Passo 335

Estude

     

1 Mga Taga-Corinto 4:14-21

14 Hindi ko isinusulat ang mga bagay na ito upang kayo'y hiyain, kundi upang paalalahanan kayong tulad sa aking mga minamahal na anak.

15 Sapagka't bagaman mangagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala nga kayong maraming mga ama; sapagka't kay Cristo Jesus ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng evangelio.

16 Ipinamamanhik ko nga sa inyo, na kayo'y maging mga tagatulad sa akin.

17 Dahil dito'y aking sinugo sa inyo si Timoteo, na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siya ang sa inyo'y magpapaalaala ng aking mga daang nanga kay Cristo, gaya ng itinuturo ko saan mang dako sa bawa't iglesia.

18 Ang mga iba nga'y nangagpapalalo, na waring hindi na ako mapapariyan sa inyo.

19 Nguni't ako'y paririyan agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon; at aking aalamin, hindi ang salita ng nangagpapalalo, kundi ang kapangyarihan.

20 Sapagka't ang kaharian ng Dios ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan.

21 Anong ibig ninyo? paririyan baga ako sa inyo na may panghampas, o sa pagibig, at sa espiritu ng kahinahunan?

1 Mga Taga-Corinto 5

1 Sa kasalukuya'y nababalita na sa inyo'y may pakikiapid, at ang ganyang pakikiapid ay wala kahit sa mga Gentil, na isa sa inyo'y nagaari ng asawa ng kaniyang ama.

2 At kayo'y mga mapagpalalo, at hindi kayo bagkus nangalumbay, upang maalis sa gitna ninyo ang gumagawa ng gawang ito.

3 Sapagka't ako sa katotohanan, bagama't wala sa harapan ninyo sa katawan nguni't ako'y nasa harapan ninyo sa espiritu, akin ngang hinatulan na ang gumawa ng bagay na ito, na tulad sa ako'y nahaharap,

4 Sa pangalan ng ating Panginoong Jesus, nang nangagkakatipon kayo, at ang aking espiritu, na taglay ang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus,

5 Upang ang ganyan ay ibigay kay Satanas sa ikawawasak ng kaniyang laman, upang ang espiritu ay maligtas sa araw ng Panginoong Jesus.

6 Hindi mabuti ang inyong pagmamapuri. Hindi baga ninyo nalalaman na ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak?

7 Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo'y maging bagong limpak, na tulad sa kayo'y walang lebadura. Sapagka't ang kordero ng ating paskua ay naihain na, sa makatuwid baga'y si Cristo:

8 Kaya nga ipangilin natin ang pista, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura man ng masamang akala at ng kasamaan, kundi sa tinapay na walang lebadura ng pagtatapat at ng katotohanan.

9 Isinulat ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makisama sa mga mapakiapid;

10 Tunay nga hindi ang ibig sabihin ay sa mga mapakiapid sa sanglibutang ito, o sa mga masasakim at mga manglulupig, o sa mga mananamba sa diosdiosan; sapagka't kung gayo'y kinakailangang magsialis kayo sa sanglibutan:

11 Datapuwa't sinusulatan ko nga kayo, na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o masakim, o mananamba sa diosdiosan, o mapagtungayaw, o manglalasing, o manglulupig; sa gayo'y huwag man lamang kayong makisalo.

12 Sapagka't ano sa akin ang humatol sa nangasa labas? Hindi baga kayo nagsisihatol sa nangasa loob?

13 Datapuwa't sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao.

1 Mga Taga-Corinto 6

1 Nangangahas baga ang sinoman sa inyo, kung mayroong anomang bagay laban sa iba, na siya'y magsakdal sa harapan ng mga liko, at hindi sa harapan ng mga banal?

2 O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga banal ay magsisihatol sa sanglibutan? at kung ang sanglibutan ay hahatulan ninyo, hindi kaya baga dapat magsihatol kayo sa mga bagay na pinakamaliit?

3 Hindi baga ninyo nalalaman na ating hahatulan ang mga anghel? gaano pa kaya ang mga bagay na nauukol sa buhay na ito?

4 Kung kayo nga'y mayroong usapin na mga bagay na nauukol sa buhay na ito, ilalagay baga ninyo upang magsihatol ang mga taong walang halaga sa iglesia?

5 Sinasabi ko ito upang mangahiya kayo. Ano, diyata't wala baga sa inyo na isa mang marunong na makapagpapayo sa kaniyang mga kapatid,

6 Kundi ang kapatid ay nakikipagusapin laban sa kapatid, at ito'y sa harapan ng mga hindi nagsisipanampalataya?

7 Ngayon nga, tunay na isang pagkukulang sa inyo ang kayo-kayo'y magkaroon ng mga usapin. Bakit hindi bagkus ninyong tiisin ang mga kalikuan? bakit hindi bagkus kayo'y padaya?

