Stap 30

Studie

     

Exodo 38

1 At kaniyang ginawa ang dambanang pagsusunugan ng handog na kahoy na akasia: limang siko ang haba niyaon, at limang siko ang luwang niyaon, parisukat; at tatlong siko ang taas niyaon.

2 At kaniyang ginawa ang mga anyong sungay niyaon sa ibabaw ng apat na sulok niyaon; ang mga anyong sungay niyaon ay kaputol din: at kaniyang binalot ng tanso.

3 At kaniyang ginawa ang lahat ng mga kasangkapan ng dambana: ang mga kawa, at ang mga pala, at ang mga mangkok, ang mga pangalawit, at ang mga suuban lahat ng kasangkapan ay kaniyang ginawang tanso.

4 At kaniyang iginawa ang dambana ng isang salang tanso na ayos lambat, sa ibaba ng gilid ng dambana sa palibot niyaon, sa dakong ibaba, na umaabot hanggang sa kalahatian ng dambana.

5 At siya'y nagbubo ng apat na argolya para sa apat na sulok ng pinakasalang tanso, sa mga dakong susuutan ng mga pingga.

6 At ginawa niya ang mga pingga na kahoy na akasia, at pinagbalot ng tanso.

7 At kaniyang isinuot ang mga pingga sa mga argolya na nasa mga tagiliran ng dambana, upang mabuhat; ginawa niya ang dambana na kuluong sa pamamagitan ng mga tabla.

8 At kaniyang ginawa ang hugasan na tanso, at ang tungtungan niyao'y tanso, na niyari sa mga salamin ang tanso ng mga tagapaglingkod na babae na naglilingkod sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

9 At kaniyang ginawa ang looban, sa tagilirang timugan na dakong timugan, ang tabing ng looban ay mga linong pinili na may isang daang siko:

10 Ang mga haligi ng mga yao'y dalawangpu, at ang mga tungtungan ay dalawangpu, tanso; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ay pilak.

11 At sa dakong hilagaan ay may isang daang siko, ang mga haligi ay dalawangpu, at ang mga tungtungan ay dalawangpu, tanso; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ay pilak.

12 At sa tagilirang kalunuran, may mga tabing na may limangpung siko, ang mga haligi ay sangpu, at ang mga tungtungan ay sangpu; ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ay pilak.

13 At sa tagilirang silanganan na dakong silanganan ay may limangpung siko.

14 Ang mga tabing sa isang dako ng pintuang-daan ay may labinglimang siko; ang mga haligi ay tatlo, at ang mga tungtungan ay tatlo;

15 At gayon din sa kabilang dako: sa dakong ito at sa dakong yaon ng pintuang daan ng looban ay may mga tabing na tiglalabing limang siko; ang mga haligi niyaon, ay tatlo, at ang mga tungtungan niyaon ay tatlo.

16 Lahat ng mga tabing ng looban sa palibot, ay linong pinili.

17 At ang mga tungtungan para sa mga haligi ay tanso: ang mga sima ng mga haligi at ang mga pilete ay pilak; at ang mga balot ng mga kapitel ay pilak; at ang lahat ng haligi ng looban ay napipiletehan ng pilak.

18 At ang tabing sa pintuang daan ng looban ay yari ng mangbuburda, na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili: at may dalawangpung siko ang haba, at ang taas sa luwang ay may limang siko, na kabagay ng mga tabing sa looban.

19 At ang mga haligi ay apat, at ang mga tungtungan ay apat, tanso; ang mga sima ay pilak, at ang mga balot ng kapitel, at ang mga pilete ay pilak.

20 At lahat ng mga tulos ng tabernakulo, at ng looban sa palibot, ay tanso.

21 Ito ang mga bilang ng mga bagay sa tabernakulo, sa makatuwid baga'y sa tabernakulo ng patotoo, gaya ng binilang nila, ayon sa utos ni Moises para sa paglilingkod ng mga Levita sa pamamagitan ni Ithamar na anak ni Aaron na saserdote.

22 At ginawa ni Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda, yaong lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises.

23 At kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan, na tagapagukit, at bihasang manggagawa, at mangbuburda sa bughaw at sa kulay-ube, at sa pula, at sa lino.

24 Lahat ng ginto na ginamit sa gagawin sa buong gawain sa santuario, sa makatuwid baga'y ang gintong handog ay dalawangpu't siyam na talento, at pitong daan at tatlongpung siklo, ayon sa siklo ng santuario.

