Passo 243

Estude

     

Jeremias 37

1 At si Sedechias na anak ni Josias ay naghari na gaya ng hari, na humalili kay Conias na anak ni Joacim, na ginawang hari sa lupain ng Juda ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia.

2 Nguni't maging siya, o ang kaniyang mga lingkod man, o ang bayan man ng lupain, hindi nakinig sa mga salita ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias.

3 At sinugo ni Sedechias na hari si Jucal na anak ni Selemias, at si Sephanias na anak ni Maasias na saserdote, sa propeta Jeremias, na sinabi, Idalangin mo kami ngayon sa Panginoon nating Dios.

4 Si Jeremias nga ay naglalabas pumasok sa gitna ng bayan: sapagka't hindi nila inilagay siya sa bilangguan.

5 At ang hukbo ni Faraon ay lumabas sa Egipto: at nang mabalitaan sila ng mga Caldeo na nagsisikubkob ng Jerusalem, ay nagsialis sa Jerusalem.

6 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon sa propeta Jeremias, na nagsasabi,

7 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ganito ang inyong sasabihin sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo sa akin upang magsiyasat sa akin: Narito, ang hukbo ni Faraon, na lumabas upang tulungan kayo, ay babalik sa Egipto sa kanilang sariling lupain.

8 At ang mga Caldeo ay magsisiparito uli, at magsisilaban sa bayang ito; at kanilang sasakupin, at susunugin ng apoy.

9 Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag ninyong dayain ang inyong sarili, na magsabi, Tunay na magsisialis sa atin ang mga Caldeo: sapagka't hindi magsisialis.

10 Sapagka't bagaman inyong sasaktan ang buong hukbo ng mga Caldeo na lumalaban sa inyo, at ang naiwan lamang doon ay mga lalaking sugatan sa gitna nila, gayon ma'y babangon sila, ang bawa't isa sa kaniyang tolda, at susunugin ng apoy ang bayang ito.

11 At nangyari, na nang umurong sa Jerusalem ang hukbo ng mga Caldeo dahil sa takot sa hukbo ni Faraon,

12 Lumabas nga si Jeremias sa Jerusalem upang pumasok sa lupain ng Benjamin, upang tumanggap ng kaniyang bahagi roon, sa gitna ng bayan.

13 At nang siya'y nasa pintuang-bayan ng Benjamin, isang kapitan ng bantay ay nandoon na ang pangalan ay Irias, na anak ni Selemias, na anak ni Hananias; at kaniyang dinakip si Jeremias, na propeta, na sinasabi, Ikaw ay kumakampi sa mga Caldeo.

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias; Kasinungalingan, hindi ako kumakampi sa mga Caldeo. Nguni't hindi niya dininig siya: sa gayo'y dinakip ni Irias si Jeremias, at dinala sa mga prinsipe.

15 At ang mga prinsipe ay napoot kay Jeremias at sinaktan nila siya, at isinilid sa bilangguan sa bahay ni Jonathan na kalihim: sapagka't kanilang ginawang bilangguan yaon.

16 Nang si Jeremias ay makapasok sa bilangguang nasa ilalim ng lupa, at sa loob ng mga silid, at nang mabilanggo si Jeremias doon na maraming araw;

17 Nagsugo nga si Sedechias na hari at ipinasundo siya: at tinanong siyang lihim ng hari sa kaniyang bahay, at nagsabi, May anoman bagang salitang mula sa Panginoon? At sinabi ni Jeremias: Mayroon. Sinabi rin niya, Ikaw ay mabibigay sa kamay ng hari sa Babilonia.

18 Bukod dito'y sinabi ni Jeremias sa haring Sedechias, Sa ano ako nagkasala laban sa iyo, o laban sa iyong mga lingkod, o laban sa bayang ito upang ilagay ninyo ako sa bilangguan?

19 Saan nandoon ngayon ang inyong mga propeta na nanganghula sa inyo, na nangagsasabi, Ang hari sa Babilonia ay hindi paririto laban sa inyo, o laban man sa lupaing ito?

