ステップ _9713

勉強

     

1 Hari 9:10-28

10 At nangyari sa katapusan ng dalawang pung taon, nang si Salomon ay makapagtayo ng dalawang bahay, ng bahay ng Panginoon at ng bahay ng hari,

11 (Si Hiram nga na hari sa Tiro ay nagpadala kay Salomon ng mga kahoy na sedro, at mga kahoy na abeto, at ng ginto, ayon sa buo niyang nasa,) na binigyan nga ng haring Salomon si Hiram ng dalawang pung bayan sa lupain ng Galilea.

12 At lumabas si Hiram sa Tiro upang tingnan ang mga bayan na ibinigay ni Salomon sa kaniya; at hindi niya kinalugdan.

13 At kaniyang sinabi, Anong mga bayan itong iyong ipinagbibigay sa akin, kapatid ko? At tinawag niya: lupain ng Cabul, hanggang sa araw na ito.

14 At nagpadala si Hiram sa hari ng isang daan at dalawang pung talentong ginto.

15 At ito ang kadahilanan ng atang na iniatang ng haring Salomon, upang itayo ang bahay ng Panginoon at ang kaniyang bahay, at ang Millo at ang kuta sa Jerusalem at ang Hasor, at ang Megiddo, at ang Gezer.

16 Si Faraong hari sa Egipto ay umahon, at sinakop ang Gezer, at sinunog ng apoy, at pinatay ang mga Cananeo na nagsisitahan sa bayan, at ibinigay na pinakabahagi sa kaniyang anak na babae, na asawa ni Salomon.

17 At itinayo ni Salomon ang Gezer, at ang Beth-horon sa ibaba,

18 At ang Baalath, at ang Tamar sa ilang, sa lupain,

19 At ang lahat na bayan na imbakan na tinatangkilik ni Salomon, at ang mga bayan sa kaniyang mga karo, at ang mga bayan sa kaniyang mga mangangabayo, at yaong pinagnasaang pagtayuan ni Salomon sa kalulugdan niya sa Jerusalem, at sa Libano, at sa lahat ng lupain na kaniyang sakop.

20 Tungkol sa lahat na tao na naiwan, sa mga Amorrheo, mga Hetheo, mga Pherezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo, na hindi sa mga anak ni Israel;

21 Sa kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain, na hindi nalipol na lubos ng mga anak ni Israel, ay sa kanila nagtindig si Salomon ng pulutong ng alipin, hanggang sa araw na ito.

22 Nguni't hinggil sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Salomon; kundi sila'y mga lalaking mangdidigma, at kaniyang mga lingkod, at kaniyang mga prinsipe, at kaniyang mga punong kawal, at mga pinuno sa kaniyang mga karo, at sa kaniyang mga mangangabayo.

23 Ito ang mga punong kapatas na nangasa gawain ni Salomon, limangdaan at limangpu, na nagsisipagpuno sa bayan na nagsisigawa sa gawain.

24 Nguni't ang anak na babae ni Faraon ay umahon mula sa bayan ni David sa kaniyang bahay na itinayo ni Salomon na ukol sa kaniya: saka itinayo niya ang Millo.

25 At makaitlo sa isang taon na naghahandog si Salomon ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan sa ibabaw ng dambana na kaniyang itinayo sa Panginoon, na pinagsusunugan niya ng kamangyan sa harap ng Panginoon. Ganoon niya niyari ang bahay.

26 At nagpagawa ang haring Salomon ng mga sasakyang dagat sa Ezion-geber na nasa siping ng Elath, sa baybayin ng Dagat na Mapula, sa lupain ng Edom.

27 At sinugo ni Hiram sa mga sasakyan ang kaniyang mga bataan, mga magdadagat na bihasa sa dagat, na kasama ng mga bataan ni Salomon.

28 At sila'y nagsiparoon sa Ophir at nagsikuha mula roon ng ginto, na apat na raan at dalawang pung talento, at dinala sa haring Salomon.

1 Hari 10

1 At nang mabalitaan ng reina sa Seba ang kabantugan ni Salomon tungkol sa pangalan ng Panginoon, ay naparoon siya upang subukin niya siya ng mga mahirap na tanong.

