Hapi 337

Studimi

     

1 Mga Taga-Corinto 12:12-31

12 Sapagka't kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo.

13 Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

14 Sapagka't ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami.

15 Kung sasabihin ng paa, Sapagka't hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.

16 At kung sasabihin ng tainga, Sapagka't hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.

17 Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pangamoy.

18 Datapuwa't ngayo'y inilagay ng Dios ang bawa't isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.

19 At kung ang lahat nga'y pawang isang sangkap, saan naroroon ang katawan?

20 Datapuwa't maraming mga sangkap nga, nguni't iisa ang katawan.

21 At hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan.

22 Hindi, kundi lalo pang kailangan yaong mga sangkap ng katawan na wari'y lalong mahihina:

23 At yaong mga sangkap ng katawan, na inaakala nating kakaunti ang kapurihan, sa mga ito ipinagkakaloob natin ang lalong saganang papuri; at ang mga sangkap nating mga pangit ay siyang may lalong saganang kagandahan;

24 Yamang ang mga sangkap nating magaganda ay walang kailangan: datapuwa't hinusay ng Dios ang katawan na binigyan ng lalong saganang puri yaong sangkap na may kakulangan;

25 Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa't isa.

26 At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya.

27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya.

28 At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang mga wika.

29 Lahat baga'y mga apostol? lahat baga'y mga propeta? lahat baga'y mga guro? lahat baga'y mga manggagawa ng mga himala?

30 May mga kaloob na pagpapagaling baga ang lahat? nangagsasalita baga ang lahat ng mga wika? lahat baga ay nangagpapaliwanag?

31 Datapuwa't maningas ninyong nasain, ang lalong dakilang mga kaloob. At itinuturo ko sa inyo ang isang daang kagalinggalingan.

1 Mga Taga-Corinto 13

1 Kung ako'y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, datapuwa't wala akong pagibig, ay ako'y naging tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw.

2 At kung magkaroon ako ng kaloob na panghuhula, at maalaman ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman; at kung magkaroon ako ng buong pananampalataya, na ano pa't mapalipat ko ang mga bundok, datapuwa't wala akong pagibig, ay wala akong kabuluhan.

3 At kung ipagkaloob ko ang lahat ng aking mga tinatangkilik upang ipakain sa mga dukha, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, datapuwa't wala akong pagibig, ay walang pakikinabangin sa akin.

4 Ang pagibig ay mapagpahinuhod, at magandang-loob; ang pagibig ay hindi nananaghili; ang pagibig ay hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo.

5 Hindi naguugaling mahalay, hindi hinahanap ang kaniyang sarili, hindi nayayamot, hindi inaalumana ang masama;

6 Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan;

7 Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis.

8 Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man: kahit maging mga hula, ay mangatatapos; maging mga wika, ay titigil: maging kaalaman, ay mawawala.

9 Sapagka't nangakakakilala tayo ng bahagya, at nanganghuhula tayo ng bahagya;

10 Datapuwa't kung dumating ang sakdal, ang bahagya ay matatapos.

11 Nang ako'y bata pa, ay nagsasalita akong gaya ng bata, nagdaramdam akong gaya ng bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong maganap ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata.

12 Sapagka't ngayo'y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni't pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo'y nakikilala ko ng bahagya, nguni't pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin.

13 Datapuwa't ngayo'y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa, at ang pagibig; nguni't ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.

1 Mga Taga-Corinto 14

1 Sundin ninyo ang pagibig; gayon ma'y maningas ninyong pakanasain ang mga kaloob na ayon sa espiritu, nguni't lalo na ang kayo'y mangakapanghula.

2 Sapagka't ang nagsasalita ng wika ay hindi sa mga tao nagsasalita, kundi sa Dios; sapagka't walang nakauunawa sa kaniya; kundi sa espiritu ay nagsasalita ng mga hiwaga.

3 Datapuwa't ang nanghuhula ay nagsasalita sa mga tao sa ikatitibay, at sa ikapangangaral, at sa ikaaaliw.

4 Ang nagsasalita ng wika, ay nagpapatibay sa sarili; nguni't ang nanghuhula ay nagpapatibay sa iglesia.

5 Ibig ko sanang kayong lahat ay mangagsalita ng mga wika, datapuwa't lalo na ang kayo'y magsipanghula: at lalong dakila ang nanghuhula kay sa nagsasalita ng mga wika, maliban na kung siya'y magpapaliwanag upang ang iglesia ay mapagtibay.