20 At ngayo'y dinggin mo, isinasamo ko sa iyo, Oh panginoon ko na hari: isinasamo ko sa iyo na tanggapin ang aking pamanhik sa harap mo, na huwag mo akong pabalikin sa bahay ni Jonathan na kalihim, baka mamatay ako roon.

21 Nang magkagayo'y nagutos si Sedechias na hari, at kanilang ibinilanggo si Jeremias sa looban ng bantay; at kanilang binigyan siya araw-araw ng isang putol na tinapay na mula sa lansangan ng mga magtitinapay, hanggang sa maubos ang lahat na tinapay sa bayan. Ganito nabilanggo si Jeremias sa looban ng bantay.

Jeremias 38

1 At narinig ni Sephatias na anak ni Mathan, at ni Gedalias na anak ni Pashur, at ni Jucal na anak ni Selemias, at ni Pasur na anak ni Melchias, ang mga salita na sinalita ni Jeremias sa buong bayan, na nagsasabi,

2 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang tumatahan sa bayang ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, sa pamamagitan ng kagutom, at sa pamamagitan ng salot; nguni't ang lumalabas sa mga Caldeo ay mabubuhay, at ang kaniyang buhay ay magiging sa kaniya'y pinakasamsam, at siya'y mabubuhay.

3 Ganito ang sabi ng Panginoon, Tunay na ang bayang ito ay mabibigay sa kamay ng hukbo ng hari sa Babilonia, at sasakupin niya.

4 Nang magkagayo'y sinabi ng mga prinsipe sa hari, Isinasamo namin sa iyo na ipapatay ang lalaking ito; yamang kaniyang pinahina ang mga kamay ng mga lalaking mangdidigma na nalalabi sa bayang ito, at ang mga kamay ng buong bayan, sa pagsasalita ng kaniyang mga salita sa kanila: sapagka't hindi hinahanap ng lalaking ito ang ikabubuti ng bayang ito, kundi ang ikapapahamak.

5 At sinabi ni Sedechias na hari, Narito, siya'y nasa inyong kamay; sapagka't hindi ang hari ang makagagawa ng anoman laban sa inyo.

6 Nang magkagayo'y sinunggaban nila si Jeremias, at inihagis siya sa hukay ni Malchias na anak ng hari, na nasa looban ng bantay: at kanilang inihugos si Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid. At sa hukay ay walang tubig, kundi burak; at lumubog si Jeremias sa burak.

7 Nang marinig nga ni Ebed-melec na taga Etiopia, na bating na nasa bahay ng hari, na kanilang isinilid si Jeremias sa hukay; (na ang hari noo'y nakaupo sa pintuang-bayan ng Benjamin),

8 Si Ebed-melec ay lumabas sa bahay ng hari, at nagsalita sa hari, na nagsasabi,

9 Panginoon ko na hari, ang mga lalaking ito ay nagsigawa ng kasamaan sa lahat ng kanilang ginawa kay Jeremias na propeta, na kanilang isinilid sa hukay; at siya'y mamamatay sa dakong kaniyang kinaroonan dahil sa kagutom; sapagka't wala nang tinapay sa bayan.

10 Nang magkagayo'y nagutos ang hari kay Ebed-melec na taga Etiopia, na nagsasabi, Magsama ka mula rito ng tatlong pung lalake, at isampa mo si Jeremias na propeta mula sa hukay, bago siya mamatay.

11 Sa gayo'y nagsama ng mga lalake si Ebed-melec, at pumasok sa bahay ng hari, sa ilalim ng silid ng kayamanan, at kumuha mula roon ng mga basahan, at mga lumang damit, at kanilang ibinaba sa pamamagitan ng mga lubid sa hukay kay Jeremias.

12 At sinabi ni Ebed-melec na taga Etiopia kay Jeremias, Ilagay mo ngayon ang mga basahang ito at mga lumang damit sa iyong mga kilikili sa ibabaw ng mga lubid. At ginawang gayon ni Jeremias.

13 Sa gayo'y isinampa nila si Jeremias ng mga lubid, at itinaas siya mula sa hukay: at si Jeremias ay naiwan sa looban ng bantay.