2 At siya'y naparoon sa Jerusalem na may maraming kaakbay, may mga kamelyo na may pasang mga espesia at totoong maraming ginto, at mga mahalagang bato: at nang siya'y dumating kay Salomon ay kaniyang inihinga sa kaniya ang lahat na laman ng kaniyang dibdib.

3 At isinaysay ni Salomon sa kaniya ang lahat ng kaniyang mga tanong: walang bagay na lihim sa hari na hindi niya isinaysay sa kaniya.

4 At nang makita ng reina sa Seba ang buong karunungan ni Salomon, at ang bahay na kaniyang itinayo,

5 At ang pagkain sa kaniyang dulang, at ang pagkaayos ng kaniyang mga alila, at ang tayo ng kaniyang mga tagapangasiwa, at ang kanilang mga pananamit, at ang kaniyang mga tagahawak ng saro, at ang kaniyang sampahan na kaniyang sinasampahan sa bahay ng Panginoon; ay nawalan siya ng diwa.

6 At sinabi niya sa hari, Tunay na balita ang aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga gawa, at sa iyong karunungan.

7 Gayon may hindi ko pinaniwalaan ang mga salita hanggang sa ako'y dumating, at nakita ng aking mga mata: at, narito, ang kalahati ay hindi nasaysay sa akin: ang iyong karunungan at pagkaginhawa ay higit kay sa kabantugan na aking narinig.

8 Maginhawa ang iyong mga lalake, maginhawa ang iyong mga lingkod na ito, na nagsisitayong palagi sa harap mo, at nakakarinig ng iyong karunungan.

9 Purihin ang Panginoon mong Dios, na nalulugod sa iyo, upang ilagay ka sa luklukan ng Israel: sapagka't minamahal ng Panginoon ang Israel magpakailan man, kaya't ginawa ka niyang hari upang gumawa ng kahatulan at ng katuwiran.

10 At siya'y nagbigay sa hari ng isang daan at dalawang pung talentong ginto, at mga espesia na totoong sagana, at mga mahalagang bato; kailan ma'y hindi nagkaroon ng gayong kasaganaan ng mga espesia, gaya ng mga ito na ibinigay ng reina sa Seba sa haring Salomon.

11 At ang mga sasakyang dagat naman ni Hiram na nagsipagdala ng ginto mula sa Ophir, ay nagsipagdala ng saganang kahoy na almug at mga mahalagang bato mula sa Ophir.

12 At ginawa ng hari na mga haligi ang mga kahoy na almug sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari, at ginawa ring mga alpa. At mga salterio sa mga mangaawit: kailan ma'y hindi dumating ang mga gayong kahoy na almug, o nakita man, hanggang sa araw na ito.

13 At ang haring Salomon ay nagbigay sa reina sa Seba ng lahat niyang naibigan, at lahat niyang hiningi, bukod doon sa ibinigay ni Salomon sa kaniya na kaloob-hari. Sa gayo'y bumalik siya, at umuwi sa kaniyang sariling lupain, siya, at ang kaniyang mga lingkod.

14 Ang timbang nga ng ginto na dumating kay Salomon sa isang taon ay anim na raan at anim na pu't anim na talentong ginto,

15 Bukod doon sa dinala ng mga naglalako, at sa kalakal ng mga mangangalakal, at sa lahat na hari ng halohalong bayan, at sa mga gobernador sa lupain.

16 At ang haring Salomon ay gumawa ng dalawang daang kalasag na pinukpok na ginto: anim na raang siklong ginto ang ginamit sa bawa't kalasag.

17 At siya'y gumawa ng tatlong daang ibang kalasag na pinukpok na ginto: tatlong librang ginto ang ginamit sa bawa't kalasag: at ipinaglalagay ng hari sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano.

18 Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking luklukang garing, at binalot ng gintong pinakamainam.

