Steg _9713

Studie

     

Numero 24

1 At nang makita ni Balaam na kinalugdan ng Panginoon na pagpalain ang Israel, ay hindi naparoon na gaya ng una na kumita ng pamahiin, kundi kaniyang itinitig ang kaniyang mukha sa dakong ilang.

2 At itinaas ni Balaam ang kaniyang mga mata, at kaniyang nakita ang Israel na tumatahan ayon sa kanilang mga lipi; at ang Espiritu ng Dios ay sumakaniya.

3 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Si Balaam na anak ni Beor ay nagsabi, At ang lalaking napikit ang mga mata ay nagsabi;

4 Siya'y nagsabi na nakarinig ng mga salita ng Dios, Na nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, Na nalulugmok at nakadilat ang kaniyang mga mata:

5 Pagka iinam ng iyong mga tolda, Oh Jacob, Ang iyong mga tabernakulo, Oh Israel!

6 Gaya ng mga libis na nalalatag, Gaya ng mga halamanan sa tabi ng ilog, Gaya ng linaloes na itinanim ng Panginoon, Gaya ng mga puno ng sedro sa siping ng tubig.

7 Tubig ay aagos mula sa kaniyang pang-igib, At ang kaniyang binhi ay matatatag sa maraming tubig, At ang kaniyang hari ay tataas ng higit kay Agag, At ang kaniyang kaharian ay mababantog.

8 Dios ang naglalabas sa kaniya sa Egipto; May lakas na gaya ng mabangis na toro: Kaniyang lalamunin ang mga bansa na kaniyang mga kaaway, At kaniyang pagwawaraywarayin ang kanilang mga buto, At palalagpasan sila ng kaniyang mga pana.

9 Siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon, At parang isang leong babae; sinong gigising sa kaniya? Pagpalain nawa yaong lahat na nagpapala sa iyo, At sumpain yaong lahat na sumusumpa sa iyo.

10 At ang galit ni Balac ay nagningas laban kay Balaam, at pinaghampas niya ang kaniyang mga kamay; at sinabi ni Balac kay Balaam, Tinawag kita upang iyong sumpain ang aking mga kaaway, at, narito, iyong binasbasan totoo sila nitong makaitlo.

11 Ngayon nga ay tumakas ka sa iyong sariling dako: aking inisip na itaas kita sa dakilang karangalan; nguni't, narito, pinigil ka ng Panginoon sa karangalan.

12 At sinabi ni Balaam kay Balac, Di ba sinalita ko rin sa iyong mga sugo na iyong sinugo sa akin, na sinasabi,

13 Kahit ibigay sa akin ni Balac ang kaniyang bahay na puno ng pilak at ginto, ay hindi ko masasalangsang ang salita ng Panginoon, na gumawa ako ng mabuti o masama sa aking sariling akala; kung ano nga ang salitain ng Panginoon, ay siya kong sasalitain?

14 At ngayon, narito, ako'y paroroon sa aking bayan: parito ka nga, at aking ipahahayag sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw.

15 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Nagsabi si Balaam na anak ni Beor, At ang lalaking napikit ang mga mata ay nagsabi;

16 Siya'y nagsabi, na nakarinig ng mga salita ng Dios, At nakaalam ng karunungan ng Kataastaasan, Na siyang nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, Na nalulugmok at nakadilat ang kaniyang mga mata:

17 Aking makikita siya, nguni't hindi ngayon; Aking mapagmamasdan siya, nguni't hindi sa malapit: Lalabas ang isang bituin sa Jacob, At may isang setro na lilitaw sa Israel, At sasaktan ang mga sulok ng Moab, At lilipulin ang lahat ng mga anak ng kaguluhan.

18 At ang Edom ay magiging pag-aari niya. Ang Seir man ay magiging pag-aari niya, na siyang dating kaniyang mga kaaway; Samantalang ang Israel ay magpapakatapang.

19 At mula sa Jacob ay magkakaroon ng isang may kapangyarihan, At gigibain niya sa bayan ang nalalabi.

20 At kaniyang minasdan ang Amalec, at ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Ang Amalec ay siyang dating panguna sa mga bansa; Nguni't ang kaniyang huling wakas ay mapupuksa.

21 At kaniyang minasdan ang Cineo, at ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Matibay ang iyong dakong tahanan, At ang iyong pugad ay nalalapag sa malaking bato.

