Hakbang 10: Israel

pag-aaral

     

Genesis 46

1 At si Israel ay naglakbay na dala ang lahat niyang tinatangkilik, at napasa Beerseba, at naghandog ng mga hain sa Dios ng kaniyang amang si Isaac.

2 At kinausap ng Dios si Israel sa mga panaginip sa gabi, at sinabi, Jacob, Jacob. At sinabi niya, Narito ako:

3 At kaniyang sinabi, Ako'y Dios, ang Dios ng iyong ama, huwag kang matakot na bumaba sa Egipto: sapagka't doo'y gagawin kitang isang dakilang bansa:

4 Ako'y bababang kasama mo sa Egipto; at tunay na iaahon kita uli, at ipapatong ni Jose ang kaniyang kamay sa iyong mga mata.

5 At bumangon si Jacob mula sa Beerseba; at dinala ng mga anak ni Israel si Jacob na kanilang ama, at ang kanilang mga bata, at ang kanilang mga asawa, sa mga kariton na ipinadala ni Faraon kay Jacob.

6 At kanilang dinala ang kanilang mga hayop, at ang kanilang mga pag-aari na kanilang inimpok sa lupain ng Canaan, at na pasa Egipto, si Jacob at ang buong binhi niya na kasama niya.

7 Ang kaniyang mga anak na lalake at babae, at ang mga anak na lalake at babae ng kaniyang mga anak na kasama niya, at ang kaniyang buong binhi ay dinala niyang kasama niya sa Egipto.

8 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Israel, na napasa Egipto, ni Jacob at ng kaniyang mga anak: si Ruben na anak na panganay ni Jacob.

9 At ang mga anak ni Ruben; si Hanoch, at si Phallu, at si Hezron, at si Carmi.

10 At ang mga anak ni Simeon; si Jemuel, at si Jamin, at si Ohad, at si Jachin, at si Zohar, at si Saul na anak ng isang babaing taga Canaan.

11 At ang mga anak ni Levi; si Gerson, si Coat at si Merari.

12 At ang mga anak ni Juda; si Er, at si Onan, at si Sela, at si Phares, at si Zara; nguni't si Er at si Onan ay namatay sa lupain ng Canaan. At ang mga anak ni Phares, si Hezron at si Hamul.

13 At ang mga anak ni Issachar; si Thola, at si Phua, at si Job, at si Simron.

14 At ang mga anak ni Zabulon; si Sered; at si Elon, at si Jahleel.

15 Ito ang mga anak ni Lea, na kaniyang ipinanganak kay Jacob sa Padan-aram, sangpu ng kaniyang anak na babaing si Dina: ang lahat na taong kaniyang mga anak na lalake at babae ay tatlong pu't tatlo.

16 At ang mga anak ni Gad; si Ziphion, at si Aggi, si Suni, at si Ezbon, si Heri, at si Arodi, at si Areli.

17 At ang mga anak ni Aser; si Jimna; at si Ishua, at si Isui, at si Beria, at si Sera na kanilang kapatid na babae: at ang mga anak ni Beria; si Heber, at si Malchel.

18 Ito ang mga anak ni Zilpa na siyang ibinigay ni Laban kay Lea na kaniyang anak na babae, at ang mga ito ay kaniyang ipinanganak kay Jacob, na labing anim na tao.

19 Ang mga anak ni Raquel na asawa ni Jacob; si Jose at si Benjamin.

20 At kay Jose ay ipinanganak sa lupain ng Egipto si Manases at si Ephraim, na ipinanganak sa kaniya ni Asenath, na anak ni Potiphera na saserdote sa On.

21 At ang mga anak ni Benjamin; si Bela; at si Becher, at si Asbel, si Gera, at si Naaman, si Ehi, at si Ros, si Muppim, at si Huppim, at si Ard.

22 Ito ang mga anak ni Raquel na ipinanganak kay Jacob: lahat ay labing apat.

23 At ang mga anak ni Dan; si Husim.

24 At ang mga anak ni Nephtali; si Jahzeel, at si Guni, at si Jezer, at si Shillem.

25 Ito ang mga anak ni Bilha, na siyang ibinigay ni Laban kay Raquel na kaniyang anak, at ang mga ito ang ipinanganak niya kay Jacob; lahat na tao ay pito.

