Hakbang 77

pag-aaral

     

Mga Hukom 10

1 At pagkamatay ni Abimelech ay bumangon doon, upang magligtas sa Israel, si Tola na anak ni Pua, na anak ni Dodo, na lalake ng Issachar; at siya'y tumahan sa Samir sa lupaing maburol ng Ephraim.

2 At siya'y naghukom sa Israel na dalawang pu't tatlong taon; at namatay, at inilibing sa Samir.

3 At pagkamatay niya'y bumangon si Jair, na Galaadita; at siya'y naghukom sa Israel na dalawang pu't dalawang taon.

4 At siya'y may tatlong pung anak na sumasakay sa tatlong pung asno, at sila'y may tatlong pung bayan na tinatawag na Havot-jair hanggang sa araw na ito, na nangasa lupain ng Galaad.

5 At namatay si Jair, at inilibing sa Camon.

6 At ginawa uli ng mga anak ni Israel ang kasamaan sa paningin ng Panginoon, at naglingkod sa mga Baal, at kay Astaroth, at sa mga dios sa Siria, at sa mga dios sa Sidon, at sa mga dios sa Moab, at sa mga dios ng mga anak ni Ammon, at sa mga dios ng mga Filisteo; at pinabayaan nila ang Panginoon, at hindi naglingkod sa kaniya.

7 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at ipinagbili niya sila sa kamay ng mga Filisteo, at sa kamay ng mga anak ni Ammon.

8 At kanilang pinahirapan at pinighati ang mga anak ni Israel nang taong yaon: labing walong taong pinighati ang lahat ng mga anak ni Israel na nangasa dako roon ng Jordan sa lupain ng mga Amorrheo, na nasa Galaad.

9 At ang mga anak ni Ammon ay tumawid sa Jordan upang lumaban naman sa Juda, at sa Benjamin, at sa sangbahayan ni Ephraim; na ano pa't ang Israel ay totoong pinapaghinagpis.

10 At dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, na sinasabi, Kami ay nagkasala laban sa iyo, sapagka't aming pinabayaan ang aming Dios, at kami ay naglingkod sa mga Baal.

11 At sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, Di ba pinapaging laya ko kayo sa mga taga Egipto, at sa mga Amorrheo, sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo?

12 Ang mga Sidonio man, at ang mga Amalecita, at ang mga Maonita ay pumighati rin sa iyo; at kayo'y dumaing sa akin, at pinapaging laya ko kayo sa kanilang mga kamay.

13 Gayon ma'y pinabayaan ninyo ako, at kayo'y naglingkod sa ibang mga dios: kaya't hindi ko na kayo palalayain.

14 Kayo'y yumaon at dumaing sa mga dios na inyong pinili; palayain kayo nila sa panahon ng inyong kapighatian.

15 At sinabi ng mga anak ni Israel sa Panginoon, Kami ay nagkasala: gawin mo sa amin anomang iyong mabutihin; isinasamo namin sa iyo, na iligtas mo lamang kami sa araw na ito.

16 At kanilang inihiwalay ang mga dios ng iba sa kanila, at naglingkod sa Panginoon: at ang kaniyang kaluluwa ay nagdalamhati dahil sa karalitaan ng Israel.

17 Nang magkagayon ang mga anak ni Ammon ay nagpipisan, at humantong sa Galaad. At ang mga anak ni Israel ay nagpipisan, at humantong sa Mizpa.

18 At ang bayan, at ang mga prinsipe sa Galaad, ay nagsangusapan, Sinong tao ang magpapasimulang lumaban sa mga anak ni Ammon? siya'y magiging pangulo ng lahat na taga Galaad.

Mga Hukom 11

1 Si Jephte nga na Galaadita ay lalaking makapangyarihang may tapang, at siya'y anak ng isang patutot: at si Jephte ay naging anak ni Galaad.

2 At ang asawa ni Galaad ay nagkaanak sa kaniya ng mga lalake; at nang magsilaki ang mga anak ng kaniyang asawa ay kanilang pinalayas si Jephte, at sinabi nila sa kaniya, Ikaw ay hindi magmamana sa sangbahayan ng aming ama; sapagka't ikaw ay anak ng ibang babae.

3 Nang magkagayo'y tumakas si Jephte sa harap ng kaniyang mga kapatid, at tumahan sa lupain ng Tob: at doo'y nakipisan kay Jephte ang mga lalaking walang kabuluhan, at nagsilabas na kasama niya.

