng bingwit?

3 Mamamanhik ba siya ng marami sa iyo? O magsasalita ba siya ng mga malumanay na salita sa iyo?

4 Makikipagtipan ba siya sa iyo, upang ariin mo siyang alipin magpakailan man?

5 Makikipaglaro ka ba sa kaniya na gaya sa isang ibon? O iyong tatalian ba siya para sa iyong mga dalaga?

6 Makakalakal ba siya ng mga pulutong ng mangingisda? Mababahagi ba siya nila sa mga mangangalakal?

7 Mahihiwa mo ba ang kaniyang balat ng sundang na bakal, o ang kaniyang ulo ng panaksak ng isda?

8 Ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya; alalahanin mo ang pagbabaka at huwag mo nang gawin.

9 Narito, ang pagasa riyan ay walang kabuluhan: hindi ba malulugmok ang sinoman makita lamang yaon?

10 Walang malakas na makapangahas kumilos niyaon: sino ngang makatatayo sa harap ko?

11 Sinong naunang nagbigay sa akin upang aking bayaran siya? Anomang nasa silong ng buong langit ay akin.

12 Hindi ako tatahimik tungkol sa kaniyang mga sangkap ng katawan, ni sa kaniya mang dakilang kapangyarihan, ni sa kaniya mang mainam na hugis.

13 Sinong makapaglilitaw na karayagan ng kaniyang mga damit? Sinong makalalapit sa kaniyang magkasaping pangil?

14 Sinong makapagbubukas ng mga pinto ng kaniyang mukha? Sa palibot ng kaniyang ngipin ay kakilabutan.

15 Ang kaniyang mga matibay na palikpik ay kaniyang kapalaluan, nangagkakadikit na maigi na gaya sa isang tatak na mahigpit.

16 Nagkakadikit sa isa't isa, na ang hangin ay hindi makaraan sa pagitan sa mga yaon.

17 Sila'y nagkakasugpongan sa isa't isa; Nagkakalakip na magkasama, na hindi maihihiwalay.

18 Ang kanilang mga bahin ay kumikislap ng apoy, at ang kanilang mga mata ay gaya ng mga bukang liwayway kung umaga.

19 Mula sa kaniyang bibig ay lumalabas ang nagliliyab na sulo, at mga alipatong apoy ay nagsisilabas.

20 Mula sa kaniyang mga butas ng ilong ay lumalabas ang usok, na gaya ng isang kumukulong talyasi at nagniningas na mga talahib.