25 At ang pilak niyaong mga nabilang sa kapisanan ay isang daang talento, at isang libo't pitong daan at pitongpu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuario:

26 Na tigisang beka bawa't ulo, samakatuwid, kalahati ng isang siklo, ayon sa siklo ng santuario, sa bawa't isa na nasanib sa mga nabilang, magmula sa dalawangpung taong gulang na patanda, sa anim na raan at tatlong libo at limang daan at limangpung lalake.

27 At ang isang daang talentong pilak ay ginamit sa pagbububo ng mga tungtungan ng santuario, at ng mga tungtungan ng mga haligi ng lambong; isang daang tungtungan sa isang daang talento, isang talento sa bawa't tungtungan.

28 At sa isang libo't pitong daan at pitong pu't limang siklo, ay naigawa ng sima ang mga haligi at binalot ang mga kapitel, at iginawa ng mga pilete.

29 At ang tansong handog ay pitongpung talento, at dalawang libo at apat na raang siklo.

30 At siyang ipinaggawa ng mga tungtungan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at ng dambanang tanso, at ng salang tanso niyaon, at ng lahat ng kasangkapan ng dambana,

31 At ng mga tungtungan ng looban sa palibot, at ng mga tungtungan ng pintuan ng looban, at ng lahat ng mga tulos ng dampa, at ng lahat ng mga tulos ng looban sa palibot.

Exodo 39

1 At sa kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, ay gumawa sila ng mga kasuutang mainam ang pagkayari upang gamitin sa pangangasiwa sa dakong banal, at ginawang mga banal na kasuutan kay Aaron; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

2 At kaniyang ginawa ang epod na ginto, na kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili.

3 At kanilang pinukpok ang ginto na pinanipis na pahaba at pinutol na ginawang kawad na ginto, upang itahi sa kayong bughaw, at sa kulay-ube, at sa pula, at sa lino na gawa ng bihasang manggagawa.

4 Kanilang iginawa ng mga pangbalikat, na nagkakasugpong: sa dalawang dulo ay nagkakasugpong.

5 At ang mainam na pagkayaring pamigkis, na nasa ibabaw ng epod upang ibigkis, ay kaputol at gaya ng pagkayari ng epod; na ginto, at kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, linong pinili; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

6 At kanilang ginawa ang mga batong onix na pinamutihan ng kalupkop na ginto, na ayos ukit ng isang panatak, ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel.

7 At kaniyang inilagay sa ibabaw ng pangbalikat ng epod upang maging mga batong pinakaalaala sa ikagagaling ng mga anak ni Israel; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

8 At kaniyang ginawa ang pektoral, na gawa ng bihasang manggagawa, gaya ng pagkayari ng epod; na ginto, at kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili.

9 Parisukat; kanilang ginawang nakatiklop ang pektoral: isang dangkal ang luwang niyaon, pagka nakatiklop.

10 At kanilang kinalupkupan ng apat na hanay na sarisaring bato: isang hanay ay sardio, topacio, at karbungko na siyang unang hanay.

11 At ang ikalawang hanay, ay isang esmeralda, isang zafiro, at isang diamante.

12 At ang ikatlong hanay, ay isang jacinto, isang agata, at isang ametista.

13 At ang ikaapat na hanay ay isang berilo, isang onix, at isang jaspe; na mga natatakpan ng mga pamuting ginto sa kanilang mga pagkakakalupkop.

14 At ang mga bato ay ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel, labingdalawa, ayon sa kanilang mga pangalan; na ayos ukit ng isang panatak; bawa't isa'y ayon sa kaniyang pangalan, na ukol sa labingdalawang lipi.

15 At kanilang iginawa ang pektoral ng mga tanikalang parang tirintas na ayos pinili na taganas na ginto.

16 At sila'y gumawa ng dalawang pangkalupkop na ginto, at ng dalawang singsing na ginto; at inilagay ang dalawang singsing sa dalawang dulo ng pektoral.

17 At kanilang ikinabit ang dalawang tanikalang pinili na ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral.

18 At ang ibang dalawang dulo ng dalawang tanikalang ayos singsing ay kanilang ikinabit sa dalawang pangkalupkop, at mga ikinabit sa mga pangbalikat ng epod sa dakong harapan niyaon.

19 At sila'y gumawa ng ibang dalawang singsing na ginto, at mga inilagay sa dalawang sulok ng pektoral sa gilid niyaon, na nasa dakong kabaligtaran ng epod.

20 At sila'y gumawa ng dalawang singsing na ginto, at mga ikinabit sa dalawang pangbalikat ng epod sa dakong ibaba, sa may harapan, na malapit sa pagkakasugpong, sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod.

