Steg _9713

Studie

     

2 Mga Taga-Corinto 3

1 Pinasisimulan baga naming muli na ipagkapuri ang aming sarili? o kami baga ay nangangailangan gaya ng iba, ng mga sulat na papuri sa inyo, o mula sa inyo?

2 Kayo ay ang aming sulat, na nasusulat sa aming mga puso, nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao;

3 Yamang nahahayag na kayo'y sulat ni Cristo, na pinangasiwaan namin, hindi isinulat ng tinta, kundi ng Espiritu, ng Dios na buhay, hindi sa mga tapyas ng bato, kundi sa mga tapyas ng pusong laman.

4 At ang gayong pagkakatiwala sa Dios ay taglay namin sa pamamagitan ni Cristo:

5 Hindi sa kami ay sapat na sa aming sarili, upang isiping ang anoman ay mula sa ganang aming sarili; kundi ang aming kasapatan ay mula sa Dios;

6 Na sa amin naman ay nagpapaging sapat na mga ministro ng bagong tipan; hindi ng titik, kundi ng espiritu: sapagka't ang titik ay pumapatay, datapuwa't ang espiritu ay nagbibigay ng buhay.

7 Nguni't kung ang pangangasiwa ng kamatayan, na nasusulat, at nauukit sa mga bato, ay nangyaring may kaluwalhatian, ano pa't ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises, dahil sa kaluwalhatian ng kaniyang mukha; na ang kaluwalhatiang ito'y lumilipas:

8 Paanong hindi lalong magkakaroon ng kaluwalhatian ang pangangasiwa ng espiritu?

9 Sapagka't kung ang pangangasiwa ng kahatulan ay may kaluwalhatian, ay bagkus pa ngang higit na sagana sa kaluwalhatian ang pangasiwang ukol sa katuwiran.

10 Sapagka't katotohanang ang pinaluwalhati ay hindi pinaluwalhati sa bagay na ito, ng dahil sa kaluwalhatiang sumasagana.

11 Sapagka't kung ang lumilipas ay may kaluwalhatian, ay lalo pang nananatili ay nasa kaluwalhatian.

12 Yaman ngang mayroong gayong pagasa ay ginagamit namin ang buong katapangan ng pananalita,

13 At hindi gaya ni Moises, na nagtalukbong ng kaniyang mukha upang ang mga anak ni Israel ay huwag magsititig sa katapusan niyaong lumilipas:

14 Datapuwa't ang kanilang mga pagiisip ay nagsitigas: sapagka't hanggang sa araw na ito, pagka binabasa ang matandang tipan, ang talukbong ding iyon ay nananatili na hindi itinataas, na ito'y naalis sa pamamagitan ni Cristo.

15 Datapuwa't hanggang sa araw na ito, kailan ma't binabasa ang mga aklat ni Moises, ay may isang talukbong na nakatakip sa kanilang puso.

16 Nguni't kailan ma't magbalik sa Panginoon, ay maaalis ang talukbong.

17 Ngayon ang Panginoon ay siyang Espiritu: at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan.

18 Datapuwa't tayong lahat, na walang talukbong ang mukha na tumitinging gaya ng sa isang salamin sa kaluwalhatian ng Panginoon, ay nababago tayo sa gayon ding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian, na gaya ng mula sa Panginoon na Espiritu.

2 Mga Taga-Corinto 4

1 Kaya nga sa pagkakaroon namin ng ministeriong ito, ayon sa aming tinanggap na kaawaan, ay hindi kami nanghihina.

2 Bagkus tinanggihan namin ang mga kahiyahiyang bagay na nangatatago, na hindi kami nagsisilakad sa katusuhan, ni nagsisigamit man na may daya ng mga salita ng Dios; kundi sa pagpapahayag ng katotohanan ay ipinagtatagubilin ang aming sarili sa bawa't budhi ng mga tao sa harapan ng Dios.

3 At kung ang aming evangelio ay natatalukbungan pa, ay may talukbong sa mga napapahamak:

4 Na binulag ng dios ng sanglibutang ito ang mga pagiisip ng mga hindi nagsisisampalataya, upang sa kanila'y huwag sumilang ang kaliwanagan ng evangelio ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Dios.

