ステップ _9713

勉強

     

Jeremias 21

1 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, nang suguin ng haring Sedechias sa kaniya si Pashur na anak ni Malchias, at si Sephanias na anak ni Maasias na saserdote, na sinasabi,

2 Isinasamo ko sa iyo, na ipagusisa mo kami sa Panginoon; sapagka't si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, ay nakikipagdigma laban sa amin: marahil ang Panginoon ay gagawa sa amin ng ayon sa lahat niyang kamanghamanghang gawa, upang siya'y sumampa na mula sa amin.

3 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin kay Sedechias:

4 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, ibabalik ko ang mga almas na pangdigma na nangasa inyong mga kamay, na inyong ipinakikipaglaban sa hari sa Babilonia, at laban sa mga Caldeo na kinukubkob ninyo sa labas ng mga kuta, at aking pipisanin sa gitna ng bayang ito.

5 At ako sa aking sarili ay lalaban sa inyo na may unat na kamay at may malakas na bisig, sa galit, at sa kapusukan, at sa malaking poot.

6 At aking susugatan ang mga mananahan sa bayang ito, ang tao at gayon din ang hayop: sila'y mangamamatay sa malaking pagkasalot.

7 At pagkatapos, sabi ng Panginoon, aking ibibigay si Sedechias na hari sa Juda, at ang kaniyang mga lingkod, at ang bayan, at yaong nangaiwan sa bayang ito na mula sa pagkasalot, mula sa tabak, at mula sa gutom, sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng kanilang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang buhay: at kaniyang susugatan sila ng talim ng tabak; hindi niya patatawarin sila, o panghihinayangan man, o kaaawaan man.

8 At sa bayang ito ay sasabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, inilalagay ko sa harap ninyo ang daan ng kabuhayan at ang daan ng kamatayan,

9 Ang tumatahan sa bayang ito ay mamamatay sa pamamagitan ng kagutom, at sa pamamagitan ng tabak at sa pamamagitan ng salot; nguni't ang lumalabas at kumakampi sa mga Caldeo na kumukubkob sa inyo, siya'y mabubuhay, at ang kaniyang buhay ay magiging sa kaniya'y pinakahuli.

10 Sapagka't itinitig ko ang mukha ko sa bayang ito sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti, sabi ng Panginoon: ito'y ibibigay sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang susunugin sa apoy.

11 At tungkol sa sangbahayan ng hari sa Juda, inyong pakinggan ang salita ng Panginoon,

12 Oh sangbahayan ni David, ganito ang sabi ng Panginoon, Maglapat ka ng kahatulan sa umaga, at iligtas mo ang nanakawan sa kamay ng mamimighati, baka ang aking kapusukan ay lumabas na parang apoy, at magningas na walang makapatay, dahil sa kasamaan ng inyong mga gawain.

13 Narito, ako'y laban sa iyo, Oh nananahan sa libis, at sa batohan ng kapatagan, sabi ng Panginoon; kayong nangagsasabi, Sinong bababang laban sa atin? o sinong papasok sa ating mga tahanan?

14 At aking parurusahan kayo ayon sa bunga ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon; at ako'y magsusulsol ng apoy sa kaniyang gubat, at susupukin niyaon ang lahat na nangasa palibot niyaon.

Jeremias 22

1 Ganito ang sabi ng Panginoon, Bumaba ka sa bahay ng hari sa Juda, at iyong salitain doon ang salitang ito,

2 At iyong sabihin, Dinggin mo ang salita ng Panginoon, Oh hari sa Juda, na nauupo sa luklukan ni David, ikaw at ang iyong mga lingkod, at ang iyong bayan na pumapasok sa mga pintuang ito.

3 Ganito ang sabi ng Panginoon, Mangagsagawa kayo ng kahatulan at ng katuwiran, at iligtas ninyo ang nanakawan sa kamay ng mamimighati: at huwag kayong magsigawa ng kamalian, huwag kayong magsigawa ng pangdadahas sa mga nakikipamayan, sa ulila, o sa babaing bao man; o mangagbubo man ng walang salang dugo sa dakong ito.

