Hakbang 21: Step 21

pag-aaral

     

Exodo 12

1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron sa lupain ng Egipto, na sinasabi,

2 Ang buwang ito'y magiging sa inyo'y pasimula ng mga buwan: siyang magiging unang buwan ng taon sa inyo.

3 Salitain ninyo sa buong kapisanan ng Israel na inyong sabihin: Sa ikasangpung araw ng buwang ito ay magsisikuha sila sa ganang kanila, bawa't lalake, ng isang kordero, ayon sa mga sangbahayan ng kanikanilang mga magulang, isang kordero sa bawa't sangbahayan:

4 At kung ang sangbahayan ay napakakaunti upang kumain ng isang kordero, ay siya nga at ang kaniyang malapit na kapitbahay ay magsasalosalo sa isa ayon sa bilang ng mga tao; ayon sa bawa't tao na kumakain gagawin ninyo ang pagbilang, sa kordero.

5 Ang inyong korderong pipiliin ay yaong walang kapintasan, isang lalake, na iisahing taon: inyong kukunin sa mga tupa, o sa mga kambing:

6 At inyong aalagaan hanggang sa ikalabing apat na araw ng buwang ito, at papatayin ng buong kapulungan ng kapisanan ng Israel, sa paglubog ng araw.

7 At kukuha sila ng dugo niyan, at ilalagay sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, sa mga bahay na kanilang kakainan.

8 At kanilang kakanin ang laman sa gabing yaon, na inihaw sa apoy, at tinapay na walang lebadura, kakanin nilang kaulam ng mapapait na gulay.

9 Huwag ninyong kaning hilaw, o luto man sa tubig, kundi inihaw sa apoy; ang kaniyang ulo pati ng kaniyang mga paa at pati ng kaniyang mga lamang loob.

10 At huwag kayong magtitira ng anoman niyaon hanggang sa kinaumagahan; kundi yaong matitira niyaon sa kinaumagahan ay inyong susunugin sa apoy.

11 At ganito ninyo kakanin; may bigkis ang inyong baywang, ang inyong mga pangyapak ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay tangnan ninyo sa inyong kamay; at inyong kakaning dalidali; siyang paskua ng Panginoon.

12 Sapagka't ako'y dadaan sa lupain ng Egipto sa gabing yaon, at aking lilipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, maging tao at maging hayop; at gagawa ako ng kahatulan laban sa lahat ng mga dios sa Egipto, ako ang Panginoon.

13 At ang dugo ay magiging sa inyo'y isang tanda sa mga bahay na inyong kinaroroonan: at pagka aking nakita ang dugo, ay lalampasan ko kayo, at walang salot na sasainyo, na papatay sa inyo, pananakit ko sa lupaing Egipto.

14 At ang araw na ito'y magiging sa inyo'y isang alaala, at inyong ipagdidiwang na pinakapista sa Panginoon; sa buong panahon ng inyong lahi ay inyong ipagdidiwang na pinakapista na bilang tuntunin magpakailan man.

15 Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang lebadura; sa unang araw ay inyong ihihiwalay sa inyong mga bahay ang lebadura; sapagka't sinomang kumain ng tinapay na may lebadura mula sa unang araw hanggang sa ikapitong araw ay ihihiwalay sa Israel, ang taong yaon.

16 At sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagkakatipon at sa ikapitong araw man ay magkakaroon ding kayo ng isang banal na pagkakatipon; walang anomang gawa na gagawin sa mga araw na iyan, liban na yaong nararapat kanin ng bawa't tao, na siya lamang maaaring gawin ninyo.

17 At iyong ipangingilin ang pista ng tinapay na walang lebadura; sapagka't sa araw ring ito kinuha ko ang inyong mga hukbo sa lupain ng Egipto: kaya't inyong ipangingilin ang araw na ito sa buong panahon ng inyong lahi, na bilang tuntunin magpakailan man.

18 Sa unang buwan ng ikalabing apat na araw ng buwan sa paglubog ng araw ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura, hanggang sa ikadalawang pu't isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw.

19 Pitong araw, na walang masusumpungang lebadura sa inyong mga bahay: sapagka't sinomang kumain niyaong may lebadura, ay ihihiwalay sa kapisanan ng Israel, ang taong yaon, maging taga ibang lupa, o maging ipinanganak sa lupain.

20 Huwag kayong kakain ng anomang bagay na may lebadura; sa lahat ng inyong mga tahanan ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura.

