Hakbang 214

pag-aaral

     

Manunulat 1

1 Ang mga salita ng Mangangaral, na anak ni David, hari sa Jerusalem.

2 Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral; walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, lahat ay walang kabuluhan.

3 Anong pakinabang mayroon ang tao sa lahat ng kaniyang gawa, na kaniyang ginagawa sa ilalim ng araw?

4 Isang salin ng lahi ay yumayaon, at ibang salin ng lahi ay dumarating; nguni't ang lupa ay nananatili magpakailan man.

5 Ang araw naman ay sumisikat, at ang araw ay lumulubog, at nagmamadali sa dakong sinisikatan nito.

6 Ang hangin ay yumayaon sa dakong timugan, at pumipihit sa hilagaan: at laging pumipihit na patuloy, at ang hangin ay bumabalik uli ayon sa kaniyang pihit.

7 Lahat ng mga ilog ay humuhugos sa dagat, gayon may hindi napupuno ang dagat; sa dakong hinuhugusan ng mga ilog, doon din nagsisihugos uli ang mga yaon.

8 Lahat ng mga bagay ay puspos ng pagaalapaap; hindi maisasaysay ng tao: ang mata ay hindi nasisiyahan ng pagtingin, ni ang tainga man ay nasisiyahan sa pakikinig.

9 Yaong nangyari ay siyang mangyayari; at yaong nagawa ay siyang magagawa: at walang bagong bagay sa ilalim ng araw.

10 May bagay ba na masasabi ang mga tao, Tingnan mo, ito'y bago? nayari nga sa mga panahon na una sa atin.

11 Walang alaala sa mga dating lahi; ni magkakaroon man ng alaala sa mga huling salin ng lahi na darating, sa mga yaon na darating pagkatapos.

12 Akong Mangangaral ay naging hari sa Israel sa Jerusalem.

13 At inihilig ko ang aking puso na hanapin at siyasatin sa pamamagitan ng karunungan ang lahat na nagawa sa silong ng langit: mahirap na pagdaramdam na ito ang ibinigay ng Dios sa mga anak ng mga tao, upang pagsanayan.

14 Aking nakita ang lahat na gawa, na nagawa sa ilalim ng araw; at, narito, lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.

15 Ang baluktot ay hindi matutuwid: at ang kulang ay hindi mabibilang.

16 Ako'y sumangguni sa aking sariling puso, na sinasabi ko, Narito, nagtamo ako sa akin ng malaking karunungan ng higit kay sa lahat na nauna sa akin sa Jerusalem: oo, ang puso ko'y nagtaglay ng malaking kabihasnan sa karunungan at kaalaman.

17 At inihilig ko ang aking puso na makaalam ng karunungan, at makaalam ng kaululan at ng kamangmangan: aking nahalata na ito man ay nauuwi sa wala.

18 Sapagka't sa maraming karunungan at maraming kapanglawan: at siyang nananagana sa kaalaman ay nananagana sa kapanglawan.

Manunulat 2

1 Sinabi ko sa aking puso: Pumarito ka ngayon, Susubukin kitang may kasayahan; kaya't magsawa ka sa kalayawan: at narito, ito rin ay walang kabuluhan.

2 Aking sinabi tungkol sa tawa, Ito'y ulol: at sa kasayahan, Anong ginagawa nito?

3 Aking siniyasat sa aking puso na kung paanong masasayahan ang aking katawan sa pamamagitan ng alak, pinapatnubayan pa ng karunungan ang aking puso at kung paanong hahawak sa kamangmangan, hanggang sa aking makita kung ano ang mabuti sa mga anak ng mga tao na marapat nilang gawin sa silong ng langit sa lahat ng mga kaarawan ng kanilang buhay.

4 Gumawa ako sa ganang akin ng mga malaking gawa; nagtayo ako sa ganang akin ng mga bahay; nagtanim ako sa ganang akin ng mga ubasan;

5 Gumawa ako sa ganang akin ng mga halamanan at mga liwasan, at aking tinamnan ng mga sarisaring puno ng kahoy na nagkakabunga:

6 Gumawa ako sa ganang akin ng mga tipunan ng tubig, upang dumilig ng gubat na pagtatamnan ng mga puno ng kahoy:

7 Ako'y bumili ng mga aliping lalake at babae, at nagkaroon ako ng mga aliping ipinanganak sa aking bahay; nagkaroon din naman ako ng mga malaking pag-aari na mga bakahan at mga kawan, ng higit kay sa lahat na nauna sa akin sa Jerusalem:

8 Nagtipon din ako sa ganang akin ng pilak at ginto, at ng tanging kayamanan ng mga hari at ng mga lalawigan: nagtatangkilik ako sa akin ng mga lalaking mangaawit at mga babaing mangaawit, at ng mga kalayawan ng mga anak ng mga tao, mga sarisaring instrumento ng musiko iya'y totoong marami.

