1
At pinalapit niya sa kaniya ang kaniyang labingdalawang alagad, at binigyan niya sila ng kapamahalaan laban sa mga karumaldumal na espiritu, upang mapalabas nila, at upang kanilang mapagaling ang lahat ng sarisaring sakit at ang lahat ng sarisaring karamdaman.
2
Ang mga pangalan nga ng labingdalawang apostol ay ito: Ang una'y si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kaniyang kapatid na si Juan;
3
Si Felipe, at si Bartolome; si Tomas, at si Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo at si Tadeo;
4
Si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, na siya ring sa kaniya'y nagkanulo.
5
Ang labingdalawang ito'y sinugo ni Jesus, at sila'y pinagbilinan, na sinasabi, Huwag kayong magsitungo sa alin mang daan ng mga Gentil, at huwag kayong magsipasok sa alin mang bayan ng mga taga Samaria:
6
Kundi bagkus magsiparoon kayo sa mga tupang nangawaglit sa bahay ni Israel.
7
At samantalang kayo'y nangaglalakad, ay magsipangaral kayo, na mangagsabi, Ang kaharian ng langit ay malapit na.
8
Mangagpagaling kayo ng mga may sakit, mangagpabangon kayo ng mga patay, mangaglinis kayo ng mga ketong, mangagpalabas kayo ng mga demonio: tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad.
9
Huwag kayong mangagbaon ng ginto, kahit pilak, kahit tanso sa inyong mga supot:
10
Kahit supot ng pagkain sa paglalakad, kahit dalawang tunika, kahit mga pangyapak, o tungkod: sapagka't ang manggagawa ay karapatdapat sa kaniyang pagkain.
11
At sa alin mang bayan o nayon na inyong pasukin, siyasatin ninyo kung sino roon ang karapatdapat; at magsitahan kayo roon hanggang sa kayo'y magsialis.
12
At pagpasok ninyo sa bahay, ay batiin ninyo ito.
13
At kung karapatdapat ang bahay, ay dumoon ang inyong kapayapaan: datapuwa't kung hindi karapatdapat, ay mabalik sa inyo ang kapayapaan ninyo.
14
At sinomang hindi tumanggap sa inyo, ni duminig sa inyong mga pananalita, pagalis ninyo sa bahay o bayang yaon, ay ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa.
15
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Higit na mapagpapaumanhinan ang lupa ng Sodoma at ng Gomorra sa araw ng paghuhukom, kay sa bayang yaon.
16
Narito, sinusugo ko kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo: mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati.
17
Datapuwa't mangagpakaingat kayo sa mga tao: sapagka't kayo'y ibibigay nila sa mga Sanedrin at kayo'y hahampasin sa kanilang mga sinagoga;
18
Oo at kayo'y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, sa pagpapatotoo sa kanila at sa mga Gentil.
19
Datapuwa't pagka kayo'y ibinigay nila, huwag ninyong ikabalisa kung paano o kung ano ang inyong sasabihin: sapagka't sa oras na yaon ay ipagkakaloob sa inyo ang inyong sasabihin.
20
Sapagka't hindi kayo ang mangagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang sa inyo'y magsasalita.
21
At ibibigay ng kapatid ang kapatid sa kamatayan, at ng ama ang kaniyang anak: at mangaghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at sila'y ipapapatay.
22
At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan: datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas.
23
Datapuwa't pagka kayo'y pinagusig nila sa isang bayang ito, ay magsitakas kayo tungo sa kasunod na bayan: sapagka't sa katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ninyo matatapos libutin ang mga bayan ng Israel, hanggang sa pumarito ang Anak ng tao.
24
Hindi mataas ang alagad sa kaniyang guro, ni hindi rin mataas ang alila sa kaniyang panginoon.
25
Sukat na sa alagad ang maging katulad ng kaniyang guro, at sa alila ang maging katulad ng kaniyang panginoon. Kung pinanganlan nilang Beelzebub ang panginoon ng sangbahayan, gaano pa kaya ang mga kasangbahay niya!
26
Huwag nga ninyo silang katakutan: sapagka't walang bagay na natatakpan, na hindi mahahayag; at natatago na hindi malalaman.
27
Ang sinasabi ko sa inyo sa kadiliman, ay sabihin ninyo sa kaliwanagan; at ang narinig ninyo sa bulong, ay inyong ipagsigawan sa mga bubungan.
28
At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa't hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo'y yaong makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impierno.
29
Hindi baga ipinagbibili ng isang beles ang dalawang maya? at kahit isa sa kanila'y hindi mahuhulog sa lupa kung hindi pahintulot ng inyong Ama:
30
Datapuwa't maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat.
31
Huwag nga kayong mangatakot: kayo'y lalong mahalaga kay sa maraming maya.
32
Kaya't ang bawa't kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.
33
Datapuwa't sinomang sa aki'y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.
34
Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak.
35
Sapagka't ako'y naparito upang papagalitin ang lalake laban sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyanang babae:
36
At ang magiging kaaway ng tao ay ang kaniya ring sariling kasangbahay.
37
Ang umiibig sa ama o sa ina ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.
38
At ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin, ay hindi karapatdapat sa akin.
39
Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon.
40
Ang tumatanggap sa inyo ay ako ang tinatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.
41
Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng ganti ng isang propeta: at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa pangalan ng isang taong matuwid ay tatanggap ng ganti ng isang taong matuwid.
42
At sinomang magpainom sa isa sa maliliit na ito ng kahit isang sarong tubig na malamig, dahil sa pangalang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo na hindi mawawala ang ganti sa kaniya.