Hakbang 283

pag-aaral

     

Mateo 5

1 At pagkakita sa mga karamihan, ay umahon siya sa bundok: at pagkaupo niya, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad:

2 At binuka niya ang kaniyang bibig at tinuruan sila, na sinasabi,

3 Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob: sapagka't kanila ang kaharian ng langit.

4 Mapapalad ang nangahahapis: sapagka't sila'y aaliwin.

5 Mapapalad ang maaamo: sapagka't mamanahin nila ang lupa.

6 Mapapalad ang nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran: sapagka't sila'y bubusugin.

7 Mapapalad ang mga mahabagin: sapagka't sila'y kahahabagan.

8 Mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka't makikita nila ang Dios.

9 Mapapalad ang mga mapagpayapa: sapagka't sila'y tatawaging mga anak ng Dios.

10 Mapapalad ang mga pinaguusig dahil sa katuwiran: sapagka't kanila ang kaharian ng langit.

11 Mapapalad kayo pagka kayo'y inaalimura, at kayo'y pinaguusig, at kayo'y pinagwiwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin.

12 Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka't malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka't gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo.

13 Kayo ang asin ng lupa: nguni't kung ang asin ay tumabang, ay ano ang ipagpapaalat? wala nang ano pa mang kabuluhan, kundi upang itapon sa labas at yurakan ng mga tao.

14 Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago.

15 Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay.

16 Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.

17 Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin.

18 Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

19 Kaya't ang sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga utos na ito, at ituro ang gayon sa mga tao, ay tatawaging kaliitliitan sa kaharian ng langit: datapuwa't ang sinomang gumanap at ituro, ito'y tatawaging dakila sa kaharian ng langit.

20 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.

21 Narinig ninyo na sinabi sa mga tao sa una, Huwag kang papatay; at ang sinomang pumatay ay mapapasa panganib sa kahatulan:

22 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan; at ang sinomang magsabi sa kaniyang kapatid, Raca, ay mapapasa panganib sa Sanedrin; at ang sinomang magsabi, Ulol ka, ay mapapasa panganib sa impierno ng apoy.

23 Kaya't kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana, at doo'y maalaala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anomang laban sa iyo,

24 Iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at yumaon ka ng iyong lakad, makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon ay magbalik ka at ihandog mo ang iyong hain.

25 Makipagkasundo ka agad sa iyong kaalit, samantalang ikaw ay kasama niya sa daan; baka ibigay ka ng kaalit mo sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa punong kawal, at ipasok ka sa bilangguan.

26 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi ka aalis doon sa anomang paraan, hanggang hindi mo mapagbayaran ang katapustapusang beles.

27 Narinig ninyong sinabi, Huwag kang mangangalunya:

28 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala, na ng pangangalunya sa kaniyang puso.

29 At kung ang kanan mong mata ay nakapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo, at iyong itapon: sapagka't may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan, at huwag ang buong katawan mo ay mabulid sa impierno.

30 At kung ang kanan mong kamay ay nakapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo, at iyong itapon: sapagka't may mapapakinabang ka pa na mawala ang isa sa mga sangkap ng iyong katawan, at huwag ang buong katawan mo ay mapasa impierno.

31 Sinabi rin naman, Ang sinomang lalake na ihiwalay na ang kaniyang asawa, ay bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay:

32 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, liban na lamang kung sa pakikiapid ang dahil, ay siya ang sa kaniya'y nagbibigay kadahilanan ng pangangalunya: at ang sinomang magasawa sa kaniya kung naihiwalay na siya ay nagkakasala ng pangangalunya.

33 Bukod sa rito'y inyong narinig na sinabi sa mga tao sa una, Huwag kang manunumpa ng di katotohanan, kundi tutupdin mo sa Panginoon ang iyong mga sumpa:

34 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Huwag ninyong ipanumpa ang anoman; kahit ang langit, sapagka't siyang luklukan ng Dios;

35 Kahit ang lupa, sapagka't siyang tungtungan ng kaniyang mga paa; kahit ang Jerusalem, sapagka't siyang bayan ng dakilang Hari.

36 Kahit man ang ulo mo ay huwag mong ipanumpa, sapagka't hindi ka makagagawa ng isang buhok na maputi o maitim.

37 Datapuwa't ang magiging pananalita ninyo'y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka't ang humigit pa rito ay buhat sa masama.

38 Narinig ninyong sinabi, Mata sa mata, at ngipin sa ngipin:

39 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong makilaban sa masamang tao: kundi sa sinomang sa iyo'y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila.

40 At sa magibig na ikaw ay ipagsakdal, at kunin sa iyo ang iyong tunika, ay iwan mo rin naman sa kaniya ang iyong balabal.

41 At sa sinomang pipilit sa iyo na ikaw ay lumakad ng isang milya, ay lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.

42 Bigyan mo ang sa iyo'y humihingi, at huwag mong talikdan ang sa iyo'y nangungutang.

43 Narinig ninyong sinabi, Iibigin mo ang iyong kapuwa, at kapopootan mo ang iyong kaaway:

44 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo'y nagsisiusig;

45 Upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit: sapagka't pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.

46 Sapagka't kung kayo'y iibig sa nangagsisiibig lamang sa inyo, ano ang ganti na inyong kakamtin? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis?