5 Sapagka't hindi namin ipinangangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus na Panginoon, at kami ay gaya ng inyong mga alipin dahil kay Cristo.

6 Yamang ang Dios, ang nagsabi, Magniningning ang ilaw sa kadiliman, na siyang nagningning sa aming mga puso, upang magbigay ng liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Dios sa mukha ni Jesucristo.

7 Nguni't taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang-lupa, upang ang dakilang kalakhan ng kapangyarihan ay maging mula sa Dios, at huwag mula sa aming sarili;

8 Sa magkabikabila ay nangagigipit kami, gayon ma'y hindi nangaghihinagpis; nangatitilihan, gayon ma'y hindi nangawawalan ng pagasa;

9 Pinaguusig, gayon ma'y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayon ma'y hindi nangasisira;

10 Laging saan ma'y tinataglay sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag naman sa aming katawan.

11 Sapagka't kaming nangabubuhay ay laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay naman ni Jesus ay mahayag sa aming lamang may kamatayan.

12 Kaya nga ang kamatayan ay gumagawa sa amin, datapuwa't ang buhay ay sa inyo.

13 Nguni't yamang mayroong gayon ding espiritu ng pananampalataya, na gaya ng nasusulat, Sumampalataya ako, at kaya't nagsalita ako; kami naman ay nagsisisampalataya, at kaya't kami naman ay nangagsasalita;

14 Na aming nalalaman na ang bumuhay na maguli sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay na maguli sa amin na kalakip ni Jesus, at ihaharap kaming kasama ninyo.

15 Sapagka't ang lahat ng mga bagay ay dahil sa inyo, upang ang biyaya na pinarami sa pamamagitan ng marami, ay siyang magpasagana ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Dios.

16 Kaya nga hindi kami nanghihimagod; bagama't ang aming pagkataong labas ay pahina, nguni't ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw.

17 Sapagka't ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo't lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan;

18 Samantalang kami ay nagsisitingin hindi sa mga bagay na nangakikita, kundi sa mga bagay na hindi nangakikita: sapagka't ang mga bagay na nangakikita ay may katapusan; datapuwa't ang mga bagay na hindi nangakikita ay walang hanggan.

2 Mga Taga-Corinto 5

1 Sapagka't nalalaman namin na kung masira ang aming bahay na tabernakulong ukol sa lupa, ay mayroong kaming isang gusaling mula sa Dios, bahay na hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan, sa sangkalangitan.

2 Sapagka't tunay na sa ganito kami ay nagsisihibik, na nangagnanasang mabihisan kami ng aming tahanang mula sa langit:

3 Na kung mabihisan nga kami niyaon ay hindi kami mangasusumpungang hubad.

4 Sapagka't tunay na kaming nangasa tabernakulong ito ay nagsisihibik, na nangabibigatan; hindi sa ninanasa naming maging hubad, kundi ninanasa naming kami'y bihisan, upang ang may kamatayan ay lamunin ng buhay.

5 Ngayon ang gumawa sa amin ng bagay ding ito ay ang Dios, na nagbigay sa amin ng patotoo ng Espiritu.

6 Kaya nga kami'y laging malakas ang loob, at nalalaman namin na, samantalang kami ay nangasa tahanan sa katawan, ay wala kami sa harapan ng Panginoon.

7 (Sapagka't nagsisilakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin);

8 Na malakas ang loob namin, ang sabi ko, at ibig pa nga namin ang mawala sa katawan, at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon.

9 Kaya't ang amin namang pinagsisikapan, maging sa tahanan man o di man, ay maging kalugodlugod kami sa kaniya.

10 Sapagka't tayong lahat ay kinakailangang mahayag sa harapan ng hukuman ni Cristo; upang tumanggap ang bawa't isa ng mga bagay na ginawa sa pamamagitan ng katawan, ayon sa ginawa niya, maging mabuti o masama.

11 Yamang nalalaman nga ang pagkatakot sa Panginoon, ay aming hinihikayat ang mga tao, nguni't kami ay nangahahayag sa Dios; at inaasahan ko na kami ay nangahayag din naman sa inyong mga budhi.

