Hakbang 297

pag-aaral

     

Marka 10:13-52

13 At dinadala nila sa kaniya ang maliliit na bata, upang sila'y kaniyang hipuin: at sinaway sila ng mga alagad.

14 Datapuwa't nang ito'y makita ni Jesus, ay nagdalang galit siya, at sinabi sa kanila, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.

15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.

16 At kinalong niya sila, at sila'y pinagpala, na ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kanila.

17 At nang siya'y umalis na lumalakad sa daan, ay may isang tumakbong lumapit sa kaniya, at lumuhod sa harap niya, at siya'y tinanong, Mabuting Guro, ano ang gagawin ko upang ako'y magmana ng buhay na walang hanggan?

18 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit tinatawag mo akong mabuti? walang mabuti kundi isa lamang, ang Dios.

19 Nalalaman mo ang mga utos, Huwag kang pumatay, Huwag kang mangalunya, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Huwag kang magdaya, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.

20 At sinabi niya sa kaniya, Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking ginanap mula sa aking kabataan.

21 At pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya, at sinabi sa kaniya, Isang bagay ang kulang sa iyo: yumaon ka, ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ibigay mo sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.

22 Datapuwa't siya'y nahapis sa sabing ito, at siya'y yumaong namamanglaw: sapagka't siya'y isang may maraming mga pag-aari.

23 At lumingap si Jesus sa palibotlibot, at sinabi sa kaniyang mga alagad, Kay hirap na magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan!

24 At nangagtaka ang mga alagad sa kaniyang mga salita. Datapuwa't si Jesus ay muling sumagot at nagsabi sa kanila, Mga anak, kay hirap na magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga magsisiasa sa mga kayamanan!

25 Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.

26 At sila'y nangagtatakang lubha, na sinasabi sa kaniya, Sino nga kaya ang makaliligtas?

27 Pagtingin ni Jesus sa kanila'y nagsabi, Hindi maaari ito sa mga tao, datapuwa't hindi gayon sa Dios: sapagka't ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa Dios.

28 Si Pedro ay nagpasimulang magsabi sa kaniya, Narito, iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo.

29 Sinabi ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga lupa, dahil sa akin, at dahil sa evangelio,

30 Na hindi siya tatanggap ng tigisang daan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, at mga ina, at mga anak, at mga lupa, kalakip ng mga paguusig; at sa sanglibutang darating ay ng walang hanggang buhay.

31 Datapuwa't maraming nangauuna ay mangahuhuli; at nangahuhuli na mangauuna.

32 At sila'y nangasa daan, na nagsisiahon sa Jerusalem; at nangunguna sa kanila si Jesus: at sila'y nangagtaka; at ang nangagsisisunod ay nangatakot. At muling kinuha niya ang labingdalawa, at nagpasimulang sinabi sa kanila ang mga bagay na sa kaniya'y mangyayari,

33 Na sinasabi, Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at siya'y kanilang hahatulang patayin, at ibibigay siya sa mga Gentil:

34 At siya'y kanilang aalimurahin, at siya'y luluraan, at siya'y hahampasin, at siya'y papatayin; at pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon siyang muli.

35 At nagsilapit sa kaniya si Santiago at si Juan, na mga anak ni Zebedeo, na sa kaniya'y nagsisipagsabi, Guro, ibig naming iyong gawin sa amin ang anomang aming hingin sa iyo.

36 At sinabi niya sa kanila, Ano ang ibig ninyong sa inyo'y aking gawin?

37 At sinabi nila sa kaniya, Ipagkaloob mo sa amin na mangakaupo kami, ang isa'y sa iyong kanan, at ang isa'y sa iyong kaliwa, sa iyong kaluwalhatian.

38 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Mangakaiinom baga kayo sa sarong aking iinuman? o mangababautismuhan sa bautismo na ibinautismo sa akin?

39 At sinabi nila sa kaniya, Kaya namin. At sinabi sa kanila ni Jesus, Ang sarong aking iinuman ay iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinautismo sa akin ay babautismuhan kayo;

40 Datapuwa't ang maupo sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay; datapuwa't yaon ay para sa kanila na mga pinaghahandaan.

41 At nang marinig ito ng sangpu, ay nangagpasimula silang mangagalit kay Santiago at kay Juan.

42 At sila'y pinalapit ni Jesus sa kaniya, at sa kanila'y sinabi, Nalalaman ninyo na yaong mga inaaring mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapapanginoon sa kanila; at ang sa kanila'y mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila.