6 Ngayon nga, mga kapatid, kung ako'y pumariyan sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong pakikinabangin sa akin, maliban na kung kayo'y pagsalitaan ko sa pamamagitan ng pahayag, o ng kaalaman, o ng panghuhula, o ng aral?

7 Kahit ang mga bagay na walang buhay, na nagsisitunog, maging plauta, o alpa, kundi bigyan ng pagkakaiba ang mga tunog, paanong malalaman kung ano ang tinutugtog sa plauta o sa alpa?

8 Sapagka't kung ang pakakak ay tumunog na walang katiyakan, sino ang hahanda sa pakikibaka?

9 Gayon din naman kayo, kung hindi ipinangungusap ninyo ng dila ang mga salitang madaling maunawaan, paanong matatalos ang inyong sinasalita? sapagka't sa hangin kayo magsisipagsalita.

10 Halimbawa, mayroon ngang iba't ibang mga tinig sa sanglibutan, at walang di may kahulugan.

11 Kung hindi ko nga nalalaman ang kahulugan ng tinig, magiging barbaro ako sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging barbaro sa akin.

12 Gayon din naman kayo, na yamang kayo'y mapagsikap sa mga kaloob na ayon sa espiritu ay pagsikapan ninyong kayo'y magsisagana sa ikatitibay ng iglesia.

13 Kaya't ang nagsasalita ng wika ay manalangin na siya'y makapagpaliwanag.

14 Sapagka't kung ako'y nananalangin sa wika, ay nananalangin ang aking espiritu, datapuwa't ang aking pagiisip ay hindi namumunga.

15 Ano nga ito? Mananalangin ako sa espiritu, at mananalangin din naman ako sa pagiisip: aawit ako sa espiritu, at aawit din naman ako sa pagiisip.

16 Sa ibang paraan, kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, ang nasa kalagayan ng di marunong, paanong siya'y makapagsasabi ng Siya nawa, sa iyong pagpapasalamat, palibhasa'y hindi nalalaman ang inyong sinasabi?

17 Sapagka't ikaw sa katotohanan ay nagpapasalamat kang mabuti, datapuwa't ang iba'y hindi napapagtibay.

18 Nagpapasalamat ako sa Dios, na ako'y nagsasalita ng mga wika na higit kay sa inyong lahat:

19 Nguni't sa iglesia ibig ko pang magsalita ng limang salita ng aking pagiisip, upang makapagturo ako naman sa iba, kay sa magsalita ng sangpung libong salita sa wika.

20 Mga kapatid, huwag kayong mangagpakabata sa pagiisip; gayon ma'y sa kahalayan ay mangagpakasanggol kayo, datapuwa't sa pagiisip kayo'y mangagpakatao.

21 Sa kautusan ay nasusulat, sa pamamagitan ng mga taong may iba't ibang wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga taga ibang lupa ay magsasalita ako, sa bayang ito: at gayon ma'y hindi ako pakikinggan nila, ang sabi ng Panginoon.

22 Kaya nga ang mga wika ay pinaka tanda, hindi sa mga nagsisisampalataya; kundi sa mga hindi nagsisisampalataya; nguni't ang panghuhula ay hindi sa mga hindi nagsisisampalataya, kundi sa mga nagsisisampalataya.

23 Kung ang buong iglesia nga'y magkatipon sa isang dako at lahat ay mangagsalita ng mga wika, at mangagsipasok ang mga hindi marurunong o hindi mga nagsisisampalataya, hindi baga nila sasabihing kayo'y mga ulol?

24 Datapuwa't kung ang lahat ay nagsisipanghula, at may pumasok na isang hindi sumasampalataya, o hindi marunong, mahihikayat siya ng lahat, masisiyasat siya ng lahat;

25 Ang mga lihim ng kaniyang puso ay nahahayag; at sa gayo'y magpapatirapa siya at sasamba sa Dios, na sasabihing tunay ngang ang Dios ay nasa gitna ninyo.

26 Ano nga ito, mga kapatid? Pagka kayo'y nangagkakatipon ang bawa't isa sa inyo'y may isang awit, may isang aral, may isang pahayag, may wika, may isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay sa ikatitibay.

