Korak 213

Studija

     

Kawikaan 27:11-27

11 Anak ko, ikaw ay magpakadunong, at iyong pasayahin ang aking puso, upang aking masagot siya na tumutuya sa akin.

12 Ang taong mabait ay nakakakita ng kasamaan, at nagkukubli: nguni't dinadaanan ng musmos, at naghihirap.

13 Kunin mo ang kaniyang kasuutan na nananagot sa di kilala; at tanggapan mo siya ng sanla na nananagot sa babaing di kilala.

14 Siyang nagpapala sa kaniyang kaibigan ng malakas na tinig, na bumabangong maaga sa kinaumagahan, mabibilang na sumpa sa kaniya.

15 Ang laging tulo sa araw na maulan at ang babaing palatalo ay magkahalintulad:

16 Ang magibig pumigil sa kaniya, ay pumipigil sa hangin, at ang kaniyang kanan ay nakakasumpong ng langis.

17 Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal; gayon ang tao ay nagpapatalas sa mukha ng kaniyang kaibigan.

18 Ang nagiingat ng puno ng higos ay kakain ng bunga niyaon; at ang naghihintay sa kaniyang panginoon ay pararangalin.

19 Kung paanong sa tubig ang mukha ay sumasagot sa mukha, gayon ang puso ng tao sa tao.

20 Ang Sheol at ang kapahamakan ay hindi nasisiyahan kailan man; at ang mga mata ng tao ay hindi nasisiyahan kailan man.

21 Ang sangagan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto, at ang tao ay nasusubok sa pamamagitan ng kaniyang pagpuri.

22 Bagaman iyong piitin ang mangmang sa isang piitan na kasama ng pangbayo sa mga bayong trigo, gayon ma'y hindi hihiwalay ang kaniyang kamangmangan sa kaniya.

23 Magmasipag ka na alamin mo ang kalagayan ng iyong mga kawan, at tingnan mong mabuti ang iyong mga bakahan:

24 Sapagka't ang mga kayamanan ay hindi magpakailan man: at namamalagi ba ang putong sa lahat ng sali't saling lahi?

25 Ang tuyong damo ay pinupulot, at ang sariwang damo ay lumilitaw, at ang mga gugulayin sa mga bundok ay pinipisan.

26 Ang mga kordero ay ukol sa iyong kasuutan, at ang mga kambing ay siyang halaga ng bukid:

27 At magkakaroon ng kasiyahang gatas ng kambing sa iyong pagkain, sa pagkain ng iyong sangbahayan; at pagkain sa iyong mga alilang babae.

Kawikaan 28

1 Ang masama ay tumatakas ng walang taong humahabol: nguni't ang matuwid ay matapang na parang leon.

2 Dahil sa pagsalangsang ng lupain ay marami ang kaniyang mga pangulo: nguni't sa naguunawa at matalino ay malalaon ang kalagayan niya.

3 Ang mapagkailangan na pumipighati sa dukha ay parang bugso ng ulan na hindi nagiiwan ng pagkain.

4 Silang nangagpapabaya sa kautusan ay nagsisipuri sa masama: nguni't ang nangagiingat ng kautusan ay nangakikipagkaalit sa kanila.

5 Ang masasamang tao ay hindi nangakakaunawa ng kahatulan: nguni't silang nagsisihanap sa Panginoon ay nangakakaunawa sa lahat ng mga bagay.

6 Maigi ang dukha na lumalakad sa kaniyang pagtatapat, kay sa suwail sa kaniyang mga lakad, bagaman siya'y mayaman.

7 Sinomang nagiingat ng kautusan ay pantas na anak: nguni't siyang kasama ng mga matakaw ay nagbibigay kahihiyan sa kaniyang ama.

8 Ang nagpapalago ng kaniyang yaman sa tubo at pakinabang, ay pumipisan sa ganang may awa sa dukha.

9 Siyang naglalayo ng kaniyang pakinig sa pakikinig ng kautusan, maging ang kaniyang dalangin ay karumaldumal.

10 Sinomang nagliligaw sa matuwid sa masamang daan, siya'y mahuhulog sa kaniyang sariling lungaw: nguni't ang sakdal ay magmamana ng mabuti.