4 At nangyari pagkaraan ng ilang panahon, na ang mga anak ni Ammon ay nakipagdigma sa Israel.

5 At nangyari, nang lumaban ang mga anak ni Ammon sa Israel, na ang mga matanda sa Galaad ay naparoon upang sunduin si Jephte mula sa lupain ng Tob:

6 At kanilang sinabi kay Jephte, Halika't ikaw ay maging aming pinuno, upang kami ay makalaban sa mga anak ni Ammon.

7 At sinabi ni Jephte sa mga matanda sa Galaad, Di ba kayo'y napoot sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? at bakit kayo'y naparito sa akin ngayon, pagka kayo'y nasa paghihinagpis?

8 At sinabi ng mga matanda sa Galaad kay Jephte, Kaya't kami ay bumabalik sa iyo ngayon, upang ikaw ay makasama namin, at makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ikaw ay magiging pangulo naming lahat na taga Galaad.

9 At sinabi ni Jephte sa mga matanda sa Galaad, Kung pauuwiin ninyo ako upang makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ibigay ng Panginoon sila sa harap ko, magiging pangulo ba ninyo ako?

10 At sinabi ng mga matanda sa Galaad kay Jephte, Ang Panginoon ang maging saksi natin: tunay na ayon sa iyong salita ay siya naming gagawin.

11 Nang magkagayo'y si Jephte ay yumaong kasama ng mga matanda sa Galaad, at ginawa nila siyang pangulo at pinuno: at sinalita ni Jephte sa Mizpa ang lahat ng kaniyang salita sa harap ng Panginoon.

12 At nagsugo si Jephte ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon, na nagsasabi, Anong ipinakikialam mo sa akin, na ikaw ay naparito sa akin upang lumaban sa aking lupain?

13 At isinagot ng hari ng mga anak ni Ammon sa mga sugo ni Jephte, Sapagka't sinakop ng Israel ang aking lupain, nang siya'y umahong galing sa Egipto, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at hanggang sa Jordan: kaya't ngayo'y ibalik mo ng payapa ang mga lupaing yaon.

14 At nagsugo uli si Jephte ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon:

15 At kaniyang sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ni Jephte, Hindi sumakop ang Israel ng lupain ng Moab, o ng lupain ng mga anak ni Ammon;

16 Kundi nang sila'y umahon mula sa Egipto, at ang Israel ay naglakad sa ilang hanggang sa Dagat na Mapula, at napasa Cades:

17 Nagsugo nga ang Israel ng mga sugo sa hari sa Edom, na nagsasabi, Isinasamo ko sa iyong paraanin mo ako sa iyong lupain: nguni't hindi dininig ng hari sa Edom. At gayon din nagsugo siya sa hari sa Moab; nguni't ayaw siya: at ang Israel ay tumahan sa Cades:

18 Nang magkagayo'y naglakad sila sa ilang, at lumiko sa lupain ng Edom, at sa lupain ng Moab, at napasa dakong silanganan ng lupain ng Moab, at sila'y humantong sa kabilang dako ng Arnon; nguni't hindi sila pumasok sa hangganan ng Moab, sapagka't ang Arnon ay siyang hangganan ng Moab.

19 At nagsugo ang Israel ng mga sugo kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, na hari sa Hesbon; at sinabi ng Israel sa kaniya, Isinasamo namin sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain hanggang sa aking dako.

20 Nguni't si Sehon ay hindi tumiwala sa Israel upang paraanin sa kaniyang hangganan: kundi pinisan ni Sehon ang kaniyang buong bayan, at humantong sa Jaas, at lumaban sa Israel.

21 At ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel si Sehon, at ang kaniyang buong bayan sa kamay ng Israel, at sinaktan nila sila: sa gayo'y inari ng Israel ang buong lupain ng mga Amorrheo, na mga tagaroon sa lupaing yaon.

22 At kanilang inari ang buong hangganan ng mga Amorrheo, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at mula sa ilang hanggang sa Jordan.

23 Ngayon nga'y inalisan ng ari ng Panginoon, ng Dios ng Israel ang mga Amorrheo sa harap ng bayang Israel, at iyo bang aariin ang mga iyan?

24 Hindi mo ba aariin ang ibinigay sa iyo ni Chemos na iyong dios upang ariin? Sinoman ngang inalisan ng ari ng Panginoon naming Dios sa harap namin, ay aming aariin.