9 Sa gayo'y naging dakila ako, at lumago ako ng higit kay sa lahat na nauna sa akin sa Jerusalem: ang akin namang karunungan ay namamalagi sa akin.

10 At anomang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait: hindi ko pinigil ang aking puso sa anomang kagalakan, sapagka't nagagalak ang aking puso dahil sa lahat kong gawain; at ito ang aking bahagi na mula sa lahat kong gawain.

11 Nang magkagayo'y minasdan ko ang lahat ng mga gawa, na ginawa ng aking mga kamay, at ang gawain na aking pinagsikapang gawin; at, narito, lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at walang pakinabang sa ilalim ng araw.

12 At ako'y pumihit upang masdan ang karunungan, at ang kaululan at ang kamangmangan; sapagka't ano ang magagawa ng tao na sumusunod sa hari? samakatuwid baga'y ang nagawa na laong panahon ng nakaraan.

13 Nang magkagayo'y aking nakita, na ang karunungan ay humihigit sa kamangmangan, na gaya ng liwanag na humihigit sa dilim.

14 Ang mga mata ng pantas ay na sa kaniyang ulo, at ang mangmang ay lumalakad sa kadiliman: at gayon ma'y aking namalas na isang pangyayari ang nangyari sa kanilang lahat.

15 Nang magkagayo'y sinabi ko sa puso ko, Kung ano ang nangyari sa mangmang gayon ang mangyayari sa akin; at bakit pa nga ako naging lalong pantas? Nang magkagayo'y sinabi ko sa puso ko, na ito man ay walang kabuluhan.

16 Sapagka't kung paano sa pantas ay gayon din sa mangmang, walang alaala magpakailan man; dangang sa mga araw na darating ay malilimutang lahat na. At kung paanong ang pantas ay namamatay ay gayon ang mangmang!

17 Sa gayo'y ipinagtanim ko ang buhay; sapagka't ang gawa na ginawa sa ilalim ng araw ay mapanglaw sa akin: sapagka't lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.

18 At ipinagtanim ko ang lahat kong gawa na aking ginawa sa ilalim ng araw: yamang marapat kong iwan sa tao na susunod sa akin.

19 At sinong nakakaalam kung siya'y magiging isang pantas o isang mangmang? gayon ma'y magpupuno siya sa lahat ng aking gawa, na aking ginawa, at sa aking pinagpakitaan ng karunungan sa ilalim ng araw. Ito man ay walang kabuluhan.

20 Kaya't ako'y bumalik upang aking alisan ng pagasa ang aking puso tungkol sa lahat na gawa na aking ginawa sa ilalim ng araw.

21 Sapagka't may tao, na ang gawa ay sa pamamagitan ng karunungan, at ng kaalaman, at ng kabihasnan; gayon ma'y sa tao na hindi gumawa niyaon ay iiwan niya na pinakabahagi niyaon. Ito man ay walang kabuluhan at malaking kasamaan.

22 Sapagka't ano ang tinatamo ng tao sa lahat niyang gawa, at sa nais ng kaniyang puso na kaniyang iginawa sa ilalim ng araw?

23 Sapagka't lahat niyang kaarawan ay mga kapanglawan lamang, at ang kaniyang pagdaramdam ay hapis; oo, pati sa gabi ay hindi nagpapahinga ang kaniyang puso. Ito man ay walang kabuluhan.

24 Walang maigi sa tao kundi ang kumain at uminom, at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang gawa. Ito man ay aking nakita na mula sa kamay ng Dios.

25 Sapagka't sinong makakakain, o sinong makapagtataglay ng kagalakang higit kay sa akin?

26 Sapagka't ang tao na kinaluluguran niya, binibigyan ng Dios ng karunungan, at kaalaman, at kagalakan: nguni't ang makasalanan ay binibigyan niya ng damdam, na magpisan at magbunton, upang maibigay sa kaniya na kinaluluguran ng Dios. Ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.

Manunulat 3:1-8

1 Sa bawa't bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawa't panukala sa silong ng langit:

2 Panahon ng kapanganakan, at panahon ng kamatayan; panahon ng pagtatanim, at panahon ng pagbunot ng itinanim;

3 Panahon ng pagpatay, at panahon ng pagpapagaling; panahon ng paggiba, at panahon ng pagtatayo;

4 Panahon ng pagiyak, at panahon ng pagtawa; panahon ng pagtangis, at panahon ng pagsayaw;

5 Panahon ng paghahagis ng mga bato, at panahon ng pagpipisan ng mga bato; panahon ng pagyakap, at panahon ng pagpipigil sa pagyakap;

6 Panahon ng paghanap, at panahon ng pagkawala: panahon ng pagiingat, at panahon ng pagtatapon;

7 Panahon ng pagpunit, at panahon ng pananahi; panahon ng pagtahimik, at panahon ng pagsasalita;

8 Panahon ng pagibig, at panahon ng pagtatanim; panahon ng digma, at panahon ng kapayapaan.