Steg _9713

Studie

     

Isaias 9:13-21

13 Gayon ma'y ang bayan ay hindi nagbalik-loob sa kaniya na sumakit sa kanila, o hinanap man nila ang Panginoon ng mga hukbo.

14 Kaya't puputulin ng Panginoon sa Israel ang ulo't buntot, ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw.

15 Ang matanda at ang marangal na tao, siyang ulo; at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan, siyang buntot.

16 Sapagka't silang nagsisipatnubay ng bayang ito ay siyang nangagliligaw; at silang pinapatnubayan ay nangapapahamak.

17 Kaya't ang Panginoon ay hindi magagalak sa kanilang mga binata, ni mahahabag man sa kanilang mga ulila at mga babaing bao: sapagka't bawa't isa ay marumi at manggagawa ng kasamaan, at bawa't bibig ay nagsasalita ng kamangmangan. Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

18 Sapagka't ang kasamaan ay sumusunog na gaya ng apoy; pumupugnaw ng mga dawag at mga tinikan: oo, nagaalab na sa siitan sa gubat, at umiilanglang na paitaas sa mga masinsing ulap na usok.

19 Sa poot ng Panginoon ng mga hukbo ay nasusunog ang lupain: ang bayan naman ay gaya ng panggatong sa apoy; walang taong mahahabag sa kaniyang kapatid.

20 At isa'y susunggab ng kanang kamay, at magugutom; at kakain ng kaliwa, at hindi sila mabubusog: sila'y magsisikain bawa't isa ng laman ng kaniyang sariling bisig:

21 Ang Manases, ay kakanin ang Ephraim; at ang Ephraim, ay ang Manases: at sila kapuwa ay magiging laban sa Juda. Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

Isaias 10

1 Sa aba nila na nagpapasiya ng mga likong pasiya, at ng mga manunulat na sumusulat ng mga kasuwailan:

2 Upang iligaw sa kahatulan ang mapagkailangan, at upang alisin ang katuwiran ng dukha ng aking bayan, upang ang mga babaing bao ay maging kanilang samsam, at upang kanilang gawing kanilang huli ang mga ulila!

3 At ano ang inyong gagawin sa araw ng pagdalaw, at sa kagibaan na manggagaling sa malayo? sa kanino kayo magsisitakas upang kayo'y tulungan? at saan ninyo iiwan ang inyong kaluwalhatian?

4 Sila'y magsisiyukod na gaya ng mga bilanggo, at mangabubuwal sa bunton ng mga patay. Sa lahat ng ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

5 Hoy, taga Asiria, na pamalo ng aking galit, siyang tungkod na kasangkapan ng aking pag-iinit.

6 Aking susuguin siya laban sa maruming bansa, at laban sa bayan na aking kinapopootan ay pagbibilinan ko siya, upang manamsam, at upang manunggab, at yapakan sila na parang putik ng mga lansangan.

7 Gayon ma'y hindi niya inaakalang gayon, o iniisip mang gayon ng kaniyang puso; kundi ang nasa kaniyang puso ay manggiba, at manglipol ng mga bansa na hindi kakaunti.

8 Sapagka't kaniyang sinasabi, Hindi baga ang aking mga pangulo ay hari silang lahat?

9 Hindi baga ang calno ay gaya ng Carchemis? hindi ba ang Hamath ay gaya ng Arphad? hindi ba ang Samaria ay gaya ng Damasco?

10 Kung paanong nakasumpong ang aking kamay ng mga kaharian ng mga diosdiosan, na ang mga larawan nilang inanyuan ay mga higit ng dami kay sa Jerusalem at sa Samaria;

11 Hindi ko baga gagawing gayon sa Jerusalem at sa kaniyang mga diosdiosan, ang gaya ng ginawa ko sa Samaria at sa kaniyang mga diosdiosan?

12 Kaya't mangyayari, na pagka naisagawa ng Panginoon ang buo niyang gawain sa bundok ng Sion at sa Jerusalem, aking parurusahan ang kagagawan ng mapagmalaking loob na hari sa Asiria, at ang kaluwalhatian ng kaniyang mga mapagmataas na tingin.

