1
At naalaala ng Dios si Noe, at ang lahat ng may buhay, at ang lahat ng hayop na kasama niya sa sasakyan: at nagpahihip ang Dios ng isang hangin sa ibabaw ng lupa, at humupa ang tubig;
2
Natakpan din ang mga bukal ng kalaliman at ang mga dungawan ng langit, at napigil ang ulan sa langit;
3
At humupang patuloy ang tubig sa lupa; at kumati ang tubig pagkaraan ng isang daan at limang pung araw.
4
At sumadsad ang sasakyan nang ikapitong buwan, nang ikalabing pitong araw ng buwan, sa ibabaw ng mga bundok ng Ararat.
5
At ang tubig ay nagpatuloy ng paghupa hanggang sa ikasangpung buwan: nang ikasangpung buwan, nang unang araw ng buwan, ay nakita ang mga taluktok ng mga bundok.
6
At nangyari, pagkaraan ng apat na pung araw, na binuksan ni Noe ang dungawan ng sasakyan na kaniyang ginawa:
7
At siya'y nagpalipad ng isang uwak, at ito'y nagparoo't parito hanggang sa natuyo ang tubig sa lupa.
8
At nagpalipad siya ng isang kalapati, upang tingnan kung humupa na ang tubig sa ibabaw ng lupa.
9
Datapuwa't hindi nakasumpong ang kalapati ng madapuan ng talampakan ng kaniyang paa, at nagbalik sa kaniya sa sasakyan, sapagka't ang tubig ay nangasa ibabaw pa ng buong lupa: at iniunat ang kaniyang kamay at hinawakan, at ipinasok niya sa sasakyan.
10
At naghintay pa ng muling pitong araw; at muling pinalipad ang kalapati sa labas ng sasakyan;
11
At ang kalapati ay nagbalik sa kaniya ng dakong hapon; at, narito't may dalang isang dahong sariwa ng olivo sa tuka: sa gayon ay naunawa ni Noe na humupa na ang tubig sa lupa.
12
At naghintay pang muli siya ng pitong araw; at pinalipad ang kalapati; at hindi na muling nagbalik pa sa kaniya.
13
At nangyari, nang taong ikaanim na raan at isa, nang unang buwan, nang unang araw ng buwan, ay natuyo ang tubig sa ibabaw ng lupa: at inalis ni Noe ang takip ng sasakyan at tumanaw siya, at, narito't ang ibabaw ng lupa ay tuyo.
14
At nang ikalawang buwan nang ikadalawang pu't pitong araw ng buwan, ay natuyo ang lupa.
15
At nagsalita ang Dios kay Noe, na sinasabi,
16
Lumunsad ka sa sasakyan, ikaw at ang iyong asawa, at ang iyong mga anak, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.
17
Ilabas mong kasama mo ang bawa't may buhay na kasama mo sa lahat ng laman, ang mga ibon, at ang mga hayop, at ang bawa't nagsisiusad na umuusad sa ibabaw ng lupa; upang magsipanganak ng sagana sa lupa, at magpalaanakin, at mangagsidami sa ibabaw ng lupa.
18
At lumunsad si Noe, at ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang asawa, at ang mga asawa ng kaniyang mga anak na kasama niya:
19
Ang bawa't hayop, bawa't umuusad, at bawa't ibon, anomang gumagalaw sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikaniyang angkan ay nangagsilunsad sa sasakyan.
20
At ipinagtayo ni Noe ng isang dambana ang Panginoon; at kumuha sa lahat na malinis na hayop, at sa lahat na malinis na ibon, at nagalay ng mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana.
21
At sinamyo ng Panginoon ang masarap na amoy; at nagsabi ang Panginoon sa sarili, Hindi ko na muling susumpain ang lupa, dahil sa tao, sapagka't ang haka ng puso ng tao ay masama mula sa kaniyang pagkabata; ni hindi ko na muling lilipulin pa ang lahat na nabubuhay na gaya ng aking ginawa.
22
Samantalang ang lupa ay lumalagi, ay hindi maglilikat ang paghahasik at pagaani, at ang lamig at init, at ang tagaraw at taginaw, at ang araw at gabi.