14 Nang magkagayo'y nagsugo si Sedechias na hari, at ipinagsama si Jeremias na propeta sa ikatlong pasukan na nasa bahay ng Panginoon: at sinabi ng hari kay Jeremias, Magtatanong ako sa iyo ng isang bagay; huwag kang maglihim ng anoman sa akin.

15 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias kay Sedechias, Kung saysayin ko sa iyo, hindi mo baga tunay na ipapapatay ako? at kung bigyan kita ng payo, hindi ka makikinig sa akin.

16 Sa gayo'y si Sedechias ay sumumpang lihim kay Jeremias, na nagsasabi, Buhay ang Panginoon na lumalang ng ating kaluluwa, hindi kita ipapapatay, o ibibigay man kita sa kamay ng mga lalaking ito na nagsisiusig ng iyong buhay.

17 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias kay Sedechias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Kung iyong lalabasin ang mga prinsipe ng hari sa Babilonia, mabubuhay ka nga, at ang bayang ito ay hindi masusunog ng apoy; at ikaw ay mabubuhay, at ang iyong sangbahayan:

18 Nguni't kung hindi mo lalabasin ang mga prinsipe ng hari sa Babilonia, mabibigay nga ang bayang ito sa kamay ng mga Caldeo, at kanilang susunugin ng apoy, at ikaw ay hindi makatatanan sa kanilang kamay.

19 At sinabi ni Sedechias na hari kay Jeremias, Ako'y natatakot sa mga Judio na kumampi sa mga Caldeo, baka ako'y ibigay nila sa kanilang kamay, at kanilang libakin ako.

20 Nguni't sinabi ni Jeremias, Hindi ka ibibigay nila. Isinasamo ko sa iyo, na talimahin mo ang tinig ng Panginoon, tungkol sa aking sinalita sa iyo: sa gayo'y ikabubuti mo, at ikaw ay mabubuhay.

21 Nguni't kung ikaw ay tumangging lumabas, ito ang salita na ipinakilala sa akin ng Panginoon,

22 Narito, lahat ng babae na naiwan sa bahay ng hari sa Juda ay malalabas sa mga prinsipe ng hari sa Babilonia, at ang mga babaing yaon ay mangagsasabi, Hinikayat ka ng iyong mga kasamasamang mga kaibigan, at nanaig sa iyo: ngayon ang iyong paa nga ay nalubog sa burak, at sila'y nagsitalikod.

23 At kanilang dadalhin ang lahat mong asawa at ang iyong mga anak sa mga Caldeo, at hindi ka makatatanan sa kanilang kamay, kundi ikaw ay mahuhuli ng kamay ng hari sa Babilonia: at iyong ipasusunog ng apoy ang bayang ito.

24 Nang magkagayo'y sinabi ni Sedechias kay Jeremias, Huwag maalaman ng tao ang mga salitang ito, at hindi ka mamamatay.

25 Nguni't kung mabalitaan ng mga prinsipe na ako'y nakipagsalitaan sa iyo, at sila'y magsiparito sa iyo, at mangagsabi sa iyo, Ipahayag mo sa amin ngayon kung ano ang iyong sinabi sa hari; huwag mong ikubli sa amin, at hindi ka namin ipapapatay; gayon din kung anong sinabi ng hari sa iyo:

26 Iyo ngang sasabihin sa kanila, Aking iniharap ang aking pamanhik sa harap ng hari, na huwag niya akong pabalikin sa bahay ni Jonathan, na mamatay roon.

27 Nang magkagayo'y dumating ang lahat na prinsipe kay Jeremias, at tinanong siya: at kaniyang isinaysay sa kanila ang ayon sa lahat ng salitang ito na iniutos ng hari. Sa gayo'y pinabayaan nilang magsalita siya; sapagka't ang bagay ay hindi nahalata.

