Schritt 249

Lernen

     

Panaghoy 3:52-66

52 Lubha nila akong hinahabol na parang ibon, na mga kaaway kong walang kadahilanan.

53 Kanilang pinaikli ang aking buhay sa bilangguan at hinagis ako ng bato.

54 Tubig ay nagsisihuho sa aking ulo; aking sinabi, Ako'y nahiwalay.

55 Ako'y tumawag sa iyong pangalan, Oh Panginoon, mula sa kababababaang hukay.

56 Iyong dininig ang aking tinig; huwag mong ikubli ang iyong pakinig sa aking hingal, sa aking daing.

57 Ikaw ay lumapit sa araw na ako'y tumawag sa iyo; iyong sinabi, Huwag kang matakot.

58 Oh Panginoon, iyong ipinagsanggalang ang mga usap ng aking kaluluwa; iyong tinubos ang aking buhay.

59 Oh Panginoon, iyong nakita ang aking pagkakamali; hatulan mo ang aking usap.

60 Iyong nakita ang lahat nilang panghihiganti, at ang lahat nilang pasiya laban sa akin.

61 Iyong narinig ang kanilang pagduwahagi, Oh Panginoon, at lahat nilang pasiya laban sa akin,

62 Ang mga labi ng nagsisibangon laban sa akin, at ang kanilang pasiya laban sa akin buong araw.

63 Masdan mo ang kanilang pagupo, at ang kanilang pagtayo; ako ang kanilang awit.

64 Ikaw ay magbibigay sa kanila ng kagantihan, Oh Panginoon, ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.

65 Iyong papagmamatigasin ang kanilang puso, ang iyong sumpa sa kanila.

66 Iyong hahabulin sila sa galit, at iyong lilipulin sila mula sa silong ng langit ng Panginoon.

Panaghoy 4

1 Ano't ang ginto ay naging malabo! Ano't ang pinakadalisay na ginto ay nagbago! Ang mga bato ng santuario ay natapon sa dulo ng lahat na lansangan.

2 Ang mga mahalagang anak ng Sion, na katulad ng dalisay na ginto, ano't pinahahalagahan na waring mga sisidlang lupa, na gawa ng mga kamay ng magpapalyok!

3 Maging ang mga chakal ay naglalabas ng suso, nangagpapasuso sa kanilang mga anak: ang anak na babae ng aking bayan ay naging mabagsik, parang mga avestruz sa ilang.

4 Ang dila ng sumususong bata ay nadidikit sa ngalangala ng kaniyang bibig dahil sa uhaw: ang mga munting bata ay nagsisihingi ng tinapay, at walang taong magpuputol nito sa kanila.

5 Silang nagsisikaing mainam ay nangahandusay sa mga lansangan: silang nagsilaki sa matingkad na pula ay nagsisihiga sa mga tapunan ng dumi.

6 Sapagka't ang kasamaan ng anak na babae ng aking bayan ay lalong malaki kay sa kasalanan ng Sodoma, na nagiba sa isang sangdali, at walang mga kamay na humawak sa kaniya.

7 Ang kaniyang mga mahal na tao ay lalong malinis kay sa nieve, mga lalong maputi kay sa gatas; sila'y lalong mapula sa katawan kay sa mga rubi, ang kanilang kinis ay parang zafiro.

8 Ang kanilang anyo ay lalong maitim kay sa uling; sila'y hindi makilala sa mga lansangan: ang kanilang balat ay naninikit sa kanilang mga buto; natutuyo, nagiging parang tungkod.

9 Silang napatay ng tabak ay maigi kay sa kanila na napatay ng gutom; sapagka't ang mga ito ay nagsisihapay, na napalagpasan, dahil sa pangangailangan ng mga bunga sa parang.

10 Ang mga kamay ng mga mahabaging babae ay nangagluto ng kanilang sariling mga anak; mga naging kanilang pagkain sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan.

11 Ginanap ng Panginoon ang kaniyang kapusukan, kaniyang ibinugso ang kaniyang mabangis na galit; at siya'y nagpaalab ng apoy sa Sion, na pumugnaw ng mga patibayan niyaon.

12 Ang mga hari sa lupa ay hindi nanganiwala, o ang lahat mang nananahan sa sanglibutan, na ang kaaway at kalaban ay papasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem.

13 Dahil nga sa mga kasalanan ng kaniyang mga propeta, at sa mga kasamaan ng kaniyang mga saserdote, na nagbubo ng dugo ng mga ganap sa gitna niya.

14 Sila'y nagsisikapa sa mga lansangan na parang mga bulag, sila'y nangadudumhan ng dugo, na anopa't hindi mahipo ng mga tao ang kanilang mga suot.