25 At ngayo'y gagaling ka pa ba sa anomang paraan kay Balac na anak ni Zippor, na hari sa Moab? siya ba'y nakipagkaalit kailan man sa Israel o lumaban kaya sa kanila?

26 Samantalang ang Israel ay tumatahan sa Hesbon at sa mga bayan nito, at sa Aroer at sa mga bayan nito, at sa lahat ng mga bayang nangasa tabi ng Arnon, na tatlong daang taon; bakit hindi ninyo binawi nang panahong yaon?

27 Ako nga'y hindi nagkasala laban sa iyo, kundi ikaw ang gumawa ng masama sa pakikipagdigma mo sa akin: ang Panginoon, ang Hukom, ay maging hukom sa araw na ito sa mga anak ni Israel at sa mga anak ni Ammon.

28 Nguni't hindi dininig ng hari ng mga anak ni Ammon ang mga salita ni Jephte na ipinaalam sa kaniya.

29 Nang magkagayo'y ang Espiritu ng Panginoon ay suma kay Jephte, at siya'y nagdaan ng Galaad at Manases, at nagdaan sa Mizpa ng Galaad, at mula sa Mizpa ng Galaad ay nagdaan siya sa mga anak ni Ammon.

30 At nagpanata si Jephte ng isang panata sa Panginoon, at nagsabi, Kung tunay na iyong ibibigay ang mga anak ni Ammon sa aking kamay,

31 Ay mangyayari nga, na sinomang lumabas na sumalubong sa akin sa mga pintuan ng aking bahay, pagbalik kong payapa na galing sa mga anak ni Ammon, ay magiging sa Panginoon, at aking ihahandog na pinakahandog na susunugin.

32 Sa gayo'y nagdaan si Jephte sa mga anak ni Ammon upang lumaban sa kanila; at sila'y ibinigay ng Panginoon sa kaniyang kamay.

33 At sila'y sinaktan niya ng di kawasang pagpatay mula sa Aroer hanggang sa Minnith, na may dalawang pung bayan, at hanggang sa Abelkeramim. Sa gayo'y sumuko ang mga anak ni Ammon sa mga anak ni Israel.

34 At si Jephte ay naparoon sa Mizpa sa kaniyang bahay; at, narito, ang kaniyang anak na babae ay lumalabas na sinasalubong siya ng pandereta at ng sayaw: at siya ang kaniyang bugtong na anak: liban sa kaniya'y wala na siyang anak na lalake o babae man.

35 At nangyari, pagkakita niya sa kaniya, na kaniyang hinapak ang kaniyang damit, at sinabi, Sa aba ko, aking anak! pinapakumbaba mo akong lubos, at ikaw ay isa sa mga bumabagabag sa akin: sapagka't aking ibinuka ang aking bibig sa Panginoon, at hindi na ako makapanumbalik.

36 At sinabi niya sa kaniya, Ama ko, iyong ibinuka ang iyong bibig sa Panginoon; gawin mo sa akin ang ayon sa ipinangusap ng iyong bibig; yamang ipinanghiganti ka ng Panginoon sa iyong mga kaaway, sa makatuwid baga'y sa mga anak ni Ammon.

37 At sinabi niya sa kaniyang ama, Ipagawa mo ang bagay na ito sa akin: pahintulutan mo lamang akong dalawang buwan, upang ako'y humayo't yumaon sa mga bundukin at aking itangis ang aking pagkadalaga, ako at ang aking mga kasama.

38 At kaniyang sinabi, Yumaon ka. At pinapagpaalam niya siyang dalawang buwan: at siya'y yumaon, siya at ang kaniyang mga kasama, at itinangis ang kaniyang pagkadalaga sa mga bundukin.

39 At nangyari, sa katapusan ng dalawang buwan, na siya'y nagbalik sa kaniyang ama, na ginawa sa kaniya ang ayon sa kaniyang panata na kaniyang ipinanata: at siya'y hindi nasipingan ng lalake. At naging kaugalian sa Israel,

40 Na ipinagdidiwang taon taon ng mga anak na babae ng Israel ang anak ni Jephte na Galaadita, na apat na araw sa isang taon.

Mga Hukom 12

1 At ang mga lalake ng Ephraim ay nagpipisan at nagdaan sa dakong hilagaan: at sinabi nila kay Jephte, Bakit ka nagpatuloy na lumaban sa mga anak ni Ammon, at hindi mo kami tinawag upang yumaong kasama mo? susunugin ka namin pati ng iyong bahay.

