Passo 346

Estude

     

1 Tesalonica 1

1 Si Pablo, at si Silvano, at si Timoteo, sa iglesia ng mga taga Tesalonica sa Dios Ama at sa Panginoong Jesucristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan.

2 Nangagpapasalamat kaming lagi sa Dios dahil sa inyong lahat, na aming binabanggit kayo sa aming mga panalangin;

3 Na aming inaalaalang walang patid sa harapan ng ating Dios at Ama, ang inyong gawa sa pananampalataya at pagpapagal sa pagibig at pagtitiis sa pagasa sa ating Panginoong Jesucristo;

4 Yamang aming nalalaman, mga kapatid na minamahal ng Dios, ang pagkahirang sa inyo,

5 Kung paanong ang aming evangelio ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang, kundi sa kapangyarihan din naman, at sa Espiritu Santo, at sa lubos na katiwasayan; na gaya ng inyong nalalaman kung anong pagkatao namin ang aming ipinakita sa inyo dahil sa inyo.

6 At kayo'y nagsitulad sa amin, at sa Panginoon, nang inyong tanggapin ang salita sa malaking kapighatian, na may katuwaan sa Espiritu Santo;

7 Ano pa't kayo'y naging uliran ng lahat ng nangananampalatayang nangasa Macedonia at nangasa Acaya.

8 Sapagka't mula sa inyo'y nabansag ang salita ng Panginoon, hindi lamang sa Macedonia at Acaya, kundi sa lahat ng mga dako ay natanyag ang inyong pananampalataya sa Dios; ano pa't kami ay wala nang kailangang magsabi pa ng anoman.

9 Sapagka't sila rin ang nangagbalita tungkol sa amin kung paanong nangakapasok kami sa inyo; at kung paanong nangagbalik kayo sa Dios mula sa mga diosdiosan, upang mangaglingkod sa Dios na buhay at tunay,

10 At upang hintayin ang kaniyang Anak na mula sa langit, na kaniyang ibinangon sa mga patay, si Jesus nga na nagligtas sa atin mula sa galit na darating.

1 Tesalonica 2

1 Kaya nga nalalaman ninyo rin, mga kapatid, na ang aming pagkapasok sa inyo, ay hindi nawalan ng kabuluhan:

2 Kundi palibhasa'y nagsipagbata kami nang una at inalipusta, gaya ng inyong nalalaman, sa Filipos, ay nangagkaroon kami ng kalakasan ng loob dahil sa ating Dios upang salitain sa inyo ang evangelio ng Dios sa gitna ng maraming kaligaligan.

3 Sapagka't ang aming iniaaral ay hindi sa kamalian, ni sa karumihan, ni sa pagdaraya.

4 Kundi kung paanong kami'y minarapat ng Dios upang pagkatiwalaan kami ng evangelio, ay gayon namin sinasalita; hindi gaya ng nangagbibigay lugod sa mga tao, kundi sa Dios na sumusubok ng aming mga puso.

5 Sapagka't hindi kami nasusumpungang nagsisigamit kailan man ng mga salitang paimbabaw, gaya ng nalalaman ninyo, ni ng balabal man ng kasakiman, saksi ang Dios;

6 Ni nagsihanap man sa mga tao ng kapurihan, ni sa inyo man, ni sa mga iba man, nang maaaring magsigamit kami ng kapamahalaan gaya ng mga apostol ni Cristo.

7 Kundi kami ay nangagpapakalumanay sa gitna ninyo, na gaya ng isang sisiwa pagka inaamoamo ang kaniyang sariling mga anak:

8 Gayon din kami, palibhasa'y may magiliw na pagibig sa inyo, ay kinalugdan naming kayo'y bahaginan, hindi lamang ng evangelio ng Dios, kundi naman ng aming sariling mga kaluluwa, sapagka't kayo'y naging lalong mahal sa amin.

9 Sapagka't inaalaala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagdaramdam: amin ngang ipinangaral ang evangelio ng Dios na kami ay gumagawa gabi't araw, upang huwag kaming maging isang pasanin sa kanino man sa inyo.

10 Kayo'y mga saksi, at ang Dios man, kung gaanong pagkabanal at pagkamatuwid at pagkawalang kapintasan ang inugali namin sa inyong nagsisisampalataya:

11 Gaya ng inyong nalalaman kung ano ang inugali namin sa bawa't isa sa inyo, na gaya ng isang ama sa kaniyang sariling mga anak, na kayo'y inaaralan, at pinalalakas ang loob ninyo, at nagpapatotoo,

12 Upang kayo'y magsilakad ng nararapat sa Dios, na siyang tumawag sa inyo sa kaniyang sariling kaharian at kaluwalhatian.

13 At dahil naman dito kami ay nangagpapasalamat na walang patid sa Dios, na nang inyong tanggapin sa amin ang salita na ipinangaral, sa makatuwid baga'y ang salita ng Dios, ay inyong tinanggap na hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, na salita ng Dios, na gumagawa naman sa inyo na nagsisisampalataya.