21 At kanilang itinali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing, sa mga singsing ng epod ng isang panaling bughaw upang mamalagi sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

22 At kaniyang ginawa ang balabal ng epod na yari ng manghahabi, na taganas na bughaw;

23 At ang butas ng balabal ay nasa gitna niyaon na gaya ng leeg ng isang koselete, na may isang uriang tinahi sa palibot ng pinakaleeg upang huwag mapunit.

24 At kanilang ginawan ang mga ribete ng balabal ng mga granadang kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili.

25 At sila'y gumawa ng mga kampanilyang taganas na ginto, at inilagay ang mga kampanilya sa pagitan ng mga granada sa ibabaw ng ribete ng balabal sa palibot, sa pagitan ng mga granada;

26 Isang kampanilya at isang granada, isang kampanilya at isang granada, sa ibabaw ng ribete ng balabal sa palibot, upang ipangasiwa gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

27 At kanilang ginawa ang mga tunika na lino na yaring hinabi para kay Aaron, at sa kaniyang mga anak,

28 At ang mitra na lino, at ang mga mainam na tiara na lino, at ang mga salawal na lino na kayong pinili na lino,

29 At ang bigkis na linong pinili, at kayong bughaw at kulay-ube, at pula, na gawa ng mangbuburda; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 At kanilang ginawa ang lamina ng banal na korona na taganas na ginto, at sinulatan ng isang titik na ayos ukit ng isang panatak, Banal sa Panginoon.

31 At kanilang tinalian ng isang panaling bughaw, upang ilapat sa ibabaw ng mitra; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

32 Gayon natapos ang buong gawa sa tabernakulo ng kapisanan: at ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa buong iniutos ng Panginoon kay Moises: gayon ginawa nila.

33 At kanilang dinala ang tabernakulo kay Moises, ang Tolda at ang lahat ng mga kasangkapan niyaon, ang mga kawit, ang mga tabla, ang mga barakilan, at ang mga haligi, at ang mga tungtungan;

34 At ang takip na mga balat ng mga tupa na tinina sa pula, at ang takip na balat ng mga poka, at ang lambong ng tabing;

35 Ang kaban ng patotoo at ang mga pingga niyaon, at ang luklukan ng awa;

36 Ang dulang, lahat ng mga sisidlan niyaon, at ang tinapay na handog;

37 Ang dalisay na kandelero, ang mga ilawan niyaon, ang mga ilawan na inayos, at lahat ng mga sisidlan niyaon, at ang langis na pangilawan;

38 At ang dambanang ginto, at ang langis na pangpahid, ang mabangong kamangyan, at ang tabing na gamit sa pintuan ng Tolda;

39 Ang dambanang tanso, at ang pinakasalang tanso, ang mga pingga at ang lahat ng mga sisidlan niyaon, ang hugasan at ang tungtungan;

40 Ang mga tabing ng looban, ang mga haligi, at ang mga tungtungan at ang tabing na pangpintuang-daan ng looban, ang mga panali, at ang mga tulos, at lahat ng mga kasangkapan sa paglilingkod sa tabernakulo, na gamit sa tabernakulo ng kapisanan;

41 Ang maiinam na pagkayaring kasuutan na gamit sa pangangasiwa sa dakong banal, at ang mga banal na kasuutan para kay Aaron na saserdote, at ang mga kasuutan ng kaniyang mga anak, upang mangasiwa sa katungkulang saserdote.

42 Ayon sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel ang lahat ng gawa.

43 At nakita ni Moises ang lahat ng gawain, at, narito, kanilang nagawa na kung paanong iniutos ng Panginoon ay gayon nila ginawa: at pinagbabasbasan ni Moises.

Exodo 40

1 At sinalita ng Panginoon kay Moises na sinasabi,

2 Sa unang araw ng unang buwan ay iyong itatayo ang tabernakulo ng kapisanan.

3 At iyong isisilid doon ang kaban ng patotoo, at iyong tatabingan ang kaban ng lambong.

4 At iyong ipapasok ang dulang, at iyong aayusin ang mga bagay na nasa ibabaw niyaon; at iyong ipapasok ang kandelero at iyong sisindihan ang mga ilawan niyaon.

5 At iyong ilalagay ang dambanang ginto para sa kamangyan sa harap ng kaban ng patotoo, at ilalagay mo ang tabing ng pintuan sa tabernakulo.

6 At iyong ilalagay ang dambanang pagsusunugan ng handog sa harap ng pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

7 At iyong ilalagay ang hugasan sa pagitan ng tabernakulo at ng dambana, at iyong sisidlan ng tubig.

8 At iyong ilalagay ang looban sa palibot, at ibibitin mo ang tabing sa pintuang daan ng looban.

9 At kukuha ka ng langis na pangpahid, at papahiran mo ang tabernakulo, at lahat na nandoon, at iyong pakakabanalin, at lahat ng kasangkapan niyaon: at magiging banal.

