단계 62

공부

     

Deuteronomio 23:15-25

15 Huwag mong ibibigay sa kaniyang panginoon ang isang aliping nagtanan sa kaniyang panginoon na napasa iyo:

16 Siya'y tatahang kasama mo, sa gitna mo, sa dakong kaniyang pipiliin sa loob ng isa sa iyong mga pintuang-daan na kaniyang magalingin: huwag mo siyang pipighatiin.

17 Huwag kang magkakaroon ng masamang babae sa mga anak ng Israel, ni magkakaroon ng sodomita sa mga anak ng Israel.

18 Huwag mong dadalhin ang bayad sa isang masamang babae, o ang kaupahan sa isang aso, sa bahay ng Panginoon mong Dios sa anomang panata: sapagka't ang mga ito ay kapuwa karumaldumal sa Panginoon mong Dios.

19 Huwag kang magpapahiram na may tubo sa iyong kapatid; tubo ng salapi, tubo ng kakanin, tubo ng anomang bagay na ipinahihiram na may tubo:

20 Sa isang taga ibang lupa ay makapagpapahiram ka na may tubo; nguni't sa iyong kapatid ay huwag kang magpapahiram na may tubo: upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng pagpapatungan mo ng iyong kamay, sa lupain na iyong pinapasok upang ariin.

21 Pagka ikaw ay magpapanata ng isang panata sa Panginoon mong Dios, ay huwag kang magluluwat ng pagtupad: sapagka't walang pagsalang uusisain sa iyo ng Panginoon mong Dios; at magiging kasalanan sa iyo.

22 Nguni't kung ikaw ay magbawang manata, ay hindi magiging kasalanan, sa iyo:

23 Ang nabuka sa iyong mga labi ay iyong gaganapin at gagawin; ayon sa iyong ipinanata sa Panginoon mong Dios, na isang kusang handog, na ipinangako mo ng iyong bibig.

24 Pagka ikaw ay pumasok sa ubasan ng iyong kapuwa, ay makakakain ka nga ng mga ubas sa iyong kagustuhan hanggang sa ikaw ay mabusog; nguni't huwag kang maglalagay sa iyong sisidlan.

25 Pagka ikaw ay pumasok sa nangakatayong trigo ng iyong kapuwa, ay makikitil mo nga ng iyong kamay ang mga uhay; nguni't huwag mong gagalawin ng karit ang nakatayong trigo ng iyong kapuwa.

Deuteronomio 24

1 Pagka ang isang lalake ay kumuha ng isang babae at pinakasalan, ay mangyayari nga, na kung ang babae ay hindi kalugdan ng kaniyang mga mata, sapagka't kinasumpungan niya ng isang kahiyahiyang bagay, ay lalagda siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay, at ibibigay niya sa kaniyang kamay, at papagpapaalamin niya siya sa kaniyang bahay.

2 At pagkaalis niya sa bahay ng lalake, ay makayayaon siya at makapagaasawa sa ibang lalake.

3 At kung kapootan siya ng huling asawa, at lagdaan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay, at ibigay sa kaniyang kamay, at papagpaalamin siya sa kaniyang bahay; o kung mamatay ang huling asawa, na kumuha sa kaniya upang maging asawa niya;

4 Hindi na siya makukuhang muling maging asawa ng kaniyang unang asawa na humiwalay sa kaniya, pagkatapos na kaniyang mapangayupapa siya; sapagka't yao'y karumaldumal sa harap ng Panginoon: at huwag mong papagkakasalahin ang lupain na ibinibigay na pinakamana sa iyo ng Panginoon mong Dios.

5 Pagka ang isang lalake ay bagong kasal, ay huwag lalabas na sasama sa hukbo ni mamamahala ng anomang katungkulan; siya'y magiging laya sa bahay na isang taon at kaniyang pasasayahin ang kaniyang asawa na kaniyang kinuha.

6 Walang taong kukuha ng gilingan o ng batong nasa itaas ng gilingan na pinakasangla: sapagka't parang kaniyang kinuhang pinakasangla ang buhay ng tao.