14 Sapagka't kayo, mga kapatid, ay nagsitulad sa mga iglesia ng Dios na nasa Judea kay Cristo Jesus: sapagka't nagsipagbata naman kayo sa inyong sariling mga kababayan, gaya naman nila sa mga Judio;

15 Na nagsipatay sa Panginoong Jesus, at gayon din sa mga propeta, at kami ay kanilang pinalayas, at di nangagbibigay lugod sa Dios, at laban sa lahat ng mga tao;

16 Na pinagbabawalan kaming makipagusap sa mga Gentil upang mangaligtas ang mga ito; upang kanilang paramihing lagi ang kanilang mga kasalanan: nguni't dumating sa kanila ang kagalitan, hanggang sa katapusan.

17 Nguni't kami, mga kapatid, na nangahiwalay sa inyong sangdaling panahon, sa katawan hindi sa puso, ay nangagsisikap na lubha, upang makita ang inyong mukha na may dakilang pagnanais:

18 Sapagka't nangagnasa kaming pumariyan sa inyo, akong si Pablo, na minsan at muli; at hinadlangan kami ni Satanas.

19 Sapagka't ano ang aming pagasa, o katuwaan, o putong, na ipinagmamapuri? Hindi baga kayo rin sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang pagparito?

20 Sapagka't kayo ang aming kaluwalhatian at aming katuwaan.

1 Tesalonica 3

1 Kaya't nang hindi na kami mangakatiis, ay minagaling naming maiwang nangagiisa sa Atenas;

2 At aming sinugo si Timoteo, na aming kapatid at ministro ng Dios sa evangelio ni Cristo, upang kayo'y kaniyang patibayin at aliwin, tungkol sa inyong pananampalataya;

3 Upang ang sinoma'y huwag mabagabag sa pamamagitan ng mga kapighatiang ito; sapagka't kayo rin ang nangakaaalam na itinalaga kami sa bagay na ito.

4 Sapagka't sa katotohanan, nang kami ay kasama ninyo ay aming sinabi nang una sa inyo na kami ay mangagbabata ng kapighatian; gaya nga na nangyari, at nalalaman ninyo.

5 Dahil dito naman, nang hindi ko na matiis pa, ako'y nagsugo upang matalastas ko ang inyong pananampalataya, baka sa anomang paraan kayo'y nangatukso ng manunukso, at ang aming pagpapagal ay mawalan ng kabuluhan.

6 Datapuwa't nang si Timoteo ay dumating sa amin ngayon na buhat sa inyo, at nagdala sa amin ng mabubuting balita tungkol sa inyong pananampalataya at pagibig, at laging kami'y inaalaalang mabuti ninyo, na ninanasang makita kami na gaya naman namin sa inyo;

7 Dahil dito'y nangaaliw kami, mga kapatid, tungkol sa inyo sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa lahat naming kagipitan at kapighatian:

8 Sapagka't ngayon ay nangabubuhay kami, kung kayo'y nangamamalaging matibay sa Panginoon.

9 Sapagka't ano ngang pagpapasalamat ang aming muling maibibigay sa Dios dahil sa inyo, dahil sa buong kagalakan na aming ikinagalak dahil sa inyo sa harapan ng aming Dios;

10 Gabi't araw ay idinadalangin naming buong ningas na aming makita ang inyong mukha, at aming malubos ang inyong pananampalataya.

11 Ngayo'y patnugutan nawa ng atin ding Dios at Ama, at ng ating Panginoong Jesus, ang aming paglalakbay sa inyo:

12 At kayo'y palaguin at pasaganain ng Panginoon sa pagibig sa isa't isa, at sa lahat ng mga tao, na gaya naman ng amin sa inyo;

13 Upang patibayin niya ang inyong mga puso, na walang maipipintas sa kabanalan sa harapan ng ating Dios at Ama, sa pagparito ng ating Panginoong Jesus na kasama ang kaniyang lahat na mga banal.

1 Tesalonica 4

1 Katapustapusan nga, mga kapatid, kayo'y aming pinamamanhikan at inaaralan sa Panginoong Jesus, na, ayon sa tinanggap ninyo sa amin, na kung paanong kayo'y dapat magsilakad at mangagbigay lugod sa Dios, na gaya ng inyong paglakad, upang kayo'y magsipanagana ng higit at higit.

2 Sapagka't talastas ninyo kung anong mga tagubilin ang ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus.

3 Sapagka't ito ang kalooban ng Dios, sa makatuwid baga'y ang inyong pagpapakabanal, na kayo'y magsiilag sa pakikiapid;

4 Na ang bawa't isa sa inyo'y makaalam na maging mapagpigil sa kaniyang sariling katawan sa pagpapakabanal at kapurihan,

5 Hindi sa pita ng kahalayan, na gaya ng mga Gentil na hindi nangakakakilala sa Dios;

6 Na sinoma'y huwag lumapastangan at magdaya sa kaniyang kapatid sa bagay na ito: sapagka't ang Panginoon ay mapaghiganti sa lahat ng mga bagay na ito, na gaya naman ng aming ipinatalastas nang una na sa inyo at pinatotohanan.

