1
Sa aba ng mga mapanghimagsik na mga anak, sabi ng Panginoon, na nagsisisangguni, nguni't hindi sa akin; at nangagaalay ng alay, nguni't hindi sa aking Espiritu, upang makapagdagdag ng kasalanan sa kasalanan:
2
Ang nagsisilakad na nagsisilusong sa Egipto, at hindi nangagtanong sa aking bibig; upang mangagpakalakas sa lakas ni Faraon, at magsitiwala sa lilim ng Egipto!
3
Kaya't ang lakas ni Faraon ay magiging inyong kahihiyan, at ang pagtiwala sa lilim ng Egipto ay inyong pagkalito.
4
Sapagka't ang kaniyang mga pangulo ay nangasa Zoan, at ang kanilang mga sugo ay nagsidating sa Hanes.
5
Silang lahat ay mangapapahiya dahil sa bayan na hindi nila mapapakinabangan, na hindi tulong o pakinabang man, kundi kahihiyan, at kakutyaan din naman.
6
Ang hula tungkol sa mga hayop ng Timugan. Sa lupain ng kabagabagan at ng kahapisan, na pinanggagalingan ng leong babae at lalake, ng ulupong at ng lumilipad na makamandag na ahas, kanilang dinadala ang kanilang mga kayamanan sa mga gulugod ng mga batang asno, at ang kanilang mga kayamanan sa umbok ng gulugod ng mga kamelyo, sa isang bayan na hindi nila mapapakinabangan.
7
Sapagka't ang Egipto ay tumulong na walang kabuluhan, at walang kapararakan: kaya't aking tinawag siyang Rahab na nauupong walang kibo.
8
Ngayo'y yumaon ka, isulat mo sa harap nila sa isang tapyas na bato, at ititik mo sa isang aklat upang manatili sa panahong darating na walang hanggan.
9
Sapagka't mapanghimagsik na bayan, mga sinungaling na anak, mga anak na hindi didinig ng kautusan ng Panginoon:
10
Na nagsasabi sa mga tagakita, Huwag kayong kumita; at sa mga propeta, Huwag kayong manghula sa amin ng mga matuwid na bagay, magsalita kayo sa amin ng mga malubay na bagay, manghula kayo ng mga magdarayang bagay:
11
Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas, papaglikatin ninyo ang Banal ng Israel sa harap namin.
12
Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel, Sapagka't inyong hinamak ang salitang ito, at nagsitiwala kayo sa kapighatian at kasuwailan, at yaon ay inyong inaasahan:
13
Kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y gaya ng batong sira na madaling mababagsak, na natatanggal sa isang matayog na pader, na biglang dumarating ang pagkasira sa isang sangdali.
14
At yao'y kaniyang babasagin na gaya ng pagbasag ng palyok ng magpapalyok, na nababasag na putolputol na walang matitira; na anopat walang masusumpungan na kapiraso sa mga putol niyaon, na maikukuha ng apoy mula sa apuyan, o maikakadlo ng tubig sa balon.
15
Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, ng Banal ng Israel, Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay matitiwasay kayo; sa katahimikan at sa pagasa ay magiging ang inyong lakas. At hindi ninyo inibig.
16
Kundi inyong sinabi, Hindi, sapagka't kami ay magsisitakas na mangangabayo: kaya kayo'y magsisitakas: at, Kami ay magsisisakay sa mga maliksi; kaya't silang magsisihabol sa inyo ay maliliksi.
17
Isang libo ay tatakas sa saway ng isa; sa saway ng lima ay tatakas kayo: hanggang sa kayo'y maiwang parang isang palatandaan sa taluktok ng bundok, at gaya ng isang watawat sa isang burol.
18
At dahil dito maghihintay ang Panginoon, upang siya'y maging mapagbiyaya sa inyo, at kaya't mabubunyi siya, na siya'y magdadalang habag sa inyo: sapagka't ang Panginoon ay Dios ng kahatulan; mapapalad yaong lahat na nangaghihintay sa kaniya.
19
Sapagka't ang bayan ay tatahan sa Sion sa Jerusalem: ikaw ay hindi na iiyak pa; siya'y tunay na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; pagka kaniyang maririnig, sasagutin ka niya.
20
At bagaman bigyan kayo ng Panginoon ng tinapay ng kasakunaan at ng tubig ng kadalamhatian, gayon may hindi na makukubli pa ang iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo:
21
At ang iyong mga pakinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, Ito ang daan, lakaran ninyo; pagka kayo'y pumipihit sa kanan, at pagka kayo'y pumipihit sa kaliwa.
22
At inyong lalapastanganin ang mga panakip ng inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang pangbalot sa inyong mga larawang ginto na binubo: iyong ipaghahagis na gaya ng maruming bagay: iyong sasabihin, Humayo ka.
23
At Siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi, na iyong hahasikan ang lupa; at ng pagkaing bunga ng lupa, at magiging mataba at sagana. Sa araw na yaon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan.
24
Ang mga baka at gayon din ang mga guyang asno na bumubukid ng lupa ay magsisikain ng may lasang pagkain, na pinahanginan ng pala at hunkoy.
25
At magkakaroon ng mga ilog at mga balon ng tubig sa lahat na mataas na bundok, at sa lahat na matayog na burol, sa araw ng malaking patayan, pagka ang mga moog ay nabubuwal.
26
Bukod dito'y ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magpipito, na gaya ng liwanag ng pitong araw, sa araw na talian ng Panginoon ang sugat ng kaniyang bayan, at pagalingin ang bugbog na kanilang sugat.
27
Narito, ang pangalan ng Panginoon ay magmumula sa malayo, na nagniningas ng kaniyang galit, at nasa umiilanglang na salimuot na usok: ang kaniyang mga labi ay puno ng pagkagalit, at ang kaniyang dila ay gaya ng mamumugnaw na apoy:
28
At ang kaniyang hinga ay gaya ng umaapaw na ilog, na umaabot hanggang sa leeg, upang igigin ang mga bansa ng pangigig na pangsira; at isang paningkaw na nakapagpapaligaw ay malalagay sa mga panga ng mga bayan.
29
Kayo'y mangagkakaroon ng awit na gaya ng sa gabi pagka ang banal na kapistahan ay ipinagdidiwang; at kasayahan ng puso, na gaya ng yumayaon na may plauta upang masok sa bundok ng Panginoon, sa malaking Bato ng Israel.
30
At iparirinig ng Panginoon ang kaniyang maluwalhating tinig, at ipakikilala ang pagbabaka ng kaniyang bisig, na may pagkagalit ng kaniyang galit, at ng liyab ng mamumugnaw na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo,
31
Sapagka't sa pamamagitan ng tinig ng Panginoon ay mangagkakawatakwatak ang taga Asiria, na nananakit ng pamalo.
32
At bawa't hampas ng takdang tungkod, na ibabagsak ng Panginoon sa kaniya, mangyayaring may mga pandereta at may mga alpa; at sa mga pakikipagbakang may pagkayanig ay makikipaglaban siya sa kanila,
33
Sapagka't ang Topheth ay handa nang malaon; oo, sa ganang hari ay inihanda; kaniyang pinalalim at pinalaki: ang bunton niyaon ay apoy at maraming kahoy: ang hinga ng Panginoon na gaya ng bugso ng azufre, ay nagpapaningas ng apoy.