7 Kung ang sinoman ay masumpungang nagnanakaw ng sinoman sa kaniyang mga kapatid, sa mga anak ni Israel, at kaniyang inalipin siya, o ipinagbili siya; ang magnanakaw ngang yaon ay papatayin: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

8 Magingat ka sa salot na ketong, na iyong isagawang masikap at gawin ang ayon sa lahat na ituturo sa iyo ng mga saserdote na mga Levita: kung paanong iniutos ko sa kanila ay gayon mo isasagawa.

9 Alalahanin mo ang ginawa ng Panginoon mong Dios kay Miriam sa daan nang kayo'y lumalabas sa Egipto.

10 Pagka ikaw ay magpapahiram sa iyong kapuwa ng anomang bagay na hiram, ay huwag kang papasok sa kaniyang bahay upang kumuha ng kaniyang sangla.

11 Ikaw ay tatayo sa labas, at ang taong iyong pinahihiram ay maglalabas ng sangla sa iyo.

12 At kung siya'y taong mahirap ay huwag kang matutulog na may sangla niya:

13 Iyo ngang isasauli sa kaniya ang sangla paglubog ng araw, upang siya'y matulog sa kaniyang damit, at pagpalain ka: at magiging katuwiran mo sa harap ng Panginoon mong Dios.

14 Huwag mong pipighatiin ang isang nagpapaupang dukha at salat, maging siya'y sa iyong mga kapatid, o sa mga iyong taga ibang bayan na nangasa iyong bayan sa loob ng iyong mga pintuang-daan:

15 Sa kaniyang kaarawan ay ibibigay mo sa kaniya ang kaniyang kaupahan, ni huwag lulubugan ng araw (sapagka't siya'y mahirap, at siyang inaasahan ng kaniyang puso); baka siya'y dumaing sa Panginoon laban sa iyo at maging kasalanan sa iyo.

16 Hindi papatayin ang mga magulang dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan.

17 Huwag mong ililiko ang matuwid ng taga ibang bayan, ni ng ulila; ni huwag mong kukuning sangla ang damit ng babaing bao:

18 Kundi aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa Egipto, at tinubos ka ng Panginoon mong Dios mula roon: kaya't iniuutos ko sa iyong gawin mo ang bagay na ito.

19 Pagka iyong aanihin ang iyong ani sa bukid, at nakalimot ka ng isang bigkis sa bukid, ay huwag mong pagbabalikang kunin: magiging sa taga ibang lupa, sa ulila, at sa babaing bao: upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay.

20 Pagka iyong papaspasan ang iyong puno ng olibo, ay huwag mong pagbabalikan ang mga nalagpasan; magiging sa taga ibang bayan, sa ulila, at sa babaing bao.

21 Pagka ikaw ay namimitas sa iyong ubasan, ay huwag mong pupulutin ang nasa likuran mo; magiging sa taga ibang bayan, sa ulila, at sa babaing bao.

22 At iyong aalalahanin na naging alipin ka sa lupain ng Egipto: kaya't iniuutos ko sa iyong gawin ang bagay na ito.

Deuteronomio 25

1 Kung magkaroon ng pagkakaalit ang mga tao, at sila'y dumating sa hukuman, at sila'y hatulan ng mga hukom; ay kanila ngang mamatuwirin ang may matuwid at hahatulan ang salarin:

2 At mangyayari, na kung ang salarin ay marapat paluin, ay padadapain siya ng hukom sa lupa, at papaluin sa kaniyang harap, ayon sa kaniyang sala na may bilang,

3 Apat na pung palo ang maibibigay niya sa kaniya, huwag niyang lalagpasan: baka kung siya'y lumagpas, at paluin niya ng higit sa mga ito ng maraming palo, ay maging hamak nga sa iyo ang iyong kapatid.

4 Huwag mong lalagyan ng pugong ang baka pagka gumigiik.

5 Kung ang magkapatid ay tumahang magkasama, at isa sa kanila'y mamatay, at walang anak, ang asawa ng patay ay huwag magaasawa ng iba sa labas: ang kapatid ng kaniyang asawa ay sisiping sa kaniya, at kukunin siya niyang asawa, at tutuparin sa kaniya ang tungkulin ng pagkakapatid ng asawa.

6 At mangyayari, na ang panganay na kaniyang ipanganganak ay hahalili sa pangalan ng kaniyang kapatid na namatay, upang ang kaniyang pangalan ay huwag mapawi sa Israel.

