Hakbang 229

pag-aaral

     

Isaias 50

1 Ganito ang sabi ng Panginoon, Saan nandoon ang sulat ng pagkakahiwalay ng iyong ina, na aking ipinaghiwalay sa kaniya? o sa kanino sa mga nagpapautang sa akin ipinagbili kita? Narito, dahil sa inyong mga kasamaan ay naipagbili kayo, at dahil sa inyong mga pagsalangsang ay nahiwalay ang inyong ina.

2 Bakit, nang ako'y parito, ay walang tao? nang ako'y tumawag, ay walang sumagot? naging maiksi na baga ang aking kamay na hindi makatubos? o wala akong kapangyarihang makapagligtas? Narito, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat, aking pinapaging ilang ang mga ilog: ang kanilang isda ay bumabaho, sapagka't walang tubig, at namamatay dahil sa uhaw.

3 Aking binibihisan ng kaitiman ang langit at aking ginagawang kayong magaspang ang kaniyang takip.

4 Binigyan ako ng Panginoong Dios ng dila ng nangaturuan, upang aking maalaman kung paanong aaliwin ng mga salita siyang nanglulupaypay. Siya'y nagigising tuwing umaga, ginigising niya ang aking pakinig upang makinig na gaya ng mga natuturuan.

5 Binuksan ng Panginoong Dios ang aking pakinig, at ako'y hindi naging mapanghimagsik, o tumalikod man.

6 Aking ipinain ang aking likod sa mga mananakit, at ang aking mga pisngi sa mga bumabaltak ng balbas; hindi ko ikinubli ang aking mukha sa kahihiyan at sa paglura.

7 Sapagka't tutulungan ako ng Panginoong Dios; kaya't hindi ako nalito: kaya't inilagay ko ang aking mukha na parang batong pingkian, at talastas ko na hindi ako mapapahiya.

8 Siya'y malapit na nagpapatotoo sa akin; sinong makikipaglaban sa akin? tayo'y magsitayong magkakasama: sino ang aking kaaway? bayaang lumapit siya sa akin.

9 Narito, tutulungan ako ng Panginoong Dios; sino siya na hahatol sa akin? narito, silang lahat ay mangalulumang parang bihisan; lalamunin sila ng tanga.

10 Sino sa inyo ang natatakot sa Panginoon, na sumusunod sa tinig ng kaniyang lingkod? Siyang lumalakad sa kadiliman, at walang liwanag, tumiwala siya sa pangalan ng Panginoon, at umasa sa kaniyang Dios.

11 Narito, kayong lahat na nangagsusulsol ng apoy, na kumukubkob ng mga sulo: magsilakad kayo sa liyab ng inyong apoy, at sa gitna ng mga sulo na inyong pinagalab. Ito ang tatamuhin ninyo sa aking kamay; kayo'y hihiga sa kapanglawan.

Isaias 51

1 Kayo'y magsipakinig sa akin, kayong nagsisisunod sa katuwiran, kayong nagsisihanap sa Panginoon: magsitingin kayo sa malaking bato na inyong kinaputulan, at sa luwang ng hukay na kinahukayan sa inyo.

2 Tingnan ninyo si Abraham na inyong ama, at si Sara na nanganak sa inyo; sapagka't nang siya'y iisa ay tinawag ko siya, at aking pinagpala siya, at aking pinarami siya.

3 Sapagka't inaliw ng Panginoon ang Sion; kaniyang pinasaya ang lahat niyang sirang dako, at ginawa niyang parang Eden ang kaniyang ilang, at ang kaniyang lupang masukal ay parang halamanan ng Panginoon; kagalakan at kasayahan ay masusumpungan doon, pagpapasalamat, at tinig na mainam.

4 Makinig ka sa akin, Oh bayan ko; at pakinggan mo ako, Oh bansa ko: sapagka't isang kautusan ay magmumula sa akin, at ang aking kahatulan ay gagawin kong pinakaliwanag sa mga bayan.

5 Ang katuwiran ko ay malapit, ang aking pagliligtas ay lumabas, at hahatol ang aking mga bisig sa mga bayan; ang mga pulo ay magsisipaghintay sa akin, at sa aking bisig ay magsisitiwala sila.

6 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit, at magsitungo kayo sa lupa sa ibaba; sapagka't ang mga langit ay mapapawing parang usok, at ang lupa ay malulumang parang bihisan; at silang nagsisitahan doon ay mangamamatay ng gayon ding paraan: nguni't ang pagliligtas ko ay magpakailan man, at ang aking katuwiran ay hindi mawawakasan.

7 Inyong pakinggan ako, ninyong nakakaalam ng katuwiran, bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan; huwag ninyong katakutan ang pula ng mga tao, o manglupaypay man kayo sa kanilang mga paglait.

8 Sapagka't sila'y lalamunin ng tanga na parang bihisan, at kakanin sila ng uod na parang bihisan na balahibo ng tupa; nguni't ang aking katuwiran ay magiging magpakailan man, at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng sali't saling lahi.

9 Gumising ka, gumising ka, magbihis ka ng kalakasan, Oh bisig ng Panginoon; gumising ka na gaya nang kaarawan noong una, nang mga lahi ng mga dating panahon. Hindi baga ikaw ang pumutol ng Rahab, na sumaksak sa buwaya?

10 Hindi baga ikaw ang tumuyo sa dagat, sa tubig ng malaking kalaliman; na iyong pinapaging daan ang kalaliman ng dagat upang daanan ng natubos?

11 At ang mga tinubos ng Panginoon ay magsisibalik, at magsisiparoong may awitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan ay sasa kanilang mga ulo: sila'y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan; at ang kapanglawan at pagbubungtong-hininga ay tatakas.

12 Ako, ako nga, ay siyang umaaliw sa inyo: sino ka na natatakot sa tao na mamamatay at sa anak ng tao na gagawing parang damo;

13 At iyong kinalimutan ang Panginoon na May-lalang sa iyo, na nagladlad ng mga langit, at naglalagay ng mga patibayan ng lupa; at ikaw ay natatakot na lagi buong araw dahil sa pusok ng mamimighati, pagka siya'y nagmamadali upang gumiba? at saan nandoon ang pusok ng mamimighati?

14 Ang bihag na tapon ay madaling bibitawan; at hindi mamamatay at bababa sa hukay, o magkukulang man ang kaniyang tinapay.

15 Sapagka't ako ang Panginoon mong Dios, na nagpapahugong sa dagat, na ang mga alon niyao'y humuhugong: ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan.

16 At inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig, at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay, upang aking mailadlad ang mga langit, at mailagay ang mga patibayan ng lupa, at magsabi sa Sion, Ikaw ay aking bayan.

17 Gumising ka, gumising ka, tumayo ka, Oh Jerusalem, na uminom ka sa kamay ng Panginoon sa saro ng kaniyang kapusukan; iyong ininuman ang saro ng pangpagiray, at iyong sinaid.

18 Walang pumatnubay sa kaniya sa lahat na anak na kaniyang ipinanganak; o may humawak man sa kaniya sa kamay sa lahat na anak na kaniyang pinalaki.

19 Ang dalawang bagay na ito ay nangyari sa iyo; sinong makikidamdam sa iyo? kagibaan, at kasiraan, at ang kagutom at ang tabak; paanong aaliwin kita?

20 Ang iyong mga anak ay nanganglupaypay, sila'y nangahihiga sa dulo ng lahat na lansangan, na gaya ng isang usa sa isang silo; sila'y puspos ng kapusukan ng Panginoon, ng saway ng iyong Dios.

21 Kaya't pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati, at lango, nguni't hindi ng alak:

22 Ganito ang sabi ng iyong Panginoon na Jehova, at ng iyong Dios na nagsasanggalang ng usap ng kaniyang bayan, Narito, aking inalis sa iyong kamay ang saro na pangpagiray, ang saro nga ng aking kapusukan; hindi ka na iinom pa:

23 At aking ilalagay sa kamay nila na nagsisidalamhati sa iyo, na nakapagsabi sa iyong kaluluwa, Ikaw ay dumapa upang kami ay dumaan, at iyong inilagpak ang iyong likod na parang lupa, at parang lansangan sa kanilang nagdaraan.

Isaias 52

1 Gumising ka, gumising ka, magsuot ka ng iyong kalakasan, Oh Sion; magsuot ka ng iyong mga magandang damit, Oh Jerusalem, na bayang banal: sapagka't mula ngayo'y hindi na papasok pa sa iyo ang hindi tuli at ang marumi.

2 Magpagpag ka ng alabok; ikaw ay bumangon, umupo ka sa iyong luklukan, Oh Jerusalem: magkalag ka ng mga tali ng iyong leeg, Oh bihag na anak na babae ng Sion.

3 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y naipagbili sa wala; at kayo'y matutubos ng walang salapi.

4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Egipto upang makipamayan doon: at pinighati sila ng mga taga Asiria ng walang kadahilanan.

5 Ngayon nga, anong ginagawa ko rito, sabi ng Panginoon, yamang ang aking bayan ay dinala ng walang anoano? silang nangagpupuno sa kanila ay nagsisiungal, sabi ng Panginoon, at ang aking pangalan ay natutungayaw na lagi buong araw,

6 Kaya't makikilala ng aking bayan ang aking pangalan: kaya't matatalastas nila sa araw na yaon, na ako yaong nagsasalita; narito, ako nga.

7 Anong pagkaganda sa mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nangagdadala ng mga mabuting balita sa ikabubuti, na nagtatanyag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion, Ang iyong Dios ay naghahari!

8 Ang tinig ng iyong mga bantay! sila'y naglalakas ng tinig, na magkakasamang nagsisiawit; sapagka't sila'y makakakita ng mukhaan pagka ang Panginoon ay bumalik sa Sion.

9 Kayo'y magbiglang magalak, kayo'y magsiawit na magkakasama, kayong mga sirang dako ng Jerusalem; sapagka't inaliw ng Panginoon ang kaniyang bayan, kaniyang tinubos ang Jerusalem.

10 Hinubdan ng Panginoon ang kaniyang banal na bisig sa harap ng mga mata ng lahat na bansa; at makikita ng lahat na wakas ng lupa ang pagliligtas ng ating Dios.

11 Kayo'y magsiyaon, kayo'y magsiyaon, kayo'y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay; kayo'y magsilabas sa gitna niya; kayo'y mangagpakalinis, kayong nangagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.

12 Sapagka't kayo'y hindi magsisilabas na nagmamadali, o magsisilabas man kayo na takas: sapagka't ang Panginoon ay magpapauna sa inyo; at ang Dios ng Israel ay magiging inyong bantay likod.

13 Narito, ang lingkod ko ay gagawang may karunungan, siya'y mabubunyi, at malalagay na mataas, at magiging napakataas.

14 Kung paanong marami ang natigilan dahil sa iyo (ang kaniyang mukha ay napakakatuwa kay sa kaninomang lalake, at ang kaniyang anyo ay higit na kumatuwa kay sa mga anak ng mga tao),

15 Gayon siya magwiwisik sa maraming bansa; ang mga hari ay magtitikom ng kanilang mga bibig dahil sa kaniya: sapagka't ang hindi nasaysay sa kanila ay kanilang makikita; at ang hindi nila narinig ay kanilang mauunawa.

Isaias 53

1 Sinong naniwala sa aming balita? at kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?

2 Sapagka't siya'y tumubo sa harap niya na gaya ng sariwang pananim, at gaya ng ugat sa tuyong lupa: walang anyo o kagandahan man; at pagka ating minamasdan siya ay walang kagandahan na mananais tayo sa kaniya.

3 Siya'y hinamak at itinakuwil ng mga tao; isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman: at gaya ng isa na pinagkublihan ng kanilang mukha ng mga tao, na siya'y hinamak, at hindi natin hinalagahan siya.

4 Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan; gayon ma'y ating pinalagay siya na hinampas, sinaktan ng Dios, at dinalamhati.

5 Nguni't siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.

6 Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat.

7 Siya'y napighati, gayon man nang siya'y dinalamhati ay hindi nagbuka ng kaniyang bibig; gaya ng kordero na dinadala sa patayan, at gaya ng tupang nasa harap ng mga manggugupit sa kaniya ay pipi, gayon ma'y hindi niya binuka ang kaniyang bibig.

8 Sa pamamagitan ng kapighatian at kahatulan ay dinala siya: at tungkol sa kaniyang lahi, sino sa kanila ang gumunita na siya'y nahiwalay sa lupain ng buhay? dahil sa pagsalangsang ng aking bayan ay nasaktan siya.

9 At ginawa nila ang kaniyang libingan na kasama ng mga masama, at kasama ng isang lalaking mayaman sa kaniyang kamatayan; bagaman hindi siya gumawa ng pangdadahas, o wala mang anomang karayaan sa kaniyang bibig.

10 Gayon ma'y kinalugdan ng Panginoon na mabugbog siya; inilagay niya siya sa pagdaramdam: pagka iyong gagawin ang kaniyang kaluluwa na pinakahandog dahil sa kasalanan, makikita niya ang kaniyang lahi, pahahabain niya ang kaniyang mga kaarawan, at ang pagkalugod ng Panginoon ay lalago sa kaniyang kamay.

11 Siya'y makakakita ng pagdaramdam ng kaniyang kaluluwa at masisiyahan: sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman ay aariing ganap ng aking matuwid na lingkod ang marami; at dadalhin niya ang kanilang mga kasamaan.

12 Kaya't hahatian ko siya ng bahagi na kasama ng dakila, at kaniyang hahatiin ang samsam na kasama ng malakas; sapagka't kaniyang idinulot ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan, at ibinilang na kasama ng mga mananalangsang: gayon ma'y dinala niya ang kasalanan ng marami, at namagitan sa mga mananalangsang.

Isaias 54

1 Umawit ka, Oh baog, ikaw na hindi nanganak; ikaw ay magbiglang umawit, at humiyaw ng malakas, ikaw na hindi nagdamdam ng panganganak: sapagka't higit ang mga anak ng binawaan kay sa mga anak ng may asawa, sabi ng Panginoon.

2 Iyong palakhin ang dako ng iyong tolda, at maladlad ang mga tabing ng iyong mga tahanan; huwag kang magurong: habaan mo ang iyong mga lubid, at patibayin mo ang iyong mga tulos.

3 Sapagka't ikaw ay lalago sa kanan at sa kaliwa; at ang iyong lahi ay magaari ng mga bansa, at patatahanan ang mga gibang bayan.

4 Huwag kang matakot; sapagka't ikaw ay hindi mapapahiya: o malilito ka man; sapagka't hindi ka malalagay sa kahihiyan: sapagka't iyong kalilimutan ang kahihiyan ng iyong kabataan, at ang pula sa iyong pagkabao ay hindi mo maaalaala pa.

5 Sapagka't ang May-lalang sa iyo ay iyong asawa; ang Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan: at ang Banal ng Israel ay iyong Manunubos, ang Dios ng buong lupa tatawagin siya.

6 Sapagka't tinawag ka ng Panginoon na parang asawang kinalimutan namamanglaw sa kalooban, parang asawa ng kabataan, pagka siya'y itinatakuwil, sabi ng iyong Dios.

7 Sa sangdaling-sangdali ay kinalimutan kita; nguni't pipisanin kita sa pamamagitan ng mga malaking kaawaan.

8 Sa kaunting pagiinit ay ikinubli ko ang aking mukha sa iyo sa isang sangdali; nguni't kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob, sabi ng Panginoon, na iyong Manunubos.

9 Sapagka't ito ay parang tubig ng panahon ni Noe sa akin; sapagka't kung paanong ako'y sumumpa, na ang tubig ng panahon ni Noe ay hindi na aahon pa sa lupa, gayon ako'y sumumpa na hindi ako magiinit sa iyo, o sasaway sa iyo.

10 Sapagka't ang mga bundok ay mangapapaalis, at ang mga burol ay mangapapalipat; nguni't ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o ang akin mang tipan ng kapayapaan ay maalis, sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.

11 Oh ikaw na nagdadalamhati, na pinapaspas ng bagyo, at hindi naaaliw, narito, aking ilalagay ang iyong mga bato na may magandang mga kulay, at ilalapag ko ang iyong mga patibayan na may mga zafiro.

12 At gagawin kong mga rubi ang iyong mga dungawan, at mga karbungko ang iyong mga pintuang-bayan, at mga mahahalagang bato ang iyong lahat na hangganan.

13 At lahat mong anak ay tuturuan ng Panginoon; at magiging malaki ang kapayapaan ng iyong mga anak.

14 Sa katuwiran ay matatatag ka: ikaw ay malalayo sa kapighatian sapagka't yao'y hindi mo katatakutan; at sa kakilabutan, sapagka't hindi lalapit sa iyo.

15 Narito, sila'y magkakapisan, nguni't hindi sa pamamagitan ko: sinomang magpipisan laban sa iyo ay mabubuwal dahil sa iyo.

16 Narito, aking nilalang ang panday na humihihip sa mga baga, at naglalabas ng kasangkapan para sa kaniyang gawa; at aking nilalang ang manglilipol upang manglipol.

17 Walang almas na ginawa laban sa iyo ay pakikinabangan at bawa't dila na gagalaw laban sa iyo sa kahatulan ay iyong hahatulan. Ito ang mana ng mga lingkod ng Panginoon, at ang katuwiran nila ay sa akin, sabi ng Panginoon.