1
Si Belsasar na hari ay gumawa ng malaking piging sa isang libo na kaniyang mga mahal na tao, at uminom ng alak sa harap ng sanglibo.
2
Samantalang nilalasap ni Belsasar ang alak, ay nagutos na dalhin doon ang mga ginto at pilak na sisidlan na kinuha ni Nabucodonosor na kaniyang ama sa templo na nasa Jerusalem; upang mainuman ng hari, ng kaniyang mga mahal na tao, ng kaniyang mga asawa, at ng kaniyang mga babae.
3
Nang magkagayo'y dinala nila ang mga gintong sisidlan na kinuha sa templo ng bahay ng Dios na nasa Jerusalem; at ininuman ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, at ng kaniyang mga asawa at ng kaniyang mga babae.
4
Sila'y nangaginuman ng alak, at nagsipuri sa mga dios na ginto, at pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5
Nang oras ding yaon ay may lumabas na mga daliri ng kamay ng isang tao at sumulat sa tapat ng kandelero sa panig na may palitada ng palacio: at nakita ng hari ang bahagi ng kamay na sumulat.
6
Nang magkagayo'y nagbago ang pagmumukha ng hari, at binagabag siya ng kaniyang mga pagiisip; at ang pagkakasugpong ng kaniyang mga balakang ay nakalag, at ang kaniyang mga tuhod ay nagkaumpugan.
7
Ang hari ay sumigaw ng malakas, na papasukin ang mga enkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita, at nagsabi sa mga pantas sa Babilonia, Sinomang makababasa ng sulat na ito, at makapagpapaaninaw sa akin ng kahulugan niyan, magdadamit ng kulay morado, at magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kaniyang leeg, at magiging ikatlong puno sa kaharian.
8
Nang magkagayo'y nagsipasok ang lahat na pantas ng hari; nguni't hindi nila nabasa ang sulat, o naipaaninaw man sa hari ang kahulugan niyaon.
9
Nang magkagayo'y nabagabag na mainam ang haring Belsasar, at ang kaniyang pagmumukha ay nabago, at ang kaniyang mga mahal na tao ay nangatitigilan.
10
Ang reina, dahil sa mga salita ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao ay pumasok sa bahay na pinagpigingan: ang reina ay nagsalita, at nagsabi, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man; huwag kang bagabagin ng iyong mga pagiisip, o mabago man ang iyong pagmumukha.
11
May isang lalake sa iyong kaharian na kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na dios; at sa mga kaarawan ng iyong ama, ay nasumpungan sa kaniya ang liwanag at unawa at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga dios; at ang haring Nabucodonosor, na iyong ama, ang hari, sinasabi ko, ang iyong ama, ay ginawa niya siyang panginoon ng mga mago, ng mga enkantador, ng mga Caldeo, at ng mga manghuhula;
12
Palibhasa'y isang marilag na espiritu, at kaalaman, at unawa, pagpapaaninaw ng mga panaginip, at pagpapakilala ng mga malabong salita, at pagpapaliwanag ng pagaalinlangan, ay nangasumpungan sa Daniel na iyan, na pinanganlan ng hari na Beltsasar. Tawagin nga si Daniel, at kaniyang ipaaaninaw ang kahulugan.
13
Nang magkagayo'y dinala si Daniel sa harap ng hari. Ang hari ay nagsalita, at nagsabi kay Daniel, Ikaw baga'y si Daniel na sa mga anak ng pagkabihag sa Juda, na kinuha sa Juda ng haring aking ama?
14
Nabalitaan kita, na ang espiritu ng mga dios ay sumasa iyo, at ang liwanag at unawa at marilag na karunungan ay masusumpungan sa iyo.
15
At ang mga pantas nga, ang mga enkantador, dinala sa harap ko, upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaaninaw sa akin ang kahulugan; nguni't hindi nila naipaaninaw ang kahulugan ng bagay.
16
Nguni't nabalitaan kita, na ikaw ay makapagpapaaninaw ng mga kahulugan, at makapagpapaliwanag ng alinlangan: kung iyo ngang mabasa ang sulat, at maipaaninaw sa akin ang kahulugan, mananamit ka ng kulay morado, at magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian.
17
Nang magkagayo'y sumagot, at nagsabi si Daniel sa harap ng hari, Iyo na ang iyong mga kaloob, at ibigay mo ang iyong mga ganting pala sa iba; gayon ma'y aking babasahin sa hari ang sulat, at ipaaninaw ko sa kaniya ang kahulugan.
18
Oh ikaw na hari, ang Kataastaasang Dios, nagbigay kay Nabucodonosor na iyong ama ng kaharian, at kadakilaan, at kaluwalhatian, at kamahalan:
19
At dahil sa kadakilaan na ibinigay niya sa kaniya, nanginig at natakot sa harap niya lahat ng mga bayan, bansa, at wika: ang kaniyang ibiging patayin ay kaniyang pinapatay, at ang kaniyang ibiging buhayin ay kaniyang binubuhay; at ang ibiging itaas ay kaniyang itinataas, at ang ibiging ibaba ay kaniyang ibinababa.
20
Nguni't nang ang kaniyang puso ay magpakataas, at ang kaniyang espiritu ay magmatigas na siya'y gumawang may kapalaluan, siya'y ibinaba sa kaniyang luklukang pagkahari, at inalis nila ang kaniyang kaluwalhatian:
21
At siya'y pinalayas sa mga anak ng mga tao, at ang kaniyang puso ay naging gaya ng sa mga hayop, at ang kaniyang tahanan ay napasama sa maiilap na mga asno; siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kaniyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kaniyang naalaman na ang Kataastaasang Dios ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at iniluklok niya roon ang sinomang kaniyang ibigin.
22
At ikaw na kaniyang anak, Oh Belsasar, hindi mo pinapagpakumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat na ito,
23
Kundi ikaw ay nagpakataas laban sa Panginoon ng langit; at kanilang dinala ang mga kasangkapan ng kaniyang bahay sa harap mo, at ikaw, at ang iyong mga mahal na tao, ang iyong mga asawa at ang iyong mga babae, ay nagsiinom ng alak sa mga yaon; at iyong pinuri ang mga dios na pilak, at ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nangakakakita, o nangakakarinig man, o nakakaalam man; at ang Dios na kinaroroonan ng iyong hininga, at kinaroroonan ng lahat na iyong lakad, hindi mo niluwalhati.
24
Nang magkagayo'y ang bahagi nga ng kamay ay sinugo mula sa harap niya, at ang sulat na ito'y nalagda.
25
At ito ang sulat na nalagda, MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.
26
Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang ng Dios ang iyong kaharian, at niwakasan.
27
TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan, at ikaw ay nasumpungang kulang.
28
PERES; ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga Media at taga Persia.
29
Nang magkagayo'y nagutos si Belsasar, at pinanamit nila si Daniel ng kulay morado, at nilagyan ng kuwintas na ginto sa palibot ng leeg niya, at nagtanyag tungkol sa kaniya, na siya'y ikatlong puno sa kaharian.
30
Nang gabing yaon ay napatay si Belsasar na hari ng mga taga Caldea.
31
At tinanggap ni Dario na taga Media ang kaharian, na noo'y anim na pu't dalawang taon ang gulang niya.