26 Lahat na tao na sumama kay Jacob sa Egipto, na nagsilabas sa kaniyang mga balakang, bukod pa ang mga asawa ng mga anak ni Jacob, ang lahat na tao ay anim na pu't anim;

27 At ang mga anak ni Jose na ipinanganak sa kaniya sa Egipto, ay dalawang katao; ang lahat na tao sa sangbahayan ni Jacob, na napasa Egipto, ay pitongpu.

28 At pinapagpauna niya si Juda kay Jose, upang ituro ang daan na patungo sa Gosen; at sila'y nagsidating sa lupain ng Gosen.

29 At inihanda ni Jose ang kaniyang karro, at sumampang sinalubong si Israel na kaniyang ama sa Gosen; at siya'y humarap sa kaniya, at yumakap sa kaniyang leeg, at umiyak sa kaniyang leeg na matagal.

30 At sinabi ni Israel kay Jose, Ngayo'y mamatay na ako yamang nakita ko na ang iyong mukha, na ikaw ay buhay pa.

31 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid, at sa sangbahayan ng kaniyang ama, Ako'y aahon, at aking sasaysayin kay Faraon, at aking sasabihin sa kaniya. Ang aking mga kapatid, at ang sangbahayan ng aking ama, na nangasa lupain ng Canaan, ay naparito sa akin;

32 At ang mga lalake ay mga pastor, sapagka't sila'y naging tagapagalaga ng hayop, at kanilang dinala ang kanilang mga kawan, at ang kanilang mga bakahan, at ang lahat nilang tinatangkilik.

33 At mangyayaring, pagka tatawagin kayo ni Faraon, at sasabihin, Ano ang inyong hanapbuhay?

34 Na inyong sasabihin, Ang iyong mga lingkod ay naging tagapagalaga ng hayop mula sa aming pagkabata hanggang ngayon, kami at ang aming mga magulang; upang kayo'y matira sa lupain ng Gosen; sapagka't bawa't pastor ay kasuklamsuklam sa mga Egipcio.

Genesis 47

1 Nang magkagayo'y pumasok si Jose at isinaysay kay Faraon, at sinabi, Ang aking ama, at ang aking mga kapatid, at ang kanilang mga kawan, at ang kanilang mga bakahan, at ang lahat nilang tinatangkilik, ay dumating na mula sa lupain ng Canaan; at, narito, sila'y nasa lupain ng Gosen.

2 At sa kaniyang mga kapatid ay nagsama siya ng limang lalake, at mga iniharap niya kay Faraon.

3 At sinabi ni Faraon sa kaniyang mga kapatid, Ano ang inyong hanapbuhay? At kanilang sinabi kay Faraon, Ang iyong mga lingkod ay mga pastor, kami at gayon din ang aming mga magulang.

4 At kanilang sinabi kay Faraon, Upang makipamayan sa bayang ito ay naparito kami; sapagka't walang makain ang mga kawan ng iyong mga lingkod; dahil sa ang kagutom ay mahigpit sa lupain ng Canaan: ngayon nga, ay isinasamo namin sa iyo, na pahintulutan mo na ang iyong mga lingkod ay tumahan sa lupain ng Gosen.

5 At sinalita ni Faraon kay Jose, na sinasabi, Ang iyong ama at ang iyong mga kapatid ay naparito sa iyo:

6 Ang lupain ng Egipto ay nasa harap mo; sa pinakamabuti sa lupain ay patirahin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid; sa lupain ng Gosen patirahin mo sila: at kung may nakikilala kang mga matalinong lalake sa kanila, ay papamahalain mo sa aking hayop.

7 At ipinasok ni Jose si Jacob na kaniyang ama, at itinayo niya sa harap ni Faraon, at binasbasan ni Jacob si Faraon.

8 At sinabi ni Faraon kay Jacob, Ilan ang mga araw ng mga taon ng iyong buhay?

9 At sinabi ni Jacob kay Faraon, Ang mga araw ng mga taon ng aking pakikipamayan ay isang daan at tatlong pung taon; kaunti at masasama ang mga naging araw ng mga taon ng aking buhay, at hindi umabot sa mga araw ng mga taon ng buhay ng aking mga magulang sa mga araw ng kanilang pakikipamayan.

