Hakbang 86

pag-aaral

     

1 Samuel 14:43-52

43 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul kay Jonathan, Saysayin mo sa akin kung ano ang iyong ginawa. At isinaysay ni Jonathan sa kaniya, at sinabi, Tunay na ako'y lumasa ng kaunting pulot sa dulo ng tungkod na nasa aking kamay: at, narito, ako'y marapat mamatay.

44 At sinabi ni Saul, Gawing gayon ng Dios at lalo na: sapagka't ikaw ay walang pagsalang mamamatay, Jonathan.

45 At sinabi ng bayan kay Saul, Mamamatay ba si Jonathan, na gumawa nitong dakilang kaligtasan sa Israel? Malayo nawa: buhay ang Panginoon, hindi malalaglag ang isang buhok ng kaniyang ulo sa lupa; sapagka't siya'y gumawa na kasama ng Dios sa araw na ito. Sa gayo'y iniligtas ng bayan si Jonathan, na anopa't siya'y hindi namatay.

46 Nang magkagayo'y umahon si Saul na mula sa pagsunod sa mga Filisteo: at ang mga Filisteo ay naparoon sa kanilang sariling dako.

47 Nang masakop nga ni Saul ang kaharian sa Israel, ay bumaka siya laban sa lahat niyang mga kaaway sa bawa't dako, laban sa Moab, at laban sa mga anak ni Ammon, at laban sa Edom, at laban sa mga hari sa Soba, at laban sa mga Filisteo: at saan man siya pumihit ay kaniyang binabagabag sila.

48 At kaniyang ginawang may katapangan, at sinaktan ang mga Amalecita, at iniligtas ang Israel sa mga kamay ng mga sumamsam sa kanila.

49 Ang mga anak nga ni Saul ay si Jonathan, at si Isui, at si Melchi-sua: at ang pangalan ng kaniyang dalawang anak na babae ay ito; ang pangalan ng panganay ay Merab, at ang pangalan ng bata ay Michal:

50 At ang pangalan ng asawa ni Saul ay Ahinoam, na anak ni Aimaas: at ang pangalan ng kaniyang kapitan sa hukbo ay Abner na anak ni Ner, amain ni Saul.

51 At si Cis ay ama ni Saul; at si Ner na ama ni Abner ay anak ni Abiel.

52 At nagkaroon ng mahigpit na pagbabaka laban sa mga Filisteo sa lahat ng mga araw ni Saul: at sa tuwing nakakakita si Saul ng sinomang makapangyarihang lalake, o ng sinomang matapang na lalake ay kaniyang ipinagsasama.

1 Samuel 15

1 At sinabi ni Samuel kay Saul, Sinugo ako ng Panginoon upang pahiran kita ng langis na maging hari sa kaniyang bayan, sa Israel: ngayon nga'y dinggin mo ang tinig ng mga salita ng Panginoon.

2 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Aking tinandaan yaong ginawa ng Amalec sa Israel, kung paanong siya'y humadlang sa kaniya sa daan, nang siya'y umahon mula sa Egipto.

3 Ngayo'y yumaon ka at saktan mo ang Amalec, at iyong lubos na lipulin ang buo nilang tinatangkilik, at huwag kang manghinayang sa kanila; kundi patayin mo ang lalake at babae, sanggol at sumususo, baka at tupa, kamelyo at asno.

4 At pinisan ni Saul ang bayan at binilang sila sa Telaim, dalawang yutang lalake na naglalakad, at sangpung libong lalake sa Juda.

5 At dumating si Saul sa bayan ng Amalec, at bumakay sa libis.

6 At sinabi ni Saul sa mga Cineo, Kayo'y magsiyaon, humiwalay kayo at umalis kayo sa gitna ng mga Amalecita, baka kayo'y lipulin kong kasama nila; sapagka't kayo'y nagpakita ng kagandahang loob sa mga anak ni Israel, nang sila'y umahong mula sa Egipto. Sa gayo'y umalis ang mga Cineo sa gitna ng mga Amalecita.