7 At kung ayaw kunin ng lalake ang asawa ng kaniyang kapatid, ay sasampa nga ang asawa ng kaniyang kapatid sa pintuang-bayan sa mga matanda, at sasabihin, Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging itindig ang pangalan ng kaniyang kapatid sa Israel; ayaw niyang tuparin sa akin ang tungkulin ng pagkakapatid ng asawa.

8 Kung magkagayo'y tatawagin siya ng mga matanda sa kaniyang bayan at pangungusapan siya: at kung siya'y tumayo at sabihin niya, Ayaw kong kunin siya;

9 Ang asawa nga ng kapatid ay paroroon sa kaniya sa harap ng mga matanda at huhubarin ang panyapak niya sa kaniyang mga paa, at luluran siya sa mukha; at siya'y sasagot at sasabihin, Ganyan ang gagawin sa lalake, na ayaw magtayo ng sangbahayan ng kaniyang kapatid.

10 At ang kaniyang pangala'y tatawagin sa Israel, Ang bahay ng hinubaran ng panyapak.

11 Pag may dalawang lalaking nag-away, at ang asawa ng isa ay lumapit upang iligtas ang kaniyang asawa sa kamay ng nananakit sa kaniya, at iniunat niya ang kaniyang kamay at hinawakan niya ang mga sangkap na lihim:

12 Ay iyo ngang puputulin ang kaniyang kamay; ang iyong mata'y huwag manghihinayang.

13 Huwag kang magkakaroon sa iyong supot ng iba't ibang panimbang, ng isang malaki at ng isang maliit.

14 Huwag kang magkakaroon sa iyong bahay ng iba't ibang takalan, ng isang malaki at ng isang maliit.

15 Isang tunay at tapat na takalan magkakaroon ka; isang tunay at tapat na takalan magkakaroon ka: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

16 Sapagka't yaong lahat na gumagawa ng gayong mga bagay, sa makatuwid baga'y yaong lahat ng gumagawa ng di matuwid ay kasuklamsuklam sa Panginoon mong Dios.

17 Alalahanin mo ang ginawa sa iyo ng Amalec sa daan nang ikaw ay lumabas sa Egipto;

18 Na kung paanong sinalubong ka niya sa daan, at sinaktan niya ang mga kahulihulihan sa iyo, yaong lahat na mahina sa hulihan mo, nang ikaw ay pagod at pagal; at siya'y hindi natakot sa Dios.

19 Kaya't mangyayari, na pagka binigyan ka ng Panginoon mong Dios ng kapahingahan sa lahat ng iyong mga kaaway sa palibot, sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana upang ariin, ay iyong papawiin ang pagalaala sa Amalec sa silong ng langit; huwag mong lilimutin.

Deuteronomio 26

1 At mangyayari, pagka nakapasok ka sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana, at iyong inaari, at iyong tinatahanan;

2 Na iyong kukunin ang mga una sa lahat ng bunga ng lupain, na iyong mga pipitasin sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios: at iyong isisilid sa isang buslo, at ikaw ay paroroon sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios, na patatahanan sa kaniyang pangalan:

3 At paroroon ka sa saserdote sa mga araw na yaon, at sasabihin mo sa kaniya, Aking ipinahahayag sa araw na ito sa Panginoon mong Dios, na ako'y nasok sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa aming mga magulang, upang ibigay sa amin.

4 At kukunin ng saserdote ang buslo sa iyong kamay at ilalagay sa harap ng dambana ng Panginoon mong Dios.

5 At ikaw ay sasagot, at magsasabi sa harap ng Panginoon mong Dios, Isang taga Siria na kamunti nang mamatay ang aking ama; siyang bumaba sa Egipto, at nakipamayan doon, na kaunti sa bilang; at doo'y naging isang bansang malaki, makapangyarihan, at makapal:

6 At kami ay tinampalasan ng mga taga Egipto, at pinighati kami at inatangan kami ng isang mabigat na pagkaalipin:

7 At kami ay dumaing sa Panginoon, sa Dios ng aming mga magulang at dininig ng Panginoon ang aming tinig, at nakita ang aming kadalamhatian, at ang aming gawa, at ang aming kapighatian;

8 At inilabas kami ng Panginoon sa Egipto ng kamay na makapangyarihan, at ng unat na bisig, at ng malaking kakilabutan, at ng mga tanda, at ng mga kababalaghan:

9 At kaniyang dinala kami sa lupaing ito, at ibinigay sa amin ang lupaing binubukalan ng gatas at pulot.

10 At ngayon, narito, aking dala ang mga una sa bunga ng lupa, na ibinigay mo sa akin, Oh Panginoon. At iyong ilalapag sa harap ng Panginoon mong Dios, at sasamba ka sa harap ng Panginoon mong Dios:

11 At magagalak ka sa lahat ng magaling na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, at sa iyong sangbahayan, ikaw, at ang Levita, at ang taga ibang lupa na nasa gitna mo.