13 Sapagka't kaniyang sinabi, Aking ginawa ito sa kalakasan ng aking kamay at sa aking karunungan; sapagka't ako'y mabait: at aking binago ang mga hangganan ng mga tao, at ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan, at parang matapang na lalake na ibinaba ko silang nangakaupo sa mga luklukan:

14 At nasumpungan ng aking kamay na parang pugad ang mga kayamanan ng mga tao; at ako'y namulot sa buong lupa na parang namumulot ng mga itlog na napabayaan: at walang magkilos ng pakpak, o magbuka ng bibig o sumiyap.

15 Magmamapuri ba ang palakol laban sa nagpuputol niyaon? Nakapagmamalaki ba ang lagari laban sa humahawak niyaon? gaya ng kung ang pamalo ay makapagpapanginig sa kanila na nagtataas niyaon, o gaya ng kung ang tungkod ay magtataas sa tao na hindi kahoy.

16 Kaya't pangangayayatin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, ang kaniyang mga mataba; at sa ilalim ng kaniyang kaluwalhatian ay magkakaroon ng pagniningas na gaya ng ningas na apoy.

17 At ang liwanag ng Israel ay magiging pinakaapoy, at ang kaniyang Banal ay pinakaliyab: at magniningas at susupukin ang kaniyang mga tinikan at mga dawag sa isang araw.

18 At kaniyang pupugnawin ang kaluwalhatian ng kaniyang gubat, at ng kaniyang pinakikinabangang bukid, ang kaluluwa at gayon din ang katawan: at magiging gaya ng kung nanglulupaypay ang may dala ng watawat.

19 At ang nalabi sa mga punong kahoy ng kaniyang gubat ay mangangaunti, na anopat mabibilang ng bata.

20 At mangyayari sa araw na yaon, na ang nalabi sa Israel, at ang nangakatanan sa sangbahayan ni Jacob, hindi na titiwala pa uli sa kaniya na sumakit sa kanila; kundi titiwala sa Panginoon, sa Banal ng Israel, sa katotohanan.

21 Isang nalabi ay manunumbalik, sa makatuwid baga'y ang nalabi sa Jacob, sa makapangyarihang Dios.

22 Sapagka't bagaman ang iyong bayang Israel ay magiging parang buhangin sa dagat, ang isang nalabi lamang sa kanila ang manunumbalik: ang pagkalipol ay naipasiya, na magtataglay ng katuwiran.

23 Sapagka't ang kagibaan, at ang ipinasiya, gagawin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, sa gitna ng buong lupa.

24 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, Oh bayan kong tumatahan sa Sion, huwag kang matakot sa taga Asiria: bagaman ikaw ay sinaktan niya ng pamalo at nagtaas ng kaniyang tungkod laban sa iyo, ayon sa paraan ng Egipto.

25 Sapagka't sangdali pa, at ang pagkagalit ay magaganap, at ang aking galit, sa kanilang ikamamatay.

26 At ibabangon ng Panginoon ng mga hukbo, ang kasakunaan laban sa kaniya, na gaya ng pagpatay sa Madian sa bato ng Oreb: at ang kaniyang panghampas ay malalagay sa dagat, at kaniyang itataas ng ayon sa paraan ng Egipto.

27 At mangyayari sa araw na yaon, na ang atang niya ay mahihiwalay sa iyong balikat, at ang kaniyang ipinasan sa iyong leeg, at ang ipinasan ay malalagpak dahil sa pinahiran.

28 Siya'y dumating sa Ajad, siya'y nagdaan sa Migron; sa Michmas inilalapag niya ang kaniyang mga daladalahan:

29 Sila'y nangagdaraan sa landas; sila'y nagsituloy na nangagpahinga sa Geba: ang Rama ay nanginginig; ang Gabaa ni Saul ay tumakas.

