1
Si Pablo, na apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at ang kapatid nating si Timoteo,
2
Sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo, na nangasa sa Colosas: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama.
3
Nagpapasalamat kami sa Dios, na Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na kayo'y laging idinadalangin,
4
Nang nabalitaan namin ng inyong pananampalataya kay Cristo Jesus, at ang pagibig ninyo sa lahat ng mga banal,
5
Dahil sa pagasa na natataan para sa inyo sa langit, na nang una ay inyong narinig sa salita ng katotohanan ng evangelio,
6
Na ito'y dumating sa inyo; gayon din naman kung paano sa buong sanglibutan na namumunga at lumalaganap, gaya rin naman sa inyo, mula nang araw na inyong marinig at maalaman ang biyaya ng Dios sa katotohanan;
7
Ayon sa inyong natutuhan kay Epafras na aming minamahal na kasamang lingkod, na isang tapat na ministro ni Cristo, sa ganang atin;
8
Na siya rin namang sa amin ay nagbalita ng inyong pagibig sa Espiritu.
9
Dahil dito'y kami naman, mula nang araw na aming marinig ito, ay hindi kami nagsisitigil ng pananalangin at ng paghingi na patungkol sa inyo, upang kayo'y puspusin ng kaalaman ng kaniyang kalooban, sa buong karunungan at pagkaunawa ayon sa espiritu,
10
Upang kayo'y magsilakad ng nararapat sa Panginoon, sa buong ikalulugod niya, at magsipamunga sa bawa't gawang mabuti, at magsilago sa kaalaman ng Dios;
11
Na kayo'y palakasin ng buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kaniyang kaluwalhatian, sa buong pagtitiis at pagpapahinuhod na may galak;
12
Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan;
13
Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig;
14
Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan:
15
Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang;
16
Sapagka't sa kaniya nilalang ang lahat na mga bagay, sa sangkalangitan at sa sangkalupaan, na mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di nakikita, maging mga luklukan o mga pagsakop o mga pamunuan o mga kapangyarihan; lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya;
17
At siya'y una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nangabubuhay dahil sa kaniya.
18
At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan.
19
Sapagka't minagaling ng Ama na ang buong kapuspusan ay manahanan sa kaniya;
20
At sa pamamagitan niya ay pakipagkasunduin sa kaniya ang lahat ng mga bagay, na pinapayapa niya sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang krus; sa pamamagitan niya, sinasabi ko, maging mga bagay sa kalupaan, o mga bagay sa sangkalangitan.
21
At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama.
22
Gayon ma'y pinakipagkasundo niya ngayon sa katawan ng kaniyang laman, sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo'y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya:
23
Kung tunay na kayo'y mamamalagi sa pananampalataya, na nababaon at matitibay, at di makilos sa pagasa sa evangelio na inyong narinig, na ipinangaral sa lahat ng mga nilalang sa silong ng langit; na dito akong si Pablo ay ginawang ministro.
24
Ngayo'y nagagalak ako sa aking mga hirap dahil sa inyo, at aking pinupunan sa akin ang kakulangan ng mga hirap ni Cristo sa aking laman dahil sa kaniyang katawan, na siyang iglesia;
25
Na ako'y ginawang ministro nito, ayon sa pamamahala na mula sa Dios na ibinigay sa akin para sa inyo upang maipahayag ang salita ng Dios,
26
Maging ang hiwaga na inilihim sa lahat ng panahon at lahi: datapuwa't ngayo'y ipinahayag sa kaniyang mga banal,
27
Na sa kanila'y minagaling ng Dios na ipakilala kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Gentil, na ito'y si Cristo na nasa inyo, na pagasa ninyo sa kaluwalhatian:
28
Na siya naming inihahayag, na pinaaalalahanan ang bawa't tao at tinuturuan ang bawa't tao, sa buong karunungan, upang maiharap naming sakdal kay Cristo ang bawa't tao;
29
Na dahil dito'y nagpapagal din naman ako, na nagpipilit ayon sa kaniyang paggawa, na siyang sa akin ay gumagawa na may kapangyarihan.