Hakbang 222

pag-aaral

     

Isaias 19:11-25

11 Ang mga pangulo sa Zoan ay lubos na mangmang; ang payo ng mga pinakapantas at kasangguni ni Faraon ay naging tampalasan: paanong masasabi ninyo kay Faraon, Ako'y anak ng pantas, anak ng mga dating hari?

12 Saan nangaroon nga ang iyong mga pantas? at sasabihin nila sa iyo ngayon; at alamin nila kung ano ang pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa Egipto.

13 Ang mga pangulo sa Zoan ay naging mga mangmang, ang mga pangulo sa Nof ay nangadaya; kanilang iniligaw ang Egipto, na siyang panulok na bato ng kaniyang mga lipi.

14 Naghalo ang Panginoon ng diwa ng kasuwailan sa gitna niya: at iniligaw nila ang Egipto sa bawa't gawa niya, na parang langong tao na nahahapay sa kaniyang suka.

15 Hindi na magkakaroon man sa Egipto ng anomang gawain, na magagawa ng ulo o ng buntot, sanga ng palma, o tambo.

16 Sa araw na yaon ay magiging parang mga babae ang Egipto: at manginginig at matatakot dahil sa bala ng kamay ng Panginoon ng mga hukbo, na kaniyang ibinabala.

17 At ang lupain ng Juda ay magiging kakilabutan sa Egipto; sa kanino man mabanggit yaon ay matatakot, dahil sa panukala ng Panginoon ng mga hukbo, na ipinanukala laban doon.

18 Sa araw na yaon ay magkakaroon ng limang bayan sa lupain ng Egipto, na mangagsasalita ng wika ng Canaan, at magsisisumpa sa Panginoon ng mga hukbo; isa'y tatawagin: Ang bayang giba.

19 Sa araw na yaon ay magkakaroon ng isang dambana sa Panginoon sa gitna ng lupain ng Egipto, at isang haligi sa hangganan niyaon sa Panginoon.

20 At magiging pinakatanda at pinakasaksi sa Panginoon ng mga hukbo sa lupain ng Egipto: sapagka't sila'y magsisidaing sa Panginoon dahil sa mga mamimighati, at magsusugo siya sa kanila ng isang tagapagligtas, at isang tagapagsanggalang, at kaniyang ililigtas sila.

21 At ang Panginoon ay makikilala sa Egipto, at makikilala ng mga Egipcio ang Panginoon sa araw na yaon; oo, sila'y magsisisamba na may hain at alay, at magsisipanata ng panata sa Panginoon, at tutuparin.

22 At sasaktan ng Panginoon ang Egipto, na nananakit at magpapagaling; at sila'y manunumbalik sa Panginoon, at siya'y madadalanginan nila, at pagagalingin niya sila.

23 Sa araw na yaon ay magkakaroon ng lansangan mula sa Egipto hanggang sa Asiria, at ang mga taga Asiria ay magsisipasok sa Egipto, at ang mga Egipcio ay sa Asiria, at ang mga Egipcio ay magsisisambang kasama ng mga taga Asiria.

24 Sa araw na yao'y magiging pangatlo ang Israel sa Egipto at sa Asiria, na pagpapala sa gitna ng lupain:

25 Sapagka't pinagpala sila ng Panginoon ng mga hukbo, na sinasabi, Pagpalain ang bayan kong Egipto, at ang Asiria na gawa ng aking mga kamay, at ang Israel na aking mana.

Isaias 20

1 Nang taong dumating si Tartan kay Asdod, nang suguin siya ni Sargon na hari sa Asiria, at siya'y makipaglaban kay Asdod, at sakupin niya;

2 Nang panahong yaon ay nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Isaias na anak ni Amoz, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, at kalagin mo ang kayong magaspang sa iyong mga balakang, at maghubad ka ng iyong panyapak sa iyong paa. At ginawa niyang gayon na lumakad na hubad at walang panyapak.

3 At sinabi ng Panginoon, Kung paanong ang aking lingkod na si Isaias ay lumakad na hubad at walang panyapak na tatlong taon na pinakatanda at pinakakamanghaan sa Egipto at sa Etiopia;

4 Gayon ihahatid ng hari sa Asiria ang mga bihag sa Egipto, at ang mga tapon sa Etiopia, bata at matanda, hubad at walang panyapak, at may mga pigi na litaw, sa ikapapahiya ng Egipto.

5 At sila'y manganglulupaypay at mangapapahiya, dahil sa Etiopia na kanilang pagasa at sa Egipto na kanilang kaluwalhatian.

