27
Datapuwa't sinasabi ko sa inyong nangakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang nangapopoot sa inyo,
28
Pagpalain ninyo ang sa inyo'y sumusumpa at ipanalangin ninyo ang sa inyo'y lumalait.
29
Sa sumampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo naman ang kabila; at ang sa iyo'y magalis ng iyong balabal, huwag mong itanggi pati ng iyong tunika.
30
Bigyan mo ang bawa't sa iyo'y humihingi; at sa kumuha ng pag-aari mo, ay huwag mong hinging muli.
31
At kung ano ang ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gayon din ang gawin ninyo sa kanila.
32
At kung kayo'y magsiibig sa mga nagsisiibig sa inyo, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ang mga makasalanan man ay nagsisiibig sa nagsisiibig sa kanila.
33
At kung magsigawa kayo ng mabuti sa nagsisigawa sa inyo ng mabuti, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ganito rin ang ginagawa ng mga makasalanan.
34
At kung kayo'y mangagpahiram doon sa mga inaasahan ninyong may tatanggapin, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? ang mga makasalanan man ay nangagpapahiram sa mga makasalanan, upang muling magsitanggap ng gayon din.
35
Datapuwa't ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti, at mangagpahiram kayo, na kailan man ay huwag mawawalan ng pagasa; at malaki ang sa inyo'y magiging ganti, at kayo'y magiging mga anak ng Kataastaasan: sapagka't siya'y magandang-loob sa mga walang turing at sa masasama.
36
Magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain.
37
At huwag kayong mangagsihatol, at hindi kayo hahatulan: at huwag kayong mangagparusa, at hindi kayo parurusahan: mangagpalaya kayo, at kayo'y palalayain:
38
Mangagbigay kayo, at kayo'y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong kandungan. Sapagka't sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin.
39
At sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Mangyayari bagang umakay ang bulag sa bulag? di baga sila mangabubulid kapuwa sa hukay?
40
Hindi higit ang alagad sa kaniyang guro: datapuwa't ang bawa't isa, pagka naging sakdal, ay nagiging katulad ng kaniyang guro.
41
At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, datapuwa't hindi mo pinupuna ang tahilan na nasa iyong sariling mata?
42
O paanong masasabi mo sa iyong kapatid, Kapatid, pabayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata, kundi mo nakikita ang tahilan na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan na nasa iyong sariling mata, kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pagaalis ng puwing na nasa mata ng iyong kapatid.
43
Sapagka't walang mabuting punong kahoy na nagbubunga ng masama; at wala rin naman masamang punong kahoy na nagbubunga ng mabuti.
44
Sapagka't bawa't punong kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagka't ang mga tao ay di nangakapuputi ng mga igos sa mga dawag, at di nangakapuputi ng ubas sa mga tinikan.
45
Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso; at ang masamang tao'y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan: sapagka't sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.
46
At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?
47
Ang bawa't lumalapit sa akin, at pinakikinggan ang aking mga salita, at ginagawa, ituturo ko sa inyo kung sino ang katulad:
48
Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay at pinakalalim, at inilagay ang patibayan sa bato: at nang dumating ang isang baha, ay hinampas ng agos ang bahay na yaon, at hindi nakilos; sapagka't natitirik na mabuti.
49
Datapuwa't ang dumirinig, at hindi ginagawa, ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa, na walang patibayan; laban sa yaon ay hinampas ng agos, at pagdaka'y nagiba; at malaki ang naging kasiraan ng bahay na yaon.