7 At sinaktan ni Saul ang mga Amalecita mula sa Havila kung patungo ka sa Shur, na nasa tapat ng Egipto.

8 At kaniyang kinuhang buhay si Agag na hari ng mga Amalecita, at lubos na nilipol ang buong bayan ng talim ng tabak.

9 Nguni't pinanghinayangan ni Saul at ng bayan si Agag, at ang pinakamabuti sa mga tupa, sa mga baka, at sa mga pinataba, at sa mga kordero, at lahat ng mabuti, at yaong mga hindi nila lubos na nilipol: nguni't bawa't bagay na hamak at walang kabuluhan, ay kanilang lubos na nilipol.

10 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Samuel, na sinasabi,

11 Ikinalulungkot ko na aking inilagay na hari si Saul; sapagka't siya'y tumalikod na hindi sumunod sa akin, at hindi tinupad ang aking mga utos. At si Samuel ay nagalit, at siya'y dumaing sa Panginoon buong gabi.

12 At si Samuel ay bumangong maaga upang salubungin si Saul sa kinaumagahan; at nasaysay kay Samuel, na sinasabi, Si Saul ay naparoon sa Carmel, at, narito, ipinagtayo niya siya ng isang monumento, at siya'y lumibot at nagpatuloy, at lumusong sa Gilgal.

13 At naparoon si Samuel kay Saul, at sinabi ni Saul sa kaniya, Pagpalain ka nawa ng Panginoon, aking tinupad ang utos ng Panginoon.

14 At sinabi ni Samuel, Anong kahulugan nga nitong iyak ng tupa sa aking pakinig, at ng ungal ng mga baka na aking naririnig?

15 At sinabi ni Saul, Sila'y dinala mula sa mga Amalecita: sapagka't ang bayan ay nagligtas ng pinakamabuti sa mga tupa at sa mga baka, upang ihain sa Panginoon mong Dios; at ang natira ay aming lubos na nilipol.

16 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel kay Saul, Tumigil ka, at aking sasaysayin sa iyo kung ano ang sinabi ng Panginoon sa akin nang gabing ito. At sinabi niya sa kaniya, Sabihin mo.

17 At sinabi ni Samuel, Bagaman ikaw ay maliit sa iyong sariling paningin, hindi ka ba ginawang pangulo sa mga lipi ng Israel? At pinahiran ka ng langis ng Panginoon na maging hari sa Israel;

18 At sinugo ka ng Panginoon sa isang paglalakbay, at sinabi, Ikaw ay yumaon, at iyong lubos na lipulin ang mga makasalanang Amalecita, at labanan mo sila hanggang sa sila'y malipol.

19 Bakit nga hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, kundi ikaw ay dumaluhong sa pananamsam, at ikaw ay gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon?

20 At sinabi ni Saul kay Samuel, Oo, aking sinunod ang tinig ng Panginoon, at ako'y yumaon sa daan na pinagsuguan sa akin ng Panginoon, at aking dinala si Agag na hari ng Amalec, at aking lubos na nilipol ang mga Amalecita.

21 Nguni't ang bayan ay kumuha sa samsam ng mga tupa at mga baka, ng pinakamabuti sa mga itinalagang bagay, upang ihain sa Panginoon mong Dios sa Gilgal.

22 At sinabi ni Samuel, Nagtataglay kaya ang Panginoon ng napakadakilang pagkatuwa sa mga handog na susunugin at sa mga hain, na gaya sa pagsunod ng tinig ng Panginoon? Narito, ang pagsunod ay maigi kay sa hain, at ang pagdinig kay sa taba ng mga tupang lalake.

23 Sapagka't ang panghihimagsik ay gaya ng kasalanan ng panghuhula, at ang katigasan ng ulo ay gaya ng pagsamba sa mga diosdiosan at sa mga terap. Sapagka't dahil sa iyong itinakuwil ang salita ng Panginoon, ay kaniya namang itinakuwil ka upang huwag ka nang maging hari.