47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang kalabisan ng inyong ginagawa? hindi baga gayon din ang ginagawa ng mga Gentil?

48 Kayo nga'y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.

Mateo 6

1 Mangagingat kayo na huwag magsigawa ng katuwiran sa harap ng mga tao, upang kanilang makita: sa ibang paraan ay wala kayong ganti ng inyong Ama na nasa langit.

2 Kaya nga pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag kang tutugtog ng pakakak sa harap mo, na gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan, upang sila'y mangagkapuri sa mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila'y ganti.

3 Datapuwa't pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag maalaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay:

4 Upang ang iyong paglilimos ay malihim: at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.

5 At pagka kayo ay nagsisidalangin, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw: sapagka't iniibig nila ang magsidalangin ng patayo sa mga sinagoga at sa mga likuang daan, upang sila'y mangakita ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila'y ganti.

6 Datapuwa't ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.

7 At sa pananalangin ninyo ay huwag ninyong gamitin ang walang kabuluhang paulitulit, na gaya ng ginagawa ng mga Gentil: sapagka't iniisip nilang dahil sa kanilang maraming kasasalita ay didinggin sila.

8 Huwag nga kayong magsigaya sa kanila: sapagka't talastas ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago ninyo hingin sa kaniya.

9 Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.

10 Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.

11 Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw.

12 At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.

13 At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama. Sapagka't iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa.

14 Sapagka't kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay patatawarin naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan.

15 Datapuwa't kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, ay hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan.

16 Bukod dito, pagka kayo'y nangagaayuno, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw, na may mapapanglaw na mukha: sapagka't kanilang pinasasama ang mga mukha nila, upang makita ng mga tao na sila'y nangagaayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila'y ganti.

17 Datapuwa't ikaw, sa pagaayuno mo, ay langisan mo ang iyong ulo, at hilamusan mo ang iyong mukha;

18 Upang huwag kang makita ng mga tao na ikaw ay nagaayuno, kundi ng Ama mo na nasa lihim: at ang Ama mo, na nakakikita sa lihim, ay gagantihin ka.

19 Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito'y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito'y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

20 Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo'y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo'y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

21 Sapagka't kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.

22 Ang ilawan ng katawan ay ang mata: kung tapat nga ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuspos ng liwanag.

23 Datapuwa't kung masama ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuspos ng kadiliman. Kaya't kung ang ilaw na sumasa iyo ay kadiliman, gaano kaya kalaki ang kadiliman!

24 Sinoma'y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa: o kaya'y magtatapat siya sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan.

25 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano baga ang inyong kakanin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit ang sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga mahigit ang buhay kay sa pagkain, at ang katawan kay sa pananamit?

26 Masdan ninyo ang mga ibon sa langit, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas, ni nangagtitipon man sa mga bangan; at sila'y pinakakain ng inyong Ama sa kalangitan. Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kay sa kanila?

27 At alin sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?

28 At tungkol sa pananamit, bakit kayo nangababalisa? Wariin ninyo ang mga lirio sa parang, kung paanong nagsisilaki; hindi nangagpapagal, ni nangagsusulid man:

29 Gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, na kahit si Salomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.

30 Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasa'y iginagatong sa kalan, hindi baga lalonglalo na kayong pararamtan niya, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya?

31 Kaya huwag kayong mangabalisa, na mangagsabi, Ano ang aming kakanin? o, Ano ang aming iinumin? o, Ano ang aming daramtin?

32 Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga Gentil; yamang talastas ng inyong Ama sa kalangitan na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.

33 Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.

34 Kaya't huwag ninyong ikabalisa ang sa araw ng bukas: sapagka't ang araw ng bukas ay mababalisa sa kaniyang sarili. Sukat na sa kaarawan ang kaniyang kasamaan.

Mateo 7

1 Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan.

2 Sapagka't sa hatol na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo: at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.

3 At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng inyong kapatid, nguni't hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata?

4 O paanong sasabihin mo sa iyong kapatid, Pabayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo; at narito, ang tahilan sa iyong sariling mata?

5 Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan sa iyong sariling mata; at kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pag-aalis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.

6 Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, baka yurakan ng kanilang mga paa, at mangagbalik at kayo'y lapain.

7 Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan:

8 Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.

9 O anong tao sa inyo, ang kung siya'y hingan ng tinapay ng kaniyang anak, ay bato ang ibibigay;

10 O kung hingan siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas?

11 Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?

12 Kaya nga lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila: sapagka't ito ang sa kautusan at ang mga propeta.

13 Kayo'y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka't maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo'y nagsisipasok.

14 Sapagka't makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon.

15 Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila.

16 Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila. Nakapuputi baga ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan?

17 Gayon din naman ang bawa't mabuting punong kahoy ay nagbubunga ng mabuti; datapuwa't ang masamang punong kahoy ay nagbubunga ng masama.

18 Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti.

19 Bawa't punong kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy.

20 Kaya't sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila.

21 Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.

22 Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?

23 At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.

24 Kaya't ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato:

25 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato.

26 At ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kaniyang bahay sa buhanginan:

27 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakilakilabot ang kaniyang pagkabagsak.

28 At nangyari, na nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, ay nangatilihan ang mga karamihan sa kaniyang aral:

29 Sapagka't sila'y kaniyang tinuturuang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.