11 Ang mayaman ay pantas sa ganang kaniyang sarili; nguni't ang dukha na naguunawa ay sumisiyasat.

12 Pagka ang matuwid ay nagtatagumpay, may dakilang kaluwalhatian: nguni't pagka ang masama ay bumabangon, nagsisipagtago ang mga tao.

13 Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalangsang ay hindi giginhawa: nguni't ang nagpapahayag at nagiiwan ng mga yaon ay magtatamo ng kaawaan.

14 Masaya ang tao na natatakot na lagi: nguni't siyang nagmamatigas ng kaniyang kalooban ay mahuhulog sa kahirapan.

15 Kung paano ang umuungal na leon at ang gutom na oso, gayon ang masamang pinuno sa maralitang bayan.

16 Ang pangulo na kulang sa paguunawa ay lubhang mamimighati rin: nguni't siyang nagtatanim sa kasakiman ay dadami ang kaniyang mga kaarawan.

17 Ang tao na nagpapasan ng dugo ng sinomang tao, tatakas sa lungaw; huwag siyang pigilin ng sinoman.

18 Ang lumalakad ng matuwid ay maliligtas: nguni't siyang masama sa kaniyang mga lakad ay mabubuwal na bigla.

19 Siyang bumubukid ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay: nguni't siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang tao ay madudukhang mainam.

20 Ang tapat na tao ay mananagana sa pagpapala: nguni't siyang nagmamadali sa pagyaman ay walang pagsalang parurusahan.

21 Magkaroon ng pagtatangi sa mga pagkatao ay hindi mabuti: ni hindi man sasalangsang ang tao dahil sa isang putol na tinapay.

22 Siyang may masamang mata ay nagmamadali sa pagyaman, at hindi nakakaalam, na kasalatan ay darating sa kaniya.

23 Siyang sumasaway sa isang tao ay makakasumpong sa ibang araw ng higit na lingap kay sa doon sa kunwa'y pumupuri ng dila.

24 Ang nagnanakaw sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, at nagsasabi, hindi ito pagsalangsang; Yao'y kasama rin ng maninira.

25 Siyang may sakim na diwa ay humihila ng kaalitan: nguni't siyang naglalagak ng kaniyang tiwala sa Panginoon ay tataba.

26 Siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang: nguni't ang lumakad na may kapantasan, ay maliligtas.

27 Siyang nagbibigay sa dukha ay hindi masasalat: nguni't siyang nagkukubli ng kaniyang mga mata ay magkakaroon ng maraming sumpa.

28 Pagka ang masama ay bumabangon, nagsisipagkubli ang mga tao; nguni't pagka sila'y nangamamatay, dumadami ang matuwid.

Kawikaan 29

1 Ang madalas na masaway na nagpapatigas ng kaniyang leeg, biglang mababali, at walang kagamutan.

2 Pagka ang matuwid ay dumadami, ang bayan ay nagagalak: nguni't pagka ang masama ay nagpupuno, ang bayan ay nagbubuntong-hininga.

3 Ang umiibig ng karunungan ay nagpapagalak sa kaniyang ama: nguni't ang nakikisama sa mga patutot ay sumisira ng kaniyang tinatangkilik.

4 Ang hari ay nagtatatag ng lupain sa pamamagitan ng kahatulan: nguni't ang humihingi ng suhol ay gumigiba.

5 Ang tao na kunwang pumupuri sa kaniyang kapuwa naglalagay ng bitag sa kaniyang mga hakbang.

6 Sa pagsalangsang ng masamang tao ay may silo: nguni't ang matuwid ay umaawit at nagagalak.

7 Ang matuwid ay kumukuhang alam sa bagay ng dukha: ang masama ay walang unawang makaalam.

8 Ang mga mangduduwahaging tao ay naglalagay ng bayan sa liyab: nguni't ang mga pantas na tao ay nagaalis ng poot.

9 Kung ang pantas ay magkaroon ng pakikipagtalo sa isang mangmang, magalit man o tumawa, ang mangmang ay hindi magkakaroon ng kapahingahan.