19 May anim na baytang sa luklukan, at ang pinakalangit ng luklukan ay mabilog sa likuran: at may mga pinakakamay sa bawa't tagiliran sa siping ng dako ng upuan, at dalawang leon ang nakatayo sa siping ng mga pinakakamay.

20 At labing dalawang leon ang nakatayo roon sa isang dako at sa kabilang dako sa ibabaw ng anim na baytang: walang nagawang gayon sa alinmang kaharian.

21 At ang lahat na sisidlang inuman ng haring Salomon ay ginto, at ang lahat na sisidlan sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano ay taganas na ginto: walang pilak; hindi mahalaga ito sa mga kaarawan ni Salomon.

22 Sapagka't ang hari ay mayroon sa dagat ng mga sasakyan na yari sa Tharsis na kasama ng mga sasakyang dagat ni Hiram: minsan sa bawa't tatlong taon ay nanggagaling ang mga sasakyang dagat na yari sa Tharsis, na nagdadala ng ginto, at pilak, at garing, at mga unggoy, at mga pabo real.

23 Sa gayo'y ang haring Salomon ay humigit sa lahat ng mga hari sa lupa sa kayamanan at sa karunungan.

24 At hinanap ng buong lupa ang harapan ni Salomon, upang makinig ng kaniyang karunungan, na inilagay ng Dios sa kaniyang puso.

25 At sila'y nagsipagdala bawa't isa ng kanikaniyang kaloob, na mga sisidlang pilak, at mga sisidlang ginto, at damit, at sandata, at mga espesia, mga kabayo, at mga mula, na sanggayon taontaon.

26 At pinisan ni Salomon ang mga karo, at ang mga mangangabayo: at siya'y may isang libo't apat na raang karo, at labing dalawang libong mangangabayo, na kaniyang inilagay sa mga bayan ng mga karo, at kasama ng hari sa Jerusalem.

27 At ginawa ng hari na maging gaya ng mga bato ang pilak sa Jerusalem, at ang mga sedro, ay ginawa niyang maging gaya ng mga puno ng sikomoro na nasa mababang lupa dahil sa kasaganaan.

28 At ang mga kabayo na tinatangkilik ni Salomon ay inilabas sa Egipto: at ang mga mangangalakal ng hari ay nagsitanggap ng kawan ng mga yaon, bawa't kawan ay sa halaga.

29 At kanilang isinasampa at inilalabas sa Egipto ang isang karo sa halagang anim na raang siklong pilak, at ang isang kabayo, ay sa isang daan at limangpu: at gayon sa lahat ng mga hari sa mga Hetheo, at sa mga hari sa Siria ay kanilang inilabas sa pamamagitan nila.

1 Hari 11:1-25

1 Ang haring Salomon nga ay sumisinta sa maraming babaing taga ibang lupa na pati sa anak ni Faraon, mga babaing Moabita, Ammonita, Idumea, Sidonia, at Hethea;

2 Sa mga bansa na sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel: Kayo'y huwag makikihalo sa kanila o sila man ay makikihalo sa inyo: sapagka't walang pagsalang kanilang ililigaw ang inyong puso sa pagsunod sa kanilang mga dios: nasabid si Salomon sa mga ito sa pagsinta.

3 At siya'y nagkaroon ng pitong daang asawa, na mga prinsesa, at tatlong daang babae: at iniligaw ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso.

4 Sapagka't nangyari, nang si Salomon ay matanda na, iniligaw ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso sa ibang mga dios: at ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal sa Panginoon niyang Dios, na gaya ng puso ni David na kaniyang ama.

5 Sapagka't si Salomon ay sumunod kay Astaroth, diosa ng mga Sidonio, at kay Milcom, na karumaldumal ng mga Ammonita.

6 At gumawa si Salomon ng masama sa paningin ng Panginoon, at hindi sumunod na lubos sa Panginoon, na gaya ng ginawa ni David na kaniyang ama.

7 Nang magkagayo'y ipinagtayo ni Salomon ng mataas na dako si Chemos na karumaldumal ng Moab, sa bundok na nasa tapat ng Jerusalem, at si Moloch na kasuklamsuklam ng mga anak ni Ammon.