10 At binasbasan ni Jacob si Faraon at umalis sa harapan ni Faraon.

11 At itinatag ni Jose ang kaniyang ama, at ang kaniyang mga kapatid, at sila'y binigyan ng pag-aari sa lupain ng Egipto, sa pinakamabuti sa lupain, sa lupain ng Rameses, gaya ng iniutos ni Faraon.

12 At pinakain ni Jose ng tinapay ang kaniyang ama, at ang kaniyang mga kapatid, at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, ayon sa kanikaniyang sangbahayan.

13 At walang tinapay sa buong lupain; sapagka't ang kagutom ay totoong malala, na ano pa't ang lupain ng Egipto, at ang lupain ng Canaan ay nanglulupaypay dahil sa kagutom.

14 At tinipon ni Jose ang lahat ng salapi na nasumpungan sa lupain ng Egipto, at sa lupain ng Canaan, dahil sa trigong kanilang binibili: at ipinasok ni Jose ang salapi sa bahay ni Faraon.

15 At nang ang salapi ay maubos na lahat sa lupain ng Egipto, at sa lupain ng Canaan, ay naparoon kay Jose ang lahat ng mga Egipcio, at nagsabi; Bigyan mo kami ng tinapay: sapagka't bakit kami mamamatay sa iyong harap? dahil sa ang aming salapi ay naubos.

16 At sinabi ni Jose, Ibigay ninyo ang inyong mga hayop; at bibigyan ko kayo dahil sa inyong mga hayop; kung naubos na ang salapi.

17 At kanilang dinala ang kanilang mga hayop kay Jose, at binigyan sila ni Jose ng tinapay na pinakapalit sa mga kabayo, at sa mga kawan, at sa mga bakahan, at sa mga asno; at kaniyang pinakain sila ng tinapay na pinakapalit sa kanilang lahat na hayop sa taong yaon.

18 At nang matapos ang taong yaon ay naparoon sila sa kaniya ng ikalawang taon, at kanilang sinabi sa kaniya: Hindi namin ililihim sa aming panginoon, na kung paanong ang aming salapi ay naubos, at ang mga kawan ng hayop ay sa aking panginoon; wala nang naiiwan sa paningin ng aking panginoon kundi ang aming katawan at ang aming mga lupa.

19 Bakit nga kami mamamatay sa harap ng iyong mga mata, kami at ang aming lupa? bilhin mo ng tinapay kami at ang aming lupa at kami at ang aming lupa ay paaalipin kay Faraon: at bigyan mo kami ng binhi, upang kami ay mabuhay, at huwag mamatay, at ang lupa ay huwag masira.

20 Sa ganito'y binili ni Jose ang buong lupain ng Egipto para kay Faraon; sapagka't ipinagbili ng bawa't isa sa mga Egipcio ang kaniyang bukid, dahil sa ang kagutom ay totoong mahigpit sa kanila: at ang lupain ay naging kay Faraon.

21 At tungkol sa mga tao ay kanilang ibinago sila sa mga bayan mula sa isang dulo ng hanganan ng Egipto hanggang sa kabilang dulo,

22 Ang lupa lamang ng mga saserdote ang hindi niya nabili: sapagka't ang mga saserdote'y may bahagi kay Faraon, at kanilang kinakain ang kanilang bahagi na ibinibigay sa kanila ni Faraon; kaya hindi nila ipinagbili ang kanilang lupa.

23 Nang magkagayo'y sinabi ni Jose sa bayan: Narito, aking binili kayo ng araw na ito, at ang inyong lupa'y para kay Faraon: narito, ito ang ipangbibinhi ninyo, at inyong hahasikan ang lupa.

24 At mangyayari sa pag-aani ay inyong ibibigay ang ikalimang bahagi kay Faraon, at ang apat na bahagi ay sa inyo, sa binhi sa bukid at sa inyong pagkain, at sa inyong mga kasangbahay, at pinakapagkain sa inyong mga bata.

25 At kanilang sinabi, Iyong iniligtas ang aming buhay: makasumpong nawa kami ng biyaya sa paningin ng aking panginoon, at kami ay maging mga alipin ni Faraon.

26 At ginawang kautusan ni Jose sa lupain ng Egipto sa araw na ito, na mapapasa kay Faraon ang ikalimang bahagi, liban lamang ang lupa ng mga saserdote na hindi naging kay Faraon.

27 At si Israel ay tumahan sa lupain ng Egipto, sa lupain ng Gosen; at sila'y nagkaroon ng mga pag-aari roon, at pawang sagana at totoong dumami.

