Hakbang 363

pag-aaral

     

Pahayag 5

1 At nakita ko sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinatakang mahigpit ng pitong tatak.

2 At nakakita ako ng isang malakas na anghel na nagtatanyag ng malakas na tinig, Sinong karapatdapat magbukas ng aklat, at magtanggal ng mga tatak nito?

3 At sinoman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ay hindi makapagbukas ng aklat, o makatingin man.

4 At ako'y umiyak na mainam, sapagka't hindi nakasumpong ng sinomang marapat magbukas ng aklat, o makatingin man:

5 At sinabi sa akin ng isa sa matatanda, Huwag kang umiyak; narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito.

6 At nakita ko sa gitna ng luklukan at ng apat na nilalang na buhay, at sa gitna ng matatanda, ang isang Cordero na nakatayo, na wari ay pinatay, na may pitong sungay, at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Dios, na sinugo sa buong lupa.

7 At siya'y lumapit, at kinuha ang aklat sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan.

8 At pagkakuha niya ng aklat, ang apat na nilalang na buhay at ang dalawangpu't apat na matatanda ay nangagpatirapa sa harapan ng Cordero, na ang bawa't isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na puno ng kamangyan, na siyang mga panalangin ng mga banal.

9 At sila'y nangagaawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi, Ikaw ang karapatdapat na kumuha ng aklat, at magbukas ng mga tatak nito: sapagka't ikaw ay pinatay, at binili mo sa Dios ng iyong dugo ang mga tao sa bawa't angkan, at wika, at bayan, at bansa.

10 At sila'y iyong ginawang kaharian at mga saserdote sa aming Dios; at sila'y nangaghahari sa ibabaw ng lupa.

11 At nakita ko, at narinig ko ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng luklukan at ng mga nilalang na buhay at ng matatanda; at ang bilang nila ay sangpung libong tigsasangpung libo at libolibo;

12 Na nangagsasabi ng malakas na tinig, Karapatdapat ang Cordero na pinatay upang tumanggap ng kapangyarihan, at kayamanan, at karunungan, at kalakasan, at kapurihan, at kaluwalhatian, at pagpapala.

13 At ang bawa't bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito, ay narinig kong nangagsasabi, Sa kaniya na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero ay ang pagpapala, at kapurihan, at kaluwalhatian, at paghahari, magpakailan kailan man.

14 At ang apat na nilalang na buhay ay nagsabi, Siya nawa. At ang matatanda ay nangagpatirapa at nangagsisamba.

Pahayag 6

1 At nakita ko nang buksan ng Cordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko sa isa sa apat na nilalang na buhay, na nagsalitang gaya ng tunog ng kulog, Halika.

2 At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay dito ay may isang busog; at binigyan siya ng isang putong: at siya'y yumaong nagtatagumpay, at upang magtagumpay.

3 At nang buksan niya ang ikalawang tatak, ay narinig ko sa ikalawang nilalang na buhay, na sinasabi, Halika.

4 At may lumabas na ibang kabayo, na kabayong mapula: at ang nakasakay dito, ay pinagkaloobang magalis sa lupa ng kapayapaan, at upang mangagpatayan ang isa't isa: at binigyan siya ng isang malaking tabak.

5 At nang buksan niya ang ikatlong tatak, ay narinig ko sa ikatlong nilalang na buhay, na nagsasabi, Halika. At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maitim; at yaong nakasakay dito ay may isang timbangan sa kaniyang kamay.

6 At narinig ko ang gaya ng isang tinig sa gitna ng apat na nilalang na buhay na nagsasabi, Sa isang denario ay isang takal na trigo, at sa isang denario ay tatlong takal na sebada; at huwag mong ipahamak ang langis at ang alak.

7 At nang buksan niya ang ikaapat na tatak, ay narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buhay na nagsasabi, Halika.

8 At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maputla: at ang nakasakay dito ay may pangalang Kamatayan; at ang Hades ay sumusunod sa kaniya. At sila'y pinagkalooban ng kapamahalaan sa ikaapat na bahagi ng lupa, na pumatay sa pamamagitan ng tabak, at ng gutom, at ng salot, at ng mga ganid na hayop sa lupa.