21 Nang magkagayo'y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matanda sa Israel, at sinabi sa kanila, Kayo'y lumabas at kumuha kayo ng mga kordero ayon sa inyo-inyong sangbahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskua.

22 At kayo'y kukuha ng isang bigkis na hisopo, at inyong babasain sa dugo, na nasa palanggana, at inyong papahiran ng dugo na nasa palanggana, ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto: at sinoman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kaniyang bahay hanggang sa kinaumagahan.

23 Sapagka't ang Panginoon ay daraan upang sugatan ang mga Egipcio; at pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, ay lalampasan ng Panginoon ang pintong yaon, at hindi niya papayagan ang manunugat ay pumasok sa inyong mga bahay na sugatan kayo.

24 At inyong ipangingilin ang bagay na ito, na pinakatuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailan man.

25 At mangyayaring pagdating ninyo sa lupain na ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kaniyang ipinangako, ay inyong tutuparin ang paglilingkod na ito.

26 At mangyayaring pagsasabi sa inyo ng inyong mga anak: Anong ibig ninyong sabihin sa paglilingkod na ito?

27 Na inyong sasabihin: Siyang paghahain sa paskua ng Panginoon, na kaniyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Egipto, nang kaniyang sugatan ang mga Egipcio, at iniligtas ang aming mga sangbahayan. At ang bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.

28 At ang mga anak ni Israel ay yumaon at ginawang gayon; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, ay gayong ginawa nila.

29 At nangyari sa hating gabi, na nilipol ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, mula sa panganay ni Faraon na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng bilanggo na nasa bilangguan; at lahat ng panganay sa mga hayop.

30 At si Faraon ay bumangon sa kinagabihan, siya at lahat ng kaniyang mga lingkod, at lahat ng mga Egipcio, at nagkaroon ng isang malakas na hiyawan sa Egipto; sapagka't walang bahay na di mayroong isang patay.

31 At kaniyang tinawag si Moises at si Aaron sa kinagabihan, at sinabi, Kayo'y bumangon, umalis kayo sa gitna ng aking bayan kayo at sangpu ng mga anak ni Israel; at kayo'y yumaong maglingkod sa Panginoon, gaya ng inyong sinabi.

32 Dalhin ninyo kapuwa ang inyong mga kawan at ang inyong mga bakahan, gaya ng inyong sinabi, at kayo'y yumaon: at pagpalain din naman ninyo ako.

33 At pinapagmadali ng mga Egipcio, ang bayan, na madaliang pinaalis sila sa lupain; sapagka't kanilang sinabi, Kaming lahat ay patay na.

34 At dinala ng bayan ang kanilang masa bago humilab, na nababalot ang kanilang mga masa sa kanikanilang damit sa ibabaw ng kanikanilang balikat.

35 At ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa salita ni Moises; at sila'y humingi sa mga Egipcio ng mga hiyas na pilak, at mga hiyas na ginto, at mga damit:

36 At pinagbiyayaan ng Panginoon ang bayan sa paningin ng mga Egipcio, ano pa't ibinigay sa kanila anomang hingin nila. At kanilang hinubaran ang mga Egipcio.

37 At ang angkan ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Succoth, na may anim na raang libong lalake na naglakad, bukod pa ang mga bata.

38 At isang karamihang samasama ang sumampa rin namang kasabay nila; at mga kawan, at mga bakahan, na napakaraming hayop.

39 At kanilang nilutong mga munting tinapay na walang lebadura ang masa na kanilang kinuha sa Egipto, sapagka't hindi pa humihilab, sapagka't sila'y itinaboy sa Egipto, at hindi sila nakatigil o nakapaghanda man ng anomang pagkain.

40 Ang pakikipamayan nga ng mga anak ni Israel, na ipinakipamayan nila sa Egipto, ay apat na raan at tatlong pung taon.

41 At nangyari sa katapusan ng apat na raan at tatlong pung taon, ng araw ding yaon ay nangyari, na ang lahat ng mga hukbo ng Panginoon ay umalis sa lupain ng Egipto.

42 Ito ay isang gabing pangingilin sa Panginoon dahil sa paglalabas niya sa kanila sa lupain ng Egipto: ito ay yaong gabi ng Panginoon na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang lahi.