24 At sinabi ni Saul kay Samuel, Ako'y nagkasala; sapagka't ako'y sumalangsang sa utos ng Panginoon, at sa iyong mga salita; sapagka't ako'y natakot sa bayan, at sumunod sa kanilang tinig.

25 Ngayon nga'y isinasamo ko sa iyo, ipatawad mo ang aking kasalanan, at bumalik ka uli na kasama ko, upang ako'y sumamba sa Panginoon.

26 At sinabi ni Samuel kay Saul, Hindi ako babalik na kasama mo; sapagka't iyong itinakuwil ang salita ng Panginoon, at itinakuwil ka ng Panginoon upang huwag ka nang maging hari sa Israel.

27 At nang pumihit si Samuel upang yumaon, siya'y pumigil sa laylayan ng kaniyang balabal, at nahapak.

28 At sinabi ni Samuel sa kaniya, Hinapak sa iyo ng Panginoon ang kaharian ng Israel sa araw na ito, at ibinigay sa iyong kapuwa, na maigi kay sa iyo.

29 At ang Lakas ng Israel naman ay hindi magbubulaan o magsisisi man; sapagka't siya'y hindi isang tao na magsisisi.

30 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Ako'y nagkasala: gayon ma'y parangalan mo ako ngayon, isinasamo ko sa iyo, sa harap ng mga matanda ng aking bayan at sa harap ng Israel, at bumalik ka uli na kasama ko upang aking sambahin ang Panginoon mong Dios.

31 Gayon bumalik uli na sumunod si Samuel kay Saul; at sumamba si Saul sa Panginoon.

32 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, Dalhin ninyo rito sa akin si Agag na hari ng mga Amalecita. At masayang naparoon si Agag sa kaniya. At sinabi ni Agag, Tunay na ang kapaitan ng kamatayan ay nakaraan na.

33 At sinabi ni Samuel, Kung paanong niwalan ng anak ng iyong tabak ang mga babae, ay magiging gayon ang iyong ina na mawawalan ng anak, sa gitna ng mga babae. At pinagputolputol ni Samuel si Agag sa harap ng Panginoon sa Gilgal.

34 Nang magkagayo'y naparoon si Samuel sa Rama, at si Saul ay sumampa sa kaniyang bahay sa Gabaa ni Saul.

35 At si Samuel ay hindi na bumalik na napakitang muli kay Saul hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan; sapagka't tinangisan ni Samuel si Saul: at ang Panginoon ay nagdamdam na kaniyang nagawang hari si Saul sa Israel.

1 Samuel 16

1 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Hanggang kailan pananangisan mo si Saul yamang aking itinakuwil siya na maging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay, at ikaw ay yumaon, susuguin kita kay Isai na Bethlehemita: sapagka't ako'y naglaan sa kaniyang mga anak ng isang hari.

2 At sinabi ni Samuel, Paanong ako'y paroroon? Kung mabalitaan ni Saul, ay kaniyang papatayin ako. At sinabi ng Panginoon, Magdala ka ng isang dumalagang baka, at iyong sabihin, Ako'y naparito upang maghain sa Panginoon.

3 At tawagin mo si Isai sa paghahain at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin; at iyong papahiran sa akin yaong sa iyo'y aking sabihin.

4 At ginawa ni Samuel ang sinalita ng Panginoon at naparoon sa Bethlehem. At ang mga matanda sa bayan ay naparoon upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, Naparirito ka bang may kapayapaan?

5 At kaniyang sinabi, May kapayapaan: ako'y naparito upang maghain sa Panginoon: magpakabanal kayo at sumama kayo sa akin sa paghahain. At pinapagbanal niya si Isai at ang kaniyang mga anak, at tinawag niya sila sa paghahain.

6 At nangyari, nang sila'y dumating na siya'y tumingin kay Eliab, at nagsabi, Tunay na ang pinahiran ng Panginoon ay nasa harap niya.

7 Nguni't sinabi ng Panginoon kay Samuel, Huwag mong tingnan ang kaniyang mukha, o ang taas ng kaniyang kataasan; sapagka't aking itinakuwil siya: sapagka't hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka't ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni't ang Panginoon ay tumitingin sa puso.