27 Kung nagsasalita ang sinoman ng wika, maging dalawa, o huwag higit sa tatlo, at sunodsunod; at ang isa'y magpaliwanag:

28 Datapuwa't kung walang tagapagpaliwanag ay tumahimik siya sa iglesia; at siya'y magsalita sa kaniyang sarili, at sa Dios.

29 At ang dalawa o tatlo sa mga propeta ay magsipagsalita, at ang mga iba'y mangagsiyasat.

30 Datapuwa't kung may ipinahayag na anoman sa isang nauupo, ay tumahimik ang nauuna.

31 Sapagka't kayong lahat ay makapanghuhulang isa-isa, upang ang lahat ay mangatuto, at ang lahat ay maaralan;

32 At ang mga espiritu ng mga propeta ay nasasakupan ng mga propeta;

33 Sapagka't ang Dios ay hindi Dios ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesia ng mga banal,

34 Ang mga babae ay magsitahimik sa mga iglesia: sapagka't sila'y walang kapahintulutang mangagsalita; kundi sila'y pasakop, gaya naman ng sinasabi ng kautusan.

35 At kung ibig nilang maalaman ang anomang bagay, magtanong sila sa kanilang asawa sa bahay; sapagka't mahalay na ang isang babae ay magsalita sa iglesia.

36 Ano? lumabas baga mula sa inyo ang salita ng Dios? o sa inyo lamang dumating?

37 Kung iniisip ninoman na siya'y propeta, o ayon sa espiritu, ay kilalanin niya ang mga bagay na sa inyo'y isinusulat ko, na pawang utos ng Panginoon.

38 Datapuwa't kung ang sinoman ay mangmang, ay manatili siyang mangmang.

39 Kaya nga, mga kapatid ko, maningas na pakanasain ninyong makapanghula, at huwag ninyong ipagbawal ang magsalita ng mga wika.

40 Datapuwa't gawin ninyong may karapatan at may kaayusan ang lahat ng mga bagay.

1 Mga Taga-Corinto 15

1 Ngayo'y ipinatatalastas ko sa inyo, mga kapatid, ang evangelio na sa inyo'y aking ipinangaral, na inyo namang tinanggap, na siya naman ninyong pinananatilihan,

2 Sa pamamagitan naman nito'y ligtas kayo kung matiyaga ninyong iingatan ang salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na kung kayo'y nagsipanampalataya nang walang kabuluhan.

3 Sapagka't ibinigay ko sa inyo una sa lahat, ang akin namang tinanggap: na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan,

4 At siya'y inilibing; at siya'y muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan;

5 At siya'y napakita kay Cefas, at saka sa labingdalawa;

6 Pagkatapos ay napakita sa mahigit na limang daang kapatid na paminsan, na ang karamihan sa mga ito'y nangabubuhay hanggang ngayon, datapuwa't ang mga iba'y nangatulog na;

7 Saka napakita kay Santiago; at saka sa lahat ng mga apostol;

8 At sa kahulihulihan, tulad sa isang ipinanganak sa di kapanahunan, ay napakita naman siya sa akin.

9 Ako nga ang pinakamaliit sa mga apostol, at hindi ako karapatdapat na tawaging apostol, sapagka't pinagusig ko ang iglesia ng Dios.

10 Datapuwa't sa pamamagitan ng biyaya ng Dios, ako nga'y ako; at ang kaniyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan; bagkus ako'y malabis na nagpagal kay sa kanilang lahat: bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Dios na sumasa akin.

11 Maging ako nga o sila, ay gayon ang aming ipinangangaral, at gayon ang inyong sinampalatayanan.

12 Kung si Cristo nga'y ipinangangaral na siya'y muling binuhay sa mga patay, bakit ang ilan sa inyo ay nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli ng mga patay?

13 Datapuwa't kung walang pagkabuhay na maguli ng mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo:

14 At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, ay walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, wala rin namang kabuluhan ang inyong pananampalataya.

15 Oo, at kami ay nasusumpungang mga saksing bulaan tungkol sa Dios; sapagka't aming sinasaksihan tungkol sa Dios, na kaniyang muling binuhay si Cristo; na hindi siyang muling nabuhay, kung tunay nga ang mga patay ay hindi muling binubuhay.

16 Sapagka't kung hindi muling binubuhay ang mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo:

17 At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan kayo'y nasa inyong mga kasalanan pa.

18 Kung gayon nga, ang mga nangatutulog din naman kay Cristo ay pawang nangapahamak.

19 Kung sa buhay lamang na ito tayo nagsisiasa kay Cristo, ay tayo sa lahat ng mga tao ang lalong kahabaghabag.

20 Datapuwa't si Cristo nga'y muling binuhay sa mga patay na siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog.

21 Sapagka't yamang sa pamamagitan ng tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao'y dumating ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.

