Hakbang 300

pag-aaral

     

Lucas 1

1 Yamang marami ang nagpilit mag-ayos ng isang kasaysayan noong mga bagay na naganap sa gitna natin,

2 Alinsunod sa ipinatalos sa atin nilang buhat sa pasimula ay mga saksing nangakakakita at mga ministro ng salita,

3 Ay minagaling ko naman, pagkasiyasat na lubos ng pangyayari ng lahat ng mga bagay mula nang una, na isulat sa iyong sunodsunod, kagalanggalang na Teofilo;

4 Upang mapagkilala mo ang katunayan tungkol sa mga bagay na itinuro sa iyo.

5 Nagkaroon nang mga araw ni Herodes, hari sa Judea, ng isang saserdoteng ang ngala'y Zacarias, sa pulutong ni Abias: at ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron, at ang kaniyang ngala'y Elisabet.

6 At sila'y kapuwa matuwid sa harap ng Dios, na nagsisilakad na walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga palatuntunan ng Panginoon.

7 At wala silang anak, sapagka't baog si Elisabet, at sila'y kapuwa may pataw ng maraming taon.

8 Nangyari nga, na samantalang ginaganap niya ang pagkasaserdote sa harapan ng Dios ayon sa kapanahunan ng kaniyang pulutong,

9 Alinsunod sa kaugalian ng tungkuling pagkasaserdote, ay naging palad niya ang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng kamangyan.

10 At ang buong karamihan ng mga tao ay nagsisipanalangin sa labas sa oras ng kamangyan.

11 At napakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon, na nakatayo sa dakong kanan ng dambana ng kamangyan.

12 At nagulumihanan si Zacarias, pagkakita niya sa kaniya, at dinatnan siya ng takot.

13 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Zacarias: sapagka't dininig ang daing mo, at ang asawa mong si Elisabet ay manganganak sa iyo ng isang anak na lalake, at tatawagin mong Juan ang kaniyang pangalan.

14 At magkakaroon ka ng ligaya at galak; at marami ang maliligaya sa pagkapanganak sa kaniya.

15 Sapagka't siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon, at siya'y hindi iinom ng alak ni matapang na inumin; at siya'y mapupuspos ng Espiritu Santo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina.

16 At marami sa mga anak ni Israel, ay papagbabaliking-loob niya sa Panginoon na kanilang Dios.

17 At siya'y lalakad sa unahan ng kaniyang mukha na may espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papagbaliking-loob ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga suwail ay magsilakad sa karunungan ng mga matuwid, upang ipaglaan ang Panginoon ng isang bayang nahahanda.

18 At sinabi ni Zacarias sa anghel, Sa ano malalaman ko ito? sapagka't ako'y matanda na, at ang aking asawa ay may pataw ng maraming taon.

19 At pagsagot ng anghel ay sinabi sa kaniya, Ako'y si Gabriel, na nananayo sa harapan ng Dios; at ako'y sinugo upang makipagusap sa iyo, at magdala sa iyo nitong mabubuting balita.

20 At narito, mapipipi ka at hindi ka makapangungusap, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito, sapagka't hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na magaganap sa kanilang kapanahunan.

21 At hinihintay ng bayan si Zacarias, at nanganggigilalas sila sa kaniyang pagluluwat sa loob ng templo.

22 At nang lumabas siya, ay hindi siya makapagsalita sa kanila: at hininagap nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo: at siya'y nagpatuloy ng pakikipagusap sa kanila, sa pamamagitan ng mga hudyat, at nanatiling pipi.

23 At nangyari, na nang maganap na ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kaniyang bahay.

24 At pagkatapos ng mga araw na ito ay naglihi ang kaniyang asawang si Elisabet; at siya'y lumigpit ng limang buwan, na nagsasabi,

25 Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw nang ako'y tingnan niya, upang alisin ang aking pagkaduwahagi sa gitna ng mga tao.

26 Nang ikaanim na buwan nga'y sinugo ng Dios ang anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea, ngala'y Nazaret,

27 Sa isang dalagang magaasawa sa isang lalake, na ang kaniyang ngala'y Jose, sa angkan ni David; at Maria ang pangalan ng dalaga.

28 At pumasok siya sa kinaroroonan niya, at sinabi, Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, ang Panginoon ay sumasa iyo.