8 Nang magkagayo'y tinawag ni Isai si Abinadab, at pinaraan niya sa harap ni Samuel. At kaniyang sinabi, Kahit ito man, ay hindi pinili ng Panginoon.

9 Nang magkagayo'y pinaraan ni Isai si Samma. At kaniyang sinabi, Kahit ito man, ay hindi pinili ng Panginoon.

10 At pinaraan ni Isai ang pito sa kaniyang mga anak sa harap ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Isai, Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.

11 At sinabi ni Samuel kay Isai, Narito ba ang iyong lahat na anak? At kaniyang sinabi, Natitira pa ang bunso, at, narito, siya'y nag-aalaga sa mga tupa. At sinabi ni Samuel kay Isai, Ipasundo mo siya; sapagka't hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.

12 At siya'y nagsugo, at sinundo siya roon. Siya nga'y may mapulang pisngi, may magandang bikas, at mabuting anyo. At sinabi ng Panginoon, Tumindig ka: pahiran mo siya ng langis, sapagka't ito nga.

13 Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sungay ng langis, at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid: at ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang suma kay David mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin. Gayon bumangon si Samuel at napasa Rama.

14 Ang Espiritu nga ng Panginoon ay humiwalay kay Saul, at isang masamang espiritu na mula sa Panginoon ay bumagabag sa kaniya.

15 At sinabi ng mga bataan ni Saul sa kaniya, Narito ngayon, isang masamang espiritu na mula sa Dios ay bumabagabag sa iyo.

16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga bataan na nasa harap mo na humanap ng isang lalake na bihasang manunugtog ng alpa; at mangyayari, pagka ang masamang espiritu na mula sa Dios ay nasa iyo na siya'y tutugtog ng kaniyang kamay at ikaw ay bubuti.

17 At sinabi ni Saul sa kaniyang mga bataan, Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalake na makatutugtog na mabuti, at dalhin ninyo sa akin siya.

18 Nang magkagayo'y sumagot ang isa sa mga bataan, at nagsabi, Narito, aking nakita ang isang anak ni Isai na Bethlehemita, na bihasa sa panunugtog, at makapangyarihang lalake na may tapang, at lalaking mangdidigma, at matalino sa pananalita, at makisig na lalake, at ang Panginoon ay sumasa kaniya.

19 Kaya't nagsugo si Saul ng mga sugo kay Isai, at sinabi, Suguin mo sa akin si David na iyong anak, na nasa kawan ng mga tupa.

20 At kumuha si Isai ng isang asno na may pasang tinapay, at isang balat ng alak, at isang anak ng kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kaniyang anak.

21 At dumating si David kay Saul at tumayo sa harap niya: at minahal niya siyang mainam; at siya'y naging tagadala ng sandata niya.

22 At nagpasabi si Saul kay Isai, Isinasamo ko sa iyo na bayaang tumayo si David sa harapan ko, sapagka't siya'y nakasumpong ng biyaya sa aking paningin.

23 At nangyari, pagka ang masamang espiritu na mula sa Dios ay sumasa kay Saul, ay kinukuha ni David ang alpa, at tinutugtog ng kaniyang kamay: gayon nagiginhawahan si Saul, at bumubuti, at ang masamang espiritu ay nahihiwalay sa kaniya.

1 Samuel 17:1-25

1 Ngayo'y pinisan ng mga Filisteo ang kanilang hukbo upang bumaka at sila'y nagpipisan sa Socho, na nauukol sa Juda, at nagsihantong sa pagitan ng Socho at ng Azeca, sa Ephesdammim.

2 At nagpipisan si Saul at ang mga lalake ng Israel, at nagsihantong sa libis ng Ela, at nagsihanay sa pakikipagbaka laban sa mga Filisteo.

3 At nagsitayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo ang Israel sa kabilang dako sa bundok: at may isang libis sa pagitan nila.

4 At lumabas ang isang bayani sa kampamento ng mga Filisteo na nagngangalang Goliath, taga Gath, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.