7 Sapagka't tayo'y tinawag ng Dios hindi sa ikarurumi, kundi sa pagpapakabanal.

8 Kaya't ang nagtatakuwil, hindi ang tao ang itinatakuwil, kundi ang Dios, na nagbibigay sa inyo ng kaniyang Espiritu Santo.

9 Datapuwa't tungkol sa pagiibigang kapatid ay hindi ninyo kailangan na kayo'y sulatan ng sinoman: sapagka't kayo rin ay tinuruan ng Dios na mangagibigan kayo sa isa't isa;

10 Sapagka't katotohanang ginagawa ninyo ang gayon sa lahat ng kapatid na nangasa buong Macedonia. Nguni't aming iniaaral sa inyo, mga kapatid, na kayo'y lalo't lalong magsipanagana.

11 At pagaralan ninyong maging matahimik, at gawin ang inyong sariling gawain, at kayo'y mangagpagal ng inyong sariling mga kamay, na gaya ng aming ipinagbilin sa inyo;

12 Upang kayo'y magsilakad ng nararapat sa nangasa labas, at huwag kayong maging mapagkailangan.

13 Nguni't hindi namin ibig na kayo'y di makaalam, mga kapatid, tungkol sa nangatutulog; upang kayo'y huwag mangalumbay, na gaya ng mga iba, na walang pagasa.

14 Sapagka't kung tayo'y nagsisisampalatayang si Jesus ay namatay at nabuhay na maguli, ay gayon din naman ang nangatutulog kay Jesus ay dadalhin ng Dios na kasama niya.

15 Sapagka't ito'y sinasabi namin sa inyo sa salita ng Panginoon, na tayong nangabubuhay, na nangatitira hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi tayo mangauuna sa anomang paraan sa nangatutulog.

16 Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli;

17 Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man.

18 Kaya't mangagaliwan kayo sa isa't isa ng mga salitang ito.

1 Tesalonica 5

1 Datapuwa't tungkol sa mga kapanahunan at mga bahagi ng panahon, mga kapatid, hindi ninyo kailangan na isulat ko pa sa inyo ang anoman.

2 Sapagka't kayo rin ang mga lubos na nangakakaalam, na ang pagdating ng kaarawan ng Panginoon ay gaya ng magnanakaw sa gabi.

3 Pagka sinasabi ng mga tao, Kapayapaan at katiwasayan, kung magkagayo'y darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam, sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila'y hindi mangakatatanan sa anomang paraan.

4 Nguni't kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na yaon ay masubukan kayong gaya ng magnanakaw:

5 Sapagka't kayong lahat ay pawang mga anak ng kaliwanagan, at mga anak ng araw: tayo'y hindi ng gabi, ni ng kadiliman man;

6 Huwag nga tayong mangatulog, gaya ng mga iba, kundi tayo'y mangagpuyat at mangagpigil.

7 Sapagka't ang nangatutulog ay nangatutulog sa gabi; at ang nangaglalasing ay nangaglalasing sa gabi.

8 Datapuwa't palibhasa'y mga anak tayo ng araw, mangagpigil tayo, na isuot ang baluti ng pananampalataya at ng pagibig; at ang maging turbante ay ang pagasa ng kaligtasan.

9 Sapagka't tayo'y hindi itinalaga ng Dios sa galit, kundi sa pagtatamo ng pagkaligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo,

10 Na namatay dahil sa atin, upang tayo, sa gising o tulog man, ay mangabuhay tayong kasama niya.

11 Dahil dito kayo'y mangagpangaralan, at mangagpatibayan sa isa't isa sa inyo, gaya ng inyong ginagawa.

12 Datapuwa't ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na inyong kilalanin ang nangagpapagal sa inyo, at nangamumuno sa inyo sa Panginoon, at nangagpapaalaala sa inyo;

13 At inyong lubos na pakamahalin sila sa pagibig, dahil sa kanilang gawa. Magkaroon kayo-kayo ng kapayapaan.

14 At aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo, palakasin ang mga mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging mapagpahinuhod kayo sa lahat.

15 Tingnan nga ninyo na huwag gumanti ang sinoman ng masama sa masama; nguni't sundin ninyong lagi ang mabuti, ang isa'y sa iba, at sa lahat.

16 Mangagalak kayong lagi;

17 Magsipanalangin kayong walang patid;

18 Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo; sapagka't ito ang kalooban ng Dios kay Cristo tungkol sa inyo.

19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu;

20 Huwag ninyong hamakin ang mga panghuhula;

21 Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay, ingatan ninyo ang mabuti;

22 Layuan ninyo ang bawa't anyo ng masama.

23 At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo.

24 Tapat yaong sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito.

25 Mga kapatid, idalangin ninyo kami.

26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik.

27 Idinadaing ko sa inyo alangalang sa Panginoon na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito.

28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawa.