Hakbang 148

pag-aaral

     

Job 20:12-29

12 Bagaman ang kasamaan ay masarap sa kaniyang bibig, bagaman kaniyang itago sa ilalim ng kaniyang dila;

13 Bagaman kaniyang patawarin, at hindi niya ito babayaan, kundi ingatan pa sa loob ng kaniyang bibig;

14 Gayon ma'y ang kaniyang pagkain ay nabago na sa kaniyang tiyan, siyang kamandag ng mga ahas sa loob niya.

15 Siya'y sumakmal ng mga kayamanan, at kaniyang mga isusuka uli: mga aalisin uli ng Dios sa kaniyang tiyan.

16 Kaniyang hihititin ang kamandag ng mga ahas; papatayin siya ng dila ng ulupong.

17 Hindi niya matitingnan ang mga ilog, ang umaagos na mga bukal ng pulot at mantekilya.

18 Na kaniyang isasauli ang kaniyang pinagpagalan, at hindi lalamunin; ayon sa pag-aari na kaniyang tinangkilik, hindi siya magagalak.

19 Sapagka't kaniyang pinighati at pinabayaan ang dukha; kaniyang kinuhang marahas ang isang bahay; at hindi niya itatayo.

20 Sapagka't hindi siya nakakilala ng katiwasayan sa loob niya, hindi siya makapagliligtas ng anoman sa kaniyang kinaluluguran.

21 Walang bagay na naiwan na hindi niya sinakmal; kaya't ang kaniyang kaginhawahan ay hindi mananatili.

22 Sa lubos niyang kasaganaan ay magigipit siya; ang kamay ng bawa't nasa karalitaan ay darating sa kaniya.

23 Pagka kaniyang bubusugin ang kaniyang tiyan, ihuhulog ng Dios ang kaniyang mabangis na poot sa kaniya. At ibubugso sa kaniya samantalang siya'y kumakain.

24 Kaniyang tatakasan ang sandatang bakal, at ang busog na tanso ay hihilagpos sa kaniya.

25 Binubunot niya ang pana, at lumalabas sa kaniyang katawan: Oo, ang makintab na talim ay lumalabas mula sa kaniyang apdo; mga kakilabutan ang sumasa kaniya.

26 Lahat na kadiliman ay nalalagay na mga pinakakayamanan niya; isang apoy na hindi hinipan ng tao ay susupok sa kaniya: susupukin niyaon ang naiwan sa kaniyang tolda.

27 Ihahayag ng mga langit ang kaniyang kasamaan, at ang lupa ay babangon laban sa kaniya.

28 Ang pakinabang ng kaniyang bahay ay yayaon, ang kaniyang mga pag-aari ay huhuho sa kaarawan ng kaniyang kapootan.

29 Ito ang bahagi ng masamang tao mula sa Dios, at ang manang takda sa kaniya ng Dios.

Job 21

1 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,

2 Pakinggan ninyong mainam ang aking pananalita; at ito'y maging inyong mga kaaliwan.

3 Pagdalitaan ninyo ako, at ako nama'y magsasalita, at pagkatapos na ako'y makapagsalita, ay manuya kayo.

4 Tungkol sa akin, ay sa tao ba ang aking daing? At bakit hindi ako maiinip?

5 Tandaan ninyo ako, at matigilan kayo. At ilagay ninyo ang inyong kamay sa inyong bibig,

6 Pagka aking naaalaala nga ay nababagabag ako, at kikilabutan ang humahawak sa aking laman.

7 Bakit nabubuhay ang masama, nagiging matanda, oo, nagiging malakas ba sa kapangyarihan?

8 Ang kanilang binhi ay natatatag nakasama nila sa kanilang paningin, at ang kanilang mga suwi ay nasa harap ng kanilang mga mata.

9 Ang kanilang mga bahay ay tiwasay na walang takot, kahit ang pamalo man ng Dios ay wala sa kanila.

10 Ang kanilang baka ay naglilihi, at hindi nababaog; ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kaniyang guya.

11 Kaniyang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan, at ang kanilang mga anak ay nangagsasayawan,

12 Sila'y nangagaawitan na katugma ng pandereta at alpa, at nangagkakatuwa sa tunog ng plauta.

13 Kanilang ginugugol ang kanilang mga kaarawan sa kaginhawahan, at sa isang sandali ay nagsisilusong sila sa Sheol.

14 At sinasabi nila sa Dios: Lumayo ka sa amin; sapagka't hindi namin ninanasa ang pagkaalam ng inyong mga lakad.

15 Ano ang Makapangyarihan sa lahat na siya'y paglilingkuran namin? At anong pakinabang magkakaroon kami, kung kami ay magsidalangin sa kaniya?

16 Narito, ang kanilang kaginhawahan ay wala sa kanilang kamay: ang payo ng masama ay malayo sa akin.

17 Gaano kadalas pinapatay ang ilawan ng masama? Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating ba sa kanila? Na nagbabahagi ba ang Dios ng mga kapanglawan sa kaniyang galit?