28 At si Jacob ay tumira sa lupain ng Egipto na labing pitong taon; kaya't ang mga araw ni Jacob, ang mga taon ng kaniyang buhay, ay isang daan at apat na pu't pitong taon.

29 At ang panahon ay lumalapit na dapat nang mamatay si Israel: at kaniyang tinawag ang kaniyang anak na si Jose, at sinabi niya sa kaniya, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay ilagay mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita, at pagpakitaan mo ako ng kaawaan at katotohanan; isinasamo ko sa iyong huwag mo akong ilibing sa Egipto:

30 Kundi pagtulog kong kasama ng aking mga magulang ay dadalhin mo ako mula sa Egipto, at ililibing mo ako sa kanilang libingan. At kaniyang sinabi, Aking gagawin ang gaya ng iyong sabi.

31 At kaniyang sinabi, Sumumpa ka sa akin: at sumumpa siya sa kaniya. At yumukod si Israel sa ulunan ng higaan.

Genesis 48

1 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na sinabi ng isa kay Jose, Narito, ang iyong ama ay may sakit: at kaniyang ipinagsama ang kaniyang dalawang anak, si Manases at si Ephraim.

2 At may nagsaysay kay Jacob, at nagsabi, Narito, pinaparituhan ka ng anak mong si Jose: at si Israel ay nagpakalakas at umupo sa higaan.

3 At sinabi ni Jacob kay Jose, Ang Dios na Makapangyarihan sa lahat ay napakita sa akin sa Luz sa lupain ng Canaan, at binasbasan ako.

4 At sinabi sa akin, Narito, palalaguin kita, at pararamihin kita, at gagawin kitang isang kapisanan ng mga bayan; at aking ibibigay ang lupaing ito sa iyong lahi pagkamatay mo, na pinakaari magpakailan man.

5 At ang iyo ngang dalawang anak na ipinanganak sa iyo sa lupain ng Egipto bago ako naparito sa iyo sa Egipto, ay akin; si Ephraim at si Manases, gaya ni Ruben at ni Simeon ay magiging akin.

6 At ang iyong mga anak, na iyong mga naging anak na sumunod sa kanila ay magiging iyo; sila'y tatawagin ayon sa pangalan ng kanilang mga kapatid sa kanilang mana.

7 At tungkol sa akin, nang ako'y dumating mula sa Padan, si Raquel ay namatay sa akin sa lupain ng Canaan sa daan, nang kulang pa ng kaunti upang dumating sa Ephrata: at aking inilibing siya roon sa daan ng Ephrata (na siya ring Bethlehem).

8 At nakita ni Israel ang mga anak ni Jose, at sinabi, Sino sino ito?

9 At sinabi ni Jose sa kaniyang ama, Sila'y aking mga anak, na silang mga ibinigay ng Dios sa akin dito. At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo, na iyong dalhin sila rito sa akin, at sila'y aking babasbasan.

10 Ang mga mata nga ni Israel ay malabo na dahil sa katandaan, na ano pa't hindi na siya makakita. At kaniyang inilapit sila sa kaniya; at sila'y kaniyang hinagkan, at niyakap.

11 At sinabi ni Israel kay Jose, Hindi ko akalaing makita ang iyong mukha: at, narito, ipinakita sa akin ng Dios pati ng iyong binhi.

12 At sila'y pinagkuha ni Jose sa pagitan ng kaniyang mga tuhod; at siya'y nagpatirapa sa lupa.

13 At kapuwa dinala ni Jose, si Ephraim sa kaniyang kanang kamay, sa dakong kaliwang kamay ni Israel, at si Manases sa kaniyang kaliwang kamay, sa dakong kanang kamay ni Israel, at inilapit niya sa kaniya.

14 At iniunat ni Israel ang kaniyang kanang kamay, at ipinatong sa ulo ni Ephraim, na siyang bunso, at ang kaniyang kaliwang kamay ay sa ulo ni Manases, na pinapatnubayang sadya ang kaniyang mga kamay; sapagka't si Manases ang panganay.