22 Gayon ma'y mawawasak ang Cain, Hanggang sa ikaw ay madalang bihag ng Assur.

23 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Ay! sinong mabubuhay pagka ginawa ng Dios ito?

24 Datapuwa't ang mga sasakyan ay manggagaling sa baybayin ng Cittim. At kanilang pagdadalamhatiin ang Assur, at kanilang pagdadalamhatiin ang Eber, At siya man ay mapupuksa.

25 At si Balaam ay tumindig, at yumaon at bumalik sa kaniyang sariling dako: at si Balac naman ay yumaon ng kaniyang lakad.

Numero 25

1 At ang Israel ay tumahan sa Sittim, at ang bayan ay nagpasimulang magkasala ng pakikiapid sa mga anak na babae ng Moab:

2 Sapagka't kanilang tinawag ang bayan sa mga hain sa kanilang mga dios; at ang bayan ay kumain at yumukod sa kanilang mga dios.

3 At ang Israel ay nakilakip sa diosdiosang Baal-peor; at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel.

4 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ipagsama mo ang lahat ng pangulo sa bayan at bitayin mo sila sa Panginoon sa harap ng araw, upang ang maningas na galit ng Panginoon ay mapawi sa Israel.

5 At sinabi ni Moises sa mga hukom sa Israel, Patayin ng bawa't isa sa inyo yaong mga nakilakip sa diosdiosang Baal-peor.

6 At, narito, isa sa mga anak ni Israel ay naparoon at nagdala sa kaniyang mga kapatid ng isang babaing Madianita sa paningin ni Moises, at sa paningin ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel, samantalang sila'y umiiyak sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

7 At nang makita ni Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron na saserdote, ay tumindig siya sa gitna ng kapisanan, at humawak ng isang sibat sa kaniyang kamay;

8 At siya'y naparoon sa likod ng lalaking Israelita sa loob ng tolda, at kapuwa niya sinaksak, ang lalaking Israelita at ang babae sa kaniyang tiyan. Sa gayon ang salot ay natigil sa mga anak ni Israel.

9 At yaong nangamatay sa salot ay dalawang pu't apat na libo.

10 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

11 Pinawi ni Phinees na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron na saserdote, ang aking galit sa mga anak ni Israel, sa paraang siya'y nagsikap dahil sa aking pagsisikap sa kanila, na anopa't hindi ko nilipol ang mga anak ni Israel sa aking sikap.

12 Kaya't sabihin mo, Narito, ako'y nakikipagtipan sa kaniya tungkol sa kapayapaan:

13 At magiging kaniya, at sa kaniyang binhi pagkamatay niya, ang tipan ng pagkasaserdoteng walang hanggan; sapagka't siya'y nagsikap sa kaniyang Dios, at tumubos sa mga anak ni Israel.

14 Ang pangalan nga ng lalaking Israelita na napatay, na pinatay na kalakip ng babaing Madianita ay Zimri na anak ni Salu, na prinsipe sa isang sangbahayan ng mga magulang sa mga Simeonita.

15 At ang pangalan ng babaing Madianita na napatay ay Cozbi, na anak ni Zur; siya'y prinsipe sa bayan ng isang sangbahayan ng mga magulang sa Madian.

16 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

17 Bagabagin ninyo ang mga Madianita, at inyong saktan sila:

18 Sapagka't kanilang binagabag kayo ng kanilang mga lalang na kanilang ipinangdaya sa inyo sa bagay ng Peor, at sa bagay ni Cozbi, na anak na babae ng prinsipe sa Madian, na kanilang kapatid na namatay nang kaarawan ng salot dahil sa Peor.

Numero 26:1-34

1 At nangyari, pagkatapos ng salot, na sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Eleazar na anak ni Aaron na saserdote, na sinasabi,

2 Bilangin mo ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, yaong lahat na makalalabas sa Israel sa pakikibaka.

3 At si Moises at si Eleazar na saserdote ay nakipagsalitaan sa kanila sa mga kapatagan ng Moab sa siping ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,

4 Bilangin ninyo ang bayan, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises at sa mga anak ni Israel, na lumabas sa lupain ng Egipto.

5 Si Ruben ang panganay ni Israel: ang mga anak ni Ruben; kay Hanoc, ang angkan ng mga Hanocitas; kay Phallu, ang angkan ng mga Palluita:

6 Kay Hesron, ang angkan ng mga Hesronita; kay Carmi, ang angkan ng mga Carmita.

7 Ito ang mga angkan ng mga Rubenita: at yaong nangabilang sa kanila, ay apat na pu't tatlong libo at pitong daan at tatlong pu.

