Hakbang 73

pag-aaral

     

Mga Hukom 1

1 At nangyari, pagkamatay ni Josue, na itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon, na sinasabi, Sino ang unang sasampa sa amin laban sa mga Cananeo, upang lumaban sa kanila?

2 At sinabi ng Panginoon, Ang Juda ang sasampa: narito, aking ibinigay ang lupain sa kaniyang kamay.

3 At sinabi ng Juda sa Simeon na kaniyang kapatid, Sumampa kang kasama ko sa aking kapalaran, upang ating kalabanin ang mga Cananeo; at ako nama'y sasama sa iyong kapalaran. Sa gayo'y yumaon ang Simeon na kasama niya.

4 At sumampa ang Juda; at ibinigay ng Panginoon ang mga Cananeo, at ang mga Pherezeo sa kanilang kamay: at sinaktan nila sa kanila sa Bezec ay sangpung libong lalake.

5 At kanilang nasumpungan si Adoni-bezec sa Bezec: at siya'y nilabanan nila, at kanilang sinaktan ang mga Cananeo at ang mga Pherezeo.

6 Nguni't tumakas si Adoni-bezec; at kanilang hinabol siya, at hinuli siya, at pinutol nila ang mga daliring hinlalaki ng kaniyang kamay at paa.

7 At sinabi ni Adoni-bezec, Pitong pung hari, na mga may putol ng kanilang mga hinlalaki sa kamay at sa paa ay namulot ng kanilang pagkain sa ilalim ng aking dulang: kung paano ang aking ginawa ay gayon ako pinaghigantihan ng Dios. At dinala nila siya sa Jerusalem, at siya'y namatay roon.

8 At ang mga anak ni Juda ay lumaban sa Jerusalem, at sinakop at sinugatan ng talim ng tabak, at sinilaban ng apoy ang bayan.

9 At pagkatapos, ang mga anak ni Juda ay lumusong na lumaban sa mga Cananeo na tumatahan sa mga lupaing maburol, at sa Timugan, at sa mababang lupa.

10 At ang Juda'y yumaon laban sa mga Cananeo na tumatahan sa Hebron (ang pangalan ng Hebron nang una ay Chiriath-arba:) at kanilang sinaktan ang Sesai, at ang Ahiman, at ang Talmai.

11 At mula roo'y yumaon laban sa mga taga Debir. (Ang pangalan nga ng Debir nang una ay Chiriath-sepher.)

12 At sinabi ni Caleb, Ang sumakit sa Chiriath-sepher at sumakop niyaon, ay doon ko papagaasawahin si Axa na aking anak.

13 At si Othoniel na anak ni Cenez, kapatid na bata ni Caleb, ay siyang sumakop: at pinapag-asawa nito sa kaniya si Axa na kaniyang anak.

14 At nangyari, nang makipisan si Axa, na kaniyang kinilos siya na humingi sa kaniyang ama ng isang bukid: at siya'y bumaba sa kaniyang asno, at sinabi ni Caleb sa kaniya, Anong ibig mo?

15 At sinabi ni Axa sa kaniya, Bigyan mo ako ng isang kaloob; sapagka't inilagay mo ako sa lupain na Timugan, bigyan mo naman ako ng mga bukal ng tubig. At ibinigay ni Caleb sa kaniya ang mga bukal sa itaas, at ang mga bukal sa ibaba.

16 At ang mga anak ni Cineo, na bayaw ni Moises ay umahon sa bayan ng mga puno ng palma na kasama ng mga anak ni Juda sa ilang ng Juda, na nasa timugan ng Arad; at sila'y naparoon at nagsitahang kasama ng bayan.

17 At ang Juda'y yumaong kasama ng Simeon na kaniyang kapatid, at kanilang sinaktan ang mga Cananeo na nagsisitahan sa Sephath at lubos na pinuksa. At ang pangalan ng bayan ay tinawag na Horma.

18 Sinakop rin naman ng Juda ang Gaza pati ng hangganan niyaon at ang Ascalon pati ng hangganan niyaon, at ang Ecron pati ng hangganan niyaon.

19 At ang Panginoon ay sumasa Juda; at kaniyang pinalayas ang mga taga lupaing maburol; sapagka't hindi niya mapalayas ang mga nananahan sa libis, dahil sa sila'y may mga karong bakal.