12 Hindi namin ipinagkakapuring muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng dahilan na ikaluluwalhati ninyo dahil sa amin, upang kayo'y mangagkaroon ng maisasagot sa mga nagpapaluwalhati sa anyo, at hindi sa puso.

13 Sapagka't kung kami ay maging mga ulol, ay para sa Dios; o maging kami ay mahinahon ang pagiisip, ay para sa inyo.

14 Sapagka't ang pagibig ni Cristo ay pumipilit sa amin; sapagka't ipinasisiya namin ang ganito, na kung ang isa ay namatay dahil sa lahat, kung gayo'y lahat ay nangamatay;

15 At siya'y namatay dahil sa lahat, upang ang nangabubuhay ay huwag nang mabuhay pa sa kanilang sarili, kundi doon sa namatay dahil sa kanila at muling nabuhay.

16 Kaya nga mula ngayon ay hindi namin nakikilala ang sinoman ayon sa laman: bagama't nakilala namin si Cristo ayon sa laman, nguni't sa ngayo'y hindi na namin nakikilala siyang gayon.

17 Kaya't kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago.

18 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay pawang sa Dios, na pinakipagkasundo tayo sa kaniya rin sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay sa amin ang ministerio sa pagkakasundo;

19 Sa makatuwid baga'y, na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pagkakasundo.

20 Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios.

21 Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y katuwiran ng Dios.

2 Mga Taga-Corinto 6

1 At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios na walang kabuluhan.

2 (Sapagka't sinasabi niya, Sa panahong ukol kita'y pinakinggan, At sa araw ng pagliligtas kita'y sinaklolohan: Narito, ngayon ang panahong ukol; narito, ngayon ang araw ng kaligtasan):

3 Na di nagbibigay ng kadahilanang ikatitisod sa anoman, upang ang aming ministerio ay huwag mapulaan;

4 Datapuwa't sa lahat ng mga bagay ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili, gaya ng mga ministro ng Dios, sa maraming pagtitiis, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga paghihinagpis,

5 Sa mga latay, sa mga pagkabilanggo, sa mga kaguluhan, sa mga gawa, sa mga pagpupuyat, sa mga pagaayuno;

6 Sa kalinisan, sa kaalaman, sa pagpapahinuhod, sa kagandahang-loob, sa Espiritu Santo, sa pagibig na hindi pakunwari,

7 Sa salita ng katotohanan, sa kapangyarihan ng Dios; sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanan at sa kaliwa,

8 Sa pamamagitan ng karangalan at ng kasiraang puri, sa pamamagitan ng masamang ulat at ng mabuting ulat; gaya ng mga magdaraya gayon ma'y mga mapagtapat;

9 Waring hindi mga kilala, gayon ma'y mga kilalang mabuti; tulad sa nangaghihingalo, at narito, kami ay nangabubuhay; gaya ng mga pinarurusahan, at hindi pinapatay;

10 Tulad sa nangalulungkot, gayon ma'y laging nangagagalak; tulad sa mga dukha, gayon ma'y nangagpapayaman sa marami; gaya ng walang anomang pag-aari, gayon ma'y mayroon ng lahat ng mga bagay.

11 Ang aming bibig ay bukas para sa inyo, Oh mga taga Corinto, ang aming puso ay lumalaki.

12 Hindi kayo nangakasisikip sa amin, kundi nangasisikipan kayo sa inyong sariling pagibig.

13 Kaya nga bilang ganti sa gayong bagay (nangungusap akong gaya sa aking mga anak), ay mangagsilaki naman kayo.

14 Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di nagsisisampalataya: sapagka't anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? o anong pakikisama mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman?

15 At anong pakikipagkasundo mayroon si Cristo kay Belial? o anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di sumasampalataya?

16 At anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Dios sa mga diosdiosan? sapagka't tayo'y templo ng Dios na buhay; gaya ng sabi ng Dios, Mananahan ako sa kanila, at lalakad ako sa kanila; at ako'y magiging kanilang Dios, at sila'y magiging aking bayan.