29 Datapuwa't siya'y totoong nagulumihanan sa sabing ito, at iniisip sa kaniyang sarili kung anong bati kaya ito.

30 At sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Maria: sapagka't nakasumpong ka ng biyaya sa Dios.

31 At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang JESUS.

32 Siya'y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya'y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama:

33 At siya'y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian.

34 At sinabi ni Maria sa anghel, Paanong mangyayari ito, sa ako'y hindi nakakakilala ng lalake?

35 At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios.

36 At narito, si Elisabet na iyong kamaganak, ay naglihi rin naman ng isang anak na lalake sa kaniyang katandaan; at ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog.

37 Sapagka't walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.

38 At sinabi ni Maria, Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel.

39 At nang mga araw na ito'y nagtindig si Maria, at nagmadaling napasa lupaing maburol, sa isang bayan ng Juda;

40 At pumasok sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elisabet.

41 At nangyari, pagkarinig ni Elisabet ng bati ni Maria, ay lumukso ang sanggol sa kaniyang tiyan; at napuspos si Elisabet ng Espiritu Santo;

42 At sumigaw siya ng malakas na tinig, at sinabi, Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong tiyan.

43 At ano't nangyari sa akin, na ang ina ng aking Panginoon ay pumarito sa akin?

44 Sapagka't ganito, pagdating sa aking mga pakinig ng tinig ng iyong bati, lumukso sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan.

45 At mapalad ang babaing sumampalataya; sapagka't matutupad ang mga bagay na sa kaniya'y sinabi ng Panginoon.

46 At sinabi ni Maria, Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,

47 At nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas.

48 Sapagka't nilingap niya ang kababaan ng kaniyang alipin. Sapagka't, narito, mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng maghahalihaliling lahi.

49 Sapagka't ginawan ako ng Makapangyarihan ng mga dakilang bagay; At banal ang kaniyang pangalan.

50 At ang kaniyang awa ay sa mga lahi't lahi. Sa nangatatakot sa kaniya.

51 Siya'y nagpakita ng lakas ng kaniyang bisig; Isinambulat niya ang mga palalo sa paggunamgunam ng kanilang puso.

52 Ibinaba niya ang mga prinsipe sa mga luklukan nila, At itinaas ang mga may mababang kalagayan.

53 Binusog niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay; At pinaalis niya ang mayayaman, na walang anoman.

54 Tumulong siya sa Israel na kaniyang alipin, Upang maalaala niya ang awa

55 (Gaya ng sinabi niya sa ating mga magulang) Kay Abraham at sa kaniyang binhi magpakailan man.

56 At si Maria ay natirang kasama niya na may tatlong buwan, at umuwi sa kaniyang bahay.

57 Naganap nga kay Elisabet ang panahon ng panganganak; at siya'y nanganak ng isang lalake.

58 At nabalitaan ng kaniyang mga kapitbahay at mga kamaganak, na dinakila ng Panginoon ang kaniyang awa sa kaniya; at sila'y nangakigalak sa kaniya.

59 At nangyari, na nang ikawalong araw ay nagsiparoon sila upang tuliin ang sanggol; at siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kaniyang ama.

60 At sumagot ang kaniyang ina at nagsabi, Hindi gayon; kundi ang itatawag sa kaniya'y Juan.

61 At sinabi nila sa kaniya, Wala sa iyong kamaganak na tinatawag sa pangalang ito.

62 At hinudyatan nila ang kaniyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag.

63 At humingi siya ng isang sulatan at sumulat, na sinasabi, Ang kaniyang pangalan ay Juan. At nagsipanggilalas silang lahat.

64 At pagdaka'y nabuka ang kaniyang bibig, at ang kaniyang dila'y nakalag, at siya'y nagsalita, na pinupuri ang Dios.

65 At sinidlan ng takot ang lahat ng nagsisipanahan sa palibot nila; at nabansag ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng lupaing maburol ng Judea.

66 At lahat ng mga nangakarinig nito ay pawang iningatan sa kanilang puso, na sinasabi, Magiging ano nga kaya ang batang ito? Sapagka't ang kamay ng Panginoon ay sumasa kaniya.