4 Sapagka't kung tunay na inyong gawin ang bagay na ito, magsisipasok nga sa mga pintuang-daan ng bahay na ito ang mga hari na nangauupo sa luklukan ni David, na nakasakay sa mga karo at sa mga kabayo, siya at ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang bayan.

5 Nguni't kung hindi ninyo didinggin ang mga salitang ito, ako'y susumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang bahay na ito ay masisira.

6 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa sangbahayan ng hari sa Juda, Ikaw ay Galaad sa akin, at ulo ng Libano; gayon ma'y tunay na gagawin kitang isang ilang, at mga bayang hindi tinatahanan.

7 At ako'y maghahanda ng mga manglilipol laban sa iyo, bawa't isa'y may kaniyang mga almas; at kanilang puputulin ang iyong mga piling cedro, at ipaghahagis sa apoy.

8 At maraming bansa'y magsisipagdaan sa bayang ito, at mangagsasabi bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, Ano't gumawa ang Panginoon ng ganito sa dakilang bayang ito?

9 Kung magkagayo'y magsisisagot sila, Sapagka't kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon na kanilang Dios, at nagsisamba sa ibang mga dios, at mga pinaglingkuran.

10 Huwag ninyong iyakan ang patay, o panaghuyan man ninyo siya; kundi iyakan ninyong mainam ang yumayaon; sapagka't hindi na siya babalik, o makikita man niya ang kaniyang lupaing tinubuan.

11 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Sallum na anak ni Josias, na hari sa Juda, na nagharing kahalili ni Josias na kaniyang ama, na lumabas sa dakong ito. Siya'y hindi na babalik pa rito:

12 Kundi sa dakong pinagdalhan sa kaniyang bihag, doon siya mamamatay, at hindi na niya makikita ang lupaing ito.

13 Sa aba niya na nagtatayo ng kaniyang bahay sa pamamagitan ng kalikuan, at ng kaniyang mga silid sa pamamagitan ng kalisyaan; na pinapaglilingkod ng kaniyang kapuwa na walang upa, at hindi niya binibigyan ng kaniyang kabayaran;

14 Na nagsasabi, Ako'y magtatayo ng maluwang na bahay at maluwang na mga silid, at nabubuksan ng mga dungawan; at nakikisamihan ng cedro, at nakukulayan ng pula.

15 Ikaw baga'y maghahari, sapagka't ikaw ay mayroong lalong maraming cedro? hindi ba ang iyong ama ay kumain at uminom, at naglapat ng kahatulan at kaganapan? nang magkagayo'y ikinabuti niya.

16 Kaniyang hinatulan ang usap ng dukha at mapagkailangan; nang magkagayo'y ikinabuti nga. Hindi baga ito ang pagkilala sa akin? sabi ng Panginoon.

17 Nguni't ang iyong mga mata at ang iyong puso ay sa kasakiman lamang, at upang magbubo ng walang salang dugo, at sa kapighatian, at sa karahasan, upang gawin.

18 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, Hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah kapatid kong lalake! o, Ah kapatid na babae! hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah panginoon! o, Ah kaniyang kaluwalhatian!

19 Siya'y malilibing ng libing asno, na hihilahin at itatapon sa labas ng mga pintuang-bayan ng Jerusalem.

20 Ikaw ay sumampa sa Libano, at humiyaw; at ilakas mo ang iyong tinig sa Basan, at ikaw ay humiyaw mula sa Abarim; sapagka't lahat ng mangingibig sa iyo ay nalipol.

21 Ako'y nagsalita sa iyo sa iyong kaginhawahan; nguni't iyong sinabi, Hindi ko didinggin. Ito ang naging iyong paraan mula sa iyong kabataan, na hindi mo dininig ang aking tinig.

22 Lahat mong pastor ay pakakanin ng hangin, at ang mga mangingibig sa iyo ay mapapapasok sa pagkabihag; kung magkagayon ikaw ay mapapahiya at malilito dahil sa lahat mong kasamaan.

23 Oh nananahan sa Libano, na ginagawa mo ang iyong pugad sa mga cedro, kahabaghabag ka nga pagka ang mga pagdaramdam ay dumating sa iyo, ang hirap na gaya ng sa babae sa pagdaramdam!