22 Sapagka't kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.

23 Datapuwa't ang bawa't isa'y sa kaniyang sariling katayuan; si Cristo ang pangunahing bunga; pagkatapos ay ang mga kay Cristo, sa kaniyang pagparito.

24 Kung magkagayo'y darating ang wakas, pagka ibibigay na niya ang kaharian sa Dios, sa makatuwid baga'y sa Ama; pagka lilipulin na niya ang lahat ng paghahari, at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan.

25 Sapagka't kinakailangang siya'y maghari hanggang mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga talampakan ang lahat niyang mga kaaway.

26 Ang kahulihulihang kaaway na lilipulin ay ang kamatayan.

27 Sapagka't kaniyang pinasuko ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang paa. Datapuwa't kung sinasabi, ang lahat ng mga bagay ay pinasuko, ay maliwanag na itinangi yaong nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya.

28 At kung ang lahat ng mga bagay ay mapasuko na sa kaniya, kung magkagayo'y ang Anak rin ay pasusukuin naman sa nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Dios ay maging lahat sa lahat.

29 Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay? Kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay, bakit nga sila'y binabautismuhan dahil sa kanila?

30 Bakit baga naman tayo'y nanganganib bawa't oras?

31 Ipinahahayag ko alangalang sa ikaluluwalhati ninyo, mga kapatid, na taglay ko kay Cristo Jesus na Panginoon natin na araw-araw ay nasa panganib ng kamatayan ako.

32 Kung ako'y nakipagbaka sa Efeso laban sa mga ganid, ayon sa kaugalian ng tao, ano ang pakikinabangin ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, magsikain at magsiinom tayo yamang bukas tayo'y mangamamatay.

33 Huwag kayong padaya: Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.

34 Gumising kayo ng ayon sa katuwiran, at huwag mangagkasala; sapagka't may mga ibang walang pagkakilala sa Dios: sinasabi ko ito upang kayo'y kilusin sa kahihiyan.

35 Datapuwa't sasabihin ng iba, Paanong muling bubuhayin ang mga patay? at anong anyo ng katawan ang iparirito nila?

36 Ikaw na mangmang, ang inyong inihahasik ay hindi binubuhay maliban na kung mamatay:

37 At ang iyong inihahasik ay hindi mo inihahasik ang katawang lilitaw, kundi ang butil lamang, na marahil ay trigo, o ibang bagay;

38 Datapuwa't ang Dios ay nagbibigay ng katawan dito ayon sa kaniyang minagaling, at sa bawa't binhi ay ang sariling katawan.

39 Hindi ang lahat ng laman ay magkasing-isang laman: kundi may laman sa mga tao, at ibang laman sa mga hayop, at ibang laman sa mga ibon, at ibang laman sa mga isda.

40 Mayroon namang mga katawang ukol sa langit, at mga katawang ukol sa lupa: datapuwa't iba ang kaluwalhatian ng ukol sa langit, at iba ang ukol sa lupa.

41 Iba ang kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin; sapagka't ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.

42 Gayon din naman ang pagkabuhay na maguli ng mga patay. Itinatanim na may kasiraan; binubuhay na maguli na walang kasiraan;

43 Itinatanim na may pagkasiphayo; binubuhay na maguli na may kaluwalhatian: itinatanim na may kahinaan; binubuhay na maguli na may kapangyarihan:

44 Itinatanim na may katawang ukol sa lupa; binubuhay na maguli na katawang ukol sa espiritu. Kung may katawang ukol sa lupa ay may katawang ukol sa espiritu naman.

45 Gayon din naman nasusulat, Ang unang taong si Adam ay naging kaluluwang buhay. Ang huling Adam ay naging espiritung nagbibigay buhay.

46 Bagaman ang ukol sa espiritu ay hindi siyang una, kundi ang ukol sa lupa: pagkatapos ang ukol sa espiritu.

47 Ang unang tao ay taga lupa na ukol sa lupa: ang ikalawang tao ay taga langit.

48 Kung ano ang ukol sa lupa, ay gayon din naman silang mga taga lupa: at kung ano ang ukol sa langit ay gayon din naman silang taga langit.