67 At si Zacarias na kaniyang ama ay napuspos ng Espiritu Santo, at nanghula, na nagsasabi,

68 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel; Sapagka't kaniyang dinalaw at tinubos ang kaniyang bayan,

69 At nagtaas sa atin ng isang sungay ng kaligtasan Sa bahay ni David na kaniyang alipin

70 (Gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang mga banal na propeta na nagsilitaw buhat nang unang panahon),

71 Kaligtasang mula sa ating mga kaaway, at sa kamay ng lahat ng nangapopoot sa atin;

72 Upang magkaawang-gawa sa ating mga magulang, At alalahanin ang kaniyang banal na tipan;

73 Ang sumpa na isinumpa niya kay Abraham na ating ama,

74 Na ipagkaloob sa atin na yamang nangaligtas sa kamay ng ating mga kaaway, Ay paglingkuran natin siya ng walang takot,

75 Sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya, lahat ng ating mga araw.

76 Oo at ikaw, sanggol, tatawagin kang propeta ng kataastaasan; Sapagka't magpapauna ka sa unahan ng mukha ng Panginoon, upang ihanda ang kaniyang mga daan;

77 Upang maipakilala ang kaligtasan sa kaniyang bayan, Sa pagkapatawad ng kanilang mga kasalanan,

78 Dahil sa magiliw na habag ng aming Dios, Ang pagbubukang liwayway buhat sa kaitaasan ay dadalaw sa atin,

79 Upang liwanagan ang nangakalugmok sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan; Upang itumpak ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.

80 At lumaki ang sanggol, at lumakas sa espiritu, at nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.

Lucas 2

1 Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan.

2 Ito ang unang talaang-mamamayan na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria.

3 At nagsisiparoon ang lahat upang sila'y mangatala, bawa't isa sa kaniyang sariling bayan.

4 At si Jose naman ay umahon mula sa Galilea, mula sa bayan ng Nazaret, hanggang sa Judea, sa bayan ni David, na kung tawagi'y Bet-lehem, sapagka't siya'y sa angkan at sa lahi ni David;

5 Upang patala siya pati ni Maria, na magaasawa sa kaniya, na kasalukuyang kagampan.

6 At nangyari, samantalang sila'y nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak.

7 At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito'y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka't wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan.

8 At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.

9 At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila'y totoong nangatakot.

10 At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka't narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan:

11 Sapagka't ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.

12 At ito ang sa inyo'y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban.

13 At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi:

14 Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.

15 At nangyari nang lisanin sila ng mga anghel at nangapasa langit, ang mga pastor ay nangagsangusapan. Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa Bet-lehem, at tingnan natin itong nangyari, na ipinagbigay alam sa atin ng Panginoon.

16 At sila'y dalidaling nagsiparoon at nasumpungan kapuwa si Maria at si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa pasabsaban.

17 At nang makita nila yaon, ay inihayag nila ang mga sinabi sa kanila tungkol sa sanggol na ito.

18 At lahat ng nangakarinig nito ay nangagtaka sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastor.

19 Datapuwa't iningatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, na pinagbulaybulay sa kaniyang puso.

20 At nangagbalik ang mga pastor, na niluluwalhati at pinupuri ang Dios dahil sa lahat ng mga bagay na kanilang nangarinig at nangakita, ayon sa sinabi sa kanila.

21 At nang makaraan ang walong araw upang tuliin siya, ay tinawag na JESUS ang kaniyang pangalan, na siyang itinawag ng anghel bago siya ipinaglihi sa tiyan.

22 At nang maganap na ang mga araw na kanilang paglilinis alinsunod sa kautusan ni Moises, ay kanilang dinala siya sa Jerusalem, upang iharap siya sa Panginoon

23 (Ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, Ang bawa't lalaking nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal sa Panginoon),

24 At upang maghandog ng hain alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, Dalawang batobato, o dalawang inakay ng kalapati.

25 At narito, may isang lalake sa Jerusalem, na nagngangalang Simeon; at ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan, na nag-aantay ng kaaliwan ng Israel: at sumasa kaniya ang Espiritu Santo.