43 Datapuwa't sa inyo ay hindi gayon: kundi ang sinomang ibig na dumakila sa inyo, ay magiging lingkod ninyo;

44 At ang sinoman sa inyo ang magibig manguna, ay magiging alipin ng lahat.

45 Sapagka't ang Anak ng tao rin naman ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.

46 At nagsidating sila sa Jerico: at habang nililisan niya ang Jerico, na kasama ng kaniyang mga alagad at ng lubhang maraming mga tao, ang anak ni Timeo, si Bartimeo, na isang pulubing bulag, ay nakaupo sa tabi ng daan.

47 At nang marinig niya na yao'y si Jesus na Nazareno, siya'y nagpasimulang magsisigaw, at nagsabi, Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.

48 At siya'y pinagwikaan ng marami upang siya'y tumahimik: datapuwa't siya'y lalong sumisigaw, Ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa akin.

49 At tumigil si Jesus, at sinabi, Tawagin ninyo siya. At tinawag nila ang lalaking bulag, na sinasabi sa kaniya, Laksan mo ang iyong loob; ikaw ay magtindig, tinatawag ka niya.

50 At siya, pagkatapon ng kaniyang balabal, ay nagmadaling tumindig, at lumapit kay Jesus.

51 At sumagot sa kaniya si Jesus, at sinabi, Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo? At sinabi ng lalaking bulag, Raboni, na tanggapin ang aking paningin.

52 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka ng iyong lakad; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At pagdaka'y tinanggap niya ang kaniyang paningin, at siya'y sumunod sa kaniya sa daan.

Marka 11

1 At nang malapit na sila sa Jerusalem, sa Betfage at sa Betania, sa bundok ng mga Olivo ay sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad,

2 At sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo sa nayong nasa tapat ninyo: at pagkapasok ninyo roon, ay masusumpungan ninyo ang isang nakataling batang asno, na hindi pa nasasakyan ng sinomang tao; inyong kalagin siya, at dalhin ninyo siya rito.

3 At kung may magsabi sa inyo, Bakit ninyo ginagawa ito? sabihin ninyo, Kinakailangan siya ng Panginoon; at pagdaka'y ipadadala niya siya rito.

4 At sila'y nagsiyaon, at kanilang nasumpungan ang batang asno na nakatali sa pintuan sa labas ng lansangan; at siya'y kanilang kinalag.

5 At ilan sa nangakatayo roon ay nangagsabi sa kanila, Ano ang ginagawa ninyo na inyong kinakalag ang batang asno?

6 At sinabi nila sa kanila ayon sa sinabi ni Jesus: at pinabayaan nilang sila'y magsialis.

7 At dinala nila ang batang asno kay Jesus, at inilagay nila sa ibabaw ng batang asno ang kanilang mga damit; at ito'y sinakyan ni Jesus.

8 At marami ang nagsisipaglatag ng kanilang mga damit sa daan; at ang mga iba'y ng mga sanga, na kanilang pinutol sa mga parang.

9 At ang nangasa unahan, at ang nagsisisunod, ay nangagsisigawan, Hosanna; Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon:

10 Mapalad ang kahariang pumaparito, ang kaharian ng ating amang si David: Hosanna sa kataastaasan.

11 At pumasok siya sa Jerusalem, sa templo; at nang malingap niya sa palibotlibot ang lahat ng mga bagay, at palibhasa'y hapon na, ay pumaroon siya sa Betania na kasama ang labingdalawa.

12 At sa kinabukasan, pagkaalis nila sa Betania, ay nagutom siya.

13 At pagkatanaw niya sa malayo ng isang puno ng igos na may mga dahon, ay lumapit siya, na baka sakaling makasumpong doon ng anoman: at nang siya'y malapit sa kaniya ay wala siyang nasumpungang anoman kundi mga dahon; sapagka't hindi panahon ng mga igos.

14 At sumagot si Jesus at sinabi rito, Sinomang tao'y hindi kakain ng iyong bunga mula ngayon at magpakailan man. At ito'y narinig ng kaniyang mga alagad.

15 At nagsidating sila sa Jerusalem: at pumasok siya sa templo, at nagpasimulang kaniyang itinaboy ang nangagbibili at nagsisibili sa loob ng templo, at ginulo ang mga dulang ng nangagpapalit ng salapi, at ang mga upuan ng nangagbibili ng mga kalapati;

16 At hindi niya ipinahintulot na sinoman ay magdala ng anomang sisidlan sa templo.

17 At siya'y nagturo, at sinabi sa kanila, Hindi baga nasusulat, Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan ng lahat ng mga bansa? datapuwa't ginawa ninyong yungib ng mga tulisan.