15 At kaniyang binasbasan si Jose, at sinabi, Ang Dios na sa harap niya ay lumakad ang aking mga magulang na si Abraham at si Isaac, ang Dios na nagpakain sa akin sa buong buhay ko hanggang sa araw na ito,

16 Ang anghel na tumubos sa akin sa buong kasamaan, ay siya nawang magpala sa mga batang ito; at tawagin nawa sila sa aking pangalan, at sa pangalan ng aking mga magulang na si Abraham at si Isaac; at magsidami nawa silang totoo sa ibabaw ng lupa.

17 At nang makita ni Jose na ipinatong ng kaniyang ama ang kaniyang kanang kamay sa ulo ni Ephraim, ay minasama niya; at itinaas niya ang kamay ng kaniyang ama, upang ilipat sa ulo ni Manases mula sa ulo ni Ephraim.

18 At sinabi ni Jose sa kaniyang ama, Hindi ganyan, ama ko: sapagka't ito ang panganay; ipatong mo ang iyong kanang kamay sa kaniyang ulo.

19 At tumanggi ang kaniyang ama, at sinabi, Talastas ko, anak ko, talastas ko; siya man ay magiging isang bayan, at siya man ay magiging dakila: gayon ma'y ang kaniyang kapatid na bata ay magiging lalong dakila kay sa kaniya, at ang kaniyang binhi ay magiging isang makapal na bansa.

20 At kaniyang binasbasan sila ng araw na yaon, na sinasabi Sa iyo magbabasbas ang Israel, na magsasabi, Gawin ka nawa ng Dios na gaya ni Ephraim at gaya ni Manases, at kaniyang ipinagpauna si Ephraim bago si Manases.

21 At sinabi ni Israel kay Jose, Narito, ako'y namamatay: nguni't ang Dios ay sasainyo, at dadalhin kayo uli sa lupain ng inyong mga magulang.

22 Bukod dito'y binigyan kita ng isang bahaging higit kay sa iyong mga kapatid, na aking kinuha ng aking tabak at ng aking busog sa kamay ng Amorrheo.

Genesis 49

1 At tinawag ni Jacob ang kaniyang mga anak, at sinabi, Magpipisan kayo, upang maisaysay ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa mga huling araw.

2 Magpipisan kayo at kayo'y makinig, kayong mga anak ni Jacob; At inyong pakinggan si Israel na inyong ama.

3 Ruben, ikaw ang aking panganay, ang aking kapangyarihan, at siyang pasimula ng aking kalakasan; Siyang kasakdalan ng kamahalan, at siyang kasakdalan ng kapangyarihan.

4 Kumukulong parang tubig na umaawas, hindi ka magtataglay ng kasakdalan, Sapagka't, sumampa ka sa higaan ng iyong ama: Hinamak mo nga; sumampa sa aking higaan.

5 Si Simeon at si Levi ay magkapatid; Mga almas na marahas ang kanilang mga tabak.

6 Oh kaluluwa ko, huwag kang pumasok sa kanilang payo; Sa kanilang kapisanan, ay huwag kang makiisa, kaluwalhatian ko; Sapagka't sa kanilang galit ay pumatay ng tao: At sa kanilang sariling kalooban ay pumutol ng hita ng baka.

7 Sumpain ang kanilang galit, sapagka't mabangis; At ang kanilang pagiinit, sapagka't mabagsik. Aking babahagihin sila sa Jacob. At aking pangangalatin sila sa Israel.

8 Juda, ikaw ay pupurihin ng iyong mga kapatid: Ang iyong kamay ay magpapahinga sa leeg ng iyong mga kaaway: Ang mga anak ng iyong ama ay yuyukod sa harap mo.

9 Si Juda'y isang anak ng leon, Mula sa panghuhuli, anak ko umahon ka: Siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon; At parang isang leong babae; sinong gigising sa kaniya?

10 Ang setro ay hindi mahihiwalay sa Juda, Ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kaniyang mga paa, Hanggang sa ang Shiloh ay dumating; At sa kaniya tatalima ang mga bansa.

11 Naitatali ang kaniyang batang asno sa puno ng ubas. At ang guya ng kaniyang asno sa puno ng piling ubas; Nilabhan niya ang kaniyang suot sa alak, At ang kaniyang damit sa katas ng ubas.

12 Ang kaniyang mga mata ay mamumula sa alak, At ang kaniyang mga ngipin ay mamumuti sa gatas.

13 Si Zabulon ay tatahan sa daongan ng dagat: At siya'y magiging daongan ng mga sasakyan; At ang kaniyang hangganan ay magiging hanggang Sidon.