24 Buhay ako, sabi ng Panginoon, bagaman si Conias na anak ni Joacim na hari sa Juda ay maging singsing na panatak sa aking kanang kamay, akin ngang huhugutin ka mula roon;

25 At aking ibibigay ka sa kamay ng nagsisiusig ng iyong buhay, at sa kamay nila na iyong kinatatakutan, sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng mga Caldeo.

26 At itataboy ka, at ang iyong ina na nanganak sa iyo, sa ibang lupain, na hindi pinapanganakan sa inyo; at doon kayo mangamamatay.

27 Nguni't sa lupain na pinagnanasaan ng kanilang kaluluwa na pagbalikan, doon hindi sila mababalik.

28 Ito bagang lalaking si Conias ay isang sisidlang basag na walang kabuluhan? siya baga'y sisidlan na hindi kinaluluguran? bakit kanilang itinataboy, siya at ang kaniyang angkan, at itinapon sa lupain na hindi nila kilala?

29 Oh lupa, lupa, lupa, iyong pakinggan ang salita ng Panginoon.

30 Ganito ang sabi ng Panginoon, Isulat ninyo ang lalaking ito na walang anak, ang lalake na hindi giginhawa sa kaniyang mga kaarawan; sapagka't walang tao sa kaniyang angkan na giginhawa pa, na nauupo sa luklukan ni David, hindi na magpupuno pa sa Juda.

Jeremias 23

1 Sa aba ng mga pastor na nangagpapahamak at nangagpapangalat sa mga tupa sa aking pastulan! sabi ng Panginoon.

2 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, laban sa mga pastor na nangagpastol ng aking bayan, Inyong pinangalat ang aking kawan, at inyong iniligaw sila, at hindi ninyo sila dinalaw; narito, dadalawin ko sa inyo ang kasamaan ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon.

3 At aking pipisanin ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat na lupain na aking pinagtabuyan sa kanila, at aking dadalhin sila uli sa kanilang mga kulungan; at sila'y magiging palaanak at magsisidami.

4 At ako'y maglalagay ng mga pastor sa kanila na kakandili sa kanila; at hindi na sila matatakot, o manglulupaypay pa, o kukulangin ang sinoman sa kanila, sabi ng Panginoon.

5 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon kay David ng matuwid na Sanga, at siya'y maghahari na gaya ng hari, at gagawang may kapantasan, at magsasagawa ng kahatulan at kaganapan sa lupain.

6 Sa kaniyang mga kaarawan ay maliligtas ang Juda, at ang Israel ay tatahang tiwasay; at ito ang kaniyang pangalan na itatawag sa kaniya, Ang Panginoon ay ating katuwiran.

7 Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na nila sasabihin, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng Egipto;

8 Kundi, Buhay ang Panginoon, na nagahon at pumatnubay sa angkan ng binhi ng Israel mula sa hilagaang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. At sila'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain.

9 Tungkol sa mga propeta. Ang puso ko sa loob ko ay bagbag, lahat kong buto ay nanginginig; ako'y parang langong tao, at parang taong dinaig ng alak, dahil sa Panginoon, at dahil sa kaniyang mga banal na salita.

10 Sapagka't ang lupain ay puno ng mga mangangalunya; sapagka't dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain; ang mga pastulan sa ilang ay natuyo. At ang kanilang lakad ay masama, at ang kanilang lakas ay hindi matuwid.

11 Sapagka't ang propeta ay gayon din ang saserdote ay marumi; oo, sa aking bahay ay nasumpungan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.

12 Kaya't ang kanilang daan ay magiging sa kanila'y parang mga madulas na dako sa kadiliman: sila'y isusudlong, at mangabubuwal doon; sapagka't ako'y magpaparating ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga'y sa taon ng pagdalaw sa kanila, sabi ng Panginoon.

13 At nakita ko ang kamangmangan sa mga propeta ng Samaria; sila'y nanganghuhula sa pamamagitan ni Baal, at inililigaw ang aking bayang Israel.