26 At ipinahayag sa kaniya ng Espiritu Santo, na di niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon.

27 At siya'y napasa templo sa Espiritu: at nang ipasok sa templo ang sanggol na si Jesus ng kaniyang mga magulang, upang sa kaniya'y magawa nila ang nauukol alinsunod sa kaugalian ng kautusan,

28 Ay tinanggap nga niya siya sa kaniyang mga bisig, at pinuri ang Dios, at nagsabi,

29 Ngayo'y papanawin mo, Panginoon, ang iyong alipin, Ayon sa iyong salita, sa kapayapaan,

30 Sapagka't nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,

31 Na iyong inihanda sa unahan ng mukha ng lahat ng mga tao;

32 Isang ilaw upang ipahayag sa mga Gentil, At ang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.

33 At ang kaniyang ama at ang kaniyang ina ay nagsisipanggilalas sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kaniya;

34 At sila'y pinagpala ni Simeon, at sinabi sa kaniyang inang si Maria, Narito, ito ay itinalaga sa ikararapa at sa ikatitindig ng marami sa Israel; at pinakatandang tudlaan ng pagsalangsang:

35 Oo at paglalampasanan ng isang tabak ang iyong sariling kaluluwa; upang mangahayag ang mga pagiisip ng maraming puso.

36 At naroroon din naman si Ana, na isang propetisa, anak na babae ni Fanuel, sa angkan ni Aser, (siya'y lubhang matanda na, at may pitong taong nakisama sa kaniyang asawa mula sa kaniyang kadalagahan,

37 At siya'y bao nang walongpu't apat na taon), na hindi humihiwalay sa templo, at sumasamba sa gabi at araw sa pamamagitan ng mga pagaayuno at mga pagdaing.

38 At pagdating niya sa oras ding yaon, siya'y nagpasalamat sa Dios, at nagsalita ng tungkol sa sanggol sa lahat ng nagsisipaghintay ng katubusan sa Jerusalem.

39 At nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan ng Panginoon, ay nangagbalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayang Nazaret.

40 At lumalaki ang bata, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Dios.

41 At nagsisiparoon taon-taon ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem sa kapistahan ng paskua.

42 At nang siya'y may labindalawang taon na, ay nagsiahon sila ayon sa kaugalian ng kapistahan;

43 At nang kanilang maganap na ang mga araw, sa pagbalik nila, ay naiwan ang batang si Jesus sa Jerusalem; at di nalalaman ng kaniyang mga magulang;

44 Nguni't sa pagaakala nilang siya'y nasa kasamahan, ay nagsiyaon sila nang isang araw na paglalakbay; at hinahanap nila siya sa mga kamaganak at mga kakilala;

45 At nang di nila siya matagpuan, ay nagsipagbalik sila sa Jerusalem, na hinahanap siya.

46 At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw, ay nangatagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro, na sila'y pinakikinggan, at sila'y tinatanong:

47 At ang lahat ng sa kaniya'y nangakakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot.

48 At nang siya'y mangakita nila, ay nangagtaka sila; at sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganyan? narito, ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis.

49 At sinabi niya sa kanila, Bakit ninyo ako hinahanap? di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama.

50 At di nila naunawa ang pananalitang sa kanila'y sinabi.

51 At lumusong siyang kasama nila, at napasa Nazaret; at napasakop sa kanila: at iniingatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga pananalitang ito.

52 At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.

Lucas 3

1 Nang ikalabinglimang taon nga ng paghahari ni Tiberio Cesar, na noo'y gobernador sa Judea si Poncio Pilato, at tetrarka sa Galilea si Herodes, at ang kaniyang kapatid na si Felipe ay tetrarka sa lalawigan ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ay tetrarka sa Abilinia,

2 Nang kasalukuyang mga pangulong saserdote si Anas at si Caifas, ay dumating ang salita ng Dios kay Juan, anak ni Zacarias, sa ilang.

3 At siya'y napasa buong lupain sa palibotlibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan;

4 Gaya ng nasusulat sa aklat ng salita ng propeta Isaias, Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.

5 Lahat ng libis ay tatambakan, At pababain ang bawa't bundok at burol; At ang liko ay matutuwid, At ang mga daang bakobako ay mangapapatag;

6 At makikita ng lahat ng laman ang pagliligtas ng Dios.

7 Sinasabi nga niya sa mga karamihang nagsisilabas upang mangagpabautismo sa kaniya, Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang sa inyo'y nagudyok upang tumakas sa galit na darating?