10 Ang mangbububo ng dugo ay nagtatanim sa sakdal: at tungkol sa matuwid, hinahanap nila ang kaniyang buhay.

11 Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya: nguni't ang pantas ay nagpipigil at tumitiwasay.

12 Kung ang puno ay nakikinig sa kabulaanan, lahat niyang mga lingkod ay masasama.

13 Ang dukha at ang mamimighati ay nagsasalubong; pinapagniningas ng Panginoon ang mga mata nila kapuwa.

14 Ang hari na humahatol na tapat sa dukha, ang kaniyang luklukan ay matatatag magpakailan man.

15 Ang pamalo at saway ay nagbibigay karunungan: nguni't ang batang binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina.

16 Pagka ang masama ay dumadami, pagsalangsang ay dumadami: nguni't mamamasdan ng matuwid ang kanilang pagkabuwal.

17 Sawayin mo ang iyong anak, at bibigyan ka niya ng kapahingahan; Oo, bibigyan niya ng kaluguran ang iyong kaluluwa.

18 Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama: nguni't siyang nagiingat ng kautusan ay maligaya siya.

19 Ang alipin ay hindi masasaway ng mga salita: sapagka't bagaman nalalaman niya ay hindi siya makikinig.

20 Nakikita mo ba ang tao, na nagmamadali sa kaniyang mga salita? May pagasa pa sa mangmang kay sa kaniya.

21 Siyang maingat na nagpalaki ng kaniyang lingkod mula sa pagkabata, magiging anak niya siya sa kawakasan.

22 Ang taong magagalitin ay humihila ng kaalitan, at ang mainiting tao ay nananagana sa pagsalangsang.

23 Ang kapalaluan ng tao ay magbababa sa kaniya: nguni't ang may mapagpakumbabang diwa ay magtatamo ng karangalan.

24 Ang nakikisama sa isang magnanakaw ay nagtatanim sa kaniyang sariling kaluluwa: siya'y nakakarinig ng sumpa at hindi umiimik.

25 Ang pagkatakot sa tao ay nagdadala ng silo: nguni't ang naglalagak ng kaniyang tiwala sa Panginoon ay maliligtas.

26 Marami ang nagsisihanap ng lingap ng pinuno: nguni't ang kahatulan ng tao ay nagmumula sa Panginoon.

27 Ang di ganap na tao ay karumaldumal sa matuwid: at ang matuwid sa lakad ay karumaldumal sa masama.

Kawikaan 30

1 Ang mga salita ni Agur na anak ni Jache; ang sanggunian. Sinabi ng lalake kay Ithiel, kay Ithiel, at kay Ucal:

2 Tunay na ako'y hangal kay sa kaninoman, at walang kaunawaan ng isang tao:

3 At hindi ako natuto ng karunungan, ni mayroon man ako ng kaalaman ng Banal.

4 Sino ang sumampa sa langit, at bumaba? Sino ang pumisan ng hangin sa kaniyang mga dakot? Sinong nagtali ng tubig sa kaniyang kasuutan? Sinong nagtatag ng lahat ng mga wakas ng lupa? Ano ang kaniyang pangalan, at ano ang pangalan ng kaniyang anak kung iyong nalalaman?

5 Bawa't salita ng Dios ay subok: siya'y kalasag sa kanila, na nanganganlong sa kaniya.

6 Huwag kang magdagdag sa kaniyang mga salita, baka kaniyang sawayin ka, at masunduan kang sinungaling.

7 Dalawang bagay ang hiniling ko sa iyo; huwag mong ipagkait sa akin bago ako mamatay.

8 Ilayo mo sa akin ang walang kabuluhan at ang mga kasinungalingan: huwag mo akong bigyan ng kahit karalitaan o kayamanan man; pakanin mo ako ng pagkain na kailangan ko:

9 Baka ako'y mabusog, at magkaila sa iyo, at magsabi, sino ang Panginoon? O baka ako'y maging dukha, at magnakaw ako, at gumamit ng paglapastangan sa pangalan ng aking Dios.