2 At sinabi ni Jephte sa kanila, Ako at ang aking bayan ay totoong nakipaglaban sa mga anak ni Ammon; at nang tawagan ko kayo ay hindi ninyo ako iniligtas sa kanilang kamay.

3 At nang makita ko na ako'y hindi ninyo iniligtas ay aking inilagak ang aking buhay sa aking kamay, at ako'y nagdaan laban sa mga anak ni Ammon, at sila'y ibinigay ng Panginoon sa aking kamay: bakit nga inahon ninyo ako sa araw na ito, upang makipaglaban sa akin?

4 Nang magkagayo'y pinisan ni Jephte ang mga lalake sa Galaad, at nakipaglaban sa Ephraim; at sinaktan ng mga lalake ng Galaad ang Ephraim, sapagka't kanilang sinabi, Kayo'y mga tanan sa Ephraim, kayong mga Galaadita, sa gitna ng Ephraim, at sa gitna ng Manases.

5 At sinakop ng mga Galaadita ang mga tawiran sa Jordan sa dako ng mga Ephraimita. At nangyari, na pagkasinabi ng mga tanan sa Ephraim na, Paraanin mo ako, ay sinasabi ng mga lalake ng Galaad sa kaniya, Ikaw ba'y Ephraimita? Kung kaniyang sabihin, Hindi;

6 Ay sinabi nga nila sa kaniya, Sabihin mong Shiboleth; at sinasabi niya, Shiboleth; sapagka't hindi matumpakang sabihing matuwid; kung magkagayo'y kanilang hinuhuli, at pinapatay sa mga tawiran ng Jordan: at nahulog nang panahong yaon sa Ephraim ay apat na pu't dalawang libo.

7 At naghukom si Jephte sa Israel na anim na taon. Nang magkagayo'y namatay si Jephte na Galaadita, at inilibing sa isang bayan ng Galaad.

8 At pagkamatay niya, si Ibzan na taga Bethlehem ang naghukom sa Israel.

9 At siya'y nagkaanak ng tatlong pung lalake, at ang tatlong pung anak na babae ay kaniyang ipinadala sa ibang bayan, at tatlong pung anak na babae ay kaniyang ipinasok mula sa ibang bayan para sa kaniyang mga anak na lalake. At naghukom siya sa Israel na pitong taon.

10 At si Ibzan ay namatay, at inilibing sa Bethlehem.

11 At pagkamatay niya, si Elon na Zabulonita ang naghukom sa Israel; at naghukom siya sa Israel na sangpung taon.

12 At si Elon na Zabulonita ay namatay, at inilibing sa Ajalon sa lupain ng Zabulon.

13 At pagkamatay niya, si Abdon na anak ni Hillel na Piratonita ang naghukom sa Israel.

14 At siya'y nagkaroon ng apat na pung anak at tatlong pung apo na sumasakay sa pitong pung asno: at siya'y naghukom sa Israel na walong taon.

15 At si Abdon na anak ni Hillel na Piratonita ay namatay, at inilibing sa Piraton sa lupain ng Ephraim, sa lupaing maburol ng mga Amalecita.

Mga Hukom 13

1 At ang mga anak ni Israel ay gumawa uli ng kasamaan sa paningin ng Panginoon; at ibinigay ng Panginoon sila na apat na pung taon sa kamay ng mga Filisteo.

2 At may isang lalake sa Sora sa angkan ng mga Danita, na ang pangala'y Manoa; at ang kaniyang asawa ay baog, at hindi nagkaanak.

3 At napakita ang anghel ng Panginoon sa babae, at nagsabi sa kaniya, Narito ngayon, ikaw ay baog at hindi ka nagkakaanak: nguni't ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalake.

4 Ngayon nga'y magingat ka, isinasamo ko sa iyo, at huwag kang uminom ng alak o ng inuming nakalalasing, at huwag kang kumain ng anomang maruming bagay:

5 Sapagka't, narito, ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalake; at walang pangahit na daraan sa kaniyang ulo: sapagka't ang bata ay magiging Nazareo sa Dios, mula sa tiyan: at kaniyang pasisimulang iligtas ang Israel sa kamay ng mga Filisteo.