30 Humiyaw kang malakas ng iyong tinig, Oh anak na babae ng Galim! duminig ka, Oh Lais! Oh ikaw na kaawaawang Anathoth!

31 Madmena ay palaboy; ang mga nananahan sa Gebim ay nagtitipon upang magsitakas.

32 Sa araw ding ito ay titigil siya sa Nob: kaniyang iniuunat ang kaniyang kamay sa bundok ng anak na babae ng Sion, na burol ng Jerusalem.

33 Narito, puputulin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, na kakilakilabot ang mga sanga: at ang mga mataas sa anyo ay ibubuwal, at ang mapagmataas ay ibababa.

34 At kaniyang puputulin ang mga siitan ng gubat sa pamamagitan ng bakal, at ang Libano ay mawawasak sa pamamagitan ng isang makapangyarihan.

Isaias 11

1 At may lalabas na usbong sa puno ni Isai, at isang sanga mula sa kaniyang mga ugat ay magbubunga:

2 At ang Espiritu ng Panginoon ay sasa kaniya, ang diwa ng karunungan at ng kaunawaan, ang diwa ng payo at ng katibayan, ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;

3 At ang kaniyang kaluguran ay magiging sa pagkatakot sa Panginoon: at hindi siya hahatol ng ayon sa paningin ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ng ayon sa pakinig ng kaniyang mga tainga:

4 Kundi hahatol siya ng katuwiran sa dukha, at sasaway na may karampatan dahil sa mga maamo sa lupa: at sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kaniyang bibig, at ng hinga ng kaniyang mga labi ay kaniyang papatayin ang masama.

5 At katuwiran ang magiging bigkis ng kaniyang baywang, at pagtatapat ang pamigkis ng kaniyang mga balakang.

6 At ang lobo ay tatahang kasama ng kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing; at ang guya, at ang batang leon, at ang patabain na magkakasama; at papatnubayan sila ng munting bata.

7 At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping: at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.

8 At ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas, at isusuot ng batang kahihiwalay sa suso ang kaniyang kamay sa lungga ng ulupong.

9 Hindi sila magsisipanakit o magsisipanira man sa aking buong banal na bundok: sapagka't ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon, gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.

10 At mangyayari, sa araw na yaon na ang angkan ni Isai, na tumatayong pinakawatawat ng mga bayan, hahanapin ng mga bansa; at ang kaniyang pahingahang dako ay magiging maluwalhati.

11 At mangyayari, sa araw na yaon, na ilalapag ng Panginoon uli ang kaniyang kamay na ikalawa upang mabawi ang nalabi sa kaniyang bayan na malalabi, mula sa Asiria, at mula sa Egipto, at mula sa Patros, at mula sa Cus, at mula sa Elam, at mula sa Sinar, at mula sa Amath, at mula sa mga pulo ng dagat.

12 At siya'y maglalagay ng pinakawatawat sa mga bansa, at titipunin niya ang mga tapon ng Israel, at pipisanin ang mga nangalat ng Juda mula sa apat na sulok ng lupa.

13 Ang inggit naman ng Ephraim ay maaalis, at ang mga lumiligalig ng Juda ay mahihiwalay: ang Ephraim ay hindi maiinggit sa Juda, at ang Juda ay hindi liligalig sa Ephraim.

14 At sila'y lulusob sa mga Filisteo sa kalunuran; magkasamang sasamsam sila sa mga anak ng silanganan: kanilang iuunat ang kanilang kamay sa Edom at sa Moab; at susundin sila ng mga anak ni Ammon.

15 At lubos na sisirain ng Panginoon ang look ng dagat ng Egipto; at iwawaswas ang kaniyang kamay sa Ilog ng kaniyang malakas na hangin, at papagpipituhing batis, at palalakarin ang mga tao na hindi basa ang mga paa.

16 At magkakaroon ng isang lansangan sa nalabi sa kaniyang bayan, na malalabi, mula sa Asiria; gaya ng nagkaroon sa Israel ng araw na siya'y umahon mula sa lupain ng Egipto.

Isaias 12

1 At sa araw na yaon ay iyong sasabihin, Ako'y pasasalamat sa iyo, Oh Panginoon; sapagka't bagaman ikaw ay nagalit sa akin ang iyong galit ay napawi, at iyong inaaliw ako.