8 At gayon ang ginawa niya sa lahat niyang asawang mga taga ibang lupa, na nagsunog ng mga kamangyan at naghain sa kanikanilang mga dios.

9 At ang Panginoo'y nagalit kay Salomon, dahil sa ang kaniyang puso ay humiwalay sa Panginoon, sa Dios ng Israel, na napakita sa kaniyang makalawa,

10 At siyang nagutos sa kaniya tungkol sa bagay na ito, na siya'y huwag sumunod sa ibang mga dios; nguni't hindi niya iningatan ang iniutos ng Panginoon.

11 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Salomon, Yamang ito'y nagawa mo, at hindi mo iningatan ang aking tipan, at ang aking mga palatuntunan na aking iniutos sa iyo, walang pagsalang aking aagawin ang kaharian sa iyo, at aking ibibigay sa iyong lingkod.

12 Gayon ma'y sa iyong mga kaarawan ay hindi ko gagawin alangalang kay David na iyong ama: kundi sa kamay ng iyong anak aking aagawin.

13 Gayon ma'y hindi ko aagawin ang buong kaharian; kundi ibibigay ko ang isang lipi sa iyong anak alangalang kay David na aking lingkod, at alangalang sa Jerusalem na aking pinili.

14 At ipinagbangon ng Panginoon, si Salomon, ng isang kaaway na si Adad na Idumeo: siya'y sa lahi ng hari sa Edom.

15 Sapagka't nangyari, nang si David ay nasa Edom, at si Joab na puno ng hukbo ay umahon upang ilibing ang mga patay, at masaktan ang lahat na lalake sa Edom;

16 (Sapagka't si Joab at ang buong Israel ay natira roong anim na buwan, hanggang sa kaniyang naihiwalay ang lahat na lalake sa Edom;)

17 Na si Adad ay tumakas, siya at ang ilan sa mga Idumeo na kasama niya na mga bataan ng kaniyang ama, upang pumasok sa Egipto, na si Adad noo'y munting bata pa.

18 At sila'y nagsitindig sa Madian, at naparoon sa Paran; at sila'y nagsipagsama ng mga lalake sa Paran, at sila'y nagsiparoon sa Egipto, kay Faraon na hari sa Egipto; na siyang nagbigay sa kaniya ng bahay, at naghanda sa kaniya ng pagkain, at nagbigay sa kaniya ng lupa.

19 At si Adad ay nakasumpong ng malaking biyaya sa paningin ni Faraon, na anopa't kaniyang ibinigay na asawa sa kaniya ang kapatid ng kaniyang sariling asawa, ang kapatid ni Thaphenes na reina.

20 At ipinanganak ng kapatid ni Thaphenes sa kaniya si Genubath, na anak na lalake niya, na inihiwalay sa suso ni Thaphenes sa bahay ni Faraon: at si Genubath ay nasa bahay ni Faraon sa kasamahan ng mga anak ni Faraon.

21 At nang mabalitaan ni Adad sa Egipto na si David ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at si Joab na puno ng hukbo ay namatay, sinabi ni Adad kay Faraon, Payaunin mo ako, upang ako'y makauwi sa aking sariling lupain.

22 Sinabi nga ni Faraon sa kaniya, Datapuwa't anong ipinagkukulang mo sa akin, na, narito, ikaw ay nagsisikap na umuwi sa iyong sariling lupain? At siya'y sumagot: Wala: gayon ma'y isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako sa anomang paraan.

23 At ipinagbangon ng Dios si Salomon ng ibang kaaway, na si Rezon na anak ni Eliada, na tumakas sa kaniyang panginoong kay Adadezer na hari sa Soba:

24 At siya'y nagpisan ng mga lalake, at naging puno sa isang hukbo, nang patayin ni David ang mga taga Soba; at sila'y nagsiparoon sa Damasco, at tumahan doon, at naghari sa Damasco.

25 At siya'y naging kaaway ng Israel sa lahat ng kaarawan ni Salomon, bukod pa sa ligalig na ginawa ni Adad: at kaniyang kinapootan ang Israel, at naghari sa Siria.