8 At ang mga anak ni Phallu; ay si Eliab.

9 At ang mga anak ni Eliab; ay si Nemuel, at si Dathan, at si Abiram. Ito yaong Dathan at Abiram, na tinawag sa kapisanan na siya ngang nagsilaban kay Moises at kay Aaron, sa pulutong ni Core, nang sila'y lumaban sa Panginoon;

10 At ibinuka ng lupain ang kaniyang bibig, at nilamon sila pati ni Core, nang mamatay ang pulutong na yaon; noong panahong lamunin ng apoy ang dalawang daan at limang pung tao, at sila'y naging isang tanda.

11 Gayon ma'y hindi namatay ang mga anak ni Core.

12 Ang mga anak ni Simeon ayon sa kanilang mga angkan; kay Nemuel, ang angkan ng mga Nemuelita: kay Jamin, ang angkan ng mga Jaminita: kay Jachin, ang angkan ng mga Jachinita;

13 Kay Zera, ang angkan ng mga Zeraita; kay Saul, ang angkan ng mga Saulita.

14 Ito ang mga angkan ng mga Simeonita, dalawang pu't dalawang libo at dalawang daan.

15 Ang mga anak ni Gad ayon sa kaniyang mga angkan; kay Zephon, ang angkan ng mga Zephonita; kay Aggi, ang angkan ng mga Aggita; kay Suni, ang angkan ng mga Sunita;

16 Kay Ozni, ang angkan ng mga Oznita; kay Eri, ang angkan ng mga Erita;

17 Kay Arod, ang angkan ng mga Arodita; kay Areli, ang angkan ng mga Arelita.

18 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Gad ayon sa nangabilang sa kanila apat na pung libo at limang daan.

19 Ang mga anak ni Juda, ay si Er at si Onan; at si Er at si Onan ay nangamatay sa lupain ng Canaan.

20 At ang mga anak ni Juda ayon sa kaniyang mga angkan: kay Sela, ang angkan ng mga Selaita; kay Phares, ang angkan ng mga Pharesita; kay Zera, ang angkan ng mga Zeraita.

21 At ang mga naging anak ni Phares: kay Hesron, ang angkan ng mga Hesronita; kay Hamul, ang angkan ng mga Hamulita.

22 Ito ang mga angkan ni Juda ayon sa nangabilang sa kanila, pitong pu't anim na libo at limang daan.

23 Ang mga anak ni Issachar ayon sa kanilang mga angkan: kay Thola, ang angkan ng mga Tholaita; kay Pua, ang angkan ng mga Puanita;

24 Kay Jasub, ang angkan ng mga Jasubita; kay Simron, ang angkan ng mga Simronita.

25 Ito ang mga angkan ni Issachar ayon sa nangabilang sa kanila, anim na pu't apat na libo at tatlong daan.

26 Ang mga anak ni Zabulon ayon sa kanilang mga angkan: kay Sered, ang angkan ng mga Seredita: kay Elon, ang angkan ng mga Elonita: kay Jalel, ang angkan ng mga Jalelita.

27 Ito ang mga angkan ng mga Zebulonita ayon sa nangabilang sa kanila, anim na pung libo at limang daan.

28 Ang mga anak ni Jose ayon sa kanilang mga angkan: si Manases at si Ephraim.

29 Ang mga anak ni Manases: kay Machir, ang angkan ng mga Machirita: at naging anak ni Machir si Galaad: kay Galaad, ang angkan ng mga Galaadita.

30 Ito ang mga anak ni Galaad: kay Jezer, ang angkan ng mga Jezerita: kay Helec, ang angkan ng mga Helecita;

31 At kay Asriel, ang angkan ng mga Asrielita: at kay Sechem, ang angkan ng mga Sechemita:

32 At kay Semida, ang angkan ng mga Semidaita: at kay Hepher, ang angkan ng mga Hepherita.

33 At si Salphaad na anak ni Hepher ay hindi nagkaanak ng lalake, kundi mga babae: at ang mga pangalan ng mga anak na babae ni Salphaad ay Maala, at Noa, Hogla, Milca, at Tirsa.

34 Ito ang mga angkan ni Manases; at yaong nangabilang sa kanila, ay limang pu at dalawang libo at pitong daan.