20 At kanilang ibinigay ang Hebron kay Caleb, gaya ng sinalita ni Moises: at kaniyang pinalayas doon ang tatlong anak ni Anac.

21 At hindi pinalayas ng mga anak ni Benjamin ang mga Jebuseo na tumatahan sa Jerusalem: kundi ang mga Jebuseo ay nagsitahang kasama ng mga anak ni Benjamin sa Jerusalem hanggang sa araw na ito.

22 At ang sangbahayan ni Jose, sila'y umahon din laban sa Beth-el: at ang Panginoon ay sumakanila.

23 At ang sangbahayan ni Jose, ay nagsugo upang tiktikan ang Beth-el. (Ang pangalan nga ng bayan nang una ay Luz.)

24 At nakita ng mga bakay ang isang lalake na lumalabas sa bayan at kanilang sinabi sa kaniya, Ituro mo sa amin, isinasamo namin sa iyo ang pasukan sa bayan at kahahabagan ka namin.

25 At itinuro niya sa kanila ang pasukan sa bayan, at kanilang sinugatan ng talim ng tabak ang bayan nguni't pinayaon ang lalake at ang madlang sangbahayan niya.

26 At ang lalake ay pumasok sa lupain ng mga Hetheo, at nagtayo ng isang bayan, at tinawag ang pangalan niyaon na Luz: na siyang pangalan niyaon hanggang sa araw na ito.

27 At hindi pinalayas ng Manases ang mga taga Beth-sean at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Taanach at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Dor at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Ibleam at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Megiddo at ang mga bayan niyaon: kundi ang mga Cananeo ay nagsitahan sa lupaing yaon.

28 At nangyari, nang lumakas ang Israel, na kanilang pinapagatag ang mga Cananeo, at hindi nila lubos na pinalayas.

29 At hindi pinalayas ni Ephraim ang mga Cananeo na tumatahan sa Gezer; kundi ang mga Cananeo ay nagsitahan sa Gezer sa gitna nila.

30 Hindi pinalayas ni Zabulon ang mga nananahan sa Chitron, ni ang mga nananahan sa Naalol; kundi ang mga Cananeo ay nagsitahan sa gitna nila, at naging mga tagapagpaatag.

31 Hindi pinalayas ng Aser ang mga taga Acho, ni ang mga taga Sidon, ni ang taga Ahlab, ni ang taga Achzib, ni ang taga Helba, ni ang taga Aphec, ni ang taga Rehob:

32 Kundi ang mga Aserita ay nagsitahang kasama ng mga Cananeo, na mga taga lupaing yaon: sapagka't hindi nila pinalayas sila.

33 Hindi pinalayas ng Nephtali ang mga nananahan sa Beth-semes, ni ang mga nananahan sa Beth-anath; kundi siya'y tumahan sa gitna ng mga Cananeo, na nagsisitahan sa lupaing yaon: gayon ma'y ang mga nananahan sa Beth-semes at nananahan sa Beth-anath ay naging mga tagapagpaatag sa kaniya.

34 At piniit ng mga Amorrheo ang mga anak ni Dan sa mga lupaing maburol; sapagka't ayaw nilang payagang sila'y lumusong sa libis;

35 Nguni't inibig ng mga Amorrheo na tumahan sa bundok ng Heres, sa Ajalon, at sa Saalbin: gayon ma'y nanaig ang kamay ng sangbahayan ni Jose, na anopa't sila'y naging mga tagapagpaatag.

36 At ang hangganan ng mga Amorrheo ay mula sa sampahan ng Acrabim, buhat sa batuhan, at paitaas.

Mga Hukom 2

1 At sumampa ang anghel ng Panginoon sa Bochim mula sa Gilgal. At kaniyang sinabi, Kayo'y pinaahon ko mula sa Egipto, at dinala ko kayo sa lupain na aking isinumpa sa inyong mga magulang; at sinabi ko, Kailan ma'y hindi ko sisirain ang aking tipan sa inyo:

2 At huwag kayong makikipagtipan sa mga taga lupaing ito; inyong iwawasak ang kanilang mga dambana. Nguni't hindi ninyo dininig ang aking tinig: bakit ginawa ninyo ito?