9 At nang buksan niya ang ikalimang tatak, ay nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Dios, at dahil sa patotoong sumakanila:

10 At sila'y sumigaw ng tinig na malakas, na nagsasabi, Hanggang kailan, Oh Panginoong banal at totoo, hindi mo hahatulan at ipaghihiganti ang aming dugo, sa mga nananahan sa ibabaw ng lupa?

11 At binigyan ang bawa't isa sa kanila ng isang maputing balabal; at sa kanila'y sinabi, na mangagpahinga pa ng kaunting panahon, hanggang sa maganap ang bilang ng kanilang mga kapuwa alipin at ng kanilang mga kapatid, na mga papatayin namang gaya nila.

12 At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim na tatak, at nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng isang magaspang na kayong buhok na maitim, at ang buong buwan ay naging gaya ng dugo;

13 At ang mga bituin sa langit ay nangahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na isinasambulat ang kaniyang mga bungang bubot pagka hinahampas ng malakas na hangin.

14 At ang langit ay nahawi na gaya ng isang lulong aklat kung nalululon; at ang bawa't bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinatatayuan.

15 At ang mga hari sa lupa, at ang mga prinsipe, at ang mga pangulong kapitan, at ang mayayaman, at ang mga makapangyarihan, at ang bawa't alipin at ang bawa't laya, ay nagsipagtago sa mga yungib at sa mga bato sa mga bundok;

16 At sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, Mahulog kayo sa amin, at kami'y inyong itago sa mukha noong nakaupo sa luklukan, at sa galit ng Cordero:

17 Sapagka't dumating na ang dakilang araw ng kanilang kagalitan; at sino ang makatatayo?

Pahayag 7

1 At pagkatapos nito ay nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anomang punong kahoy.

2 At nakita ko ang ibang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Dios na buhay: at siya'y sumigaw ng tinig na malakas sa apat na anghel na pinagkaloobang maipahamak ang lupa at ang dagat,

3 Na nagsasabi, Huwag ninyong ipahamak ang lupa, kahit ang dagat, kahit ang mga punong kahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Dios.

4 At narinig ko ang bilang ng mga natatakan, na isang daan at apat na pu't apat na libo, na natatakan, sa bawa't angkan ng mga anak ni Israel:

5 Sa angkan ni Juda ay labingdalawang libo ang tinatakan; Sa angkan ni Ruben ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Gad ay labingdalawang libo;

6 Sa angkan ni Aser ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Neftali ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Manases ay labingdalawang libo;

7 Sa angkan ni Simeon ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Levi ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Isacar ay labingdalawang libo;

8 Sa angkan ni Zabulon ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Jose ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Benjamin ay labingdalawang libo ang tinatakan.

9 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito, ang isang lubhang karamihan na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawa't bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng luklukan at sa harapan ng Cordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit, at may mga palma sa kanilang mga kamay;

10 At nagsisigawan ng tinig na malakas, na nangagsasabi, Ang pagliligtas ay sumaaming Dios na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero.

11 At ang lahat ng mga anghel ay nangakatayo sa palibot ng luklukan, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buhay; at sila'y nangagpatirapa sa harapan ng luklukan, at nangagsisamba sa Dios,

12 Na nangagsasabi, Siya nawa: Pagpapala at kaluwalhatian, at karunungan, at pagpapasalamat, at karangalan, at kapangyarihan, at kalakasan, nawa ang sumaaming Dios magpakailan kailan man. Siya nawa.

13 At sumagot ang isa sa matatanda na, nagsasabi sa akin, Ang mga ito na nangadaramtan ng mapuputing damit, ay sino-sino at saan nagsipanggaling?

14 At sinabi ko sa kaniya, Panginoon ko, Ikaw ang nakakaalam. At sinabi niya sa akin, Ang mga ito'y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Cordero.

15 Kaya't sila'y nasa harapan ng luklukan ng Dios; at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo: at siyang nakaupo sa luklukan, ay lulukuban sila ng kaniyang tabernakulo.

16 Sila'y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anomang init:

17 Sapagka't ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila'y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa't luha ng kanilang mga mata.