14 Si Issachar ay isang malakas na asno, Na lumulugmok sa gitna ng mga tupahan:

15 At nakakita siya ng dakong pahingahang mabuti, At ng lupang kaayaaya; At kaniyang iniyukod ang kaniyang balikat upang pumasan, At naging aliping mangaatag.

16 Si Dan ay hahatol sa kaniyang bayan, Gaya ng isa sa angkan ni Israel.

17 Si Dan ay magiging ahas sa daan, At ulupong sa landas, Na nangangagat ng mga sakong ng kabayo, Na ano pa't nahuhulog sa likuran ang sakay niyaon.

18 Aking hinintay ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon.

19 Si Gad, ay hahabulin ng isang pulutong: Nguni't siya ang hahabol sa kanila.

20 Hinggil kay Aser, ay lulusog ang tinapay niya, At gagawa ng masasarap na pagkain.

21 Si Nephtali ay isang usang babaing kawala: Siya'y nagbabadya ng maririkit na pananalita.

22 Si Jose ay sangang mabunga, Sangang mabunga na nasa tabi ng bukal; Ang kaniyang mga sanga'y gumagapang sa pader.

23 Pinamanglaw siya ng mga mamamana, At pinana siya, at inusig siya:

24 Nguni't ang kaniyang busog ay nanahan sa kalakasan, At pinalakas ang mga bisig ng kaniyang mga kamay, Sa pamamagitan ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob, (Na siyang pinagmulan ng pastor, ang bato ng Israel),

25 Sa pamamagitan nga ng Dios ng iyong ama, na siyang tutulong sa iyo, At sa pamamagitan ng Makapangyarihan sa lahat, na siyang magpapala sa iyo, Ng pagpapala ng langit sa itaas, Pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba, Pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata.

26 Ang mga basbas ng iyong ama na humigit sa basbas ng aking mga kanunuan Hanggang sa wakas ng mga burol na walang hanggan: Mangapapasa ulo ni Jose, At sa tuktok ng ulo niya na bukod tangi sa kaniyang mga kapatid.

27 Si Benjamin ay isang lobo na mangaagaw: Sa kinaumagaha'y kaniyang kakanin ang huli, At sa kinahapunan ay kaniyang babahagihin ang samsam.

28 Ang lahat ng ito ang labing dalawang angkan ng Israel: at ito ang sinalita ng ama nila sa kanila, at sila'y binasbasan; bawa't isa'y binasbasan ng ayon sa basbas sa kanikaniya,

29 At kaniyang ipinagbilin sa kanila, at sinabi sa kanila: Ako'y malalakip sa aking bayan: ilibing ninyo ako sa kasamahan ng aking mga magulang sa yungib na nasa parang ni Ephron na Hetheo,

30 Sa yungib na nasa parang ng Machpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, na binili ni Abraham, na kalakip ng parang kay Ephron na Hetheo, na pinakaaring libingan:

31 Na doon nila inilibing si Abraham at si Sara na kaniyang asawa; na doon nila inilibing si Isaac at si Rebeca na kaniyang asawa; at doon ko inilibing si Lea:

32 Sa parang at sa yungib na nandoon na binili sa mga anak ni Heth.

33 At nang matapos si Jacob na makapagbilin sa kaniyang mga anak, ay kaniyang itinaas at itinikom ang kaniyang mga paa sa higaan, at nalagot ang hininga, at nalakip sa kaniyang bayan.

Genesis 50

1 At yumakap si Jose sa mukha ng kaniyang ama, at umiyak sa ibabaw niya, at hinalikan niya siya.

2 At iniutos ni Jose sa kaniyang mga lingkod na manggagamot, na embalsamahin ang kaniyang ama: at inembalsama ng mga manggagamot si Israel.

3 At apat na pung araw ang ginanap sa kaniya; sapagka't gayon ginaganap ang mga araw ng pagembalsama; at tinangisan siya ng mga Egipcio ng pitong pung araw.

4 At nang makaraan ang mga araw ng pagiyak sa kaniya ay nagsalita si Jose sa sangbahayan ni Faraon, na sinasabi, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa inyong mga mata ay salitain ninyo, isinasamo ko sa inyo, sa mga pakinig ni Faraon, na inyong sabihin,

5 Pinanumpa ako ng ama ko, na sinasabi, Narito, ako'y namamatay: sa libingan na aking hinukay sa akin sa lupain ng Canaan, ay doon mo ako ililibing. Ngayon nga'y pahintulutan ninyo akong umahon, isinasamo ko sa inyo, at aking ilibing ang aking ama, at babalik uli ako.