21 Ang kaniyang hinga ay nagpapaningas ng mga baga, at isang alab ay lumalabas sa kaniyang bibig.

22 Sa kaniyang leeg ay tumitira ang kalakasan, at ang kakilabutan ay sumasayaw sa harap niya.

23 Ang mga kaliskis ng kaniyang laman ay nangagkakadikitan; nangagtutumibay sa kaniya; hindi magagalaw.

24 Ang kaniyang puso ay matatag na gaya ng isang bato; Oo, matatag na gaya ng batong pangibaba ng gilingan.

25 Pagka siya'y tumitindig ay natatakot ang makapangyarihan: dahil sa pagkagulat ay nangalilito sila.

26 Kung siya'y tagain ninoman ng tabak ay hindi tumatalab; ni ng sibat man, ng pana, ni ng matalas na tulis man.

27 Kaniyang ipinalalagay ang bakal na parang dayami, at ang tanso na parang lapok na kahoy.

28 Hindi niya mapatakas ng palaso: ang mga batong panghilagpos ay nagiging sa kaniya'y parang pinagputulan ng trigo.

29 Ang mga panakbat ay nangapapalagay na parang pinagputulan ng trigo: kaniyang tinatawanan ang galaw ng sibat.

30 Ang kaniyang mga sangkap sa ibaba ay gaya ng mga matulis na bibinga: lumalaganap na tila saksak sa banlik.

31 Kaniyang pinagpapakuluan ang kalaliman na parang palyok: kaniyang ginagawa ang dagat na parang pamahid.

32 Kaniyang pinasisilang ang landas sa likuran niya; aakalain ng sinoman na mauban ang kalaliman.

33 Sa ibabaw ng lupa ay walang gaya niya, na likhang walang takot.

34 Kaniyang minamasdan ang bawa't mataas na bagay: siya'y hari sa lahat ng mga anak na palalo.

Job 42

1 Nang magkagayo'y sumagot si Job sa Panginoon, at nagsabi,

2 Nalalaman ko na magagawa mo ang lahat ng mga bagay, at wala kang akala na mapipigil.

3 Sino itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman? Kaya't aking sinambit na hindi ko nauunawa, mga bagay na totoong kagilagilalas sa akin na hindi ko nalalaman.

4 Dinggin mo, isinasamo ko sa iyo, at ako'y magsasalita; ako'y magtatanong sa iyo, at magpahayag ka sa akin.

5 Narinig kita sa pakikinig ng pakinig; nguni't ngayo'y nakikita ka ng aking mata,

6 Kaya't ako'y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.

7 At nangyari, na pagkatapos na masalita ng Panginoon ang mga salitang ito kay Job, sinabi ng Panginoon kay Eliphaz na Temanita, Ang aking poot ay nagaalab laban sa iyo, at laban sa iyong dalawang kaibigan: sapagka't hindi kayo nangagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, na gaya ng ginawa ng aking lingkod na si Job.

8 Kaya't magsikuha kayo sa inyo ngayon ng pitong guyang baka, at pitong lalaking tupa, at magsiparoon kayo sa aking lingkod na kay Job, at ihandog ninyo sa ganang inyo na pinakahandog na susunugin: at idadalangin kayo ng aking lingkod na si Job: sapagka't siya'y aking tatanggapin, baka kayo'y aking gawan ng ayon sa inyong kamangmangan; sapagka't hindi kayo nangagsasalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, na gaya ng aking lingkod na si Job.

9 Sa gayo'y nagsiyaon si Eliphaz na Temanita, at si Bildad na Suhita, at si Sophar na Naamatita, at ginawa ang ayon sa iniutos sa kanila ng Panginoon: at nilingap ng Panginoon si Job.

10 At inalis ng Panginoon ang pagkabihag ni Job, nang kaniyang idalangin ang kaniyang mga kaibigan; at binigyan ng Panginoon si Job na makalawa ang higit ng dami kay sa tinatangkilik niya ng dati.

11 Nang magkagayo'y nagsiparoon sa kaniya ang lahat niyang mga kapatid na lalake at babae, at lahat na naging kakilala niya ng una, at nagsikain ng tinapay na kasalo niya sa kaniyang bahay; at nakipagdamdam sa kaniya, at inaliw siya tungkol sa lahat na kasamaan na pinasapit sa kaniya ng Panginoon: bawa't tao nama'y nagbigay sa kaniya ng isang putol na salapi, at bawa't isa'y ng isang singsing na ginto.

12 Sa gayo'y pinagpala ng Panginoon, ang huling wakas ni Job na higit kay sa kaniyang pasimula: at siya'y nagkaroon ng labing apat na libong tupa, at anim na libong kamelyo, at isang libong tuwang na baka, at isang libong asnong babae.

13 Siya nama'y nagkaroon din ng pitong anak na lalake at tatlong anak na babae.

14 At tinawag niya ang pangalan ng una na Jemima; at ang pangalan ng ikalawa, Cesiah, at ang pangalan ng ikatlo, Keren-hapuch.

15 At sa buong lupain ay walang mga babaing masumpungan na totoong maganda na gaya ng mga anak na babae ni Job: at binigyan sila ng kanilang ama ng mana sa kasamahan ng kanilang mga kapatid.

16 At pagkatapos nito'y nabuhay si Job na isang daan at apat na pung taon, at nakita niya ang kaniyang mga anak, at ang mga anak ng kaniyang mga anak, hanggang sa apat na saling lahi.

17 Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan.