Hakbang 235

pag-aaral

     

Jeremias 9

1 Oh kung ang aking ulo lamang ay maging tubig, at ang aking mga mata ay bukalan ng mga luha, upang ako'y makaiyak araw at gabi dahil sa pagkamatay ng anak na babae ng aking bayan!

2 Oh kung magkaroon ako sa ilang ng patuluyan sa mga naglalakad; upang aking maiwan ang aking bayan, at lisanin ko sila! sapagka't silang lahat ay mangangalunya, kapulungan ng mga taong taksil!

3 At pinamimilantik nila ang kanilang dila gaya ng kanilang busog, dahil sa kabulaanan; at sila'y nagsisitakas sa lupain, nguni't hindi para sa katotohanan: sapagka't sila'y nagpatuloy mula sa kasamaan hanggang sa kasamaan, at hindi nila ako nakikilala, sabi ng Panginoon.

4 Mangagingat bawa't isa sa inyo sa kaniyang kapuwa, at huwag kayong mangagkatiwala sa kanino mang kapatid; sapagka't bawa't kapatid ay mangaagaw, at bawa't kapuwa ay makikisama sa mapanirang puri.

5 At mangagdaya bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at hindi mangagsasalita ng katotohanan: kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan; sila'y nangagpakapagod upang gumawa ng kasamaan.

6 Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pangdadaya: dahil sa pangdadaya ay ayaw silang kumilala sa akin, sabi ng Panginoon.

7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking lilituhin sila, at susubukin sila; sapagka't ano pa ang aking magagawa, dahil sa anak na babae ng aking bayan?

8 Ang kanilang dila ay panang nakamamatay; nagsasalita ng karayaan: nagsasalitang may kapayapaan ng kaniyang bibig sa kaniyang kapuwa, nguni't bumabakay siya ng kaniyang puso sa kaniya.

9 Hindi ko baga dadalawin sila dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon; hindi baga manghihiganti ako sa isang bansa na gaya nito?

10 Sa mga bundok ay maglalakas ako ng pagiyak at pananangis, at sa mga sabsaban sa ilang ay panaghoy, sapagka't nasunog ang mga yaon, na anopa't walang dumaraan; hindi man narinig ng mga tao ang angal ng kawan; ang mga ibon sa himpapawid at gayon din ang mga hayop sa parang ay nagsitakas, ang mga ito'y nagsiyaon.

11 At aking gagawin na mga bundok ang Jerusalem, na tahanang dako ng mga chakal; at aking sisirain ang mga bayan ng Juda, na walang mananahan.

12 Sino ang pantas na makakaunawa nito? at sino siya na pinagsalitaan ng bibig ng Panginoon, upang kaniyang maipahayag? bakit ang lupain ay napupugnaw at nasusunog na parang ilang, na anopa't walang dumaraan?

13 At sinabi ng Panginoon, Sapagka't kanilang pinabayaan ang aking kautusan na aking inilagay sa harap nila, at hindi nagsisunod sa aking tinig, o nilakaran man nila;

14 Kundi sila'y nagsisunod sa pagmamatigas ng kanilang sariling puso, at nagsisunod sa mga Baal, na itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang;

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking pakakanin sila, ang bayang ito, ng ajenjo, at bibigyan ko sila ng inuming mapait upang inumin.

16 Akin ding pangangalatin sila sa gitna ng mga bansa, na hindi nakilala kahit nila o ng kanilang mga magulang man; at ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa aking malipol sila.

17 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y mangagdilidili, at magsitawag ng mga tagapanangis na babae, upang sila'y mangakaparito; at inyong ipasundo ang mga bihasang babae, upang sila'y mangakaparito:

18 At mangagmadali sila, at mangaglakas sila ng panangis dahil sa atin, upang ang ating mga mata ay daluyan ng mga luha, at ang ating mga talukapmata ay labasan ng tubig.

19 Sapagka't ang tinig ng panangis ay naririnig mula sa Sion, Ano't tayo'y nasisira! tayo'y lubhang nangalito, sapagka't ating pinabayaan ang lupain, sapagka't kanilang ibinagsak ang ating mga tahanan.

20 Gayon ma'y inyong dinggin ang salita ng Panginoon, Oh ninyong mga babae, at tanggapin ng inyong pakinig ang salita ng kaniyang bibig; at turuan ninyo ang inyong mga anak na babae ng panangis, at turuan ng bawa't isa ang kaniyang kapuwa ng panaghoy.

21 Sapagka't ang kamatayan ay sumampa sa loob ng ating mga dungawan, ito'y pumasok sa ating mga palacio; upang ihiwalay ang mga anak sa labas, at ang mga binata sa mga lansangan.

22 Salitain mo: Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang mga bangkay ng mga tao ay mangabubuwal na parang dumi sa luwal na parang, at parang bigkis sa likod ng manggagapas: at walang dadampot.

23 Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag magmapuri ang pantas sa kaniyang karunungan, o magmapuri man ang makapangyarihan sa kaniyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kaniyang kayamanan;

24 Kundi magmapuri sa ganito ang lumuluwalhati, na kaniyang nauunawa, at kaniyang nakikilala ako, na ako ang Panginoon na nagsasagawa sa lupa ng kagandahang-loob, kahatulan at katuwiran; sapagka't sa mga bagay na ito ay nalulugod ako, sabi ng Panginoon.

25 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking parurusahan silang lahat na nangatuli sa hindi tunay na pagkatuli.

26 Ang Egipto, at ang Juda, at ang Edom, at ang mga anak ni Ammon, at ang Moab, at lahat ng nagsisigupit ng laylayan ng kaniyang buhok, na nagsisitahan sa ilang; sapagka't lahat ng mga bansa ay hindi tuli, at ang buong sangbahayan ni Israel ay hindi tuli sa puso.

Jeremias 10

1 Inyong dinggin ang salita na sinasalita ng Panginoon sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel.

2 Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong matuto ng lakad ng mga bansa, at huwag kayong manganglupaypay sa mga tanda ng langit; sapagka't ang mga bansa ay nanganglulupaypay sa mga yaon.

3 Sapagka't ang mga kaugalian ng mga bayan ay walang kabuluhan: sapagka't may pumuputol ng punong kahoy sa gubat, na siyang gawa ng mga kamay ng manggagawa sa pamamagitan ng palakol.

4 Kanilang ginagayakan ng pilak at ng ginto; kanilang ikinakapit ng mga pako at ng mga pamukpok, upang huwag makilos.

5 Sila'y gaya ng puno ng palma, na binilog, at hindi nagsasalita: kinakailangang pasanin, sapagka't hindi makalakad. Huwag ninyong katakutan ang mga yaon, sapagka't hindi makagagawa ng kasamaan, ni wala ring magagawang mabuti.

6 Walang gaya mo, Oh Panginoon; ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan.

7 Sinong hindi matatakot sa iyo, Oh Hari ng mga bansa? sapagka't sa iyo nauukol; palibhasa'y sa gitna ng lahat ng pantas sa mga bansa, at sa lahat nilang kaharian, ay walang gaya mo.

8 Kundi sila'y pawang tampalasan at hangal turo ng mga dios-diosan, yao'y kahoy lamang.

9 May pilak na pinukpok na dinala rito mula sa Tarsis, at ginto mula sa Uphaz, na gawa ng manggagawa at ng mga kamay ng panday; azul at kulay ube ang kanilang damit; gawang lahat ng mga bihasang manggagawa.

10 Nguni't ang Panginoon ay tunay na Dios; siya ang buhay na Dios, at walang hanggang Hari: sa kaniyang poot ay nayayanig ang lupa, at hindi matatagalan ng mga bansa ang kaniyang galit.

11 Ganito ang inyong sasabihin sa kanila, Ang mga dios na hindi gumawa ng langit at ng lupa, ang mga ito ang mangalilipol sa lupa, at sa silong ng langit.

12 Kaniyang ginawa ang lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, kaniyang itinatag ang sanglibutan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at kaniyang iniladlad ang langit sa pamamagitan ng kaniyang pagkaunawa:

13 Pagka siya'y naguutos, may hugong ng tubig sa langit, at kaniyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa; siya'y nagpapakidlat para sa ulan, at naglalabas ng hangin mula sa mga kinalalagyan.

14 Bawa't tao ay naging tampalasan at walang kaalaman; bawa't panday ay nalagay sa kahihiyan sa kaniyang larawang inanyuan; sapagka't ang kaniyang larawang binubo ay kabulaanan, at hindi humihinga ang mga yaon.

15 Sila'y walang kabuluhan, gawang karayaan: sa panahon ng pagdalaw sa mga yaon sila ay mangalilipol.

16 Ang bahagi ng Jacob ay hindi gaya ng mga ito; sapagka't siya ang may kapal sa lahat ng mga bagay; at ang Israel ay siyang lipi na kaniyang mana ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan.

17 Iyong pulutin ang iyong mga kalakal mula sa lupain, Oh ikaw na nakukubkob.

18 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibubulid ang mga mananahan sa lupain sa panahong ito, at aking pahihirapan sila upang sila'y makaramdam.

19 Sa aba ko, dahil sa aking sugat! ang aking sugat ay malubha: nguni't aking sinabi, Tunay na ito ay aking hirap, at aking marapat na tiisin.

20 Ang aking tolda ay nagiba, at lahat ng panali ko ay nangapatid; iniwan ako ng aking mga anak, at sila'y wala na: wala nang magtayo pa ng aking tolda, at magtaas ng aking mga tabing.

21 Sapagka't ang mga pastor ay naging tampalasan, at hindi nagsisangguni sa Panginoon: kaya't hindi sila magsisiginhawa, at lahat nilang kawan ay nangalat.

22 Ang tinig ng mga balita, narito, dumarating, at malaking kagulo mula sa lupaing hilagaan, upang gawing kagibaan ang mga bayan ng Juda, at tahanan ng mga chakal.

23 Oh Panginoon, talastas ko na ang lakad ng tao ay hindi sa kaniyang sarili; hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang mga hakbang.

24 Oh Panginoon, sawayin mo ako, nguni't sa pamamagitan ng kahatulan; huwag sa iyong galit, baka ako'y iuwi mo sa wala.

25 Iyong ibuhos ang iyong kapusukan sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo, at sa mga angkan na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan; sapagka't kanilang sinakmal ang Jacob, oo, kanilang sinakmal siya, at nilipol siya, at sinira ang kaniyang tahanan.

Jeremias 11

1 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi,

2 Inyong pakinggan ang mga salita ng tipang ito, at inyong salitain sa mga tao ng Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem,

3 At iyong sabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Sumpain ang taong hindi nakikinig ng mga salita ng tipang ito,

4 Na aking iniutos sa iyong mga magulang, nang araw na aking inilabas sila mula sa lupain ng Egipto, mula sa hurnong bakal, na nagsasabi, inyong talimahin ang aking tinig, at inyong isagawa, ayon sa lahat na iniuutos ko sa inyo: sa gayo'y magiging bayan ko kayo, at ako'y magiging inyong Dios;

5 Upang aking maitatag ang sumpa na aking isinumpa sa inyong mga magulang, upang ibigay ko sa kanila ang isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot, gaya sa araw na ito. Nang magkagayo'y sumagot ako, at sinabi ko, Siya nawa, Oh Panginoon.

6 At sinabi ng Panginoon sa akin, Inyong itanyag ang lahat ng mga salitang ito sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, na inyong sabihin, Inyong dinggin ang mga salita ng tipang ito, at inyong isagawa.

7 Sapagka't aking pinatunayang mainam sa inyong mga magulang nang araw na aking iahon sila sa lupain ng Egipto, hanggang sa araw na ito, na ako'y bumabangong maaga at pinatutunayan ko, na aking sinasabi, Inyong talimahin ang aking tinig.

8 Gayon ma'y hindi nila tinalima o ikiniling man ang kanilang pakinig kundi lumakad bawa't isa sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso: kaya't dinala ko sa kanila ang lahat na salita ng tipang ito, na aking iniutos sa kanila na isagawa, nguni't hindi nila isinagawa.

9 At sinabi ng Panginoon sa akin, Isang pagbabanta ay nasumpungan sa gitna ng mga lalake ng Juda, at sa gitna ng mga nananahan sa Jerusalem.

10 Sila'y nanganumbalik sa mga kasamaan ng kanilang mga kanunuan, na nagsitangging duminig ng aking mga salita; at sila'y nagsisunod sa ibang mga dios upang paglingkuran: sinira ng sangbahayan ni Israel at ng sangbahayan ni Juda ang aking tipan na aking ipinakipagtipan sa kanilang mga magulang.

11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, na hindi nila matatakasan; at sila'y magsisidaing sa akin, nguni't hindi ko sila didinggin.

12 Kung magkagayo'y magsisiyaon at magsisidaing ang mga bayan ng Juda at ang mga nananahan sa Jerusalem sa mga dios na kanilang pinaghandugan ng kamangyan: nguni't hindi sila ililigtas nila sa anoman sa panahon ng kanilang kabagabagan.

13 Sapagka't ayon sa bilang ng iyong mga bayan ay gayon ang iyong mga dios. Oh Juda; at ayon sa bilang ng mga lansangan ng Jerusalem ay nagtayo kayo ng mga dambana sa kahiyahiyang bagay, mga dambana upang pagsunugan ng kamangyan kay Baal.

14 Kaya't huwag mong idalangin ang bayang ito, o palakasin man ang daing patungkol sa kanila ni dalangin man; sapagka't hindi ko didinggin sila sa panahon na sila'y magsisidaing sa akin dahil sa kanilang kabagabagan.

15 Anong magagawa ng aking sinta sa aking buhay, yamang siya'y gumawa ng kahalayan sa marami, at ang banal na lamang handog ay humiwalay sa iyo? pagka ikaw ay gumagawa ng kasamaan, ikaw nga'y nagagalak.

16 Tinawag ng Panginoon ang iyong pangalan, Sariwang puno ng olivo, maganda na may mainam na bunga: sa pamamagitan ng ingay ng malaking kagulo ay kaniyang sinilaban ng apoy, at ang mga sanga niyaon ay nangabali.

17 Sapagka't ang Panginoon ng mga hukbo, na nagtatag sa iyo, ay nagbabadya ng kasamaan laban sa iyo, dahil sa kasamaan ng sangbahayan ni Israel, at ng sangbahayan ni Juda na kanilang ginawa sa ganang kanilang sarili sa pamumungkahi sa akin sa galit sa pamamagitan ng paghahandog ng kamangyan kay Baal.

18 At binigyan ako ng kaalaman ng Panginoon tungkol doon, at naalaman ko: nang magkagayo'y ipinakita mo sa akin ang kanilang mga gawa.

19 Nguni't ako'y gaya ng maamong kordero na pinapatnubayan sa patayan; at hindi ko naalaman na sila'y nangakakatha na ng mga katha laban sa akin, na nangagsasabi, Ating sirain ang punong kahoy sangpu ng bunga niyaon, at ating ihiwalay siya sa lupain ng buhay, upang ang kaniyang pangalan ay huwag ng maalaala.

20 Nguni't, Oh Panginoon ng mga hukbo, na humahatol ng matuwid, na tumatarok ng puso at ng pagiisip, ipakita mo sa akin ang iyong kagantihan sa kanila; sapagka't sa iyo inihayag ko ang aking usap.

21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga lalake ng Anathoth na nagsisiusig ng iyong buhay, na nangagsasabi, Ikaw ay huwag manghuhula sa pangalan ng Panginoon, upang huwag kang mamatay sa aming kamay;

22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking parurusahan sila: ang mga binata ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak; ang kanilang mga anak na lalake at babae ay mangamamatay dahil sa gutom;

23 At hindi magkakaroon ng nalabi sa kanila: sapagka't ako'y magdadala ng kasamaan sa mga lalake ng Anathoth, sa makatuwid baga'y sa taon ng pagdalaw sa kanila.

Jeremias 12

1 Ikaw ay matuwid, Oh Panginoon, nang ako'y makipagtalo sa iyo; gayon ma'y makikipagmatuwiranan ako sa iyo: bakit gumiginhawa ang lakad ng masama? bakit nangatitiwasay silang lahat na nagsisigawa ng may lubhang kataksilan?

2 Iyong itinanim sila, oo, sila'y nangagkaugat; nagsisitubo, oo, sila'y nangagbubunga: ikaw ay malapit sa kanilang bibig, at malayo sa kanilang mga puso.

3 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, nakakakilala sa akin; iyong nakikita ako, at tinatarok mo ang aking puso: itaboy mo silang gaya ng mga tupa sa patayan, at ihanda mo sila sa kaarawan ng pagpatay.

4 Hanggang kailan tatangis ang lupain, at matutuyo ang mga damo sa buong lupain? dahil sa kasamaan nila na nagsisitahan doon, nilipol ang mga hayop, at ang mga ibon; sapagka't kanilang sinabi, Hindi niya makikita ang ating huling kawakasan.

5 Kung ikaw ay tumakbo na kasama ng nangaglalakad, at kanilang pinagod ka, paano ngang makikipagunahan ka sa mga kabayo? at bagaman sa lupain ng kapayapaan ay tiwasay ka, gayon ma'y paano ang gagawin mo sa kapalaluan ng Jordan?

6 Sapagka't ang iyong mga kapatid man at ang sangbahayan ng iyong magulang, ay nagsigawa ring may kataksilan sa iyo; nagsihiyaw rin ng malakas sa hulihan mo: huwag mong paniwalaan sila, bagaman sila'y nangagsasalita ng mga mabuting salita sa iyo.

7 Aking pinabayaan ang aking bahay, aking itinakuwil ang aking mana; aking ibinigay ang giliw na sinta ng aking kaluluwa sa kamay ng kaniyang mga kaaway.

8 Sa akin ang mana ko ay naging parang leon sa gubat: kaniyang inilakas ang kaniyang tinig laban sa akin; kaya't aking ipinagtanim siya.

9 Ang akin bagang mana sa akin ay naging parang mangdadagit na ibong batikbatik? ang mga mangdadagit na ibon baga ay laban sa kaniya sa palibot? kayo'y magsiyaon, inyong pagpulungin ang lahat na hayop sa parang, inyong dalhin sila rito upang magsipanakmal.

10 Sinira ng maraming pastor ang aking ubasan, kanilang niyapakan ng paa ang aking bahagi, kanilang ginawa ang aking mahalagang bahagi na ilang na sira.

11 Kanilang ginawa, itong isang kagibaan; tumatangis sa akin, palibhasa'y sira; ang buong lupain ay nasira, sapagka't walang taong gumugunita.

12 Mga manglilipol ay nagsidating sa lahat na luwal na kaitaasan sa ilang: sapagka't ang tabak ng Panginoon ay nananakmal mula sa isang dulo ng lupain hanggang sa kabilang dulo ng lupain walang taong may kapayapaan.

13 Sila'y nangaghasik ng trigo, at nagsiani ng mga tinik: sila'y nangagpakahirap, at walang pinakikinabang: at kayo'y mangapapahiya sa inyong mga gawa, dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.

14 Ganito ang sabi ng Panginoon laban sa lahat na masama kong kapuwa, na nagsisigalaw ng mana sa aking bayang Israel, Narito, akin silang bubunutin sa kanilang lupain, at aking bubunutin ang sangbahayan ni Juda sa gitna nila.

15 At mangyayari, na pagkatapos na aking mabunot sila, ako'y babalik at maaawa sa kanila; at aking ibabalik sila uli, bawa't tao ay sa kaniyang mana, at bawa't tao ay sa kaniyang lupain.

16 At mangyayari, kung kanilang matutuhang masikap ang mga lakad ng aking bayan, ang pagsumpa sa pangalan ko, Buhay ang Panginoon; sa makatuwid baga'y gaya ng kanilang itinuro sa bayan ko na pagsumpa sa pangalan ni Baal: ay mangatatayo nga sila sa gitna ng aking bayan.

17 Nguni't kung hindi nila didinggin, akin ngang bubunutin ang bansang yaon, na bubunutin at lilipulin sabi ng Panginoon.