12 Pagkatapos mo ng pagbibigay ng buong ikasangpung bahagi ng iyong pakinabang sa ikatlong taon, na siyang taon ng pagbibigay ng ikasangpung bahagi, ay magbibigay ka nga rin sa Levita, sa taga ibang lupa, sa ulila, at sa babaing bao, upang sila'y makakain sa loob ng iyong mga pintuang-daan, at mabusog;

13 At iyong sasabihin sa harap ng Panginoon mong Dios, Aking inalis ang mga pinapaging banal na bagay sa aking bahay, at akin ding ibinigay sa Levita, at sa taga ibang lupa, sa ulila at sa babaing bao, ayon sa iyong madlang utos na iyong iniutos sa akin: hindi ko sinalangsang ang anoman sa iyong mga utos, ni kinalimutan ko:

14 Hindi ko kinain sa aking pagluluksa, ni inilabas ko nang ako'y marumi, ni ibinigay ko upang gamitin sa patay: aking dininig ang tinig ng Panginoon kong Dios; aking ginawa ayon sa buong iniutos mo sa akin.

15 Tumungo ka mula sa iyong banal na tahanan, mula sa langit, at pagpalain mo ang iyong bayang Israel, at ang lupa na iyong ibinigay sa amin, gaya ng iyong isinumpa sa aming mga magulang, na isang lupang binubukalan ng gatas at pulot.

16 Sa araw na ito ay iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Dios, na tuparin mo ang mga palatuntunan at mga hatol na ito: iyo ngang gaganapin at tutuparin ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa.

17 Iyong ipinahayag sa araw na ito na ang Panginoo'y iyong Dios, at ikaw ay lalakad sa kaniyang mga daan, at iyong gaganapin ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga hatol, at iyong didinggin ang kaniyang tinig:

18 At inihayag ka ng Panginoon sa araw na ito, na maging isang bayan sa kaniyang sariling pag-aari, gaya ng ipinangako niya sa iyo, upang iyong ganapin ang lahat ng kaniyang utos;

19 At upang itaas ka sa lahat ng bansa na kaniyang nilikha, sa ikapupuri, at sa ikababantog, at sa ikararangal; at upang ikaw ay maging isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios, gaya ng kaniyang sinabi.

Deuteronomio 27:1-10

1 At si Moises at ang mga matanda sa Israel ay nagutos sa bayan, na sinasabi, Ganapin mo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito.

2 At mangyayaring sa araw na iyong tatawirin ang Jordan na patungo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay maglalagay ka ng malalaking bato, at iyong tatapalan ng argamasa;

3 At iyong isusulat sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito, pagka iyong naraanan; upang iyong mapasok ang lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, na isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang.

4 At mangyayari na pagtawid mo ng Jordan, na iyong ilalagay ang mga batong ito, na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, sa bundok ng Ebal, at iyong tatapalan ng argamasa.

5 At doo'y magtatayo ka ng isang dambana sa Panginoon mong Dios, ng isang dambana na mga bato; huwag mong pagbubuhatan ang mga ito ng kasangkapang bakal.

6 Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng Panginoon mong Dios, at maghahandog ka roon ng mga handog na susunugin, sa Panginoon mong Dios.

7 At ikaw ay maghahain ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at iyong kakanin doon; at ikaw ay magagalak sa harap ng Panginoon mong Dios;

8 At iyong isusulat na malinaw sa mga batong yaon, ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.

9 At si Moises at ang mga saserdote na ang mga Levita ay nagsalita sa buong Israel, na sinasabi, Tumahimik ka at dinggin mo, Oh Israel; sa araw na ito ay naging bayan ka ng Panginoon mong Dios.

10 Iyo ngang susundin ang tinig ng Panginoon mong Dios, at tutuparin mo ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.