17 Kaya nga, Magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo, sabi ng Panginoon, At huwag kayong magsihipo ng mga bagay na marumi, At kayo'y aking tatanggapin,

18 At ako sa inyo'y magiging ama, At sa akin kayo'y magiging mga anak na lalake at babae, sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.

2 Mga Taga-Corinto 7

1 Yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga minamahal, ay magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pakasakdalin ang kabanalan sa takot sa Dios.

2 Buksan ninyo sa amin ang inyong mga puso: hindi namin inapi ang sinoman, hindi namin ipinasama ang sinoman, hindi namin dinaya ang sinoman.

3 Hindi ko sinasabi ito upang kayo'y hatulan: sapagka't sinabi ko na nang una, na kayo'y nasa aming mga puso upang magkasamang mamatay at magkasamang mabuhay.

4 Malaki ang katapangan ko ng pagsasalita sa inyo, malaki ang aking kapurihan dahil sa inyo: ako'y puspos ng kaaliwan, nananagana sa katuwaan sa lahat ng aming kapighatian.

5 Sapagka't nagsidating man kami sa Macedonia ang aming laman ay hindi nagkaroon ng katiwasayan, kundi sa lahat kami ay pinipighati; sa labas ay mga pagbabaka, sa loob ay mga katakutan.

6 Gayon man ang Dios na umaaliw sa mabababang-loob, ay kami'y inaliw sa pamamagitan ng pagdating ni Tito;

7 At hindi lamang sa kaniyang pagdating, kundi naman sa kaaliwan ng inialiw sa kaniya dahil sa inyo, nang sa amin ay ibalita niya ang inyong pananabik, ang inyong kalumbayan, ang inyong pagmamalasakit dahil sa akin; ano pa't ako'y lubha pang nagalak.

8 Sapagka't bagaman ako'y nakapagpalumbay sa inyo sa aking sulat, ay hindi ko dinaramdam: bagama't aking dinamdam (sapagka't akin ngang natatalastas na ang sulat na yaon ay nakapagpalumbay sa inyo, bagama't sa maikling panahon lamang),

9 Ngayo'y nagagalak ako, hindi dahil sa inyong pagkalumbay, kundi dahil sa inyong mga pagkalumbay na ikapagsisisi; sapagka't kayo'y pinalumbay sa paraang ukol sa Dios, upang sa anoman ay huwag kayong mangagkaroon ng kalugihan dahil sa amin.

10 Sapagka't ang kalumbayang mula sa Dios, ay gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas, na hindi ikalulungkot: datapuwa't ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay ikamamatay.

11 Narito nga, ito rin ang inyong ikinalulumbay na mula sa Dios, gaanong sikap na pagiingat ang sa inyo'y ginawa, oo't gaanong pagtatanggol ng inyong sarili, oo't gaanong pagkagalit, oo't gaanong katakutan, oo't gaanong pananabik, oo't gaanong pagmamalasakit, oo't gaanong paghihiganti! Sa lahat ay napakita kayong dalisay sa bagay na ito.

12 Kaya nga, bagama't ako'y sumulat sa inyo, ay hindi dahil doon sa gumawa ng kamalian, ni dahil doon sa nagbata ng kamalian, kundi upang maihayag sa inyo ang inyong masikap na pagiingat sa amin sa harapan ng Dios.

13 Kaya't kami'y pawang nangaaliw: at sa aming pagkaaliw ay bagkus pang nangagalak kami dahil sa kagalakan ni Tito, sapagka't ang kaniyang espiritu ay inaliw ninyong lahat.

14 Sapagka't kung ako ay nagmapuri ng anoman sa kaniya dahil sa inyo, ay hindi ako nahiya; datapuwa't kung paanong sinabi namin ang lahat ng mga bagay sa inyo sa katotohanan, ay gayon din naman ang aming pagmamapuri na ginawa ko sa harap ni Tito ay nasumpungang totoo.

15 At ang kaniyang pagibig ay lubha pang nanagana sa inyo, samantalang naaalaala niya ang pagtalima ninyong lahat, kung paanong siya'y tinanggap ninyo na may takot at panginginig.

16 Ako'y nagagalak na sa lahat ng mga bagay ay mayroon akong lubos na pagtitiwala sa inyo.