6 At ang nananahan sa baybaying ito ay mangagsasabi sa araw na yaon, Narito, gayon na lamang ang aming pagasa, na aming tinakasan na hiningan ng tulong upang makalaya sa hari sa Asiria: at kami paanong makatatanan?

Isaias 21

1 Ang hula tungkol sa ilang na nasa baybayin ng dagat. Kung paanong umiikot ang mga ipoipo sa Timugan gayon dumarating ang hangin na mula sa ilang mula sa kakilakilabot na lupain.

2 Isang malubhang pangitain ay naipahayag sa akin; ang manggagawa ng karayaan ay gumagawang may karayaan, at ang mananamsam ay nananamsam. Umahon ka, Oh Elam; kumubkob ka, Oh Media; lahat ng buntong-hininga niya'y aking pinatigil.

3 Kaya't ang aking mga balakang ay puspos ng kahirapan; mga hirap ay dinamdam ko, gaya ng mga hirap ng babae sa pagdaramdam; ako'y naghihirap na anopa't hindi ako makarinig; ako'y nanglulupaypay na anopa't hindi ako makakita.

4 Ang aking puso ay sumisikdo, kakilabutan ay tumakot sa akin: ang pagtatakip-silim na aking ninasa ay naging kapanginigan sa akin.

5 Sila'y nangaghanda ng dulang, sila'y nangaglagay ng bantay, sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom: magsitindig kayo, kayong mga pangulo, inyong ihanda ang kalasag.

6 Sapagka't ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon, maglagay ka ng bantay; ipahayag niya kung ano ang nakikita niya:

7 At pagka siya'y nakakita ng pulutong, ng mga nangangabayong dalawa't dalawa, ng mga asno, ng pulutong ng mga kamelyo siya'y masikap na makikinig na ma'y pagiingat.

8 At siya'y umungal na parang leon: Oh Panginoon, ako'y tumatayong lagi sa moog na bantayan kung araw, at ako'y tumatanod sa aking bantayan na magdamagan:

9 At, narito, dito'y dumarating ang isang pulutong na lalake, mga nangangabayong dalawa't dalawa. At siya'y sumagot at nagsabi, Babilonia ay nabagsak, nabagsak, at lahat na larawang inanyuan na kaniyang mga dios ay nangabagsak sa lupa.

10 Oh ikaw na aking giniik, at trigo ng aking giikan: ang aking narinig sa Panginoon ng mga hukbo, sa Dios ng Israel, aking ipinahayag sa iyo.

11 Ang hula tungkol sa Duma. May tumatawag sa akin mula sa Seir, Bantay, anong nangyari sa gabi? Bantay, anong nangyari sa gabi?

12 Sinabi ng bantay, Ang umaga ay dumarating, at gayon din ang gabi: kung inyong uusisain, usisain ninyo: magsipihit kayo, parito kayo.

13 Ang hula tungkol sa Arabia. Sa gubat ng Arabia ay magsisitigil kayo, Oh kayong nangaglalakbay na pulupulutong na mga Dedaneo.

14 Ang nauuhaw ay dinadalhan nila ng tubig; sinalubong ng mga nananahan sa lupain ng Tema na may kanilang tinapay ang mga bihag.

15 Sapagka't kanilang tinatakasan ang mga tabak, ang bunot na tabak, at ang akmang busog, at ang lala ng digmaan.

16 Sapagka't ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, Sa loob ng isang taon, ayon sa mga taon ng magpapaupa, ang lahat ng kaluwalhatian ng Cedar ay mapapawi:

17 At ang malabi sa bilang sa mga mangbubusog, sa mga makapangyarihang lalake na mga anak ni Cedar, ay mangiilan: sapagka't ang Panginoon, ang Dios ng Israel, siyang nagsalita.

Isaias 22

1 Ang hula tungkol sa libis ng pangitain. Anong ipinakikialam mo ngayon na ikaw ay lubos na sumampa sa mga bubungan?

2 Oh ikaw na puspos ng mga hiyawan, magulong bayan, masayang bayan; ang iyong mga patay ay hindi nangapatay ng tabak, o nangamatay man sila sa pakikipagbaka.

3 Lahat mong pinuno ay nagsitakas na magkakasama, nangatalian ng mga mangbubusog: lahat na nangasumpungan sa iyo ay nangataliang magkakasama, nagsitakas na malayo.

4 Kaya't sinabi ko, Bayaan ninyo ako, ako'y iiyak na may kapanglawan; huwag ninyong sikaping aliwin ako, ng dahil sa pagkasamsam sa anak na babae ng aking bayan.