6 At sinabi ni Faraon, Umahon ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kaniyang ipinasumpa sa iyo.

7 At umahon si Jose upang ilibing ang kaniyang ama: at kasama niyang umahon ang lahat ng lingkod ni Faraon, ang mga matanda sa kaniyang sangbahayan, at ang lahat na matanda sa lupain ng Egipto;

8 At ang buong sangbahayan ni Jose, at ang kaniyang mga kapatid, at ang sangbahayan ng kaniyang ama: ang kanila lamang mga bata, at ang kanilang mga kawan, at ang kanilang bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Gosen.

9 At umahong kasama niya ang mga karro at mga nangangabayo: at yao'y naging totoong malaking pulutong.

10 At sila'y dumating sa giikan ni Atad, na nasa dako pa roon ng Jordan, at doo'y nanaghoy sila ng malakas at kapaitpait na panaghoy: at kaniyang pinanangisan ang kaniyang ama na pitong araw.

11 At nang makita ng mga nananahan sa lupaing yaon, ng mga Cananeo, ang panaghoy sa giikan ni Atad, ay kanilang sinabi, Ito'y isang kahambalhambal na panaghoy ng mga Egipcio kaya't ang pangalang itinawag ay Abel-mizraim, nasa dako pa roon ng Jordan.

12 At ginawa sa kaniya ng kaniyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila.

13 Sapagka't dinala siya ng kaniyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Machpela, na binili ni Abraham sangpu ng parang na pinakaaring libingan, kay Ephron na Hetheo, sa tapat ng Mamre.

14 At bumalik si Jose sa Egipto, siya, at ang kaniyang mga kapatid, at ang lahat na umahong kasama niya sa paglilibing sa kaniyang ama, pagkatapos na mailibing ang kaniyang ama.

15 At nang makita ng mga kapatid ni Jose, na ang kanilang ama'y namatay, ay kanilang sinabi, Marahil si Jose ay mapopoot sa atin, at lubos na gagantihin sa atin ang buong kasamaan na ating ginawa sa kaniya.

16 At ipinasabi nila kay Jose, Iniutos ng iyong ama bago namatay, na sinasabi,

17 Ganito sasabihin ninyo kay Jose. Ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo ngayon, ang pagsalangsang ng iyong mga kapatid, at ang kanilang kasalanan; at ngayon, ay aming isinasamo sa iyo, na ipatawad mo ang mga pagsalangsang ng mga lingkod ng Dios ng iyong ama. At si Jose ay umiyak ng kanilang salitain sa kaniya.

18 At naparoon ang kaniyang mga kapatid naman at nagpatirapa sa harap niya; at kanilang sinabi, Narito, kaming iyong mga lingkod.

19 At sinabi ni Jose sa kanila, Huwag kayong matakot, sapagka't nasa kalagayan ba ako ng Dios?

20 At tungkol sa inyo ay inyong ipinalagay na kasamaan laban sa akin; nguni't ipinalagay ng Dios na kabutihan upang mangyari ang gaya sa araw na ito, na iligtas ang buhay ng maraming tao.

21 Kaya nga huwag kayong matakot: aking pakakanin kayo at ang inyong mga bata. At kaniyang inaliw sila at kaniyang pinagsalitaan sila na may kagandahang loob.

22 At si Jose ay tumahan sa Egipto, siya at ang sangbahayan ng kaniyang ama: at si Jose ay nabuhay na isang daan at sangpung taon.

23 At nakita ni Jose ang mga anak ni Ephraim hanggang sa ikatlong salin ng lahi; ang mga anak man ni Machir na anak ni Manases ay ipinanganak sa mga tuhod ni Jose.

24 At sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid: Ako'y namamatay: nguni't tunay na dadalawin kayo ng Dios, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain na kaniyang isinumpa kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob.

25 At ipinasumpa ni Jose sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Tunay na dadalawin kayo ng Dios, at inyong iaahon ang aking mga buto mula rito.

26 Sa gayo'y namatay si Jose na may isang daan at sangpung taon: at kanilang inembalsama siya, at siya'y inilagay sa isang kabaong sa Egipto.