8 Kayo nga'y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi, at huwag mangagpasimulang mangagsabi sa inyong sarili, Si Abraham ang siya naming ama; sapagka't sinasabi ko sa inyo, na makapagpapabangon ang Dios ng mga anak ni Abraham maging sa mga batong ito.

9 At ngayon pa'y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawa't punong kahoy nga na di nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy.

10 At tinanong siya ng karamihan, na nangagsasabi, Ano ngang dapat namin gawin?

11 At sinagot niya at sinabi sa kanila, Ang may dalawang tunika ay magbahagi sa wala; at ang may pagkain ay gayon din ang gawin.

12 At dumating naman ang mga maniningil ng buwis upang mangagpabautismo, at sinabi nila sa kaniya, Guro, anong dapat naming gawin?

13 At sinabi niya sa kanila, Huwag na kayong sumingil pa ng higit kay sa utos sa inyo.

14 At tinanong naman siya ng mga kawal, na nangagsasabi, At kami, anong dapat naming gawin? At sa kanila'y sinabi niya, Huwag kayong kumuhang may karahasan sa kanino man, ni mangagparatang; at mangagkasiya kayo sa bayad sa inyo.

15 At samantalang ang mga tao'y nagsisipaghintay at pinagbubulaybulay ng lahat sa kanilang puso ang tungkol kay Juan, kung siya kaya ang Cristo;

16 Ay sumagot si Juan na sinasabi sa kanilang lahat, Katotohanang binabautismuhan ko kayo ng tubig; datapuwa't dumarating ang lalong makapangyarihan kay sa akin; ako'y hindi karapatdapat magkalag ng panali ng kaniyang mga pangyapak: kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy:

17 Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay, upang linising lubos ang kaniyang giikan, at tipunin ang trigo sa kaniyang bangan; datapuwa't susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mapapatay.

18 Sa mga iba pang maraming pangaral ay ipinangangaral nga niya sa bayan ang mabuting balita;

19 Datapuwa't si Herodes na tetrarka, palibhasa'y pinagwikaan niya dahil kay Herodias, na asawa ng kaniyang kapatid, at dahil sa lahat ng masasamang bagay na ginawa ni Herodes,

20 Ay naparagdag naman ito sa lahat, na kinulong niya si Juan sa bilangguan.

21 Nangyari nga, nang mabautismuhan ang buong bayan, na si Jesus ay binautismuhan naman, at nang nananalangin, ay nabuksan ang langit,

22 At bumaba sa kaniya ang Espiritu Santo na may anyong katawan, tulad sa isang kalapati, at nanggaling ang isang tinig sa langit, Ikaw ang sinisinta kong Anak; sa iyo ako lubos na nalulugod.

23 At si Jesus din, nang magpasimula siyang magturo ay may gulang na tatlongpung taon, na anak (ayon sa sinasapantaha) ni Jose, ni Eli,

24 Ni Matat, ni Levi, ni Melqui, ni Jane, ni Jose,

25 Ni Matatias, ni Amos, ni Nahum, ni Esli, ni Nage,

26 Ni Maat, ni Matatias, ni Semei, ni Jose, ni Juda,

27 Ni Joana, ni Resa, ni Zorobabel, ni Seatiel, ni Neri,

28 Ni Melqui, ni Adi, ni Cosam, ni Elmodam, ni Er,

29 Ni Jesus, ni Eliezer, ni Jorim, ni Mata, ni Levi,

30 Ni Simeon, ni Juda, ni Jose, ni Jonan, ni Eliaquim,

31 Ni Melea, ni Mena, ni Matata, ni Natan, ni David,

32 Ni Jesse, ni Obed, ni Booz, ni Salmon, ni Naason,

33 Ni Aminadab, ni Aram, ni Esrom, ni Fares, ni Juda,

34 Ni Jacob, ni Isaac, ni Abraham, ni Tare, ni Nacor,

35 Ni Serug, ni Regan, ni Paleg, ni Heber, ni Selah,

36 Ni Cainan, ni Arfaxjad, ni Sem, ni Noe, ni Lamec,

37 Ni Matusalem, ni Enoc, ni Jared, ni Mahalaleel, ni Cainan,

38 Ni Enos, ni Set, ni Adam, ng Dios.