18 Na sila'y gaya ng dayami sa harap ng hangin, at gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo?

19 Inyong sinasabi, Inilalapat ng Dios ang kaniyang parusa sa kaniyang mga anak. Gantihin sa kaniyang sarili upang maalaman niya.

20 Makita ng kaniyang mga mata ang kaniyang pagkagiba, at uminom siya ng poot ng Makapangyarihan sa lahat.

21 Sapagka't anong kasayahan magkakaroon siya sa kaniyang bahay pagkamatay niya, pagka ang bilang ng kaniyang mga buwan ay nahiwalay sa gitna?

22 May makapagtuturo ba ng kaalaman sa Dios? Dangang kaniyang hinahatulan yaong nangasa mataas.

23 Isa'y namamatay sa kaniyang lubos na kalakasan, palibhasa't walang bahala at tahimik:

24 Ang kaniyang mga suso ay puno ng gatas, at ang utak ng kaniyang mga buto ay halumigmig.

25 At ang iba'y namamatay sa paghihirap ng kaluluwa, at kailan man ay hindi nakakalasa ng mabuti.

26 Sila'y nahihigang magkakasama sa alabok, at tinatakpan sila ng uod.

27 Narito, aking nalalaman ang inyong pagiisip, at ang mga maling haka ng inyong inaakala laban sa akin.

28 Sapagka't inyong sinasabi, Saan naroon ang bahay ng prinsipe? At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?

29 Hindi ba ninyo itinanong sa kanilang nangagdadaan? At hindi ba ninyo nalalaman ang kanilang mga pinagkakakilanlan?

30 Na ang masamang tao ay natataan sa kaarawan ng kasakunaan? Na sila'y pinapatnubayan sa kaarawan ng kapootan?

31 Sinong magpapahayag ng kaniyang lakad sa kaniyang mukha? At sinong magbabayad sa kaniya ng kaniyang ginawa?

32 Gayon ma'y dadalhin siya sa libingan, at magbabantay ang mga tao sa libingan.

33 Ang mga bugal ng libis ay mamabutihin niya, at lahat ng tao ay magsisisunod sa kaniya, gaya ng nauna sa kaniya na walang bilang.

34 Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan, dangang sa inyong mga sagot ang naiiwan lamang ay kabulaanan?

Job 22

1 Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,

2 Mapapakinabangan ba ang tao ng Dios? Tunay na siyang pantas ay nakikinabang sa kaniyang sarili.

3 May kasayahan ba sa Makapangyarihan sa lahat na ikaw ay matuwid? O may pakinabang ba sa kaniya na iyong pinasasakdal ang iyong mga lakad?

4 Dahil ba sa iyong takot sa kaniya na kaniyang sinasaway ka, na siya'y pumasok sa iyo sa kahatulan?

5 Hindi ba malaki ang iyong kasamaan? Ni wala mang anomang wakas sa iyong mga kasamaan.

6 Sapagka't ikaw ay kumuha ng sangla ng iyong kapatid sa wala, at iyong hinubdan ng kanilang suot ang hubad.

7 Ikaw ay hindi nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom, at ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.

8 Nguni't tungkol sa makapangyarihang tao, siya'y nagtatangkilik ng lupa; at ang marangal na tao, ay tumatahan doon.

9 Iyong pinayaong walang dala ang mga babaing bao, at ang mga kamay ng ulila ay nangabali.

10 Kaya't ang mga silo ay nangasa palibot mo, at biglang takot ay bumabagabag sa iyo,

11 O kadiliman, upang huwag kang makakita. At kasaganaan ng tubig ay tumatabon sa iyo.

12 Hindi ba ang Dios ay nasa kaitaasan ng langit? At, narito, ang kataasan ng mga bituin, pagkataastaas nila!

13 At iyong sinasabi, Anong nalalaman ng Dios? Makahahatol ba siya sa salisalimuot na kadiliman?

14 Masinsing alapaap ang tumatakip sa kaniya, na siya'y hindi nakakakita; at siya'y lumalakad sa balantok ng langit.

15 Iyo bang pagpapatuluyan ang dating daan, na nilakaran ng mga masamang tao?

16 Na siyang mga naalis bago dumating ang kanilang kapanahunan. Na ang patibayan ay nahuhong parang agos:

17 Na nagsabi sa Dios: Lumayo ka sa amin; at, anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?

18 Gayon ma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mga mabuting bagay; nguni't ang payo ng masama ay malayo sa akin.

19 Nakikita ng mga matuwid at nangatutuwa; at tinatawanang mainam ng walang sala:

20 Na nagsasabi, Walang pagsalang silang nagsisibangon laban sa atin ay nahiwalay, at ang nalabi sa kanila ay sinupok ng apoy.

21 Makipagkilala ka sa kaniya, at ikaw ay mapayapa: anopa't ang mabuti ay darating sa iyo.

22 Iyong tanggapin, isinasamo ko sa iyo, ang kautusan mula sa kaniyang bibig, at ilagak mo ang kaniyang mga salita sa iyong puso.

