Hakbang 183

pag-aaral

     

Mga Awit 89:38-52

38 Nguni't iyong itinakuwil at tinanggihan, ikaw ay napoot sa iyong pinahiran ng langis.

39 Iyong kinayamutan ang tipan ng iyong lingkod: iyong nilapastangan ang kaniyang putong sa pagtatapon sa lupa.

40 Iyong ibinuwal ang lahat niyang mga bakod: iyong dinala sa pagkaguho ang kaniyang mga katibayan.

41 Lahat na nagsisidaan sa lansangan ay nagsisisamsam sa kaniya. Siya'y naging kadustaan sa kaniyang mga kalapit.

42 Iyong itinaas ang kanan ng kaniyang mga kaaway; iyong pinagalak ang lahat niyang mga kaaway.

43 Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kaniyang tabak, at hindi mo itinayo siya sa pakikibaka.

44 Iyong pinapaglikat ang kaniyang kakinangan. At iyong ibinagsak ang kaniyang luklukan sa lupa.

45 Iyong pinaikli ang mga kaarawan ng kaniyang kabinataan: iyong tinakpan siya ng kahihiyan. (Selah)

46 Hanggang kailan, Oh Panginoon, magkukubli ka magpakailan man? Hanggang kailan magniningas ang iyong poot na parang apoy?

47 Oh alalahanin mo kung gaano kaikli ang aking panahon: sa anong pagkawalang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao.

48 Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan, na magliligtas ng kaniyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)

49 Panginoon, saan nandoon ang iyong dating mga kagandahang-loob, na iyong isinumpa kay David sa iyong pagtatapat?

50 Alalahanin mo Panginoon, ang kadustaan ng iyong mga lingkod; kung paanong taglay ko sa aking sinapupunan ang pagdusta ng lahat na makapangyarihang bayan;

51 Na idinusta ng iyong mga kaaway, Oh Panginoon, na kanilang idinusta sa mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.

52 Purihin ang Panginoon, magpakailan man. Siya nawa, at Siya nawa.

Mga Awit 90

1 Panginoon, ikaw ay naging tahanang dako namin sa lahat ng sali't saling lahi.

2 Bago nalabas ang mga bundok, O bago mo nilikha ang lupa at ang sanglibutan, mula nga ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan, ikaw ang Dios.

3 Iyong pinapagiging kapahamakan ang tao; at iyong sinasabi, Magsipanumbalik kayo, kayong mga anak ng mga tao.

4 Sapagka't isang libong taon sa iyong paningin ay parang kahapon lamang nang makaraan, at parang pagpupuyat sa gabi.

5 Iyong dinadala sila na parang baha; sila'y parang pagkakatulog: sa kinaumagahan ay parang damo sila na tumutubo.

6 Sa kinaumagahan ay namumulaklak at lumalago; sa kinahapunan ay pinuputol at natutuyo.

7 Sapagka't kami ay nangasupok sa iyong galit, at sa iyong poot ay nangabagabag kami.

8 Iyong inilagay ang aming kasamaan sa harap mo, ang aming lihim na mga kasalanan sa liwanag ng iyong mukha.

9 Sapagka't lahat naming kaarawan ay dumaan sa iyong poot: aming niwawakasan ang aming mga taon na parang isang buntong hininga.

10 Ang mga kaarawan ng aming mga taon ay pitong pung taon, o kung dahil sa kalakasan ay umaabot ng walong pung taon; gayon ma'y ang kanilang kapalaluan ay hirap at kapanglawan lamang; sapagka't madaling napapawi, at kami ay nagsisilipad.

11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng iyong galit, at ng iyong poot ayon sa katakutan na marapat sa iyo?

12 Kaya ituro mo sa amin ang pagbilang ng aming mga kaarawan, upang kami ay mangagtamo sa amin ng pusong may karunungan.

13 Manumbalik ka, Oh Panginoon; hanggang kailan pa? At iyong papagsisihin ang tungkol sa mga lingkod mo.

14 Oh busugin mo kami sa kinaumagahan ng iyong kagandahang-loob; upang kami ay mangagalak at mangatuwa sa lahat ng kaarawan namin.

15 Pasayahin mo kami ayon sa mga kaarawan na iyong idinalamhati sa amin, at sa mga taon na aming ikinakita ng kasamaan.

16 Mahayag nawa ang iyong gawa sa iyong mga lingkod, at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.

17 At sumaamin nawa ang kagandahan ng Panginoong aming Dios: at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay; Oo, ang gawa ng aming mga kamay ay itatag mo.

Mga Awit 91:1-13

1 Siyang tumatahan sa lihim na dako ng Kataastaasan. Ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat.

2 Aking sasabihin tungkol sa Panginoon, siya'y aking kanlungan at aking katibayan, ang Dios ko na siyang aking tinitiwalaan.

3 Sapagka't kaniyang ililigtas ka sa silo ng paninilo, at sa mapamuksang salot.

4 Kaniyang tatakpan ka ng kaniyang mga bagwis, at sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay manganganlong ka: ang kaniyang katotohanan ay kalasag at baluti.

5 Ikaw ay hindi matatakot sa kakilabutan sa gabi, ni sa pana man na humihilagpos kung araw;

6 Dahil sa salot na dumarating sa kadiliman, ni dahil sa paggiba man na sumisira sa katanghaliang tapat.

7 Isang libo ay mabubuwal sa iyong siping, at sangpung libo sa iyong kanan; nguni't hindi lalapit sa iyo.

8 Iyong mamamasdan lamang ng iyong mga mata, at iyong makikita ang ganti sa masama.

9 Sapagka't ikaw, Oh Panginoon, ay aking kanlungan! Iyong ginawa ang Kataastaasan na iyong tahanan;

10 Walang kasamaang mangyayari sa iyo, ni anomang salot ay lalapit sa iyong tolda.

11 Sapagka't siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ingatan ka sa lahat ng iyong mga lakad.

12 Kanilang dadalhin ka sa kanilang mga kamay, baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.

13 Iyong yayapakan ang leon at ang ulupong: ang batang leon at ang ahas ay yuyurakan mo ng iyong mga paa.