2 Narito, Dios ay aking kaligtasan; ako'y titiwala, at hindi ako matatakot: sapagka't ang Panginoon si Jehova ay aking kalakasan at awit; at siya'y naging aking kaligtasan.

3 Kaya't kayo'y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan.

4 At sa araw na yao'y inyong sasabihin, Mangagpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kaniyang pangalan, ipahayag ninyo ang kaniyang mga gawa sa mga bayan, sabihin ninyo na ang kaniyang pangalan ay marangal.

5 Magsiawit kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y gumawa ng mga marilag na bagay: ipaalam ito sa buong lupa.

6 Humiyaw ka ng malakas at sumigaw ka, ikaw na nananahan sa Sion: sapagka't dakila ang Banal ng Israel sa gitna mo.

Isaias 13:1-16

1 Ang hula tungkol sa Babilonia na nakita ni Isaias na anak ni Amoz.

2 Kayo'y mangaglagay ng isang watawa't sa bundok, na walang punong kahoy, mangaglakas kayo ng tinig sa kanila, inyong senyasan ng kamay, upang sila'y magsipasok sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao.

3 Aking inutusan ang aking mga itinalaga, oo, aking tinawag ang aking mga makapangyarihang lalake dahil sa aking galit, sa makatuwid baga'y ang nangagagalak sa aking kamahalan.

4 Ang ingay ng karamihan sa mga bundok, gaya ng malaking bayan: ang ingay ng kagulo ng mga kaharian ng mga bansa na nagpipisan! pinipisan ng Panginoon ng mga hukbo ang hukbo ukol sa pagbabaka.

5 Sila'y nangagmumula sa malayong lupain, mula sa kaduluduluhang bahagi ng langit, sa makatuwid baga'y ang Panginoon, at ang mga almas ng kaniyang galit, upang gibain ang buong lupain.

6 Magsiangal kayo; sapagka't ang araw ng Panginoon ay malapit na; darating na pinaka paggiba na mula sa Makapangyarihan sa lahat.

7 Kaya't lahat ng kamay ay manghihina, at bawa't puso ng tao ay manglulumo:

8 At sila'y manglulupaypay; mga pagdaramdam at mga kapanglawan ay dadanasin nila; sila'y mangaghihirap na gaya ng babae sa pagdaramdam: mangagkakatigilan; ang kanilang mga mukha ay magiging parang liyab.

9 Narito, ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, mabagsik, na may poot at mabangis na galit; upang gawin kagibaan ang lupa, at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyaon.

10 Sapagka't ang mga bituin ng langit at ang mga gayak niyaon, hindi magbibigay ng kanilang liwanag: ang araw ay magdidilim sa kaniyang pagsikat, at hindi pasisilangin ng buwan ang kaniyang liwanag.

11 At aking parurusahan ang sanglibutan dahil sa kanilang kasamaan, at ang mga masama dahil sa kanilang kabalakyutan; at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo, at aking ibababa ang kapalaluan ng kakilakilabot.

12 At aking gagawin ang isang lalake ay maging mahalaga kay sa dalisay na ginto, ang tao na higit kay sa dalisay na ginto ng Ophir.

13 Kaya't aking panginginigin ang mga langit, at ang lupa ay yayanigin mula sa kinaroroonan sa poot ng Panginoon ng mga hukbo, at sa kaarawan ng kaniyang mabangis na galit,

14 At mangyayari, na kung paano ang usang hinahabol, at kung paano ang mga tupa na walang pumisan, ay magsisibalik sila bawa't isa sa kaniyang sariling bayan, at tatakas bawa't isa sa kaniyang sariling lupain.

15 Bawa't masusumpungan ay palalagpasan; at bawa't nahuli ay mabubuwal sa tabak.

16 Ang kanilang mga sanggol ay pagluluraylurayin sa harap ng kanilang mga mata; ang kanilang mga bahay ay sasamsaman, at ang kanilang mga asawa ay dadahasin.