23 Kung ikaw ay bumalik sa Makapangyarihan sa lahat, ay matatayo ka; kung iyong ilayo ang kalikuan sa iyong mga tolda.

24 At ilagay mo ang iyong kayamanan sa alabok, at ang ginto ng Ophir sa gitna ng mga bato ng mga batis:

25 At ang Makapangyarihan sa lahat ay magiging iyong kayamanan, at mahalagang pilak sa iyo.

26 Sapagka't ikaw ay magagalak nga ng iyong sarili sa Makapangyarihan sa lahat, at iyong itataas ang iyong mukha sa Dios.

27 Ikaw ay dadalangin sa kaniya, at kaniyang didinggin ka: at iyong babayaran ang iyong mga panata.

28 Ikaw nama'y magpapasiya ng isang bagay, at ito'y matatatag sa iyo; at liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.

29 Pagka inilulugmok ka nila, ay iyong sasabihin: Magpakataas; at ililigtas niya ang mapagpakumbabang tao.

30 Kaniyang ililigtas, pati ng hindi banal: Oo, siya'y maliligtas sa kalinisan ng iyong mga kamay.

Job 23

1 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,

2 Magpahanggang ngayo'y mapanghimagsik ang aking daing: ang bugbog sa akin ay lalong mabigat kaysa aking hibik.

3 Oh mano nawang maalaman ko kung saan ko masusumpungan siya, upang ako'y dumating hanggang sa kaniyang likmuan!

4 Aking aayusin ang aking usap sa harap niya, at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran.

5 Aking malalaman ang mga salita na kaniyang isasagot sa akin, at matatalastas ko kung ano ang kaniyang sasabihin sa akin.

6 Makikipagtalo ba siya sa akin sa kalakhan ng kaniyang kapangyarihan? Hindi; kundi pakikinggan niya ako.

7 Doo'y makapangangatuwiran sa kaniya ang matuwid; sa gayo'y maliligtas ako magpakailan man sa aking hukom.

8 Narito, ako'y nagpapatuloy, nguni't wala siya; at sa dakong likuran, nguni't hindi ko siya mamataan:

9 Sa kaliwa pagka siya'y gumagawa, nguni't hindi ko mamasdan siya: siya'y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita siya.

10 Nguni't nalalaman niya ang daang aking nilalakaran; pagka kaniyang nasubok ako ay lalabas akong parang ginto.

11 Ang aking paa ay sumunod na lubos sa kaniyang mga hakbang. Ang kaniyang daan ay aking iningatan, at hindi ako lumiko.

12 Ako'y hindi humiwalay sa utos ng kaniyang mga labi; aking pinagyaman ang mga salita ng kaniyang bibig ng higit kay sa aking kailangang pagkain.

13 Nguni't siya'y sa isang akala, at sinong makapagpapabalik sa kaniya? At kung ano ang ninanasa ng kaniyang kaluluwa siya nga niyang ginagawa.

14 Sapagka't kaniyang isinasagawa ang itinakda sa akin: at maraming gayong mga bagay ang nasa kaniya.

15 Kaya't ako'y nababagabag sa kaniyang harapan; pagka aking binubulay, ay natatakot ako sa kaniya.

16 Dahil sa pinapanglupaypay ng Dios ang aking puso, at binagabag ako ng Makapangyarihan sa lahat:

17 Sapagka't hindi ako inihiwalay sa harap ng kadiliman, ni tinakpan man niya ang salimuot na kadiliman sa aking mukha.

Job 24:1-12

1 Bakit ang mga kapanahunan ay hindi itinakda ng Makapangyarihan sa lahat? At bakit hindi nangakakakita ng kaniyang mga araw ang nangakakakilala sa kaniya?

2 May nagsisipagbago ng lindero; kanilang dinadalang may karahasan ang mga kawan, at pinasasabsab.

3 Kanilang itinataboy ang asno ng ulila, kanilang kinukuha ang baka ng babaing bao na pinakasangla.

4 Kanilang inililigaw sa daan ang mapagkailangan: ang mga dukha sa lupa ay nagsisikubling magkakasama.

5 Narito, gaya ng mga mabangis na asno sa ilang, sila'y nagsisilabas sa kanilang gawa, na nagsisihanap na masikap ng pagkain; ang ilang ay siyang nagbibigay sa kanila ng pagkaing ukol sa kanilang mga anak.

6 Kanilang pinitas sa bukid ang kanilang pagkain; at kanilang pinamumulutan ang ubasan ng masama.

7 Sila'y hubad na nangahihiga buong gabi na walang suot. At walang kumot sa ginaw.

8 Sila'y basa ng ulan sa mga bundok, at niyayakap ang bato sa pagkakailangan ng kulungan.

9 May nagsisiagaw ng ulila mula sa suso, at nagsisikuha ng sangla ng dukha:

10 Na anopa't sila'y yumayaong hubad na walang damit, at palibhasa'y gutom ay kanilang dinadala ang mga bigkis;

11 Sila'y nagsisigawa ng langis sa loob ng olibohan ng mga taong ito; sila'y nagpipisa sa kanilang pisaan ng ubas, at nagtitiis ng uhaw.

12 Mula sa makapal na bayan ay nagsisidaing ang mga tao, at ang kaluluwa ng may sugat ay humihiyaw; gayon ma'y hindi inaaring mangmang ng Dios.