8 Nguni't kayo rin ang mga nagsisigawa ng kalikuan, at nangagdaraya, at ito'y sa mga kapatid ninyo.

9 O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios? Huwag kayong padaya: kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diosdiosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga mapakiapid sa kapuwa lalake.

10 Ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga manglalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni ang mga manglulupig, ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Dios.

11 At ganyan ang mga ilan sa inyo: nguni't nangahugasan na kayo, nguni't binanal na kayo, nguni't inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, at sa Espiritu ng ating Dios.

12 Ang lahat ng mga bagay sa akin ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ay nararapat. Ang lahat ng mga bagay sa akin ay matuwid; nguni't hindi ako pasasakop sa kapangyarihan ng anoman.

13 Ang mga pagkain ay sa tiyan, at ang tiyan ay sa mga pagkain: nguni't kapuwa iwawasak ng Dios yaon at ang mga ito. Datapuwa't ang katawan ay hindi sa pakikiapid, kundi sa Panginoon; at ang Panginoon ay sa katawan:

14 At muling binuhay ng Dios ang Panginoon, at muling bubuhayin naman tayo sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.

15 Hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong mga katawan ay mga sangkap ni Cristo? kukunin ko nga baga ang mga sangkap ni Cristo, at gagawin kong mga sangkap ng isang patutot? Huwag nawang mangyari.

16 O hindi baga ninyo nalalaman na ang nakikisama sa patutot, ay kaisang katawan niya? sapagka't sinasabi niya, Ang dalawa ay magiging isang laman.

17 Nguni't ang nakikisama sa Panginoon, ay kaisang espiritu niya.

18 Magsitakas kayo sa pakikiapid. Lahat ng kasalanang gawin ng mga tao ay nangasa labas ng katawan; nguni't ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.

19 O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? at hindi kayo sa inyong sarili;

20 Sapagka't kayo'y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Dios.

1 Mga Taga-Corinto 7

1 At tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin: Mabuti sa lalake ay huwag humipo sa babae.

2 Datapuwa't, dahil sa mga pakikiapid, ang bawa't lalake ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa, at bawa't babae ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa.

3 Ibigay ng lalake sa asawa ang sa kaniya'y nararapat: at gayon din naman ang babae sa asawa.

4 Ang babae ay walang kapangyarihan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang asawa: at gayon din naman ang lalake ay walang kapangyarihan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang asawa.

5 Huwag magpigil ang isa't isa, maliban kung pagkasunduan sa ilang panahon, upang kayo'y mamalagi sa pananalangin, at muling kayo'y magsama, baka kayo'y tuksuhin ni Satanas dahil sa inyong kawalan ng pagpipigil.

6 Nguni't ito'y sinasabi ko na parang payo, hindi sa utos.

7 Kaya't ibig ko sana, na ang lahat ng tao ay maging gaya ko. Nguni't ang bawa't tao'y mayroong kanikaniyang kaloob na mula sa Dios, ang isa'y ayon sa paraang ito, at ang iba'y ayon sa paraan yaon.

8 Datapuwa't sinasabi ko sa mga walang asawa, at sa mga babaing bao, Mabuti sa kanila kung sila'y magsipanatiling gayon sa makatuwid baga'y gaya ko.

9 Nguni't kung sila'y hindi makapagpigil, ay magsipagasawa: sapagka't magaling ang magasawa kay sa mangagningas ang pita.

10 Datapuwa't sa mga may asawa ay aking ipinaguutos, Nguni't hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kaniyang asawa.

11 (Datapuwa't kung siya'y humiwalay, ay manatiling walang asawa, o kaya'y makipagkasundo sa kaniyang asawa); at huwag hiwalayan ng lalake ang kaniyang asawa.

12 Datapuwa't sa iba, ay ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon: Kung ang sinomang kapatid na lalake ay may asawang hindi sumasampalataya, at kung kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan.

13 At ang babaing may asawang hindi sumasampalataya, at kalooban niyang makipamahay sa kaniya, ay huwag niyang hiwalayan ang kaniyang asawa.

14 Sapagka't ang lalaking hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa, at ang babaing hindi sumasampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kaniyang asawa: sa ibang paraa'y ang inyong mga anak ay nangagkaroon ng kapintasan; nguni't ngayo'y mga banal.

15 Gayon ma'y kung humiwalay ang hindi sumasampalataya, ay bayaan siyang humiwalay: ang kapatid na lalake o kapatid na babae ay hindi natatali sa mga ganitong bagay: kundi sa kapayapaan kayo tinawag ng Dios.

16 Sapagka't paanong malalaman mo, Oh babae, kung maililigtas mo ang iyong asawa? o paanong malalaman mo, Oh lalake, kung maililigtas mo ang iyong asawa?