43 At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Ito ang tuntunin sa paskua: walang sinomang taga ibang lupa na kakain niyaon:

44 Datapuwa't ang alipin ng bawa't lalake na nabili ng salapi, pagkatuli sa kaniya'y makakakain nga niyaon.

45 Ang nakikipamayan at ang alilang binabayaran ay hindi kakain niyaon.

46 Sa isang bahay kakanin; huwag kang magdadala ng laman sa labas ng bahay, ni sisira kayo ng kahit isang buto niyaon.

47 Ipangingilin ng buong kapisanan ng Israel.

48 At pagka ang isang taga ibang lupa ay makikipamayan kasama mo, at mangingilin ng paskua sa Panginoon, ay tuliin lahat ang kaniyang mga lalake at saka siya lumapit at ipangilin: at siya'y magiging parang ipinanganak sa lupain ninyo; datapuwa't sinomang di tuli ay hindi makakakain niyaon.

49 Isang kautusan magkakaroon sa ipinanganak sa lupain, at sa taga ibang bayan na nakikipamayang kasama ninyo.

50 Gayon ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel; kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, gayon nila ginawa.

51 At nangyari nang araw ding yaon, na kinuha ng Panginoon ang mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto, ayon sa kanilang mga hukbo.

Exodo 13

1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

2 Pakabanalin mo sa akin ang lahat ng mga panganay, anomang nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel: maging sa tao at maging sa hayop ay akin.

3 At sinabi ni Moises sa bayan, Alalahanin ninyo ang araw na ito na inialis ninyo sa Egipto, sa bahay ng pagkaalipin; sapagka't sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay hinango kayo ng Panginoon sa dakong ito, wala sinomang kakain ng tinapay na may lebadura.

4 Sa araw na ito ay umaalis kayo ng buwan ng Abib.

5 At mangyayari, na pagkadala sa iyo ng Panginoon sa lupain ng Cananeo, at ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Hebreo, at ng Jebuseo, na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, na ibibigay sa iyo, na lupang binubukalan ng gatas at pulot ay iyong ipangingilin ang paglilingkod na ito sa buwang ito.

6 Pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura, at sa ikapitong araw ay magiging isang kapistahan sa Panginoon.

7 Tinapay na walang lebadura ang kakanin sa loob ng pitong araw, at huwag makakakita sa iyo, ng tinapay na may lebadura, ni makakakita ng lebadura sa iyo, sa lahat ng iyong mga hangganan.

8 At sasaysayin mo sa iyong anak sa araw na yaon, na iyong sasabihin: Dahil sa ginawa ng Panginoon sa akin nang ako'y umalis sa Egipto.

9 At sa iyo'y magiging pinakatanda sa ibabaw ng iyong kamay, at pinakaalaala sa pagitan ng iyong mga mata, upang ang kautusan ng Panginoon ay sumaiyong bibig: sapagka't sa pamamagitan ng malakas na kamay, ay inalis ka ng Panginoon sa Egipto.

10 Isasagawa mo nga ang palatuntunang ito sa kapanahunan nito taon taon.

11 At mangyayari, pagkadala sa iyo ng Panginoon sa lupain ng Cananeo, gaya ng isinumpa sa iyo at sa iyong mga magulang, at pagkabigay niyaon sa iyo,

12 Ay ihihiwalay mo para sa Panginoon yaong lahat na nagbubukas ng bahay-bata, at bawa't panganay na mayroon ka na mula sa hayop; ang mga lalake, ay sa Panginoon.

13 At bawa't panganay sa asno ay tutubusin mo ng isang kordero; at kung hindi mo tutubusin, ay iyo ngang babaliin ang kaniyang leeg: at lahat ng mga panganay na lalake sa iyong mga anak ay iyong tutubusin.

14 At mangyayari, na pagtatanong sa iyo ng iyong anak sa panahong darating, na sasabihin, Ano ito? na iyong sasabihin sa kaniya: Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.

15 At nangyari, nang magmatigas si Faraon na hindi kami tulutang yumaon, ay pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, ang panganay ng tao at gayon din ang panganay ng hayop: kaya't aking inihahain sa Panginoon ang lahat ng nagbubukas ng bahay-bata na mga lalake; nguni't lahat ng panganay ng aking anak ay aking tinutubos.

16 At magiging pinakatanda sa iyong kamay, at pinakaalaala sa pagitan ng iyong mga mata: sapagka't sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Egipto.

17 At nangyari, nang tulutan ni Faraon na ang bayan ay yumaon, na hindi sila pinatnubayan ng Dios sa daang patungo sa lupain ng mga Filisteo, bagaman malapit; sapagka't sinabi ng Dios, Baka sakaling ang bayan ay magsisi pagkakita ng pagbabaka, at magsipagbalik sa Egipto:

18 Kundi pinatnubayan ng Dios ang bayan sa palibot, sa daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Mapula: at ang mga anak ni Israel ay sumampang nangakasakbat mula sa lupain ng Egipto.