6 Nang magkagayo'y ang babae'y yumaon at isinaysay sa kaniyang asawa, na sinasabi, Isang lalake ng Dios ay naparito sa akin, at ang kaniyang anyo ay gaya ng anyo ng anghel ng Dios, na kakilakilabot: at hindi ko natanong siya kung siya'y taga saan, ni kaya'y sinaysay niya sa akin ang kaniyang pangalan:

7 Nguni't sinabi niya sa akin, Narito, ikaw ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake; at ngayo'y huwag kang uminom ng alak o ng inuming nakalalasing man, at huwag kang kumain ng anomang maruming bagay: sapagka't ang bata'y magiging Nazareo sa Dios mula sa tiyan hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan.

8 Nang magkagayo'y nanalangin si Manoa sa Panginoon, at sinabi niya, Isinasamo ko sa iyo, Oh Panginoon, na pabalikin mo uli ang lalake ng Dios na iyong sinugo sa amin, at ituro sa amin kung ano ang aming gagawin sa bata na ipanganganak.

9 At dininig ng Dios ang tinig ni Manoa; at nagbalik ang anghel ng Dios sa babae habang siya'y nakaupo sa bukid: nguni't si Manoa na kaniyang asawa ay hindi niya kasama.

10 At nagmadali ang babae, at tumakbo, at isinaysay sa kaniyang asawa, at sinabi sa kaniya, Narito, ang lalake ay napakita sa akin, yaong naparito sa akin ng ibang araw.

11 At bumangon si Manoa, at sumunod sa kaniyang asawa, at naparoon sa lalake, at sinabi sa kaniya, Ikaw ba ang lalake na nagsalita sa babaing ito? At kaniyang sinabi, Ako nga.

12 At sinabi ni Manoa, Mano nawa'y mangyari ang iyong mga salita: ano ang ipagpapagawa sa bata, at paanong aming gagawin sa kaniya?

13 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, Sa lahat ng aking sinabi sa babae ay magingat siya.

14 Siya'y hindi makakakain ng anomang bagay na nanggagaling sa ubasan, ni uminom man lamang ng alak ni ng inuming nakalalasing, ni kumain man ng anomang maruming bagay; lahat ng iniutos ko sa kaniya ay sundin niya.

15 At sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay aming mapigil, upang maipagluto ka namin ng isang anak ng kambing.

16 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, Bagaman ako'y iyong pigilin, hindi ako kakain ng iyong pagkain: at kung ikaw ay maghahanda ng handog na susunugin, ay iyong nararapat ihandog sa Panginoon. Sapagka't hindi naalaman ni Manoa na siya'y anghel ng Panginoon.

17 At sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, Ano ang iyong pangalan, upang pangyayari ng iyong mga salita ay mabigyan ka namin ng karangalan?

18 At sinabi ng anghel ng Panginoon sa kaniya, Bakit mo itinatanong ang aking pangalan, dangang kagilagilalas?

19 Sa gayo'y kumuha si Manoa ng isang anak ng kambing pati ng handog na harina, at inihandog sa Panginoon sa ibabaw ng bato: at gumawa ng kamanghamangha ang anghel, at minasdan ni Manoa at ng kaniyang asawa.

20 Sapagka't nangyari, nang umilanglang sa langit ang alab mula sa dambana, na ang anghel ng Panginoon ay napailanglang sa alab ng dambana: at minasdan ni Manoa at ng kaniyang asawa; at sila'y nangapasubasob sa lupa.

21 Nguni't hindi na napakita ang anghel ng Panginoon kay Manoa o sa kaniyang asawa. Nang magkagayo'y naalaman ni Manoa na siya'y anghel ng Panginoon.

22 At sinabi ni Manoa sa kaniyang asawa, Walang pagsalang tayo'y mamamatay, sapagka't ating nakita ang Dios.

23 Nguni't sinabi ng asawa niya sa kaniya, Kung nalulugod ang Panginoon na patayin tayo, hindi sana niya tinanggap ang handog na sinunog at ang handog na harina sa ating kamay, ni ipinakita man sa atin ang lahat ng mga bagay na ito ni nasaysay man sa panahong ito, ang mga bagay na gaya nito.

24 At nanganak ang babae ng isang lalake, at tinawag ang kaniyang pangalan na Samson. At ang bata'y lumaki, at pinagpala ng Panginoon.

25 At pinasimulang kinilos siya ng Espiritu ng Panginoon sa Mahanedan, sa pagitan ng Sora at Esthaol.