Gradus 13: Step 13

Study

     

Genesis 37:25-36

25 At nagsiupo upang kumain ng tinapay, at kanilang itiningin ang kanilang mga mata at tumingin sila, at, narito, ang isang pulutong na mga Ismaelita na nagsisipanggaling sa Gilead sangpu ng kanilang mga kamelyo at may dalang mga pabango, at mga balsamo, at mga mirra, na kanilang dadalhin sa Egipto.

26 At sinabi ni Juda sa kaniyang mga kapatid. Anong ating mapapakinabang kung ating patayin ang ating kapatid, at ilihim ang kaniyang dugo?

27 Halikayo, at atin siyang ipagbili sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; sapagka't siya'y ating kapatid, atin din laman. At dininig siya ng kaniyang mga kapatid.

28 At nagsisipagdaan ang mga mangangalakal na mga Midianita; at kanilang isinampa si Jose sa balon, at ipinagbili nila si Jose sa mga Ismaelita ng dalawang pung putol na pilak. At dinala si Jose sa Egipto.

29 At nagbalik si Ruben sa balon; at, narito, na si Jose ay wala sa balon; at kaniyang hinapak ang kaniyang mga suot.

30 At siya'y nagbalik sa kaniyang mga kapatid, at kaniyang sinabi, Wala ang bata; at ako, saan ako paroroon?

31 At kanilang kinuha ang tunika ni Jose, at sila'y pumatay ng isang lalaking kambing, at kanilang inilubog ang tunika sa dugo:

32 At kanilang ipinadala ang tunikang may sarisaring kulay, at dinala sa kanilang ama; at kanilang sinabi, Ito'y aming nasumpungan: kilalanin mo ngayon, kung tunika ng iyong anak o hindi.

33 At kaniyang kinilala, at sinabi, Siya ngang tunika ng aking anak; sinakmal siya ng isang masamang hayop; si Jose ay walang pagsalang nilapa.

34 At hinapak ni Jacob ang kaniyang mga suot, at kaniyang nilagyan ng magaspang na damit ang kaniyang mga balakang, at tinangisang maraming araw ang kaniyang anak.

35 At nagsitindig ang lahat niyang mga anak na lalake at babae upang siya'y aliwin; datapuwa't tumanggi siyang maaliw; at kaniyang sinabi, Sapagka't lulusong akong tumatangis sa aking anak hanggang sa Sheol. At tinangisan siya ng kaniyang ama.

36 At ipinagbili siya ng mga Midianita sa Egipto kay Potiphar, puno ni Faraon, na kapitan ng bantay.

Genesis 38

1 At nangyari nang panahong yaon, na humiwalay si Juda sa kaniyang mga kapatid, at nagdaan sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira.

2 At nakita roon ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo, na tinatawag na Sua; at kinuha niya at kaniyang sinipingan.

3 At naglihi, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Er.

4 At naglihi uli, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Onan.

5 At muling naglihi at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Selah: at si Juda ay nasa sa Chezib nang siya'y manganak.

6 At pinapag-asawa ni Juda si Er na kaniyang panganay, at ang pangalan niyao'y Thamar.

7 At si Er, na panganay ni Juda, ay naging masama sa paningin ng Panginoon; at siya'y pinatay ng Panginoon.

8 At sinabi ni Juda kay Onan, Sumiping ka sa asawa ng iyong kapatid, at tuparin mo sa kaniya ang tungkulin ng kapatid ng asawa, at ipagbangon mo ng binhi ang iyong kapatid.

9 At nalalaman ni Onan na hindi magiging kaniya ang binhi; at nangyari, na pagka sisiping siya sa asawa ng kaniyang kapatid, ay pinatutulo niya sa lupa, nang huwag lamang niyang bigyan ng binhi ang kaniyang kapatid.

10 At ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, at siya'y pinatay rin naman.

11 Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Thamar na kaniyang manugang na babae: Manatili kang bao sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Selah na aking anak: sapagka't sinabi niya, Marahil ay hindi siya mamamatay ng gaya ng kaniyang mga kapatid. At yumaon si Thamar at tumahan sa bahay ng kaniyang ama.

12 At nagdaan ang maraming araw; at namatay ang anak na babae ni Sua, na asawa ni Juda; at nagaliw si Juda, at umahon sa Timnath sa mga manggugupit sa kaniyang mga tupa, siya at ang kaniyang kaibigang si Hira na Adullamita.

13 At naibalita kay Thamar, na sinasabi, Narito, ang iyong biyanang lalake ay umaahon sa Timnath upang pagupitan ang kaniyang mga tupa.

14 At siya'y nagalis ng suot pagkabao, at nagtakip ng kaniyang lambong, at pagkapagtakip ay naupo sa pasukan ng Enaim, na nasa daan ng Timnath; sapagka't kaniyang nakikita, na si Selah ay malaki na, at hindi pa siya ibinibigay na asawa.

