1
Sa aba ng mga pastor na nangagpapahamak at nangagpapangalat sa mga tupa sa aking pastulan! sabi ng Panginoon.
2
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, laban sa mga pastor na nangagpastol ng aking bayan, Inyong pinangalat ang aking kawan, at inyong iniligaw sila, at hindi ninyo sila dinalaw; narito, dadalawin ko sa inyo ang kasamaan ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon.
3
At aking pipisanin ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat na lupain na aking pinagtabuyan sa kanila, at aking dadalhin sila uli sa kanilang mga kulungan; at sila'y magiging palaanak at magsisidami.
4
At ako'y maglalagay ng mga pastor sa kanila na kakandili sa kanila; at hindi na sila matatakot, o manglulupaypay pa, o kukulangin ang sinoman sa kanila, sabi ng Panginoon.
5
Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon kay David ng matuwid na Sanga, at siya'y maghahari na gaya ng hari, at gagawang may kapantasan, at magsasagawa ng kahatulan at kaganapan sa lupain.
6
Sa kaniyang mga kaarawan ay maliligtas ang Juda, at ang Israel ay tatahang tiwasay; at ito ang kaniyang pangalan na itatawag sa kaniya, Ang Panginoon ay ating katuwiran.
7
Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na nila sasabihin, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng Egipto;
8
Kundi, Buhay ang Panginoon, na nagahon at pumatnubay sa angkan ng binhi ng Israel mula sa hilagaang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. At sila'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain.
9
Tungkol sa mga propeta. Ang puso ko sa loob ko ay bagbag, lahat kong buto ay nanginginig; ako'y parang langong tao, at parang taong dinaig ng alak, dahil sa Panginoon, at dahil sa kaniyang mga banal na salita.
10
Sapagka't ang lupain ay puno ng mga mangangalunya; sapagka't dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain; ang mga pastulan sa ilang ay natuyo. At ang kanilang lakad ay masama, at ang kanilang lakas ay hindi matuwid.
11
Sapagka't ang propeta ay gayon din ang saserdote ay marumi; oo, sa aking bahay ay nasumpungan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.
12
Kaya't ang kanilang daan ay magiging sa kanila'y parang mga madulas na dako sa kadiliman: sila'y isusudlong, at mangabubuwal doon; sapagka't ako'y magpaparating ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga'y sa taon ng pagdalaw sa kanila, sabi ng Panginoon.
13
At nakita ko ang kamangmangan sa mga propeta ng Samaria; sila'y nanganghuhula sa pamamagitan ni Baal, at inililigaw ang aking bayang Israel.
14
Sa mga propeta ng Jerusalem naman ay nakita ko ang kakilakilabot na bagay: sila'y nangangalunya, at nagsisilakad sa mga kasinungalingan; at kanilang pinalalakas ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan, na anopa't walang humihiwalay sa kaniyang kasamaan: silang lahat ay naging parang Sodoma sa akin, at ang mga nananahan dito ay parang Gomorra.
15
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta, Narito, aking pakakanin sila ng ajenjo, at paiinumin ko sila ng inuming mapait, sapagka't mula sa mga propeta ng Jerusalem ay lumabas ang pagdudumi sa buong lupain.
16
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Huwag ninyong dinggin ang mga salita ng mga propeta na nanganghuhula sa inyo: sila'y nangagtuturo sa inyo ng walang kabuluhan; sila'y nangagsasalita ng pangitain ng kanilang sariling puso, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.
17
Kanilang sinasabing lagi sa kanila na nagsisihamak sa akin, Sabi ng Panginoon, Kayo'y mangagkakaroon ng kapayapaan; at sa bawa't isa na lumalakad sa katigasan ng kaniyang sariling puso ay sinasabi nila, Walang kasamaang darating sa inyo.
18
Sapagka't sinong tumayo sa payo ng Panginoon, upang makamalas at makarinig ng kaniyang salita? sinong nakinig ng aking salita, at nakarinig?
19
Narito, ang bagyo ng Panginoon, ang kaniyang kapusukan, ay lumabas, oo, ipoipong bagyo: babagsak sa ulo ng masama.
20
Ang galit ng Panginoon ay hindi mapaparam, hanggang sa kaniyang magawa, at hanggang sa kaniyang maisagawa ang haka ng kaniyang puso: sa mga huling araw ay lubos ninyong mauunawa.