5 Sapagka't araw na pagkatulig at ng pagyurak, at ng pagkalito, mula sa Panginoon, mula sa Panginoon ng mga hukbo, sa libis ng pangitain; pagkabagsak ng mga kuta at paghiyaw sa mga bundok.

6 At ang Elam ay may dalang lalagyan ng pana, may mga karo ng mga tao at mga mangangabayo; at ang Kir ay Bunot ang kalasag.

7 At nangyari, na ang iyong pinakapiling libis ay puno ng mga karo, at ang mga mangangabayo ay nagsisihanay sa pintuang-bayan.

8 At kaniyang inalis ang takip ng Juda; at ikaw ay tumitig ng araw na yaon sa sakbat sa bahay na kahoy sa gubat.

9 At inyong nakita ang mga sira ng bayan ni David, na napakarami: at inyong pinisan ang tubig ng mababang tangke.

10 At inyong binilang ang mga bahay ng Jerusalem, at inyong iginiba ang mga bahay upang patibayin ang kuta.

11 Kayo'y nagsigawa naman ng tipunang tubig sa pagitan ng dalawang kuta para sa tubig ng dating tangke. Nguni't hindi ninyo tiningnan siyang gumawa nito, o nagpakundangan man kayo sa kaniya na naganyo nito na malaon na.

12 At nang araw na yao'y tumawag ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, sa pagiyak, at sa pagtangis, at sa pagkakalbo, at sa pagbibigkis ng kayong magaspang.

13 At, narito, kagalakan at kasayahan, pagpatay ng mga baka at pagpatay ng mga tupa, pagkain ng karne, at paginom ng alak: Tayo'y magsikain at magsiinom, sapagka't bukas tayo ay mangamamatay.

14 At ang Panginoon ng mga hukbo ay naghayag sa aking mga pakinig, Tunay na ang kasamaang ito ay hindi malilinis sa inyo hanggang sa kayo'y mangamatay, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.

15 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, Ikaw ay yumaon, pumaroon ka sa tagaingat-yamang ito sa makatuwid baga'y kay Sebna, na katiwala sa bahay, at iyong sabihin,

16 Anong ginagawa mo rito? at sinong ibinaon mo rito, na gumawa ka rito ng isang libingan para sa iyo? na gumagawa ka ng libingan sa itaas, at umuukit ka ng tahanan niyang sarili sa malaking bato!

17 Narito, ibabagsak kang bigla ng Panginoon na gaya ng malakas na tao: oo, kaniyang hihigpitan ka.

18 Tunay niyang papipihit-pihitin at itatapon ka na parang bola sa malaking lupain; doon ka mamamatay, at doon malalagay ang mga karo ng iyong kaluwalhatian, ikaw na kahihiyan ng sangbahayan ng iyong panginoon.

19 At aalisin kita sa iyong katungkulan, at sa iyong kinaroroonan ay ibubuwal ka.

20 At mangyayari sa araw na yaon, na aking tatawagin ang aking lingkod na si Eliacim na anak ni Hilcias:

21 At aking susuutan siya ng iyong balabal, at patitibayin siya ng iyong pamigkis, at aking ipagkakatiwala ang iyong pamamahala sa kaniyang kamay: at siya'y magiging ama sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa sangbahayan ni Juda.

22 At ang katungkulan sa sangbahayan ni David ay iaatang ko sa kaniyang balikat; at siya'y magbubukas, at walang magsasara; at siya'y magsasara, at walang magbubukas.

23 At aking ikakapit siya na parang pako sa isang matibay na dako; at siya'y magiging pinakaluklukan ng kaluwalhatian sa sangbahayan ng kaniyang magulang.

24 At kanilang ipagkakaloob sa kaniya ang buong kaluwalhatian ng sangbahayan ng kaniyang magulang, ang mga anak at ang angkan, bawa't sisidlan, mula sa mga munting sisidlan hanggang sa mga malalaking sisidlan.

25 Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, matatanggal ang pakong nakapit sa matibay na dako; at mababalikwat, at mahuhulog, at ang mga sabit niyaon ay malalaglag; sapagka't sinalita ng Panginoon.

Isaias 23

1 Ang hula tungkol sa Tiro. Magsiangal kayo, kayong mga sasakyang dagat ng Tarsis; sapagka't nasira, na anopa't walang bahay, walang pasukan: mula sa lupain ng Chittim ay nahayag sa kanila.

2 Magsitahimik kayo, kayong mga nananahan sa baybayin; ikaw na pinasagana ng mga mangangalakal ng Sidon, na nagdaraan sa dagat.

