Hakbang 152

pag-aaral

     

Job 36

1 Si Eliu rin naman ay nagpatuloy at nagsabi,

2 Pagdalitaan mo akong sandali, at aking ipakikilala sa iyo; sapagka't mayroon pa akong masasalita sa pagsasanggalang sa Dios.

3 Dadalhin ko ang aking kaalaman mula sa malayo, at aking itutungkol ang katuwiran sa Maylalang sa akin.

4 Sapagka't tunay na ang aking mga salita ay hindi kabulaanan: Siyang sakdal sa kaalaman ay sumasaiyo.

5 Narito ang Dios ay makapangyarihan, at hindi humahamak sa kanino man; siya'y makapangyarihan sa lakas ng unawa.

6 Hindi niya pinanatili ang buhay ng masama: nguni't nagbibigay ng matuwid sa napipighati.

7 Hindi niya inihihiwalay ang kaniyang mga mata sa matuwid: kundi kasama ng mga hari sa luklukan, kaniyang itinatatag sila magpakailan man, at sila'y natataas.

8 At kung sila'y mapapangaw, at mapipigil sa mga panali ng kapighatian;

9 Itinuturo nga niya sa kanila ang kanilang gawa, at ang kanilang mga pagsalangsang na kanilang pinalalo.

10 Ibinubuka rin naman niya ang kanilang pakinig sa turo, at iniuutos na sila'y magsihiwalay sa kasamaan.

11 Kung sila'y makinig at maglingkod sa kaniya, kanilang gugugulin ang kanilang mga kaarawan sa kaginhawahan, at ang kanilang mga taon sa kasayahan.

12 Nguni't kung hindi sila mangakinig, sila'y mangamamatay sa pamamagitan ng tabak, at sila'y mangamamatay na walang kaalaman.

13 Nguni't ang di banal sa puso ay nagbubunton ng galit: hindi humihiyaw sila ng saklolo pagka tinatalian niya sila.

14 Sila'y nangamamatay sa kabataan, at ang kanilang buhay ay napapahamak sa gitna ng marumi.

15 Inililigtas niya ang mga dukha sa kanilang pagkapighati, at ibinubuka ang kanilang mga pakinig sa pagkapighati.

16 Oo, hahanguin ka niya mula sa kagipitan, hanggang sa luwal na dako na walang kagipitan; at ang malalagay sa iyong dulang ay mapupuno ng katabaan.

17 Nguni't ikaw ay puspos ng kahatulan ng masama: kahatulan at kaganapan ang humahawak sa iyo.

18 Sapagka't may poot, magingat ka baka ikaw ay iligaw ng iyong kasiyahan; ni mailigaw ka man ng kalakhan ng katubusan.

19 Mapapaari ba ang iyong sigaw na ikaw ay hindi mapapasa kapanglawan, O ang madlang lakas man ng iyong kalakasan?

20 Huwag mong nasain ang gabi, pagka ang mga bayan ay nangahiwalay sa kanilang kinaroroonang dako.

21 Ikaw ay magingat, huwag mong lingunin ang kasamaan; sapagka't ito'y iyong pinili sa halip ng kadalamhatian.

22 Narito, ang Dios ay gumagawa ng mainam sa kaniyang kapangyarihan: sinong tagapagturo ang gaya niya?

23 Sinong nagguhit sa kaniya ng kaniyang daan? O sinong makapagsasabi, ikaw ay gumawa ng kalikuan?

24 Alalahanin mo na iyong dinakila ang kaniyang gawa, na inawit ng mga tao.

25 Lahat ng mga tao'y nakakita noon; makikita ito ng tao sa malayo.

26 Narito, ang Dios ay dakila, at hindi natin nakikilala siya; hindi masayod ang bilang ng kaniyang mga taon.

27 Sapagka't pinailanglang niya ang mga patak ng tubig, na nagiging ulan mula sa singaw na yaon:

28 Na ibinubuhos ng mga langit at ipinapatak na sagana sa tao.

29 Oo, may makakaunawa ba ng paglaganap ng mga alapaap, ng mga kulog ng kaniyang kulandong?

30 Narito, pinalalaganap niya ang kaniyang liwanag sa palibot niya; at inaapawan ang kalaliman ng dagat.

31 Sapagka't sa pamamagitan ng mga ito ay hinahatulan niya ang mga bayan; siya'y nagbibigay ng pagkaing sagana.

32 Tinatakpan niya ang kaniyang mga kamay ng kidlat; at ibinilin sa kidlat na tumama sa pinakatanda.

33 Ang hugong niyaon ay nagsasaysay ng tungkol sa kaniya, ang hayop nama'y ng tungkol sa bagyo na dumarating.

Job 37

1 Oo, dahil din dito'y nanginginig ang aking puso, at napapabago sa kaniyang kinaroroonang dako.

2 Dinggin ninyo oh dinggin ang hiyaw ng kaniyang tinig, at ang sigaw na lumalabas sa kaniyang bibig.

3 Kaniyang ipinadadala sa silong ng buong langit, at ang kidlat niya'y sa mga wakas ng lupa.

4 Sumunod nito'y isang hugong na dumadagundong; siya'y kumukulog ng hugong ng kaniyang karilagan: at hindi tumitigil doon kung naririnig ang kaniyang tinig.