15 Nang makita siya ni Juda ay ipinalagay siyang patutot, sapagka't siya'y nagtakip ng kaniyang mukha.

16 At lumapit sa kaniya, sa tabi ng daan, at sinabi, Narito nga, ipinamamanhik ko sa iyo na ako'y pasipingin mo sa iyo: sapagka't hindi niya nakilalang kaniyang manugang. At kaniyang sinabi, Anong ibibigay mo sa akin sa iyong pagsiping sa akin?

17 At kaniyang sinabi, Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan. At kaniyang sinabi, Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo?

18 At kaniyang sinabi, Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo? At kaniyang sinabi, Ang iyong singsing, at ang iyong pamigkis, at ang tungkod na dala mo sa kamay. At kaniyang ipinagbibigay sa kaniya, at sumiping sa kaniya; at siya'y naglihi sa pamamagitan niya.

19 At siya'y bumangon, at yumaon, at siya'y nagalis ng kaniyang lambong, at isinuot ang mga kasuutan ng kaniyang pagkabao.

20 At ipinadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kamay ng kaniyang kaibigan, na Adullamita, upang tanggapin ang sangla sa kamay ng babae: datapuwa't hindi niya nasumpungan.

21 Nang magkagayo'y kaniyang itinanong sa mga tao sa dakong yaon na sinasabi, Saan nandoon ang patutot na nasa tabi ng daan sa Enaim? At kanilang sinabi, Walang naparitong sinomang patutot.

22 At nagbalik siya kay Juda, at sinabi, Hindi ko nasumpungan: at sinabi rin naman ng mga tao sa dakong yaon, Walang naging patutot rito.

23 At sinabi ni Juda, Pabayaang ariin niya, baka tayo'y mapahiya: narito, aking ipinadala itong anak ng kambing at hindi mo siya nasumpungan.

24 At nangyari, na pagkaraan ng tatlong buwan, humigit kumulang, ay naibalita kay Juda, na sinasabi, Ang iyong manugang na si Thamar ay nagpatutot; at, narito, siya'y buntis sa pakikiapid. At sinabi ni Juda, Siya'y ilabas upang sunugin.

25 Nang siya'y ilabas, ay nagpasabi siya sa kaniyang biyanan. Sa lalaking may-ari ng mga ito, ay nagdalangtao ako: at kaniyang sinabi pang, Ipinamamanhik ko sa iyo, na kilalanin mo kung kanino ang mga ito, ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod.

26 At nangakilala ni Juda, at sinabi, Siya'y matuwid kay sa akin; sapagka't hindi ko ibinigay sa kaniya si Selah na aking anak. At hindi na niya muling sinipingan pa.

27 At nangyari, na sa pagdaramdam niya, na, narito, kambal ang nasa kaniyang tiyan.

28 At nangyari, nang nanganganak siya, na inilabas ng isa ang kamay: at hinawakan ng hilot at tinalian sa kamay ng isang sinulid na mapula, na sinasabi, Ito ang unang lumabas.

29 At nangyari, na pagkaurong ng kaniyang kamay, na, narito, ang kaniyang kapatid ang lumabas. At kaniyang sinabi, Bakit nagpumiglas ka? kaya't tinawag ang pangalan niyang Phares.

30 At pagkatapos ay lumabas ang kaniyang kapatid, na siyang may sinulid na mapula sa kamay: at tinawag na Zara ang kaniyang pangalan.

Genesis 39

1 At ibinaba si Jose sa Egipto; at binili siya ni Potiphar, puno ni Faraon, na kapitan ng bantay, na lalaking taga Egipto, sa kamay ng mga Ismaelita na nagdala sa kaniya roon.

2 At ang Panginoon ay suma kay Jose, at naging lalaking mapalad; at siya'y nasa bahay ng kaniyang panginoong taga Egipto.

3 At nakita ng kaniyang panginoon, na ang Panginoon ay sumasakaniya, at ang lahat ng kaniyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon sa kaniyang kamay.

4 At nakasumpong si Jose ng biyaya sa kaniyang paningin, at pinaglingkuran niya siya: at sa kaniya'y ipinamahala niya ang bahay, at ang lahat niyang tinatangkilik ay isinakaniyang kamay.

5 At nangyari, na mula sa panahon na siya'y pamahalain sa kaniyang bahay, at sa lahat ng kaniyang tinatangkilik, ay pinagpala ng Panginoon ang bahay ng taga Egiptong yaon dahil kay Jose; at ang pagpapala ng Panginoon ay sumalahat ng kaniyang tinatangkilik, sa bahay at sa parang.

6 At kaniyang ipinamahala ang lahat niyang tinatangkilik sa kamay ni Jose; at hindi siya nakikialam ng anomang kaniya, liban sa tinapay na kaniyang kinakain. At si Jose ay may magandang pagmumukha at kahalihalina.

7 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na tinitigan si Jose ng asawa ng kaniyang panginoon at sinabi, Sipingan mo ako.