3 At nasa baybayin ng malawak na tubig ang binhi ng Sihor, ang ani ng Nilo, naging kaniyang pakinabang; at siya'y naging pamilihan ng mga bansa.

4 Mahiya ka, O Sidon: sapagka't sinalita ng dagat, ng tanggulan ng dagat, na sinasabi, hindi ako nagdamdam, o nanganak man, o nagalaga man ako ng mga binata, o nagpalaki ng mga dalaga.

5 Pagka ang balita ay dumating sa Egipto, ay mamamanglaw silang mainam sa balita tungkol sa Tiro.

6 Mangagpatuloy kayo sa Tarsis: magsiangal kayo, kayong mga nananahan sa baybayin.

7 Ito baga ang inyong masayang bayan, na matanda na mula pa noong unang araw, na dinadala ng kaniyang mga paa sa malayo upang mangibang bayan?

8 Sinong nagpanukala nito laban sa Tiro na siyang bayang nagpuputong, na ang mga manininda ay mga pangulo, na ang mga mangangalakal ay mararangal sa lupa.

9 Pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo, upang hamakin ang kapalaluan ng buong kaluwalhatian, upang hiyain ang lahat na mararangal sa lupa?

10 Magdaan ka sa iyong lupain na gaya ng Nilo, Oh anak na babae ng Tarsis; wala ka ng lakas.

11 Kaniyang iniunat ang kaniyang kamay sa dagat, kaniyang niyanig ang mga kaharian: ang Panginoon ay nagutos tungkol sa Canaan, upang gibain ang mga kuta niyaon.

12 At kaniyang sinabi, Ikaw ay hindi na magagalak pa, Oh ikaw na aping dalaga ng Sidon; bumangon ka, magdaan ka sa Chittim: doon ma'y hindi ka magkakaroon ng kapahingahan.

13 Tingnan mo ang lupain ng mga Caldeo; ang bayang ito ay wala na; inilaan ng taga Asiria para sa mga hayop sa ilang; kanilang itinayo ang kanilang mga moog; iginiba nila ang mga palacio niyaon: kaniyang pinapaging isang guho.

14 Magsiangal kayo, kayong mga sasakyang dagat ng Tarsis: sapagka't ang inyong tanggulan ay giba.

15 At mangyayari, sa araw na yaon na ang Tiro ay malilimutang pitong pung taon, ayon sa mga kaarawan ng isang hari: pagkatapos ng pitong pung taon ay mangyayari sa Tiro ang gaya sa awit ng patutot.

16 Ikaw ay humawak ng alpa, lumibot ka sa bayan, ikaw na patutot na nalimutan; magpainam ka ng tinig, umawit ka ng maraming awit, upang ikaw ay maalaala.

17 At mangyayari, sa katapusan ng pitong pung taon, na dadalawin ng Panginoon ang Tiro, at pagbabalikan niya ang kaniyang upa, at magiging patutot sa lahat ng kaharian ng sanglibutan sa ibabaw ng lupa.

18 At ang kaniyang kalakal at ang upa sa kaniya ay itatalaga sa Panginoon: hindi itatago o isisimpan man, sapagka't ang kaniyang kalakal ay magiging sa ganang kanila na nagsisitahan sa harap ng Panginoon, upang magsikaing may kabusugan, at manamit na mainam.

Isaias 24:1-6

1 Narito, pinawawalan ng laman ng Panginoon ang lupa, at sinisira, at binabaligtad, at pinangangalat ang mga nananahan doon.

2 At mangyayari, na kung paano sa mga tao, gayon sa saserdote; kung paano sa alipin, gayon sa kaniyang panginoon; kung paano sa alilang babae, gayon sa kaniyang panginoong babae; kung paano sa mamimili, gayon sa nagbibili; kung paano sa mapagpahiram, gayon sa manghihiram; kung paano sa mapagpatubo, gayon sa pinatutubuan.

3 Ang lupa ay lubos na mawawalan ng laman, at lubos na masasamsaman; sapagka't sinalita ng Panginoon ang salitang ito.

4 Ang lupa ay tumatangis at nasisira, ang sanglibutan ay nanghihina at nanglalata, ang mapagmataas na bayan sa lupa ay nanghihina.

5 Ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nananahan doon; sapagka't kanilang sinalangsang ang kautusan, binago ang alituntunin, sinira ang walang hanggang tipan.

6 Kaya't nilamon ng sumpa ang lupa, at silang nagsisitahan doon ay nangasumpungang salarin; kaya't ang mga nananahan sa lupa ay nangasunog, at nangagilan ang tao.