5 Ang Dios ay kumukulog na kagilagilalas ng kaniyang tinig; dakilang mga bagay ang ginawa niya, na hindi natin matalastas.

6 Sapagka't sinabi niya sa nieve, Lumagpak ka sa lupa; gayon din sa ambon, at sa bugso ng kaniyang malakas na ulan,

7 Tinatatakan niya ang kamay ng bawa't tao: upang maalaman ng lahat ng mga tao na kaniyang nilalang.

8 Kung gayo'y nagsisipasok ang mga hayop sa mga lungga, at namamalagi sa kanilang mga tahanan.

9 Mula sa timog nanggagaling ang bagyo: at ang ginaw ay mula sa hilagaan.

10 Sa pamamagitan ng hinga ng Dios ay nayayari ang hielo: at ang kaluwangan ng tubig ay naiipit.

11 Oo, kaniyang nilalagyan ang masinsing ulap ng halomigmig; kaniyang pinangangalat ang alapaap ng kaniyang kidlat:

12 At pumipihit sa palibot sa pamamagitan ng kaniyang patnubay, upang kanilang gawin ang anomang iutos niya sa kanila, sa ibabaw ng balat ng sanglibutang natatahanan:

13 Maging sa saway, o maging sa kaniyang lupain, o maging sa kaawaan ay pinalilitaw niya.

14 Dinggin mo ito, Oh Job: Tumigil ka, at bulayin ang kagilagilalas na mga gawa ng Dios.

15 Nalalaman mo ba kung paanong pinararatangan sila ng Dios, at pinasisilang ang kidlat ng kaniyang alapaap?

16 Nalalaman mo ba ang mga pagtitimbang ng mga alapaap, ang kagilagilalas na mga gawa niya na sakdal sa kaalaman?

17 Paanong umiinit ang inyong mga suot, pagka tumatahimik ang lupa sa pamamagitan ng hanging timugan?

18 Mailalatag mo ba na kasama niya ang langit, na matibay na gaya ng isang salaming binubo?

19 Ituro mo sa amin kung anong aming sasabihin sa kaniya; sapagka't hindi namin maayos ang aming pananalita dahil sa kadiliman.

20 Sasaysayin ba sa kaniya na ako'y magsasalita? O iisipin ba ng isang tao na siya'y sasakmalin.

21 At ngayo'y hindi nakikita ng mga tao ang makinang na liwanag na nasa mga langit: nguni't ang hangin ay dumadaan, at pinapalis ang mga yaon.

22 Karilagang ginto ay nagmumula sa hilagaan; may taglay ang Dios na kakilakilabot na karilagan.

23 Tungkol sa Makapangyarihan sa lahat, hindi natin mauunawa; siya'y marilag sa kapangyarihan; at sa kahatulan at saganang kaganapan siya'y hindi pipighati.

24 Kinatatakutan nga siya ng mga tao: hindi niya binibigyang pitagan ang sinomang pantas sa puso.

Job 38

1 Nang magkagayo'y sumagot ang Panginoon kay Job mula sa ipoipo, at nagsabi,

2 Sino ito na nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salita na walang kaalaman?

3 Bigkisan mo ngayon ang iyong mga balakang na parang lalake: sapagka't tatanungin kita at magpapahayag ka sa akin.

4 Saan ka nandoon nang ilagay ko ang mga patibayan ng lupa? Ipahayag mo, kung mayroon kang unawa.

5 Sinong naglagay ng mga sukat niyaon, kung iyong nalalaman? O sinong nagunat ng panukat diyan?

6 Sa ano nalagay ang kaniyang mga patibayan? O sinong naglagay ng batong panulok niyaon;

7 Nang magsiawit na magkakasama ang mga bituin pang-umaga. At ang lahat ng mga anak ng Dios ay naghihiyawan sa kagalakan?

8 O sinong nagsara ng mga pinto sa dagat, nang magpumiglas na gaya ng pagpiglas mula sa bahay-bata?

9 Nang gawin ko ang alapaap na bihisan niyaon, at ang salimuot na kadiliman na pinakabalot niyaon,

10 At aking itinatag doon ang aking pasiya, at nilagyan ko ng mga halang at mga pinto,

11 At aking sinabi, Hanggang dito ay darating ka, nguni't hindi ka na lalagpas: at dito'y titigil ang iyong mga palalong alon?