10 At iyong papahiran ng langis ang dambanang pagsusunugan ng handog, at ang lahat ng kasangkapan, at iyong pakakabanalin ang dambana: at ang dambana ay magiging kabanalbanalan.

11 At iyong papahiran din naman ng langis ang hugasan at ang tungtungan, at iyong pakakabanalin.

12 At iyong dadalhin si Aaron at ang kaniyang mga anak sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at iyong paliliguan ng tubig.

13 At iyong isusuot kay Aaron ang mga banal na kasuutan; at iyong papahiran ng langis siya, at iyong papagbanalin siya, upang siya'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote.

14 At iyong dadalhin ang kaniyang mga anak, at iyong susuutan sila ng mga kasuutan:

15 At iyong papahiran ng langis sila gaya ng iyong pagkapahid sa kanilang ama, upang sila'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote, at ang pagpapahid sa kanila ay maging sa kanila'y pinakatanda ng walang hanggang pagka-saserdote sa buong panahon ng kanilang lahi.

16 Gayon ginawa ni Moises, ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon sa kaniya, ay gayong ginawa niya.

17 At nangyari sa unang buwan nang ikalawang taon nang unang araw ng buwan, na ang tabernakulo'y itinayo.

18 At itinayo ni Moises ang tabernakulo, at inilagay ang mga tungtungan, at ipinatong ang mga malaking tabla, at isinuot ang mga barakilan, at itinayo ang mga haligi niyaon.

19 At kaniyang inunat ang tolda sa ibabaw ng tabernakulo, at kaniyang inilagay ang takip ng tabernakulo sa itaas ng ibabaw niyaon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

20 At kaniyang kinuha at inilagay ang mga tabla ng patotoo sa loob ng kaban, at kaniyang inilagay ang mga pingga sa kaban, at kaniyang inilagay ang luklukan ng awa sa itaas ng ibabaw ng kaban:

21 At kaniyang ipinasok ang kaban sa tabernakulo, at inayos ang lambong ng tabing, at tinabingan ang kaban ng patotoo: gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

22 At kaniyang inilagay ang dulang sa loob ng tabernakulo ng kapisanan, sa dakong hilagaan ng tabernakulo, sa labas ng lambong.

23 At kaniyang inayos ang tinapay sa ibabaw ng dulang sa harap ng Panginoon, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

24 At kaniyang inilagay ang kandelero sa tabernakulo ng kapisanan, sa tapat ng dulang, sa tagilirang timugan ng tabernakulo.

25 At kaniyang sinindihan ang mga ilawan sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

26 At kaniyang inilagay ang dambanang ginto sa loob ng tabernakulo ng kapisanan sa harap ng lambong.

27 At siya'y nagsunog doon ng kamangyan na mabangong espesia; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

28 At kaniyang inilagay ang tabing ng pintuan sa tabernakulo.

29 At kaniyang inilagay ang dambanang pagsusunugan ng handog sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at pinaghandugan ng handog na susunugin, at ng handog na harina; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 At kaniyang inilagay ang hugasan sa pagitan ng tabernakulo, ng kapisanan at ng dambana, at sinidlan ng tubig upang paghugasan.

31 At si Moises at si Aaron at ang kaniyang mga anak, ay nagsipaghugas doon ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa;

32 Pagka sila'y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan, at pagka sila'y lumalapit sa dambana ay naghuhugas sila: gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

33 At kaniyang inilagay ang looban sa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at iniayos ang tabing ng pintuang daan ng looban. Gayon tinapos ni Moises ang gawain.

34 Nang magkagayo'y tinakpan ng ulap ang tabernakulo ng kapisanan, at pinuno ng Panginoon ng kaluwalhatian ang tabernakulo.

35 At si Moises ay hindi makapasok sa tabernakulo ng kapisanan, sapagka't lumagay sa ibabaw niyaon ang ulap, at pinuspos ng Panginoon ng kaluwalhatian ang tabernakulo.

36 At pagka ang ulap ay napaiitaas mula sa tabernakulo, ay nagpapatuloy ang mga anak ni Israel sa kanilang buong paglalakbay:

37 Datapuwa't kung ang ulap ay hindi napaiitaas, ay hindi nga sila naglalakbay hanggang sa araw na napaiitaas.

38 Sapagka't ang ulap ng Panginoon ay nasa ibabaw ng tabernakulo sa araw, at may apoy sa loob niyaon sa gabi, sa paningin ng buong lahi ng Israel, sa kanilang buong paglalakbay.