18 At yao'y narinig ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba, at pinagsisikapan kung paanong siya'y kanilang maipapapuksa: sapagka't nangatatakot sila sa kaniya, dahil sa buong karamihan ay nanggigilalas sa kaniyang aral.

19 At gabi-gabi'y lumalabas siya sa bayan.

20 At sa pagdaraan nila pagka umaga, ay nakita nila na ang puno ng igos ay tuyo na mula sa mga ugat.

21 At sa pagkaalaala ni Pedro ay sinabi sa kaniya, Rabi, narito, ang sinumpa mong puno ng igos ay natuyo.

22 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kanila, Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Dios.

23 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinomang magsabi sa bundok na ito, Mapataas ka at mapasugba ka sa dagat; at hindi magalinlangan sa kaniyang puso, kundi manampalataya na mangyayari ang sinabi niya; ay kakamtin niya yaon.

24 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na inyong idinadalangin at hinihingi, ay magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin.

25 At kailan man kayo'y nangakatayong nagsisipanalangin, mangagpatawad kayo, kung mayroon kayong anomang laban sa kanino man; upang ang inyong Ama naman na nasa langit ay patawarin kayo ng inyong mga kasalanan.

26 Datapuwa't kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa mga langit.

27 At sila'y nagsiparoong muli sa Jerusalem: at samantalang lumalakad siya sa templo, ay nagsilapit sa kaniya ang mga pangulong saserdote, at ang mga eskriba, at ang matatanda;

28 At sinabi nila sa kaniya, Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? o sino ang sa iyo'y nagbigay ng kapamahalaang ito upang gawin mo ang mga bagay na ito?

29 At sa kanila'y sinabi ni Jesus, Tatanungin ko kayo ng isang tanong, at sagutin ninyo ako, at aking sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

30 Ang bautismo ni Juan, ay mula baga sa langit, o sa mga tao? sagutin ninyo ako.

31 At kanilang pinagkatuwiranan sa kanilang sarili, na sinasabi. Kung sabihin natin, Mula sa langit; ay sasabihin niya, Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?

32 Datapuwa't kung sabihin natin, Mula sa mga tao-ay nangatatakot sila sa bayan: sapagka't kinikilala ng lahat na si Juan ay tunay na propeta.

33 At sila'y nagsisagot kay Jesus at nagsipagsabi, Hindi namin nalalaman. At sinabi ni Jesus sa kanila, Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

Marka 12:1-12

1 At nagpasimulang pinagsalitaan niya sila sa mga talinghaga. Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at binakuran ng mga buhay na punong kahoy, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain.

2 At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang tanggapin niya sa mga magsasaka ang mga bunga ng ubasan.

3 At hinawakan nila siya, at hinampas siya, at siya'y pinauwing walang dala.

4 At siya'y muling nagsugo sa kanila ng ibang alipin; at ito'y kanilang sinugatan sa ulo, at dinuwahagi.

5 At nagsugo siya ng iba; at ito'y kanilang pinatay: at ang iba pang marami; na hinampas ang iba, at ang iba'y pinatay.

6 Mayroon pa siyang isa, isang sinisintang anak na lalake: ito'y sinugo niyang kahulihulihan sa kanila, na sinasabi, Igagalang nila ang aking anak.

7 Datapuwa't ang mga magsasakang yaon ay nangagsangusapan, Ito ang tagapagmana; halikayo, atin siyang patayin, at magiging atin ang mana.

8 At siya'y kanilang hinawakan, at siya'y pinatay, at itinaboy sa labas ng ubasan.

9 Ano nga kaya ang gagawin ng panginoon ng ubasan? siya'y paroroon at pupuksain ang mga magsasaka, at ibibigay ang ubasan sa mga iba.

10 Hindi man lamang baga nabasa ninyo ang kasulatang ito: Ang batong itinakuwil ng nangagtayo ng gusali, Ang siya ring ginawang pangulo sa panulok;

11 Ito'y mula sa Panginoon, At ito'y kagilagilalas sa harap ng ating mga mata.

12 At pinagsikapan nilang hulihin siya; at sila'y natakot sa karamihan; sapagka't kanilang napaghalata na kaniyang sinalita ang talinghaga laban sa kanila: at siya'y iniwan nila, at nagsialis.