49 At kung paanong tinaglay natin ang larawang ukol sa lupa, ay tataglayin din naman natin ang larawang ukol sa langit.

50 Sinasabi ko nga ito, mga kapatid, na ang laman at ang dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Dios; ni ang kasiraan ay magmamana ng walang kasiraan.

51 Narito, sinasaysay ko sa inyo ang isang hiwaga: hindi tayong lahat ay mangatutulog, nguni't tayong lahat ay babaguhin,

52 Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng pakakak: sapagka't tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo'y babaguhin.

53 Sapagka't kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.

54 Datapuwa't pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan.

55 Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo?

56 Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan:

57 Datapuwa't salamat sa Dios, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.

58 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal, kayo'y magsitatag, huwag makilos, na laging sumasagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.

1 Mga Taga-Corinto 16

1 Ngayon tungkol sa ambagan sa mga banal, ay gawin din naman ninyong gaya ng iniutos ko sa mga iglesia ng Galacia.

2 Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa't isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan sa pagpariyan ko.

3 At pagdating ko, ang sinomang inyong mamagalingin, ay sila ang aking susuguin na may mga sulat upang makapagdala ng inyong abuloy sa Jerusalem:

4 At kung nararapat na ako naman ay pumaroon, sila'y isasama ko.

5 Nguni't ako'y paririyan sa inyo, pagkaraan ko sa Macedonia; sapagka't magdaraan ako sa Macedonia;

6 Datapuwa't marahil ako'y matitira sa inyo o makikisama sa inyo sa taginaw, upang ako'y tulungan ninyo sa aking paglalakbay saan man ako pumaroon.

7 Sapagka't hindi ko ibig na kayo'y makita ngayon sa paglalakbay; sapagka't inaasahan kong ako'y makikisama sa inyong kaunting panahon, kung itutulot ng Panginoon.

8 Datapuwa't ako'y titigil sa Efeso hanggang sa Pentecostes;

9 Sapagka't sa akin ay nabuksan ang isang pintuang malaki at mapapakinabangan, at marami ang mga kaaway.

10 Ngayon kung dumating si Timoteo, ingatan ninyo na siya'y mapasainyo na walang pangamba; sapagka't ginagawa niya ang gawain ng Panginoon, na gaya ko rin naman:

11 Sinoman nga ay huwag humamak sa kaniya. Kundi tulungan ninyo siyang payapa sa kaniyang paglalakbay, upang siya'y makaparito sa akin: sapagka't inaasahan ko siya'y kasama ng mga kapatid.

12 Nguni't tungkol sa kapatid na si Apolos, ay ipinamanhik ko sa kaniyang malabis na siya'y pumariyan sa inyong kasama ng mga kapatid: at sa anomang paraan ay hindi niya kalooban na pumariyan ngayon; nguni't paririyan pagkakaroon niya ng panahon.

13 Magsipagingat kayo, mangagpakatibay kayo sa pananampalataya, kayo'y mangagpakalalake, kayo'y mangagpakalakas.

14 Gawin ninyo sa pagibig ang lahat ninyong ginagawa.

15 Ipinamamanhik ko nga sa inyo, mga kapatid (nalalaman ninyo na ang sangbahayan ni Estefanas ay siyang pangunahing bunga ng Acaya, at nangagsitalaga sa paglilingkod sa mga banal),

16 Na kayo'y pasakop naman sa mga gayon, at sa bawa't tumutulong sa gawa at nagpapagal.

17 At ikinagagalak ko ang pagdating ni Estefanas at ni Fortunato at ni Acaico: sapagka't ang kakulangan ninyo ay pinunan nila.

18 Sapagka't inaliw nila ang aking espiritu at ang inyo: magsikilala nga kayo sa mga gayon.

19 Binabati kayo ng mga iglesia sa Asia. Kayo'y binabating malabis sa Panginoon ni Aquila at ni Prisca pati ng iglesiang nasa kanilang bahay.

20 Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Kayo'y mangagbatian ng halik na banal.

21 Ang bati ko, ni Pablo na sinulat ng aking sariling kamay.

22 Kung ang sinoman ay hindi umiibig sa Panginoon, ay maging takuwil siya. Maranatha.

23 Ang biyaya ng Panginoong Jesucristo ay sumainyo nawa.

24 Ang aking pagibig kay Cristo Jesus ay sumainyo nawang lahat. Siya nawa.