Hakbang 171

pag-aaral

     

Mga Awit 57:4-11

4 Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon: ako'y nahihiga sa gitna niyaong mga pinaningasan ng apoy, sa mga anak ng tao, na ang mga ngipin ay sibat at mga pana, at ang kanilang dila ay matalas na tabak.

5 Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas ng mga langit; mataas ang iyong kaluwalhatian sa buong lupa.

6 Kanilang hinandaan ng silo ang aking mga hakbang. Ang aking kaluluwa ay nakayuko: sila'y nagsihukay ng isang lungaw sa harap ko. Sila'y nangahulog sa gitna niyaon. (Selah)

7 Ang aking puso ay matatag, Oh Dios, ang aking puso ay matatag: ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri.

8 Gumising ka, kaluwalhatian ko; gumising ka, salterio at alpa: ako'y gigising na maaga.

9 Ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bayan: ako'y aawit sa iyo ng mga pagpuri sa gitna ng mga bansa.

10 Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay dakila hanggang sa mga langit, at ang iyong katotohanan hanggang sa mga alapaap.

11 Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas ng mga langit; mataas ang iyong kaluwalhatian sa buong lupa.

Mga Awit 58

1 Tunay bang kayo'y nangagsasalita ng katuwiran Oh kayong mga makapangyarihan? Nagsisihatol ba kayo ng matuwid, Oh kayong mga anak ng mga tao?

2 Oo, sa puso ay nagsisigawa kayo ng kasamaan; inyong tinitimbang ang pangdadahas ng inyong mga kamay sa lupa.

3 Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata: sila'y naliligaw pagkapanganak sa kanila, na nagsasalita ng mga kasinungalingan.

4 Ang kanilang kamandag ay parang kamandag ng ahas: sila'y gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kaniyang pakinig;

5 At hindi nakakarinig ng tinig ng mga enkantador, na kailan man ay hindi umeenkanto ng gayon na may karunungan.

6 Iyong bungalin ang kanilang mga ngipin, Oh Dios, sa kanilang bibig: iyong bungalin ang mga malaking ngipin ng mga batang leon, Oh Panginoon.

7 Mangatunaw nawa silang parang tubig na umaagos: pagka inihilagpos niya ang kaniyang mga palaso, maging gaya nawa ng nangaluray.

8 Maging gaya nawa ng laman ng laman ng suso na natutunaw at napapawi: na gaya ng naagas sa babae na hindi nakakita ng araw.

9 Bago makaramdam ang inyong mga palyok ng mga dawag na panggatong, kaniyang kukunin ang mga yaon ng ipoipo, ang sariwa at gayon din ang nagniningas.

10 Magagalak ang matuwid pagka nakita niya ang higanti: kaniyang huhugasan ang kaniyang mga paa sa dugo ng masama.

11 Na anopa't sasabihin ng mga tao, Katotohanang may kagantihan sa matuwid: katotohanang may Dios na humahatol sa lupa.

Mga Awit 59

1 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, Oh Dios ko: ilagay mo ako sa mataas sa kanila na nagsisibangon laban sa akin.

2 Iligtas mo ako sa mga manggagawa ng kasamaan, at iligtas mo ako sa mga mabagsik na tao.

3 Sapagka't narito, kanilang binabakayan ang aking kaluluwa; ang mga makapangyarihan ay nagpipisan laban sa akin: hindi dahil sa aking pagsalangsang, o sa aking kasalanan man, Oh Panginoon.

4 Sila'y nagsisitakbo at nagsisihanda na wala akong sala: ikaw ay gumising na tulungan mo ako, at masdan mo.

5 Sa makatuwid baga'y ikaw, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, na Dios ng Israel, ikaw ay bumangon upang iyong dalawin ang lahat ng mga bansa: huwag kang maawa sa kanino mang masamang mananalangsang. (Selah)

6 Sila'y nagsibalik sa kinahapunan, sila'y nagsitahol na parang aso, at nililigid ang bayan.

7 Narito, sila'y nanunungayaw ng kanilang bibig; mga tabak ay nangasa kanilang mga labi: sapagka't sino, sabi nila, ang nakikinig?

8 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, tatawa sa kanila; iyong tutuyain ang lahat ng mga bansa.

9 Dahil sa kaniyang kalakasan, didinggin kita; sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog.

10 Ang aking Dios pati ng kaniyang kagandahang-loob ay sasalubong sa akin: ipakikita ng Dios sa akin ang aking nasa sa aking mga kaaway.

11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan; pangalatin mo sila ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila, Oh Panginoon na kalasag namin.

12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi, makuha nawa sila sa kanilang kapalaluan, at dahil sa sumpa at pagsisinungaling na kanilang sinalita.

13 Pugnawin mo sila sa poot, pugnawin mo sila, upang sila'y mawala: at ipakilala mo sa kanila na ang Dios ay nagpupuno sa Jacob, hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)

14 At sa kinahapunan ay papagbalikin mo sila, pahagulhulin mo silang parang aso, at libutin nila ang bayan.

15 Sila'y gagala na magmamanhik-manaog dahil sa pagkain, at maghihintay buong gabi kung hindi sila mabusog.

16 Nguni't aking aawitin ang iyong kalakasan; Oo, aking aawiting malakas ang iyong kagandahang-loob sa kinaumagahan: sapagka't ikaw ay naging aking matayog na moog, at kanlungan sa kaarawan ng aking kabagabagan.

17 Sa iyo, Oh kalakasan ko, aawit ako ng mga pagpuri: sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog, ang Dios ng aking kaawaan.

Mga Awit 60

1 Oh Dios, iniwaksi mo kami, ibinagsak mo kami; ikaw ay nagalit; Oh papanauliin mo kami.

2 Iyong niyanig ang lupain; iyong pinabuka: pagalingin mo ang mga sira niyaon: sapagka't umuuga.

3 Nagpakita ka sa iyong bayan ng mahihirap na bagay: iyong ipinainom sa amin ang alak na pangpagiray.

4 Nagbigay ka ng watawat sa nangatatakot sa iyo, upang maiwagayway dahil sa katotohanan. (Selah)

5 Upang ang iyong minamahal ay makaligtas, magligtas ka ng iyong kanan, at sagutin mo kami.

6 Nagsalita ang Dios sa kaniyang kabanalan; ako'y magsasaya: aking hahatiin ang Sichem, at aking susukatin ang libis ng Succoth,

7 Galaad ay akin, at Manases ay akin; Ephraim naman ay sanggalang ng aking ulo; Juda ay aking setro.

8 Moab ay aking hugasan; sa Edom ay aking ihahagis ang aking panyapak; Filistia, humiyaw ka dahil sa akin.

9 Sinong magdadala sa akin sa matibay na bayan? Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?

10 Hindi mo ba kami iniwaksi, Oh Dios? At hindi ka lumalabas, Oh Dios, na kasama ng aming mga hukbo.

11 Tulungan mo kami laban sa kaaway; sapagka't walang kabuluhan ang tulong ng tao.

12 Sa pamamagitan ng Dios ay gagawa kaming may katapangan: sapagka't siya ang yumayapak sa aming mga kaaway.