5 At siya'y mayroong isang turbanteng tanso, sa kaniyang ulo, at siya'y nasusuutan ng isang baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.

6 At siya'y mayroong kasuutang tanso sa kaniyang mga hita, at isang sibat na tanso sa pagitan ng kaniyang mga balikat.

7 At ang puluhan ng kaniyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kaniyang sibat ay may anim na raang siklong bakal ang bigat: at ang kaniyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kaniya.

8 At siya'y tumayo at humiyaw sa mga hukbo ng Israel, at nagsabi sa kanila, Bakit kayo'y lumabas na nagsihanay sa pakikipagbaka? hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y mga lingkod ni Saul? pumili kayo ng isang lalake sa inyo, at pababain ninyo siya sa akin.

9 Kung siya'y makalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin nga ninyo kami; nguni't kung ako'y manaig laban sa kaniya, at mapatay ko siya ay magiging alipin nga namin kayo at maglilingkod sa amin.

10 At sinabi ng Filisteo, Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; bigyan ninyo ako ng isang lalake, upang maglaban kami.

11 At nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang yaon ng Filisteo, sila'y nanglupaypay, at natakot na mainam.

12 Si David nga ay anak niyaong Ephrateo sa Bethlehem-juda, na ang pangala'y Isai; at may walong anak: at ang lalaking yaon ay matanda na sa mga kaarawan ni Saul na totoong napakatanda sa gitna ng mga tao.

13 At ang tatlong pinakamatandang anak ni Isai ay naparoong sumunod kay Saul sa pakikipagbaka: at ang mga pangalan ng kaniyang tatlong anak na naparoon sa pakikipagbaka ay si Eliab na panganay, at ang kasunod niya ay si Abinadab, at ang ikatlo ay si Samma.

14 At si David ang bunso: at ang tatlong pinakamatanda ay sumunod kay Saul.

15 Nguni't si David ay nagpaparoo't parito mula kay Saul upang pasabsabin ang mga tupa ng kaniyang ama sa Bethlehem.

16 At lumalapit ang Filisteo sa umaga at hapon, at humarap na apat na pung araw.

17 At sinabi ni Isai kay David na kaniyang anak, Dalhin mo ngayon sa iyong mga kapatid ang isang epa nitong trigo na sinangag, at itong sangpung tinapay, at dalhin mong madali sa kampamento, sa iyong mga kapatid;

18 At dalhin mo ang sangpung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo, at tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at kumuha ka ng pinakakatunayan.

19 Si Saul nga, at sila at ang lahat ng mga lalake ng Israel ay nasa libis ng Ela, na nakikipaglaban sa mga Filisteo.

20 At si David ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at iniwan ang tupa na may isang tagapagalaga, at nagdala at yumaon, na gaya ng iniutos sa kaniya ni Isai; at siya'y naparoon sa kinaroroonan ng mga karo, habang ang hukbo na lumalabas sa pakikipaglaban ay sumisigaw ng pakikipagbaka.

21 At ang Israel at ang mga Filisteo ay nakahanay na sa pagbabaka, hukbo laban sa hukbo.

22 At iniwan ni David ang kaniyang daladalahan sa kamay ng tagapagingat ng daladalahan, at tumakbo sa hukbo, at naparoon, at bumati sa kaniyang mga kapatid.

23 At sa kaniyang pakikipagusap sa kanila, narito, dumating ang bayani, ang Filisteo na taga Gath, na Goliath ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, at nagsalita ng ayon sa mga gayon ding salita: at narinig ni David.

24 At lahat ng mga lalake sa Israel pagkakita sa lalaking yaon ay tumakas mula sa kaniyang harapan, at natakot na mainam.

25 At ang mga lalake ng Israel ay nagsabi, Nakita ba ninyo ang lalaking iyan na sumasampa? Tunay na sumasampa siya upang manghamon sa Israel: at mangyayari, na ang lalaking makapatay sa kaniya, ay payayamanin ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kaniya ang kaniyang anak na babae, at palalayain sa Israel ang sangbahayan ng kaniyang ama.