10 Huwag mong pawikaan ang alipin sa kaniyang panginoon, baka ka tungayawin niya, at ikaw ay maging salarin.

11 May lahi na tumutungayaw sa kanilang ama. At hindi pinagpapala ang kanilang ina.

12 May lahi na malinis sa harap ng kanilang sariling mga mata, at gayon man ay hindi hugas sa kanilang karumihan.

13 May lahi, Oh pagka mapagmataas ng kanilang mga mata! At ang kanilang mga talukap-mata ay nangakataas.

14 May lahi na ang mga ngipin ay parang mga tabak, at ang kanilang mga bagang ay parang mga sundang, upang lamunin ang dukha mula sa lupa, at ang mapagkailangan sa gitna ng mga tao.

15 Ang linga ay may dalawang anak, na sumisigaw, bigyan mo, bigyan mo. May tatlong bagay na kailan man ay hindi nasisiyahan, Oo, apat na hindi nagsasabi, siya na:

16 Ang Sheol; at ang baog na bahay-bata; ang lupa na hindi napapatiranguhaw ng tubig; at ang apoy na hindi nagsasabi, siya na.

17 Ang mata na tumutuya sa kaniyang ama, at humahamak ng pagsunod sa kaniyang ina, tutukain ito ng mga uwak sa libis, at kakanin ito ng mga inakay na aguila.

18 May tatlong bagay na totoong kagilagilalas sa akin, Oo, apat na hindi ko nalalaman:

19 Ang lipad ng aguila sa hangin; ang usad ng ahas sa ibabaw ng mga bato; ang lutang ng sasakyan sa gitna ng dagat; at ang lakad ng lalake na kasama ng isang dalaga.

20 Gayon ang lakad ng mangangalunyang babae; siya'y kumakain, at nagpapahid ng kaniyang bibig, at nagsasabi, hindi ako gumawa ng kasamaan.

21 Sa tatlong bagay ay nanginginig ang lupa, at sa apat na hindi niya madala:

22 Sa isang alipin, pagka naghahari; at sa isang mangmang, pagka nabubusog ng pagkain;

23 Sa isang babaing nakayayamot, pagka nagaasawa; at sa isang aliping babae, na nagmamana sa kaniyang panginoong babae.

24 May apat na bagay na maliit sa lupa, nguni't lubhang mga pantas:

25 Ang mga langgam ay bayang hindi matibay, gayon ma'y nagiimbak ng kanilang pagkain sa taginit;

26 Ang mga koneho ay hayop na mahina, gayon ma'y nagsisigawa sila ng kanilang mga bahay sa malalaking bato;

27 Ang mga balang ay walang hari, gayon ma'y lumalabas silang lahat na pulupulutong;

28 Ang butiki ay tumatangan ng kaniyang mga kamay, gayon ma'y nasa mga bahay ng mga hari siya.

29 May tatlong bagay na maganda sa kanilang lakad, Oo, apat na mainam sa lakad:

30 Ang leon na pinaka matapang sa mga hayop, at hindi humihiwalay ng dahil sa kanino man;

31 Ang asong matulin; ang kambing na lalake rin naman: at ang hari na hindi malalabanan.

32 Kung ikaw ay gumagawa ng kamangmangan sa pagmamataas, o kung ikaw ay umisip ng kasamaan, ilagay mo ang iyong kamay sa iyong bibig.

33 Sapagka't sa pagbati sa gatas ay naglalabas ng mantekilya, at sa pagsungalngal sa ilong ay lumalabas ang dugo: Gayon ang pamumungkahi sa poot ay naglalabas ng kaalitan.