14 Sa mga propeta ng Jerusalem naman ay nakita ko ang kakilakilabot na bagay: sila'y nangangalunya, at nagsisilakad sa mga kasinungalingan; at kanilang pinalalakas ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan, na anopa't walang humihiwalay sa kaniyang kasamaan: silang lahat ay naging parang Sodoma sa akin, at ang mga nananahan dito ay parang Gomorra.

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta, Narito, aking pakakanin sila ng ajenjo, at paiinumin ko sila ng inuming mapait, sapagka't mula sa mga propeta ng Jerusalem ay lumabas ang pagdudumi sa buong lupain.

16 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Huwag ninyong dinggin ang mga salita ng mga propeta na nanganghuhula sa inyo: sila'y nangagtuturo sa inyo ng walang kabuluhan; sila'y nangagsasalita ng pangitain ng kanilang sariling puso, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.

17 Kanilang sinasabing lagi sa kanila na nagsisihamak sa akin, Sabi ng Panginoon, Kayo'y mangagkakaroon ng kapayapaan; at sa bawa't isa na lumalakad sa katigasan ng kaniyang sariling puso ay sinasabi nila, Walang kasamaang darating sa inyo.

18 Sapagka't sinong tumayo sa payo ng Panginoon, upang makamalas at makarinig ng kaniyang salita? sinong nakinig ng aking salita, at nakarinig?

19 Narito, ang bagyo ng Panginoon, ang kaniyang kapusukan, ay lumabas, oo, ipoipong bagyo: babagsak sa ulo ng masama.

20 Ang galit ng Panginoon ay hindi mapaparam, hanggang sa kaniyang magawa, at hanggang sa kaniyang maisagawa ang haka ng kaniyang puso: sa mga huling araw ay lubos ninyong mauunawa.

21 Hindi ko sinugo ang mga propetang ito, gayon ma'y nagsitakbo sila: ako'y hindi nagsalita sa kanila, gayon ma'y nanghula sila.

22 Nguni't kung sila'y nanayo sana sa aking payo, kanila ngang naiparinig ang aking mga salita sa aking bayan, at kanilang naihiwalay sa kanilang masamang lakad, at sa kasamaan ng kanilang mga gawa.

23 Ako baga'y Dios lamang sa malapit, sabi ng Panginoon, at hindi Dios sa malayo?

24 May makapagkukubli bagang sinoman sa mga lihim na dako na hindi ko makikita siya? sabi ng Panginoon, Hindi baga pinupuno ko ang langit at ang lupa? sabi ng Panginoon.

25 Aking narinig kung ano ang sinabi ng mga propeta, na nanganghuhula ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nangagsasabi, Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip.

26 Hanggang kailan masusumpungan ito sa puso ng mga propeta na nanganghuhula ng mga kasinungalingan; sa makatuwid baga'y ng mga propeta na nanganghuhula ng daya ng kanilang sariling puso?

27 Na nagaakalang magpalimot sa aking bayan ng aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasaysay ng bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, gaya ng kanilang mga magulang na nakalimot ng aking pangalan dahil kay Baal.

28 Ang propeta na nanaginip, ay magsaysay siya ng isang panaginip; at siyang nagtamo ng aking salita, salitain niya ang aking salita na may pagtatapat. Ano ang dayami sa trigo? sabi ng Panginoon.

29 Hindi baga ang aking salita ay parang apoy? sabi ng Panginoon; at parang pamukpok na dumudurog ng bato?

30 Kaya't narito, ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na ninanakaw ng bawa't isa ang aking mga salita sa kaniyang kapuwa.

31 Narito, ako'y laban sa mga propeta, sabi ng Panginoon, na nagsisipagsalita, at nangagsasabi, Kaniyang sinasabi.

32 Narito, ako'y laban sa kanila na nanghuhula ng mga sinungaling na panaginip, sabi ng Panginoon, at sinasaysay, at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan, at sa pamamagitan ng kanilang walang kabuluhang kahambugan: gayon man ay hindi ko sinugo sila, o inutusan ko man sila; at hindi man pinakikinabangan nila ang bayang ito sa anomang paraan, sabi ng Panginoon.