28 Sa gayo'y tumahan si Jeremias sa looban ng bantay hanggang sa araw na masakop ang Jerusalem.

Jeremias 39

1 At nangyari nang masakop ang Jerusalem, (nang ikasiyam na taon ni Sedechias na hari sa Juda, sa ikasangpung buwan, dumating si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at ang kaniyang buong hukbo laban sa Jerusalem, at kinubkob;

2 Nang ikalabing isang taon ni Sedechias, nang ikaapat na buwan, nang ikasiyam na araw ng buwan, isang sira ay nagawa sa bayan),

3 Na ang lahat ng mga prinsipe ng hari sa Babilonia, ay nagsipasok, at nagsiupo sa gitnang pintuang-bayan, si Nergal-sarezer, si Samgar-nebo, si Sarsechim, si Rabsaris, si Nergal-sarezer, si Rab-mag, sangpu ng nalabi sa mga prinsipe ng hari sa Babilonia.

4 At nangyari, na nang makita sila ni Sedechias na hari, sa Juda at ng lahat na lalaking mangdidigma, ay nagsitakas nga sila, at nagsilabas sa bayan nang kinagabihan, sa daan ng halamanan ng hari, sa pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta; at siya'y lumabas sa daan ng Araba.

5 Nguni't hinabol sila ng hukbo ng mga Caldeo, at inabot si Sedechias sa mga kapatagan ng Jerico: at nang kanilang mahuli siya, isinampa nila siya kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamath, at kaniyang nilapatan siya ng kahatulan.

6 Nang magkagayo'y pinatay ng hari sa Babilonia ang mga anak ni Sedechias sa Ribla sa harap ng kaniyang mga mata; pinatay rin ng hari sa Babilonia ang lahat na mahal na tao sa Juda.

7 Bukod dito'y kaniyang binulag ang mga mata ni Sedechias, at inilagay siya sa pangawan, upang dalhin siya sa Babilonia.

8 At sinunog ng mga Caldeo ng apoy ang bahay ng hari, at ang mga bahay ng mga tao, at ibinagsak ang mga kuta ng Jerusalem.

9 Nang magkagayo'y dinalang bihag sa Babilonia ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, ang nalabi sa mga tao na naiwan sa bayan, gayon din ang nagsilipat na nagsikampi sa kaniya, at ang nalabi sa bayan na naiwan.

10 Nguni't iniwan ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay ang mga dukha sa bayan, na walang tinatangkilik sa lupain ng Juda, at binigyan sila ng mga ubasan at ng mga bukid sa panahon ding yaon.

11 Si Nabucodonosor nga na hari sa Babilonia ay nagbilin kay Nabuzaradan na kapitan ng bantay ng tungkol kay Jeremias, na sinasabi;

12 Kunin mo siya, at ingatan mo siyang mabuti, at huwag mo siyang saktan; kundi gawin mo sa kaniya ang kaniyang sasabihin sa iyo.

13 Sa gayo'y nagsugo si Nabuzaradan na kapitan ng bantay, at si Nabusazban, si Rab-saris, at si Nergal-sareser, si Rab-mag, at lahat ng punong oficial ng hari sa Babilonia;

14 Sila'y nangagsugo, at kinuha si Jeremias sa looban ng bantay, at kanilang ipinagbilin siya kay Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan, na kaniyang iuwi siya. Sa gayo'y tumahan siya sa gitna ng bayan.

15 Ang salita nga ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, samantalang siya'y nakukulong sa looban ng bantay, na nagsasabi,

16 Ikaw ay yumaon, at magsalita kay Ebed-melec na taga Etiopia, na magsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking dadalhin ang aking salita sa bayang ito sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti; at mangatutupad sa harap mo sa araw na yaon.

17 Nguni't ililigtas kita sa araw na yaon, sabi ng Panginoon; at hindi ka mabibigay sa kamay ng mga lalake na iyong kinatatakutan.

18 Sapagka't tunay na ililigtas kita, at ikaw ay hindi ibubuwal ng tabak, kundi ang iyong buhay ay magiging pinakasamsam sa iyo; sapagka't iyong inilagak ang iyong tiwala sa akin, sabi ng Panginoon.