21
Hindi ko sinugo ang mga propetang ito, gayon ma'y nagsitakbo sila: ako'y hindi nagsalita sa kanila, gayon ma'y nanghula sila.
22
Nguni't kung sila'y nanayo sana sa aking payo, kanila ngang naiparinig ang aking mga salita sa aking bayan, at kanilang naihiwalay sa kanilang masamang lakad, at sa kasamaan ng kanilang mga gawa.
23
Ako baga'y Dios lamang sa malapit, sabi ng Panginoon, at hindi Dios sa malayo?
24
May makapagkukubli bagang sinoman sa mga lihim na dako na hindi ko makikita siya? sabi ng Panginoon, Hindi baga pinupuno ko ang langit at ang lupa? sabi ng Panginoon.
25
Aking narinig kung ano ang sinabi ng mga propeta, na nanganghuhula ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nangagsasabi, Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip.
26
Hanggang kailan masusumpungan ito sa puso ng mga propeta na nanganghuhula ng mga kasinungalingan; sa makatuwid baga'y ng mga propeta na nanganghuhula ng daya ng kanilang sariling puso?
27
Na nagaakalang magpalimot sa aking bayan ng aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasaysay ng bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, gaya ng kanilang mga magulang na nakalimot ng aking pangalan dahil kay Baal.
28
Ang propeta na nanaginip, ay magsaysay siya ng isang panaginip; at siyang nagtamo ng aking salita, salitain niya ang aking salita na may pagtatapat. Ano ang dayami sa trigo? sabi ng Panginoon.
29
Hindi baga ang aking salita ay parang apoy? sabi ng Panginoon; at parang pamukpok na dumudurog ng bato?
30
Kaya't narito, ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na ninanakaw ng bawa't isa ang aking mga salita sa kaniyang kapuwa.
31
Narito, ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na nagsisipagsalita, at nangagsasabi, Kaniyang sinasabi.
32
Narito, ako'y laban sa kanila na nanghuhula ng mga sinungaling na panaginip, sabi ng Panginoon, at sinasaysay, at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan, at sa pamamagitan ng kanilang walang kabuluhang kahambugan: gayon man ay hindi ko sinugo sila, o inutusan ko man sila; at hindi man pinakikinabangan nila ang bayang ito sa anomang paraan, sabi ng Panginoon.
33
At pagka ang bayang ito, o ang propeta, o ang saserdote ay magtatanong sa iyo, na magsasabi, Ano ang hula na mula sa Panginoon? iyo ngang sasabihin sa kanila, Anong hula! Aking itatakuwil kayo, sabi ng Panginoon.
34
At tungkol sa propeta, at sa saserdote, at sa bayan, na magsasabi, Ang hula na mula sa Panginoon, ay akin ngang parurusahan ang lalaking yaon at ang kaniyang sangbahayan.
35
Ganito ang sasabihin ng bawa't isa sa inyo sa kaniyang kapuwa, at ng bawa't isa sa kaniyang kapatid, Ano ang isinagot ng Panginoon? at, Ano ang sinalita ng Panginoon?
36
At ang hula na mula sa Panginoon ay hindi na ninyo babanggitin pa: sapagka't bawa't sariling salita ng tao ay magiging kaniyang hula; sapagka't inyong binago ang mga salita ng buhay na Dios, ng Panginoon ng mga hukbo na ating Dios.
37
Ganito ang iyong sasabihin sa propeta, Ano ang isinagot sa iyo ng Panginoon? at, Ano ang sinalita ng Panginoon?
38
Nguni't kung inyong sabihin, Ang hula na mula sa Panginoon; ganito nga ang sabi ng Panginoon: Sapagka't inyong sinasabi ang salitang ito, Ang hula na mula sa Panginoon, at ako'y nagsugo sa inyo, na sinabi ko, Huwag ninyong sasabihin, Ang hula na mula sa Panginoon;
39
Kaya't, narito, aking lubos na kalilimutan kayo, at aking itatakuwil kayo, at ang bayang ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, mula sa aking harapan:
40
At ako'y magpaparating ng walang hanggang kakutyaan sa inyo, at walang hanggang kahihiyan, na hindi malilimutan.