12 Nagutos ka ba sa umaga mula sa iyong mga kaarawan, at ipinabatid mo ba sa bukang liwayway ang kaniyang dako;

13 Upang humawak sa mga wakas ng lupa, at ang masasama ay maugoy doon?

14 Nababagong parang putik sa ilalim ng tatak; at lahat ng mga bagay ay nagiging gaya ng bihisan:

15 At sa masama ay inalis ang kanilang liwanag, at ang mataas na kamay ay mababali.

16 Pumasok ka ba sa mga bukal ng dagat? O lumakad ka ba sa mga landas ng kalaliman?

17 Nangahayag ba sa iyo ang mga pintuan ng kamatayan? O nakita mo ba ang mga pinto ng anino ng kamatayan?

18 Iyo bang nabatid ang kaluwangan ng lupa? Ipahayag mo, kung iyong nalalamang lahat.

19 Saan nandoon ang daan na patungo sa tahanan ng liwanag, at tungkol sa kadiliman, saan nandoon ang dako niyaon;

20 Upang iyong madala sa hangganan niyaon, at upang iyong gunitain ang mga landas hanggang sa bahay niyaon?

21 Marahil nalalaman mo, sapagka't ikaw nga'y ipinanganak noon, at ang bilang ng iyong mga kaarawan ay marami?

22 Pumasok ka ba sa mga tipunan ng nieve, o nakita mo ba ang mga tipunan ng granizo,

23 Na aking itinaan laban sa panahon ng kabagabagan, laban sa kaarawan ng pagbabaka at pagdidigma?

24 Sa aling daan naghiwalay ang liwanag, o sa hanging silanganan na lumalaganap sa ibabaw ng lupa?

25 Sinong humukay ng bangbang sa mga bugso ng tubig, o ng daanan ng kidlat ng kulog;

26 Upang magpaulan sa lupa, na hindi tinatahanan ng tao, sa ilang na doon ay walang tao.

27 Upang busugin ang giba at sirang lupa; at upang pasibulin ang sariwang damo?

28 May ama ba ang ulan? O sinong nanganak sa mga patak ng hamog?

29 Sa kaninong bahay-bata nagmula ang hielo? At ang escarcha sa himpapawid, ay ipinanganak nino?

30 Ang mga tubig ay nakukubling gaya ng bato, at ang ibabaw ng kalaliman ay namumuno.

31 Matatalian mo ba ang pagkakaumpukan ng mga bituin na Pleyade, o makakalagan ang tali ng mga bituin na Orion?

32 Mailalabas mo ba ang mga bituin na mga tanda ng Zodiaco sa kanilang kapanahunan? O mapapatnubayan mo ba ang Oso na kasama ng kaniyang mga anak?

33 Nalalaman mo ba ang mga alituntunin ng langit? Maitatatag mo ba ang kapangyarihan niyaon sa lupa?

34 Mailalakas mo ba ang iyong tinig hanggang sa mga alapaap, upang takpan ka ng saganang tubig?

35 Makapagsusugo ka ba ng mga kidlat, upang magsiyaon, at magsabi sa iyo: Nangarito kami?

36 Sinong naglagay ng karunungan sa mga pinakaloob na bahagi? O sinong nagbigay ng kaalaman sa pagiisip?

37 Sinong makabibilang ng mga alapaap sa pamamagitan ng karunungan? O sinong makatutuyo ng mga botelya ng langit,

38 Pagka ang alabok ay napuputik, at ang mga bugal ay nanganinikit na maigi?

39 Huhuli ka ba ng mahuhuli na ukol sa leong babae? O bubusugin mo baga ang kagutoman ng mga batang leon,

40 Pagka sila'y nagsisihilig sa kanilang mga lungga, at nagsisitahan sa guwang upang bumakay?

41 Sinong naghahanda sa uwak ng pagkain niya, pagka ang kaniyang mga inakay ay nagsisidaing sa Dios, at nagsisigala sa kakulangan ng pagkain.

Job 39:1-12

1 Nalalaman mo ba ang panahong ipinanganganak ng mga kambing bundok? O matatandaan mo ba ang mga pagdaramdam ng mga usa?

2 Mabibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang kagampanan? O nalalaman mo ba ang panahong kanilang ipinanganak?

3 Sila'y nagsisiyuko, kanilang inilalabas ang kanilang mga anak, kaniyang iniwawaksi ang kanilang kapanglawan.

4 Ang kanilang mga anak ay nagiging malakas, sila'y nagsisilaki sa kaparangan; sila'y nagsisiyao at hindi na nagsisibalik.

5 Sinong nagpakawala sa mabangis na asno? O sinong nagkalag ng mga tali ng mailap na asno?

6 Na ginawa kong bahay niya ang ilang, at ang lupaing maasin na kaniyang tahanan.

7 Kaniyang nililibak ang kaguluhan ng bayan. Ni hindi niya dinidinig ang sigaw ng nagpapatakbo ng hayop.

8 Ang libot ng mga bundok ay kaniyang pastulan, at kaniyang sinasaliksik ang bawa't sariwang bagay.

9 Matutuwa ba ang bakang gubat na maglingkod sa iyo? O matitira ba sa siping ng iyong pasabsaban?

10 Matatalian mo ba ang bakang gubat ng iyong panali sa pangbukid? O magbubusagsag ba ng mga libis sa likuran mo?

11 Aasa ka ba sa kaniya, dahil sa siya'y totoong malakas? O iiwan mo ba ang iyong gawain sa kaniya?

12 Ipagkakatiwala mo ba sa kaniya na iuuwi sa bahay ang iyong binhi, at pipisanin ang mga butil sa iyong giikan?

     
    Pag-aralan ang Malalim na Kahulugan
page loading graphic