Jeremias 40

1 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, pagkatapos na mapayaon siya mula sa Rama ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, nang dalhin siya na siya'y natatanikalaan sa gitna ng lahat na bihag sa Jerusalem at sa Juda, na nadalang bihag sa Babilonia.

2 At kinuha si Jeremias ng kapitan ng bantay, at nagsabi sa kaniya, Ang Panginoon mong Dios ay nagbadya ng kasamaang ito sa dakong ito;

3 At pinapangyari, at ginawa ng Panginoon ayon sa kaniyang sinalita: sapagka't kayo'y nangagkasala laban sa Panginoon, at hindi nagsitalima ng kaniyang tinig, kaya't ang bagay na ito ay dumating sa inyo.

4 At ngayon, narito, aking kinakalagan ka sa araw na ito ng mga tanikala na nangasa iyong kamay. Kung inaakala mong mabuti na sumama sa akin sa Babilonia, halina, at lilingapin kitang mabuti; nguni't kung inaakala mong masama na sumama sa akin sa Babilonia, tanggihan mo; narito, ang buong lupain ay nasa harap mo, kung saan inaakala mong mabuti at marapat sa iyo na pumaroon, doon ka pumaroon.

5 Samantala ngang hindi pa siya bumabalik. Bumalik ka nga, sabi niya, kay Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan, na ginawang tagapamahala ng hari sa Babilonia sa mga bayan ng Juda, at tumahang kasama niya sa gitna ng bayan, o pumaroon ka kung saan mo inaakalang mabuting pumaroon. Sa gayo'y binigyan siya ng kapitan ng bantay ng pagkain at kaloob, at pinayaon siya.

6 Nang magkagayo'y naparoon si Jeremias kay Gedalias na anak ni Ahicam sa Mizpa, at tumahang kasama niya sa gitna ng bayan na naiwan sa lupain.

7 Nang mabalitaan nga ng lahat ng kapitan sa mga kawal na nangasa mga parang, sa makatuwid baga'y nila, at ng kanilang mga lalake na ginawang tagapamahala ng hari sa Babilonia si Gedalias na anak ni Ahicam sa lupain, at ipinagbilin sa kaniya ang mga lalake, at ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga pinakadukha sa lupain, yaong hindi nangadalang bihag sa Babilonia;

8 Nagsiparoon nga sila kay Gedalias sa Mizpa, sa makatuwid baga'y si Ismael na anak ni Nethanias at si Johanan at si Jonathan na mga anak ni Carea, at si Seraias na anak ni Tanhumeth, at ang mga anak ni Ephi na Netophatita, at si Jezanias na anak ng Maachatita, sila, at ang kanilang mga lalake.

9 At si Gedalias na anak ni Ahicam na anak ni Saphan, ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga lalake, na sinasabi, Huwag kayong mangatakot na magsipaglingkod sa mga Caldeo; kayo'y magsitahan sa lupain, at magsipaglingkod sa hari sa Babilonia, at ikabubuti ninyo.

10 Tungkol sa akin, narito, ako'y tatahan sa Mizpa, upang tumayo sa harap ng mga Caldeo, na paririto sa atin: nguni't kayo, mangagpisan kayo ng alak at ng mga bunga sa taginit at ng langis, at inyong ilagay sa inyong mga sisidlan, at kayo'y magsitahan sa inyong mga bayan na inyong sinakop.

11 Gayon din nang mabalitaan ng lahat ng Judio na nangasa Moab, at sa gitna ng mga anak ni Ammon, at sa Edom, at ng nangasa lahat ng lupain, na ang hari sa Babilonia ay nagiwan ng labi sa Juda, at inilagay niya sa kanila si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan:

12 Lahat ng Judio nga ay nagsibalik na mula sa lahat ng dakong kinatabuyan sa kanila, at naparoon sa lupain ng Juda kay Gedalias, sa Mizpa, at nagpisan ng alak at ng mga bunga sa taginit na totoong marami.