3 Kaya't aking sinabi rin, Hindi ko sila palalayasin sa harap ninyo; kundi sila'y magiging parang mga tinik sa inyong mga tagiliran, at ang kanilang mga dios ay magiging silo sa inyo.

4 At nangyari, pagkasalita ng anghel ng Panginoon ng mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel, na inilakas ng bayan ang kanilang tinig at umiyak.

5 At kanilang tinawag ang pangalan ng dakong yaon na Bochim; at sila'y naghain doon sa Panginoon.

6 Nang mapayaon nga ni Josue ang bayan, pumaroon ang mga anak ni Israel, bawa't isa, sa kaniyang mana, upang ariin ang lupa.

7 At naglingkod ang bayan sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng mga matandang natirang nabuhay kay Josue, na nakakita ng mga dakilang gawa ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa Israel.

8 At si Josue na anak ni Nun, na lingkod ng Panginoon, ay namatay, na may isang daan at sangpung taon ang gulang.

9 At kanilang inilibing siya sa hangganan ng kaniyang mana, sa Timnath-heres, sa lupaing maburol ng Ephraim, sa hilagaan ng bundok Gaas.

10 At ang buong lahing yaon ay nalakip din sa kanilang mga magulang; at doo'y may ibang lahing bumangon pagkamatay nila, na hindi nakilala ang Panginoon, ni ang mga gawa na kaniyang ginawa sa Israel.

11 At ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at naglingkod sa mga Baal:

12 At kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, na naglabas sa kanila sa lupain ng Egipto, at sumunod sa ibang mga dios, sa mga dios ng mga bayan na nasa palibot nila, at sila'y yumukod sa mga yaon: at kanilang minungkahi ang Panginoon sa galit.

13 At kanilang pinabayaan ang Panginoon, at naglingkod kay Baal at kay Astaroth.

14 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at kaniyang ibinigay sila sa kamay ng mga mangloloob na lumoob sa kanila; at kaniyang ipinagbili sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway sa palibot, na anopa't sila'y hindi makatayong maluwat sa harap ng kanilang mga kaaway.

15 Saan man sila yumaon, ang kamay ng Panginoon ay laban sa kanila sa ikasasama nila, gaya ng sinalita ng Panginoon, at gaya ng isinumpa sa kanila ng Panginoon: sila'y nagipit na mainam.

16 At nagbangon ang Panginoon ng mga hukom, na nagligtas sa kanila sa kamay niyaong mga lumoloob sa kanila.

17 At gayon ma'y hindi nila dininig ang kanilang mga hukom: sapagka't sila'y sumamba sa ibang mga dios, at kanilang niyukuran ang mga yaon: sila'y nagpakaligaw na madali sa daan na nilakaran ng kanilang mga magulang, na sumunod ng mga utos ng Panginoon; nguni't hindi sila gumawa ng gayon.

18 At nang ipagbangon sila ng Panginoon ng mga hukom, ang Panginoon ay suma hukom, at iniligtas sila sa kamay ng kanilang mga kaaway sa lahat ng mga araw ng hukom: sapagka't nagsisi ang Panginoon dahil sa kanilang daing, dahil doon sa mga pumighati sa kanila at nagpakalupit sa kanila.

19 Nguni't nangyari pagkamatay ng hukom, na sila'y tumalikod at lalong sumama kay sa kanilang mga magulang sa pagsunod sa ibang mga dios, upang maglingkod sa kanila, at yumukod sa kanila; sila'y hindi naglikat sa kanilang mga gawa, ni sa kanilang tampalasang lakad.

20 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel; at kaniyang sinabi, Sapagka't sinalangsang ng bansang ito ang aking tipan na aking iniutos sa kanilang mga magulang, at hindi dininig ang aking tinig;

21 Hindi ko na naman palalayasin pa sa harap nila ang sinoman ng mga bansang iniwan ni Josue nang siya'y mamatay;

22 Upang sa pamamagitan nila'y aking masubok ang Israel, kung kanilang susundin o hindi ang daan ng Panginoon upang lakaran nila, na gaya ng inilakad ng kanilang mga magulang.

23 Kaya't iniwan ng Panginoon ang mga bansang yaon, na hindi niya pinalayas silang biglaan; ni ibinigay sila sa kamay ni Josue.