Kawikaan 31

1 Ang mga salita ng haring Lemuel; ang sanggunian na itinuro sa kaniya ng kaniyang ina.

2 Ano anak ko? at ano, Oh anak ng aking bahay-bata? At ano, Oh anak ng aking mga panata?

3 Huwag mong ibigay ang iyong kalakasan sa mga babae, o ang iyo mang mga lakad sa lumilipol ng mga hari.

4 Hindi sa mga hari, Oh Lemuel, hindi sa mga hari ang paginom ng alak; ni sa mga pangulo man, na magsabi, saan nandoon ang matapang na alak?

5 Baka sila'y uminom, at makalimotan ang kautusan, at humamak ng kahatulan sa sinomang nagdadalamhati.

6 Bigyan mo ng matapang na inumin siya na handang manaw, at ng alak ang mapanglaw na loob.

7 Uminom siya at limutin niya ang kaniyang kahirapan, at huwag nang alalahanin pa ang kaniyang karalitaan.

8 Bukhin mo ang iyong bibig sa pipi, sa bagay ng lahat ng naiwang walang kandili.

9 Bukhin mo ang iyong bibig, humatol ka ng katuwiran, at mangasiwa ka ng kahatulan sa dukha at mapagkailangan.

10 Isang mabait na babae sinong makakasumpong? Sapagka't ang kaniyang halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi.

11 Ang puso ng kaniyang asawa ay tumitiwala sa kaniya, at siya'y hindi kukulangin ng pakinabang.

12 Gumagawa siya ng mabuti sa kaniya at hindi kasamaan lahat ng mga kaarawan ng kaniyang buhay.

13 Siya'y humahanap ng balahibo ng tupa at lino, at gumagawang kusa ng kaniyang mga kamay.

14 Siya'y parang mga sasakyang dagat ng kalakal; nagdadala siya ng kaniyang pagkain mula sa malayo.

15 Siya'y bumabangon naman samantalang gabi pa, at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sangbahayan, at ng kanilang gawain sa kaniyang alilang babae.

16 Kaniyang minamasdan ang bukid at binibili: sa pamamagitan ng kaniyang kamay ay nagtatanim siya ng ubasan.

17 Binibigkisan niya ang kaniyang mga balakang ng kalakasan, at nagpapalakas ng kaniyang mga bisig.

18 Kaniyang namamalas na ang kaniyang kalakal ay makikinabang: ang kaniyang ilaw ay hindi namamatay sa gabi.

19 Kaniyang itinangan ang kaniyang mga kamay sa panulid, at ang kaniyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.

20 Iginagawad niya ang kaniyang kamay sa dukha: Oo, iniaabot niya ang kaniyang mga kamay sa mapagkailangan.

21 Hindi niya ikinatatakot ang kaniyang sangbahayan sa niebe; sapagka't ang boo niyang sangbahayan ay nakapanamit ng mapulang mapula.

22 Gumagawa siya sa ganang kaniya ng mga unang may burda; ang kaniyang pananamit ay mainam na kayong lino at ng kayong kulay ube.

23 Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga pintuang-bayan, pagka siya'y nauupo sa kasamahan ng mga matanda ng lupain.

24 Gumagawa siya ng mga kasuutang kayong lino at ipinagbibili; at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga mangangalakal.

25 Kalakasan at kamahalan ay siyang kaniyang suot. At kaniyang tinatawanan ang panahong darating.

26 Binubuka niya ang kaniyang bibig na may karunungan; at ang kautusan ng kagandahang-loob ay nasa kaniyang dila.

27 Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sangbahayan, at hindi kumakain ng tinapay ng katamaran.

28 Nagsisibangon ang kaniyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad; gayon din ang kaniyang asawa, at pinupuri siya niya, na sinasabi:

29 Maraming anak na babae ay nagsisigawang may kabaitan, nguni't ikaw, ay humihigit sa kanilang lahat.

30 Ang lingap ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan: nguni't ang babae na natatakot sa Panginoon, ay siya'y pupurihin.

31 Bigyan ninyo siya ng bunga ng kaniyang mga kamay; at purihin siya ng kaniyang mga gawa sa mga pintuang-bayan.