15 Magsihiwalay kayo, sila'y nagsisihiyaw sa kanila, Marurumi! magsihiwalay kayo, magsihiwalay kayo, huwag ninyong hipuin: nang sila'y magsitakas at magsilaboy ay sinabi ng mga tao sa gitna ng mga bansa, Hindi na sila nangingibang bayan pa rito.

16 Pinangalat sila ng galit ng Panginoon; sila'y hindi na niya lilingapin pa. Hindi nila iginagalang ang mga pagkatao ng mga saserdote, hindi nila pinakukundanganan ang mga matanda.

17 Ang aming mga mata ay nangangalumata dahil sa aming paghihintay ng walang kabuluhang tulong: sa aming paghihintay ay nangaghihintay kami sa isang bansa na hindi makapagligtas.

18 Kanilang inaabangan ang aming mga hakbang, upang huwag kaming makayaon sa aming mga lansangan: ang aming wakas ay malapit na, ang aming mga kaarawan ay nangaganap; sapagka't ang aming wakas ay dumating.

19 Ang mga manghahabol sa amin ay lalong maliliksi kay sa mga aguila sa himpapawid: kanilang hinabol kami sa mga bundok, kanilang binakayan kami sa ilang.

20 Ang hinga ng aming mga butas ng ilong, ang pinahiran ng Panginoon ay nahuli sa kanilang mga hukay; na siya naming pinagsasabihan, sa kaniyang mga lilim ay mabubuhay kami sa mga bansa.

21 Ikaw ay magalak at matuwa Oh anak na babae ng Edom, na tumatahan sa lupain ng Uz: ang saro ay darating din sa iyo; ikaw ay malalango, at magpapakahubad.

22 Ang parusa sa iyong kasamaan ay naganap, Oh anak na babae ng Sion, hindi ka na niya dadalhin pa sa pagkabihag: kaniyang dadalawin ang iyong kasamaan, Oh anak na babae ng Edom; kaniyang ililitaw ang iyong mga kasalanan.

Panaghoy 5

1 Iyong alalahanin, Oh Panginoon, kung anong dumating sa amin: iyong masdan, at tingnan ang aming pagkadusta.

2 Ang aming mana ay napasa mga taga ibang lupa, ang aming mga bahay ay sa mga taga ibang bayan.

3 Kami ay mga ulila at walang ama; ang aming mga ina ay parang mga bao.

4 Aming ininom ang aming tubig sa halaga ng salapi; ang aming kahoy ay ipinagbibili sa amin.

5 Ang mga manghahabol sa amin ay nangasa aming mga leeg: kami ay mga pagod, at walang kapahingahan.

6 Kami ay nakipagkamay sa mga taga Egipto, at sa mga taga Asiria, upang mangabusog ng tinapay.

7 Ang aming mga magulang ay nagkasala at wala na; At aming pinasan ang kanilang mga kasamaan.

8 Mga alipin ay nangagpupuno sa amin: walang magligtas sa amin sa kanilang kamay.

9 Aming tinatamo ang aming tinapay sa pamamagitan ng kapahamakan ng aming buhay, dahil sa tabak sa ilang.

10 Ang aming balat ay maitim na parang hurno, dahil sa maningas na init ng kagutom.

11 Kanilang dinahas ang mga babae, sa Sion, ang mga dalaga sa mga bayan ng Juda.

12 Ang mga prinsipe ay nangabibitin ng kanilang kamay: ang mga mukha ng mga matanda ay hindi iginagalang.

13 Ang mga binata ay nangagpapasan ng gilingan, at ang mga bata ay nangadudulas sa lilim ng kahoy.

14 Ang mga matanda ay wala na sa pintuang-bayan. Ang mga binata'y wala na sa kanilang mga tugtugin.

15 Ang kagalakan ng aming puso ay naglikat; ang aming sayaw ay napalitan ng tangisan.

16 Ang putong ay nahulog mula sa aming ulo: sa aba namin! sapagka't kami ay nangagkasala.

17 Dahil dito ang aming puso ay nanglulupaypay; dahil sa mga bagay na ito ay nagdidilim ang aming mga mata;

18 Dahil sa bundok ng Sion na nasira; nilalakaran ng mga zora.

19 Ikaw, Oh Panginoon, nananatili magpakailan man: ang iyong luklukan ay sa sali't saling lahi.

20 Bakit mo kami nililimot magpakailan man, at pinababayaan mo kaming totoong malaon?

21 Manumbalik ka sa amin, Oh Panginoon, at kami ay manunumbalik: baguhin mo ang aming mga araw na gaya nang una.

22 Nguni't itinakuwil mo kaming lubos, ikaw ay totoong napoot sa amin.