33 At pagka ang bayang ito, o ang propeta, o ang saserdote ay magtatanong sa iyo, na magsasabi, Ano ang hula na mula sa Panginoon? iyo ngang sasabihin sa kanila, Anong hula! Aking itatakuwil kayo, sabi ng Panginoon.

34 At tungkol sa propeta, at sa saserdote, at sa bayan, na magsasabi, Ang hula na mula sa Panginoon, ay akin ngang parurusahan ang lalaking yaon at ang kaniyang sangbahayan.

35 Ganito ang sasabihin ng bawa't isa sa inyo sa kaniyang kapuwa, at ng bawa't isa sa kaniyang kapatid, Ano ang isinagot ng Panginoon? at, Ano ang sinalita ng Panginoon?

36 At ang hula na mula sa Panginoon ay hindi na ninyo babanggitin pa: sapagka't bawa't sariling salita ng tao ay magiging kaniyang hula; sapagka't inyong binago ang mga salita ng buhay na Dios, ng Panginoon ng mga hukbo na ating Dios.

37 Ganito ang iyong sasabihin sa propeta, Ano ang isinagot sa iyo ng Panginoon? at, Ano ang sinalita ng Panginoon?

38 Nguni't kung inyong sabihin, Ang hula na mula sa Panginoon; ganito nga ang sabi ng Panginoon: Sapagka't inyong sinasabi ang salitang ito, Ang hula na mula sa Panginoon, at ako'y nagsugo sa inyo, na sinabi ko, Huwag ninyong sasabihin, Ang hula na mula sa Panginoon;

39 Kaya't, narito, aking lubos na kalilimutan kayo, at aking itatakuwil kayo, at ang bayang ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, mula sa aking harapan:

40 At ako'y magpaparating ng walang hanggang kakutyaan sa inyo, at walang hanggang kahihiyan, na hindi malilimutan.

Jeremias 24

1 Ang Panginoon ay nagpakita sa akin, at, narito, dalawang bakol na igos ay nakalagay sa harap ng templo ng Panginoon, pagkatapos na madalang bihag ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia si Jechonias na anak ni Joacim, hari sa Juda, at ang mga prinsipe sa Juda, na kasama ng mga manggagawa at ng mga mangbabakal, mula sa Jerusalem, at mangadala sila sa Babilonia.

2 Ang isang bakol ay may totoong mga mabuting igos, na parang mga igos na mga unang hinog; at ang isang bakol ay may totoong masamang mga igos, na hindi makain, nangapakasama.

3 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Anong iyong nakikita, Jeremias? At aking sinabi, Mga igos; ang mga mabuting igos, totoong mabuti; at ang masasama, totoong masama na hindi makakain, dahil sa nangapakasama.

4 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsabi,

5 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Kung paano ang mga mabuting igos na ito, gayon ko kikilalanin ang mga bihag ng Juda, na aking pinayaon mula sa dakong ito na patungo sa lupain ng mga Caldeo, sa ikabubuti.

6 Sapagka't aking itititig ang aking mga mata sa kanila sa ikabubuti, at aking dadalhin sila uli sa lupaing ito: at aking itatayo sila, at hindi ko itutulak sila; at aking itatatag sila, at hindi ko paaalisin.

7 At aking bibigyan sila ng puso upang makilala ako, na ako ang Panginoon: at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Dios; sapagka't sila'y manunumbalik sa akin ng kanilang buong puso.

8 At kung paanong ang masasamang igos, na hindi makakain, dahil sa nangapakasama, tunay na ganito ang sabi ng Panginoon, Sa gayo'y pababayaan ko si Sedechias na hari sa Juda, at ang kaniyang mga prinsipe, at ang nalabi sa Jerusalem, na naiwan sa lupaing ito, at ang nagsisitahan sa lupain ng Egipto.

9 Akin silang pababayaan upang mapahapay na paroo't parito sa gitna ng lahat na kaharian sa lupa sa ikasasama; upang maging kakutyaan at kawikaan, kabiruan at sumpa, sa lahat ng dakong aking pagtatabuyan sa kanila.

10 At aking pararatingin ang tabak, ang kagutom, at ang salot, sa gitna nila, hanggang sa sila'y mangalipol sa lupain na ibinigay ko sa kanila at sa kanilang mga magulang.