8 Datapuwa't siya'y tumanggi at sinabi niya sa asawa ng kaniyang panginoon, Narito, ang aking panginoon ay hindi nakikialam sa akin tungkol sa nasa bahay, at lahat ng kaniyang tinatangkilik ay ipinamahala sa aking kamay;

9 Walang sinomang dakila kay sa akin sa bahay na ito; walang ipinagkait sa aking anomang bagay, kung di ikaw lamang, sapagka't ikaw ay kaniyang asawa: paano ngang aking magagawa itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Dios?

10 At nangyari, na nakikiusap man siya kay Jose araw-araw, ay hindi nakikinig sa kaniya na siya'y sipingan, o pakisamahan.

11 At nangyari nang panahong ito, na siya'y pumasok sa bahay upang gawin niya ang kaniyang gawain at wala sinoman sa mga tao sa bahay doon sa loob.

12 At siya'y pinigilan niya sa kaniyang suot, na sinasabi, Sipingan mo ako: at iniwan niya ang kaniyang suot sa kamay niya at tumakas, at lumabas.

13 At nangyari, na pagkakita niyang iniwan ang kaniyang suot sa kamay niya, at tumakas sa labas,

14 Na siya'y tumawag ng mga tao sa kaniyang bahay, at sinalita sa kanila, na sinasabi, Tingnan ninyo, na dinalhan niya tayo ng isang Hebreo, upang tayo'y tuyain; pinasok niya ako upang ako'y sipingan, at ako'y naghihiyaw ng malakas:

15 At nangyari nang marinig niyang ako'y nagtaas ng tinig at naghihiyaw, na iniwan ang kaniyang suot sa aking siping, at tumakas, at lumabas.

16 At kaniyang iningatan ang suot niya sa kaniyang siping, hanggang sa umuwi ang kaniyang panginoon sa kaniyang bahay.

17 At sinalita niya sa kaniya ng ayon sa mga salitang ito, na sinasabi, Pinasok ako ng aliping Hebreo na iyong dinala sa atin, upang tuyain ako:

18 At nangyari, na sapagka't nagtaas ako ng aking tinig at ako'y naghihiyaw, ay kaniyang iniwan ang suot niya sa aking siping, at tumakas sa labas.

19 At nangyari, na pagkarinig ng kaniyang panginoon ng mga salita na sinalita sa kaniya ng kaniyang asawa, na sinasabi, Ganitong paraan ang ginawa sa akin ng iyong alipin; ay nagalab ang kaniyang galit.

20 At dinala ng kaniyang panginoon si Jose, at inilagay sa bilangguan, sa dakong pinagkukulungan ng mga bilanggo ng hari: at siya'y natira roon sa bilangguan.

21 Datapuwa't ang Panginoon ay suma kay Jose, at iginawad sa kaniya ang awa, at pinagkalooban ng biyaya sa paningin ng katiwala sa bilangguan.

22 At ipinamahala ng katiwala sa bilangguan sa mga kamay ni Jose ang lahat na mga bilanggo na nasa bilangguan; at ang lahat ng ginagawa roon ay siya ang gumagawa.

23 Hindi tinitingnan ng katiwala ng bilangguan ang anomang bagay na nasa kaniyang kamay, sapagka't ang Panginoo'y suma kay Jose; at ang kaniyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon.

Genesis 40:1-8

1 At nangyari, na pagkatapos ng mga bagay na ito, na ang katiwala ng saro ng hari sa Egipto at ang kaniyang magtitinapay ay nangagkasala laban sa kanilang panginoon na hari sa Egipto.

2 At naginit si Faraon laban sa kaniyang dalawang tagapamahala, sa puno ng mga katiwala ng saro at sa puno ng mga magtitinapay.

3 At pinagpipiit sa bilangguan, sa bahay ng kapitan ng bantay, sa bilangguang kinabibilangguan ni Jose.

4 At ibinigay ng kapitan ng bantay kay Jose ang pamamahala sa kanila at pinaglingkuran niya sila: at sila'y natirang kaunting panahon sa bilangguan.

5 At ang katiwala at ang magtitinapay ng hari sa Egipto na nangabibilango sa bilangguan, ay kapuwa nanaginip ng kanikaniyang panaginip sa isang gabi, na bawa't isa ayon sa paliwanag ng kanikaniyang panaginip.

6 At pinaroonan sila ni Jose sa kinaumagahan, at sila'y tiningnan, at, narito, sila'y mapanglaw.

7 At kaniyang tinanong ang mga tagapamahala ni Faraon, na mga kasama niya sa bilangguan sa bahay ng kaniyang panginoon, na sinasabi, Bakit kayo'y mapanglaw ngayon?

8 At kanilang sinabi sa kaniya, Kami ay nanaginip ng panaginip, at walang sinomang makapagpaliwanag. At sinabi sa kanila ni Jose, Hindi ba ukol sa Dios ang mga paliwanag? Isinasamo ko sa inyo, na inyong saysayin sa akin.