19 At dinala ni Moises ang mga buto ni Jose: sapagka't kaniyang ipinanumpang mahigpit sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Tunay na dadalawin kayo ng Dios; at inyong isasampa ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo.

20 At sila'y naglakbay mula sa Succoth, at humantong sa Etham, sa hangganan ng ilang.

21 At ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap, upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi, ay sa isang haliging apoy, upang tanglawan sila; upang sila'y makapaglakad sa araw at sa gabi.

22 Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi humihiwalay sa harapan ng bayan.

Exodo 14:1-20

1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila'y bumalik at humantong sa tapat ng Pi-hahiroth, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baalzephon: sa tapat niyaon hahantong kayo, sa tabi ng dagat.

3 At sasabihin ni Faraon tungkol sa mga anak ni Israel: Nangasisilo sila sa lupain, sila'y naliligid ng ilang.

4 At aking papagmamatigasin ang puso ni Faraon, at kaniyang hahabulin sila at kayo'y magiimbot ng karangalan kay Faraon, at sa lahat niyang hukbo; at malalaman ng mga Egipcio, na ako ang Panginoon. At kanilang ginawang gayon.

5 At nasabi sa hari sa Egipto, na ang bayan ay tumakas: at ang puso ni Faraon at ng kaniyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa bayan, at kanilang sinabi, Ano itong ating ginawa, na ating pinayaon ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran?

6 At inihanda ni Faraon ang kaniyang karro, at kaniyang ipinagsama ang kaniyang bayan:

7 At siya'y nagdala ng anim na raang piling karro, at lahat ng mga karro sa Egipto, at ng mga kapitan na namumuno sa lahat ng mga yaon.

8 At pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon na hari sa Egipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, sapagka't ang mga anak ni Israel ay nagsialis na may lubos na pagkakatiwala.

9 At hinabol sila ng mga Egipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karro ni Faraon, at ng kaniyang mga taong mangangabayo, at ng kaniyang hukbo, at inabutan sila noong nakahantong sa tabi ng dagat, na nasa siping ng Pi-hahirot, sa tapat ng Baal-zefon.

10 At nang si Faraon ay nalalapit, ay itiningin ng mga anak ni Israel ang kanilang mga mata, at, narito, ang mga Egipcio ay sumusunod sa kanila; at sila'y natakot na mainam: at ang mga anak ni Israel ay humibik sa Panginoon.

11 At kanilang sinabi kay Moises, Dahil ba sa walang libingan sa Egipto, kung kaya dinala mo kami rito upang mamatay sa ilang? bakit ka gumawa ng ganito sa amin, na inilabas mo kami sa Egipto?

12 Di ba ito ang sinalita namin sa iyo sa Egipto, na sinasabi, Pabayaan mo kami na makapaglingkod sa mga Egipcio? Sapagka't lalong mabuti sa amin ang maglingkod sa mga Egipcio kay sa kami ay mamatay sa ilang.

13 At sinabi ni Moises sa bayan, Huwag kayong matakot, tumigil kayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na gagawin sa inyo ngayon: sapagka't ang mga Egipcio na inyong nakikita ngayon, ay hindi na ninyo uli makikita magpakailan man.

14 Ipakikipaglaban kayo ng Panginoon, at kayo'y tatahimik.

15 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bakit humihibik ka sa akin? salitain mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy na yumaon.

16 At itaas mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo; at ang mga anak ni Israel ay dadaan sa gitna ng dagat sa ibabaw ng lupang tuyo.

17 At ako, narito, aking papagmamatigasin ang puso ng mga Egipcio at susundan nila sila: at ako'y magiimbot ng karangalan kay Faraon, at sa buo niyang hukbo, sa kaniyang mga karro, at sa kaniyang mga nangangabayo.

18 At malalaman ng mga Egipcio, na ako ang Panginoon, pagka ako ay nakapagimbot ng karangalan kay Faraon, sa kaniyang mga karro, at sa kaniyang mga nangangabayo.

19 At ang anghel ng Dios na nasa unahan ng kampamento ng Israel, ay humiwalay at napasa hulihan nila; at ang haliging ulap ay humiwalay sa harap nila at lumagay sa likod nila:

20 At lumagay sa pagitan ng kampamento ng Egipto at ng kampamento ng Israel; at mayroong ulap at kadiliman, gayon ma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag.