Hakbang 154

pag-aaral

     

Mga Awit 1

1 Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak.

2 Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi.

3 At siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, ang kaniyang dahon nama'y hindi malalanta; at anumang kaniyang gawin ay giginhawa.

4 Ang masama ay hindi gayon; kundi parang ipa na itinataboy ng hangin.

5 Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa paghatol, ni ang mga makasalanan man sa kapisanan ng mga matuwid.

6 Sapagka't nalalaman ng Panginoon ang lakad ng mga matuwid: nguni't ang lakad ng masama ay mapapahamak.

Mga Awit 2

1 Bakit ang mga bansa ay nangagugulo, at ang mga bayan ay nangagaakala ng walang kabuluhang bagay?

2 Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda, at ang mga pinuno ay nagsasanggunian, Laban sa Panginoon at laban sa kaniyang pinahiran ng langis, na sinasabi:

3 Lagutin natin ang kanilang tali, at ating iwaksi ang kanilang mga panali sa atin.

4 Siyang nauupo sa kalangitan ay tatawa: ilalagay sila ng Panginoon sa kakutyaan.

5 Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kaniyang poot, at babagabagin sila sa kaniyang malabis na sama ng loob:

6 Gayon ma'y inilagay ko ang aking hari sa aking banal na bundok ng Sion.

7 Aking sasaysayin ang tungkol sa pasiya: sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay aking anak; sa araw na ito ay ipinanganak kita.

8 Humingi ka sa akin, at ibibigay ko sa iyo ang mga bansa na iyong pinakamana, at ang mga pinakadulong bahagi ng lupa ay iyong pinakaari.

9 Sila'y iyong babaliin ng isang pamalong bakal; iyong dudurugin sila na parang isang sisidlan ng magpapalyok.

10 Ngayon nga'y magpakapantas kayo, Oh kayong mga hari: mangatuto kayo, kayong mga hukom sa lupa.

11 Kayo'y mangaglingkod sa Panginoon na may takot, at mangagalak na may panginginig.

12 Hagkan ninyo ang anak, baka magalit siya, at kayo'y mangapahamak sa daan, sapagka't ang kaniyang poot ay madaling magalab. Mapapalad ang nanganganlong sa kaniya.

Mga Awit 3

1 Panginoon, ano't ang aking mga kaaway ay nagsisidami! Marami sila na nagsisibangon laban sa akin.

2 Marami ang nagsasabi sa aking kaluluwa: walang tulong sa kaniya ang Dios. (Selah)

3 Nguni't ikaw, Oh Panginoon ay isang kalasag sa palibot ko: aking kaluwalhatian; at siyang tagapagtaas ng aking ulo.

4 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon, at sinasagot niya ako mula sa kaniyang banal na bundok. (Selah)

5 Ako'y nahiga, at natulog; ako'y nagising; sapagka't inaalalayan ako ng Panginoon.

6 Ako'y hindi matatakot sa sangpung libo ng bayan, na nagsihanda laban sa akin sa buong palibot.

7 Bumangon ka, Oh Panginoon; iligtas mo ako, Oh aking Dios: sapagka't iyong sinampal ang lahat ng aking mga kaaway; iyong binungal ang mga ngipin ng masasama.

8 Pagliligtas ay ukol sa Panginoon: sumaiyong bayan nawa ang iyong pagpapala. (Selah)

Mga Awit 4

1 Sagutin mo ako, pagka tumatawag ako, Oh Dios ng aking katuwiran; inilagay mo ako sa kaluwagan, nang ako'y nasa kagipitan: maawa ka sa akin, at dinggin mo ang aking dalangin.

2 Oh kayong mga anak ng tao, hanggang kailan magiging kasiraang puri ang aking kaluwalhatian? Gaano katagal iibigin ninyo ang walang kabuluhan, at hahanap sa kabulaanan? (Selah)

3 Nguni't talastasin ninyo na ibinukod ng Panginoon sa ganang kaniyang sarili ang banal: didinggin ng Panginoon pagka ako'y tumawag sa kaniya.

4 Kayo'y magsipanginig, at huwag mangagkasala: mangagbulaybulay kayo ng inyong puso sa inyong higaan, at kayo'y magsitahimik.

5 Mangaghandog kayo ng mga hain ng katuwiran, at ilagak ninyo ang inyong tiwala sa Panginoon.

6 Marami ang mangagsasabi, sinong magpapakita sa amin ng mabuti? Panginoon, pasilangin mo ang liwanag ng iyong mukha sa amin.

7 Ikaw ay naglagay ng kasayahan sa aking puso, ng higit kay sa kanilang tinatangkilik nang ang kanilang butil, at kanilang alak ay magsidami.

8 Payapa akong hihiga at gayon din matutulog: sapagka't ikaw, Panginoon, pinatatahan mo akong mag-isa sa katiwasayan.

Mga Awit 5:1-7

1 Pakinggan mo ang aking mga salita, Oh Panginoon, pakundanganan mo ang aking pagbubulaybulay.

2 Dinggin mo ang tinig ng aking daing, Hari ko, at Dios ko; sapagka't sa iyo'y dumadalangin ako.

3 Oh Panginoon, sa kinaumagaha'y didinggin mo ang aking tinig; sa kinaumagahan ay aayusin ko ang aking dalangin sa iyo, at magbabantay ako.

4 Sapagka't ikaw ay di isang Dios na may kaluguran sa kasamaan: ang masama ay hindi tatahang kasama mo.

5 Ang hambog ay hindi tatayo sa iyong paningin: iyong kinapopootan ang lahat na mga manggagawa ng kalikuan.

6 Iyong lilipulin sila na nangagsasalita ng mga kabulaanan: kinayayamutan ng Panginoon ang taong mabangis at magdaraya,

7 Nguni't sa ganang akin, sa kasaganaan ng iyong kagandahang-loob ay papasok ako sa iyong bahay; sa takot sa iyo ay sasamba ako sa dako ng iyong banal na templo.