17 Ayon nga lamang sa ipinamahagi ng Panginoon sa bawa't isa, at ayon sa pagkatawag ng Dios sa bawa't isa, ay gayon siya lumakad. At gayon ang iniuutos ko sa lahat ng mga iglesia.

18 Tinawag baga ang sinomang taong tuli na? huwag siyang maging di tuli. Tinawag baga ang sinomang di tuli? huwag siyang maging tuli.

19 Ang pagtutuli ay walang anoman, at ang di pagtutuli ay walang anoman; kundi ang pagtupad sa mga utos ng Dios.

20 Bayaang ang bawa't isa'y manatili doon sa pagkatawag na itinawag sa kaniya.

21 Ikaw baga'y alipin ng ikaw ay tinawag? huwag kang magalaala: kung maaaring ikaw ay maging malaya, ay pagsikapan mo ng maging laya.

22 Sapagka't ang tinawag sa Panginoon nang siya'y alipin, ay malaya sa Panginoon: gayon din naman ang tinawag nang siya'y malaya, ay alipin ni Cristo.

23 Sa halaga kayo'y binili; huwag kayong maging mga alipin ng mga tao.

24 Mga kapatid, bayaang ang bawa't isa'y manatili sa Dios sa kalagayang itinawag sa kaniya.

25 Ngayon, tungkol sa mga dalaga ay wala akong utos ng Panginoon: nguni't ibinibigay ko ang aking pasiya, na tulad sa nagkamit ng habag ng Panginoon upang mapagkatiwalaan.

26 Inaakala ko ngang mabuti ito dahil sa kasalukuyang kahapisan, sa makatuwid baga'y mabuti ngang ang tao'y manatili ng ayon sa kaniyang kalagayan.

27 Natatali ka ba sa asawa? huwag mong pagsikapang ikaw ay makakalag. Ikaw baga'y kalag sa asawa? huwag kang humanap ng asawa.

28 Nguni't kung ikaw ay magasawa, ay hindi ka nagkakasala; at kung ang isang dalaga ay magasawa, ay hindi siya nagkakasala. Datapuwa't ang mga gayon ay magkakaroon ng kahirapan sa laman: at ibig ko sanang kayo'y iligtas.

29 Nguni't sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahon ay pinaikli, upang mula ngayon ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa wala;

30 At ang mga nagsisiiyak, ay maging tulad sa mga hindi nagsisiiyak; at ang nangagagalak, ay maging tulad sa hindi nangagagalak; at ang mga nagsisibili, ay maging tulad sa mga walang inaari;

31 At ang mga nagsisigamit ng sanglibutan, ay maging tulad sa hindi nangagpapakalabis ng paggamit: sapagka't ang kaasalan ng sanglibutang ito ay lumilipas.

32 Datapuwa't ang ibig ko ay mawalan kayo ng kabalisahan. Ang walang asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, kung paanong makalulugod sa Panginoon:

33 Nguni't ang may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa,

34 At nagkakabahagi ang isipan. Gayon din naman ang babaing walang asawa at ang dalaga, ay nagsusumakit sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu man; nguni't ang babaing may asawa ay nagsusumakit sa mga bagay ng sanglibutan, kung paanong makalulugod sa kaniyang asawa.

35 At ito'y sinasabi ko sa inyong sariling kapakinabangan; hindi upang alisin ko ang inyong kalayaan, kundi dahil sa bagay na nararapat, at upang kayo'y makapaglingkod sa Panginoon nang walang abala.

36 Nguni't kung iniisip ng sinomang lalake na hindi siya gumagawa ng marapat sa kaniyang anak na dalaga, kung ito'y sumapit na sa kaniyang katamtamang gulang, at kung kailangan ay sundin niya ang kaniyang maibigan, hindi siya nagkakasala; bayaang mangagasawa sila.

37 Subali't ang nananatiling matibay sa kaniyang puso, na walang kailangan, kundi may kapangyarihan tungkol sa kaniyang sariling kalooban, at pinasiyahan sa kaniyang sariling puso na ingatan ang kaniyang sariling anak na dalaga, ay mabuti ang gagawin.

38 Kaya nga ang nagpapahintulot sa kaniyang anak na dalaga na magasawa ay gumagawa ng mabuti; at ang hindi nagpapahintulot na siya'y magasawa ay gumagawa ng lalong mabuti.

39 Ang babaing may asawa ay natatalian samantalang nabubuhay ang kaniyang asawa; nguni't kung patay na ang kaniyang asawa, ay may kalayaan siyang makapagasawa sa kanino mang ibig niya; sa kalooban lamang ng Panginoon.

40 Nguni't lalong maligaya siya kung manatili ng ayon sa kaniyang kalagayan, ayon sa aking akala: at iniisip ko na ako'y may Espiritu rin naman ng Dios.