Pahayag 8

1 At nang buksan niya ang ikapitong tatak, ay nagkaroon ng katahimikan sa langit na may kalahating oras.

2 At nakita ko ang pitong anghel na nangakatayo sa harapan ng Dios; at sila'y binigyan ng pitong pakakak.

3 At dumating ang ibang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong pangsuob ng kamangyan; at binigyan siya ng maraming kamangyan, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng luklukan.

4 At ang usok ng kamangyan, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, ay napailanglang mula sa kamay ng anghel, sa harapan ng Dios.

5 At kinuha ng anghel ang pangsuob ng kamangyan; at pinuno niya ng apoy ng dambana, at itinapon sa lupa: at nagkaroon ng mga kulog, at mga tinig, at mga kidlat, at ng isang lindol.

6 At ang pitong anghel na may pitong pakakak ay nagsihanda upang magsihihip.

7 At humihip ang una, at nagkaroon ng granizo at apoy, na may halong dugo, at itinapon sa lupa: at ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punong kahoy ay nasunog, at ang lahat ng sariwang damo ay nasunog.

8 At humihip ang ikalawang anghel, at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay nabulusok sa dagat: at ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo;

9 At namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na nasa dagat, na mga may buhay; at ang ikatlong bahagi sa mga daong ay nawalat.

10 At humihip ang ikatlong anghel, at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig;

11 At ang pangalan ng bituin ay Ajenjo: at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging ajenjo; at maraming tao ay nangamatay dahil sa tubig, sapagka't mapait ang tubig.

12 At humihip ang ikaapat na anghel, at nasugatan ang ikatlong bahagi ng araw, at ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin; upang magdilim ang ikatlong bahagi nila, at upang ang ikatlong bahagi ng maghapon ay huwag lumiwanag, at gayon din naman ang gabi.

13 At nakita ko, at narinig ko ang isang anghel, na lumilipad sa pagitan ng langit, na nagsasabi ng malakas na tinig, Sa aba, sa aba, sa aba ng mga nananahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga ibang tunog ng pakakak ng tatlong anghel, na magsisihihip pa.

Pahayag 9:1-11

1 At humihip ang ikalimang anghel, at nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit: at sa kaniya'y ibinigay ang susi ng hukay ng kalaliman.

2 At binuksan niya ang balon ng kalaliman; at napailanglang ang usok mula sa hukay, na gaya ng usok ng isang malaking lutuang-bakal; at nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay.

3 At nangagsilabas sa usok ang mga balang sa lupa; at binigyan sila ng kapangyarihan, na gaya ng mga alakdan sa lupa na may kapangyarihan.

4 At sinabi sa kanila na huwag ipahamak ang damo sa lupa, ni ang anomang bagay na sariwa, ni ang anomang punong kahoy, kundi ang mga tao lamang na walang tatak ng Dios sa kanilang mga noo.

5 At pinagkalooban silang huwag patayin ang mga ito, kundi pahirapan nilang limang buwan: at ang kanilang pahirap ay gaya ng pahirap ng alakdan kung kumakagat sa isang tao.

6 At sa mga araw na yaon ay hahanapin ng mga tao ang kamatayan, at sa anomang paraa'y hindi nila masusumpungan; at mangagnanasang mamatay, at ang kamatayan ay tatakas sa kanila.

7 At ang anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong nahahanda sa pagbabaka; at sa kanilang mga ulo ay gaya ng mga putong na katulad ng ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga tao.

8 At sila'y may buhok na gaya ng buhok ng mga babae, at ang kanilang mga ngipin ay gaya ng sa mga leon.

9 At sila'y may mga baluti, na gaya ng baluting bakal; at ang ugong ng kanilang mga pakpak ay gaya ng ugong ng mga karro, at ng maraming kabayo na dumadaluhong sa pagbabaka.

10 At sila'y may mga buntot na gaya ng sa mga alakdan, at mga tibo; at sa kanilang mga buntot naroroon ang kanilang kapangyarihan upang ipahamak ang mga taong limang buwan.

11 Sila'y may pinakahari na anghel ng kalaliman: ang kaniyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abaddon, at sa Griego ay may pangalan siyang Apolyon.