13 Bukod dito'y si Johanan na anak ni Carea, at lahat na kapitan ng mga kawal na nangasa mga parang, ay nagsiparoon kay Gedalias sa Mizpa,

14 At nangagsabi sa kaniya, Nalalaman mo baga na sinugo ni Baalis na hari ng mga anak ni Ammon si Ismael na anak ni Nethanias upang kunin ang iyong buhay? Nguni't si Gedalias na anak ni Ahicam ay hindi naniwala.

15 Nang magkagayo'y si Johanan na anak ni Carea ay nagsalita ng lihim kay Gedalias sa Mizpa, na sinabi, Isinasamo ko sa iyo, na payaunin mo ako, at aking papatayin si Ismael na anak ni Nethanias, at walang lalaking makakaalam: bakit niya kikitilin ang iyong buhay, upang ang lahat na Judio na napipisan sa iyo ay mangalat, at malipol ang nalabi sa Juda?

16 Nguni't sinabi ni Gedalias na anak ni Ahicam kay Johanan na anak ni Carea, Huwag mong gagawin ang bagay na ito; sapagka't ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan tungkol kay Israel.

Jeremias 41:1-10

1 Nangyari nga, nang ikapitong buwan, na si Ismael na anak ni Nethanias, na anak ni Elisama, na lahing hari, at isa sa mga punong oficial ng hari, at sangpung lalake na kasama niya, ay nagsiparoon kay Gedalias na anak ni Ahicam sa Mizpa; at doo'y magkasama silang nagsikain ng tinapay sa Mizpa.

2 Nang magkagayo'y tumindig si Ismael na anak ni Nethanias, at ang sangpung lalake na kasama niya, at sinugatan ng tabak, si Gedalias na anak ni Ahicam na anak ni Saphan, at pinatay siya, na ginawang tagapamahala sa lupain ng hari sa Babilonia.

3 Pinatay rin naman ni Ismael ang lahat na Judio na kasama niya, na kasama ni Gedalias, sa Mizpa, at ang mga Caldeo na nangasumpungan doon, sa makatuwid baga'y ang mga lalaking mangdidigma.

4 At nangyari, nang ikalawang araw, pagkatapos na kaniyang mapatay si Gedalias, at wala pang lalaking nakakaalam,

5 Na nagsiparoon ang mga lalake na mula sa Sichem, mula sa Silo, at mula sa Samaria, sa makatuwid baga'y walong pung lalake, na may mga ahit na balbas at may mga hapak na kasuutan, at may mga kudlit, may mga alay at mga kamangyan sa kanilang kamay, upang dalhin sa bahay ng Panginoon.

6 At si Ismael na anak ni Nethanias ay lumabas na mula sa Mizpa upang salubungin sila, na umiiyak siya habang lumalakad: at nangyari, pagkasalubong niya sa kanila, sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo kay Gedalias na anak ni Ahicam.

7 At nangyari, na nang sila'y pumasok sa gitna ng bayan, na pinatay sila ni Ismael na anak ni Nethanias at inihagis sila sa hukay, niya at ng mga lalake na kasama niya.

8 Nguni't sangpung lalake ay nangasumpungan sa kanila na nangagsabi kay Ismael, Huwag mo kaming patayin; sapagka't kami ay may mga kayamanan na kubli sa parang, na trigo, at cebada, at langis, at pulot. Sa gayo'y nagpigil siya, at hindi niya pinatay sila sa gitna ng kanilang mga kapatid.

9 Ang hukay nga na pinagtapunan ni Ismael ng lahat ng bangkay ng mga tao na kaniyang pinatay, sa siping ni Gedalias, (siya ring ginawa ni Asa na hari dahil sa takot kay Baasa na hari sa Israel), pinuno ni Ismael na anak ni Nethanias ng nangapatay.

10 Nang magkagayo'y dinalang bihag ni Ismael ang lahat na nangalabi sa bayan na nangasa Mizpa, sa makatuwid baga'y ang mga anak na babae ng hari, at ang buong bayan na nalabi sa Mizpa, na siyang mga ibinilin ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahicam; sila'y dinalang bihag ni Ismael na anak ni Nethanias, at nagpatuloy na yumaon sa mga anak ni Ammon.